Ipinaskil ni: diwa81 | Hunyo 27, 2010

Sex Education


Sa nangyayaring palitan ng mga argumento ng DepEd at simbahan tungkol sa balak na sex education o gender education o ano pa man ang gustong itawag dito, ang naiipit ay ang mga bata.
Lumalabas na naman ang di makatwirang pagkakonserbatibo ng simbahan hinggil sa usapin. Mabanggit pa lang ata ang salitang sex, nagpipintig na ang mga tenga ng mga pari. Mabuti sana kung napakabanal talaga ng mga nakaobito na walang mapupuna sa kanila, pero hindi naman na bago ang mga balita ng mga paring nagkakaasawa, nagkakaanak, nanggagahasa, nangmomolestiya ng bata, at iba pa. Oo, hindi naman ibig sabihin nito na hindi na nila dapat gampanan ang sinasabing tungkulin nila ng pagtatanggol sa moralidad batay sa paniniwala ng simbahan. Pero ang hindi ko maintindihan ay ang labis na antagonistikong reaksyon nila sa usapin na parang nagkakasala na kaagad ang DepEd sa mismong paghahayag pa lang ng usapin. Isa pa, lahat naman ay may karapatang magpahayag ng opinyon, kabilang na rito ang simbahan bilang mga mamamayan din ng bansa, pero dito na pumapasok ang napakalinaw na probisyon ng konstitusyon na naghihiwalay sa simbahan at estado. Ibig sabihin, hindi na dapat ginagamit ng mga pari ang simbahan para idikta ang mga gusto o ayaw nila sa pamamalakad sa gubyerno. Maaari lamang nilang ipanawagan pero hindi nila pwedeng gamitin ang kapangyarihan ng simbahan para ipitin ang gubyerno.
Sa DepEd naman, bagamat maganda sana ang layunin, lumalabas din ang kakulangan nila sa nilalaman at paraan ng pagtuturo ng sex education sa mga bata, kabilang na ang edad kung kailan dapat ituro ito.
Walang kwestyon na dapat ituro nga ito sa mga bata nang hindi inaalis ang obligasyon ng mga magulang mismo na ituro rin ito sa kanilang mga anak. Ang usapin dito ay ang mga teknikal na usapin ng mga parte ng katawan ng tao na dapat malaman ng mga bata, laluna sa partikular na edad kung kailan nagkakaroon ng maraming pagbabago sa pagdaan sa pagkabinata o dalaga. Sa tingin ko, nagiging ipokrito at di praktikal ang simbahan sa pagtutol nito dito. Unang-una, wala silang ibinibigay na ibang solusyon sa problema ng paglaganap ng dekadenteng kultura na nakukuha natin sa kapapanood ng mga palabas mula sa ibang bansa, laluna sa paboritong-paborito nating bansa na US. Pangalawa, kahit ang dating paraan ng simbahan, ang pangangaral linggu-linggo, araw-araw pa nga, ay matagal nang napatunayang hindi sapat para makatulong sa problema. Dapat unawain ng mga pari na hindi na sila ang pinakamalaki o natatanging awtoridad pagdating sa paghubog ng ulo ng mga tao. Noon pang pagbagsak ng pananakop ng Espanya dito nagsimulang gumuho ang awtoridad na ito. Ngayon, telebisyon na ang mas relihiyosong sinusunod ng maraming tao, mula pagkabata hanggang pagtanda, mula umaga hanggang gabi.
Pero ang usaping ito ay hindi lang usapin kung maglalagay ba ng sex education o hindi sa kurikulum sa paaralan. Dahil ang mas malaki pa ring usapin na dapat munang asikasuhin ay ang edukasyon mismo. Napakaraming bata ang hindi nakakapag-aral. Siksikan ang mga estudyante sa mga nabubulok nang silid-aralan. Naghahati-hati pa sa mga gula-gulanit na libro. At kahit pumasok sa eskwela, kaunti na lang ang natutunan ng mga bata dahil sa mababang kalidad ng edukasyong naibibigay ng mga guro, hindi magandang atmospera, at marami pang ibang problema ng pamilya.
Kaya bago natin pagtalunan kung maganda ba o hindi ang sex education, pag-usapan muna natin kung paano ba mabibigay ang napakapundamental na karapatan ng lahat, ang edukasyon mismo.


Responses

  1. tama
    dapat nating ituro upang malaman ng mga kabataan kung ano ang kahihinatnan sa mga bagay bagay na gagawin pag hindi pa ito handa

    • oo nga dapat lamang unahin yung kalagayan ngayon ng edukasyon bago magdadag ng panibagong kurikulum .

  2. sana ay mapag aralan rin kung sa paanong paraan ituturo ang sex education dahil hindi lahat ng estudyante ay open-minded. kilala ang mga Pilipino sa pagiging konserbatibo. kahit ako ay naiilang sa ganitong usapin. hindi ako sanay na napag uusapan ito in public. mas sanay ako na pag usapan kapag magulang ang nagtuturo. sa tingin ko rin ay hindi lang dapat estudyante ang turuan. dapat pati magulang. kailangang turuan sila kung paano nila matuturuan ang kanilang mga anak tungkol sa ganitong bagay.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: