Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 18, 2011

Frederick Engels on Global Warming


Natural, hindi na inabot ni Engels ang mainit na usapin ng climate change. Pero may nahalungkat akong isang di tapos na artikulo niya na para bang tumatalakay dito. Isang kakatwang bagay dahil ang pangyayari ngayon sa klima na nagkakandarapang ipaliwanag ng maraming burges na intelektwal, mga tagapagtanggol ng inaagnas nang kapitalistang sistema, ay matagal nang naipaliwanag, bagamat pahapyaw lamang, ni Engels mahigit isang siglo na ang nakakaraan sa pamamagitan ng pag-aaral sa kasaysayan ng mga lipunan ng tao.

Sa sanaysay niyang “The Part Played by Labor in the Transition from Ape to Man,” tinalakay niya sa maikling paraan, syempre pa, ang transisyon ng bakulaw tungong tao at ang papel ng paggawa dito. Pero sa proseso ng pagpapaliwanag, tinalakay niya rin ang proseso ng produksyon ng tao at ang epekto nito sa kalikasan na kung susuriing mabuti ay malinaw na makikita sa kasalukuyang moda ng produksyong namamayani sa buong daigdig. Ito muna ang ating tingnan at iwan muna ang mas pangunahing paksa ng sanaysay (na siguradong aalmahan ng maraming relihiyosong hindi naniniwala o hindi nakakaintindi sa ebolusyon).

Ayon kay Engels, binabago ng mga hayup ang eksternal na kalikasan sa pamamagitan ng mga aktibidad nila, tulad din ng tao, at ang mga pagbabagong ito sa kapaligiran ay nakakaapekto rin sa may-gawa. Sapagkat, dagdag ni Engels, walang nangyayari sa kalikasanan nang hiwalay at nag-iisa. Inihalimbawa niya ang mga kambing sa Greece na pumigil sa muling pagtubo ng gubat doon, ang mga kambing at baboy sa St. Helena na halos umubos sa dating mga halaman doon para hawanin ang lupa para sa mga halamang dadalhin ng mga susunod na manlalakbay at kolonyalista. Ang pagkakaiba lamang sa hayup at tao, ginagawa ito ng hayup nang di sinasadya habang ginagawa ito ng tao nang planado at may partikular na layunin. Sinisira ng mga hayup ang mga halaman nang hindi nalalaman ang ginagawa nila. Samanatalang ang tao, hinahawan niya ito para magtanim ng mga halaman na alam niyang magdudulot ng mas maraming ani kaysa itinanim.

Sa madaling sabi, saad ni Engels, “simpleng ginagamit lamang ng hayup ang eksternal na kalikasan at nagdudulot ng mga pagbabago dito dahil sa simpleng presensya niya; ang tao, sa pamamagitan ng mga pagbago niya, ay pinagsisilbi ang kalikasan sa kanyang mga layunin, nagiging panginoon nito.”

Pero bawi ni Engels, hindi pa tayo dapat magbunyi sa tagumpay na ito ng tao laban sa kalikasan. Dahil sa bawat tagumpay ay may hatid na ganti. Sa unang pagkakataon, nakakamit natin ang inaasahang bunga, ngunit sa pangalawa at pangatlo, nagkakaroon na ng di inaasahan at nakikinitang mga resulta na ganap nang kabaliktaran na bumabalewala na sa una.

Mga halimbawa ni Engels dito ang mga tao sa Mesopotamia, Greece, Asia Minor at iba pa na kumalbo sa mga kagubatan para maghawan ng mapagtatamnang lupa, di alintana na idinudulot nila ang pagkatigang ng mga lugar na ito, at ang pag-ubos ng mga Italyano sa mga pino sa katimugang dalisdis ng Alps na hindi iniisip na matutuyot ang mga balon doon sa mahabang bahagi ng taon habang buong buhos naman ang baha sa panahon ng tag-ulan. Hindi alam ng mga nagdala ng patatas sa Europa na kasabay nilang dinala sa kontinente ang scrofula. Parang ganito rin ang makikita sa Benguet ngayon. Sa pagbungkal ng ginto sa lugar, lumalim na nang lumalim ang mga balon ng tubig sa ilalim ng lupa kaya natutuyot na ang mga palayan.

Pero kung inabot ng ilang libong taon ng paggawa bago natin naunawaan ang mas malayong epektong pangkalikasan, mas mahirap pang makita ang epektong panlipunan. Saad ni Engels, kung ang pagpasok ng patatas ay pumasok din ang scrofula; pero ano ito kumpara sa epekto ng pagsadlak sa mga manggagawa sa karalitaan na patatas na lamang ang kinakain nila sa kundisyon ng pamumuhay ng mga masa sa buu-buong bansa (malamang ganito rin ang mangyari sa Pilipinas na puro instant noodles na lang ang kinakain). Nang nadiskubre ni Colombus ang Amerika, binuksan niya rin muli ang kalakalan ng mga alipin na matagal nang huminto noon sa Europa. At pinakamalaking epekto, ayon kay Engels, ay ang pagkakaimbento ng steam-engine na nagrebolusyonisa sa mga panlipunang kalagayan sa buong daigdig.

Katulad din ng mga operasyon ng minasan. Sa pagkakapatag ng buu-buong bundok, libu-libong pamilya ang napapalayas sa kanilang mga lupa at inaalisan ng pangunahing kasangkapan nila sa produksyon, nasasadlak sa gayon sa kalagayan ng manggagawa.

Pero dito, unti-unti na rin tayong natututo, ani Engels, sa pamamagitan ng mahaba at mapait na karanasan at sa pamamagitan ng pagkolekta at pagsuri sa mga istorikal na materyales para mas matanaw ang mas malalayong epektong panlipunan ng mga aktibidad ng tao sa produksyon.

Ang lahat ng umiral na moda ng produksyon ay nagtuon lamang sa kagyat at direktang gamit ng paggawa, saad ni Engels. Habang ang mas malayong epekto ay ganap na binabalewala. Ganito ang makikita sa kasalukuyang sistemang kapitalista. Nakatuon lamang ang bawat kapitalista sa kagyat na benepisyo ng produksyon ng paggawaan niya, iyon ay ang tubong mapipiga niya. Ano naman ang pakialam niya sa idudulot na polusyon ng pabrika niya na peperwisyo sa kalusugan ng mga susunod pang henerasyon? At lalo namang wala siyang pakialam sa buhay ng mga manggagawa niya na nasasadlak sa karalitaan, hanggat kaya nitong magtrabaho para sa kanya; kung hindi na nito kaya, marami namang nakapila para pumalit sa pwesto nito.

At mas tumindi pa ang kalagayang ito sa paglitaw ng imperyalismo, ng mga monopolyo kapitalista. Idagdag pa dito ang kasalukuyang patakarang “globalisasyon ng malayang pamilihan” na buong lawak na nagbukas sa pinto ng mga kolonya at malakolonya para sa labis na mapangwasak na operasyon, kapwa sa kalikasan at sa lipunan, ng mga dambuhalang kumpanya.

Hindi na natapos ni Engels ang artikulong ito. Pero sa bandang dulo, napahapyawan na niya ang solusyon sa problemang ito.

Araw-araw, sa pag-unlad ng kaalaman ng tao sa produksyon, mas naiintindihan na natin ang mga mas malayuang epektong ito at nagagawan ng paraan para kontrolin ang mga ito. Pero para magawa ang kontrol na ito, saad ni Engels, “ay kinakailangan ng higit sa simpleng kaalaman lamang. Kinakailangan nito ng isang ganap na rebolusyon sa ating umiiral na moda ng produksyon at, kasama nito, sa ating kasalukuyang panlipunang kaayusan.”

Kaya anumang pagbaha ng kaalaman ng mga syentista kaugnay ng mga kaganapan ngayon sa klima ay mauuwi lamang sa pagngangawa hanggat nananatili ang kasalukuyang imperyalistang sistema na nagdudulot ng lahat ng mapangwasak na epektong pangkalikasan at, higit pa, epektong panlipunan.


Responses

  1. Dito na ako magkokomento. Una, natawa ako sa “hayup.” Parang masyadong madiin ang pagkakasabi, para nang mura. Hehe.

    Ikalawa, nakakatuwa ngang may mga hakbangin na si Engels ng pag-unawa ng usaping ito sa kanyang panahon. Iyun naman talaga ang gusto nilang imbestigahan ni Marx, ang kontradiksyon ng tao at kalikasan.

    Ikatlo, gusto ko lang i-clinch ang isang kongklusyong bumubungad sa mga nasabi mo: na ang kalubusan ng pagkatao natin, at ang pagkakaiba natin sa hayop, ay ang pagpaplano natin, ang mulat nating pagtanaw sa magiging epekto ng ating mga hakbangin sa matagalan.

    Dito natin itutuntong ang usapin na kailangang tayong mga tao ang magplano ng tatakbuhin ng lipunan at kalikasan sa hinaharap. Hindi ang mga naghaharing uri dahil hindi nila kinakatawan ang kabuuan natin.

    Salamat sa pagpapabasa! Ili-link ko ito. Ingatz.

    • sa una, parang nasanay lang kasi akong basahin ang hayup kaysa hayop. iyun lang ang hirap, kasi parang hindi nagiging teknikal na termino, hindi tulad ng animal sa Ingles.

      sa pangalawa, oo nga. gustung-gusto ko nga iyung Origin ni Engels, lalo na iyung sinasabi niyang ganap na paglaya ng tao.

      sa ikatlo, actually, paggawa ang batayang tinutukoy ni Engels kung bakit tayo naiba sa hayup o bakit nag-iba ng landas ng ebolusyon ang mga ninuno ng tao mula sa ibang hayup na kasabayan nila. doon na nagresulta ang iba pang pag-unlad at patuloy na paghiwalay ng tao: kasangkapan sa produksyon, lenggwahe, lipunan, atbp. mas kinuha ko lang ang pagplano sa paggamit sa kalikasan para sa paksa ng climate change.

      pero tama naman ang kongklusyon mo, mangyayari lang ang pagpaplanong iyon sa susunod na mas maunlad na sistema ng lipunan.

  2. […] Ana Tolentino, M. J. Rafal at Katrina Angela Castro. Tungkol kay Engels at kalikasan, mula kay Diwa Dimagiba. By kapirasongkritika, on January 20, 2011 at 12:21 am, under Noynoy Aquino. Tags: […]

  3. […] Si Engels Kaugnay ng Climate Change Natural, hindi na inabot ni Engels ang mainit na usapin ng climate change. Pero may nahalungkat akong isang di tapos na […] […]

  4. salamat sa kanyang blog at nagamit ko ito ssa aking pananaliksik


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: