Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 22, 2013

Tubbataha

Americans: Recommend you divert your course 15 degrees to the
North to avoid a collision.

Canadians: Negative. You will have to divert your course 15
degrees to the South to avoid a collision.

Americans: This is the Captain of a US Navy ship. I say again,
divert YOUR course.

Canadians: No, I say again, you divert YOUR course.

Americans: THIS IS THE AIRCRAFT CARRIER USS LINCOLN, THE SECOND
LARGEST SHIP IN THE UNITED STATES’ ATLANTIC FLEET. WE ARE
ACCOMPANIED BY THREE DESTROYERS, THREE CRUISERS AND NUMEROUS
SUPPORT VESSELS. I DEMAND THAT YOU CHANGE YOUR COURSE 15 DEGREES
NORTH–I SAY AGAIN, THAT’S ONE FIVE DEGREES NORTH–OR
COUNTER-MEASURES WILL BE UNDERTAKEN TO ENSURE THE SAFETY OF THIS
SHIP.

Canadians: This is a lighthouse. Your call.

This is based on an actual radio conversation between a U.S. Navy
aircraft carrier (U.S.S. Abraham Lincoln) and Canadian authorities
off the coast of Newfoundland in October, 1995. (The radio
conversation was released by the Chief of Naval Operations on
10/10/95 authorized by the Freedom of Information Act.)
Canadians: Please divert your course 15 degrees to the South to
avoid collision.

Noong una, duda pa ako kung totoo nga ang palitang ito. Pero matapos ang Tubbataha…

Ano rin kaya ang naging palitan ng mga kano at pinoy sa Tubbataha?

Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 20, 2013

INDIO!

Hindi ko alam kung bakit walang nagpoprotesta, lalo na ang NHI, laban sa Indio, ang pinakabagong teleserye ng GMA.

Napakarami, umano, ang pumupuri. Patunay ang mga “testimonials” sa mga social network. Pero hindi na ako magtataka kung meron ngang mawili sa Indio, para sa mga manonood na buong-buhay na sinusubuan ng walang katuturan entertainment para lang malibang at mapalipas ang bawat araw ng kanilang miserableng buhay.

Ginawa na nila ito sa Amaya. Isang bida na nabubuhay noong unang panahon sa “kasaysayan” ng Pilipinas. Sa isang banda, maganda sana ang pagpapasilip ng palabas kung ano ang kalagayan ng kultura, ekonomya at pulitika noong panahon na iyon, bago dumating ang mga Español.

Pero mula rito, dinagdagan na nila ng kulay ang kwento sa pamamagitan ng pagbalot sa katauhan ng bida sa mundo ng pantasya, ang kakambal na ahas, maraming buhay, atbp.

Nakalulunos, mukhang hindi lang nila inulit ito sa Indio, kundi mas malala pa.

Nakabatay ang kwento sa panahon ng mismong pagdating ng mga mananakop na Español at paglaban ng mga unang katutubo sa arkipelago. Nagbukas pa ang palabas sa paglalarawan sa kalagayan ng mga pamayanan ng mga katutubo bilang mapayapang pagsasalamuha ng mga tao at diwata na binulabog ng mga dayuhang mananakop. At ang buong katauhan ng bida, si Indio, ay haluan ng tao at diwata. Ang ama niya ay tao ngunit ang ina ay isang diwata na pinili lamang na tuluyan nang makasalamuha ang tao bilang isang tao rin. Kaya ang bida ay may taglay na pambihirang lakas at bilis.

Mahilig na rin lang gumaya ang GMA sa mga paborito nitong ipalabas na Koreanobela, ay hindi pa nito nilubos-lubos ang panggagaya. Maraming palabas sa Koreanobela ang may magandang tema, mga kwentong nakahalaw sa isang partikular na panahon at partikular na personahe na may malaking ginampanang papel sa paghubog sa kasaysayan ng Korea.

Bagamat may negatibong pangunahing layunin ang mga palabas, ang ibida ang South Korea: ang pagiging tagapagbandera ng kapitalismo (Emperor of the Sea), pagpapalaki sa papel ng iisang indibidwal at pagpapaliit sa papel ng masa sa paghubog sa kasaysayan; kahit papaano, may mapupulot pa ring aral: ang kalagayan ng ekonomya, tunggalian sa pulitika at militar, pati ang kultura ng partikular na panahon sa kwento, at mga mahahalagang kaganapan sa kasaysayan, sa pagkakabuo ng bansang Korea.

At kainaman lang sa mga palabas na ito (ilan lang ang alam ko at napanood ko, Jumong, Emperor of the Sea, Admiral, etc), hindi nababalot sa pantasya ang kwento. Mga normal lang na tao ang mga karakter, bagamat karamihan ay may pambihirang husay ang bida sa martial arts. Syempre, para maging maaksyon. Pero hindi pambihirang lakas na nakakatayo na at nakakabuhat ng mabigat na kampilan kahit noong sanggol pa, o nakakabuhat ng malaking bato noong bata pa lang.

Isa pang layon ng mga palabas sa Korea ang hulmahin ang pagpapahalaga sa bansa, na siya ring ibinibida ng GMA ngayon. Ang ikarangal ang pagiging Pilipino. Pero sinong matutuwa kung ang isinusubo sa kanilang kasaysayan ay isang pantasya lang pala. At ang ating mga ninuno ay na lumaban sa mga mananakop ay mga diwata. Sa madaling sabi, pawang kathang-isip lamang.

Napakakulay ng kasaysayan ng Pilipinas, lalo na noong panahon ng pananakop ng Espanya. Maalab ang naging paglaban ng mga baranggay na mas piniling ipagtanggol ang kanilang mga pamayanan. At napakakontrobersyal din ng mga tunggalian sa pulitika at militar sa pagitan ng mga magkakalabang barangay, bagay na ginamit ng mga mananakop para isakatuparan ang misyon nila. Mga sangkap na hinahanap ng mga produser ngayon para ilako sa mga manonood at mapagkakakitaan ng malaki. Hindi naman na nila kailangan pang mag-imbento ng kasaysayan ng Pilipinas.

Para sa isang bansang napakababaw ng pagkakaalam at pagkakaunawa sa sariling kasaysayan, ang mga palabas na katulad ng Indio ay hindi lamang hindi nakakatulong, kundi maaaring makasama pa sa paghubog sa kamalayan ng mga Pilipino.

Ikarangal ang pagiging Pilipino!

Ipinaskil ni: diwa81 | Pebrero 12, 2011

Nagpapakamatay din pala ang mga Anghel

Pero ang isang ito ay hindi talaga anghel, kundi sa pangalan lang.

Isa ang malinaw para sa akin, na hindi totoo ang sinasabi ng isang opisyal ng AFP na ginawa ni Angelo Reyes ang pagkitil sa sariling buhay para linisin ang pangalan ng AFP mula sa mga iskandalong ibinabato dito. Kung para linisin ang pangalan ng AFP mula sa mga korapsyon at katiwalian, baka ilang opisyal lang ang matira dito kung kailangang magpakamatay ang mga may bahid ng dungis ang kamay.

Malayo rin ang ginawa ni Reyes na pagpapakamatay sa kultura ng mga Hapones ng pagpapakamatay. Una, batay sa mga kwento ng kaanak at kaibigan, nagawa ni Reyes iyon dahil sa labis na pagkabalisa sa nangyayaring imbestigasyon sa Senado, laluna ang imbestigahan at ipahiya ng isang di hamak na nakakabatang opisyal din dati ng AFP na si Trillanes. Pangalawa, wala namang malinaw na pahayag si Reyes na ginawa niya iyon para mabawi ang dangal ng pangalan niya sa pamamagitan ng pagpapakamatay. Kung ganito ang gusto niya, noon pa sana siya nagpakamatay, noong panahon ng administrasyong Arroyo kung kailan ganap nang nasira ang pangalan niya.

Ang isang maihahambing lang siguro dito sa kultura ng pagpapakamatay ng mga Hapones ay ang naging epekto nito. samantalang noong mga nakaraang linggo lang, halos durug-durugin sa mga balita si Reyes dahil sa sunud-sunod na pagbubunyag ng katiwalian sa AFP na direktang kinasasangkutan niya, ngayon, biglang nabaligtad ang kwento. Ang ibinabalita na ngayon ay ang buhay ni Reyes, ang pakikiramay sa nangyari sa kanya, kung sino ang may kasalanan sa nangyari. Ewan ko ba sa ating mga Pilipino, kapag namamatay ang isang tao, puro kabutihan lang ang nakikita natin sa namatay; biglang parang nabubura ang lahat ng iba pang ginawa ng tao. Sa kaso ni Reyes, bigla nang nakalimutan na iniimbistigahan siya sa pagtanggap ng P50M bilang pabaon sa pagreretiro.

Parang noong namatay si Francis M. Hindi na siya gaanong kilala ng mga bata bago siya mamatay. Pero nang mamatay siya, puro mga kanta niya ulit ang kinakanta ng mga pamangkin ko kahit hindi naman na nila kilala si Francis. At sino ba ang makakalimot noong namatay si Rico Yan, kahit pilit ko mang kalimutan na isang linggong puro tungkol sa kanya ang palabas sa telebisyon noon.

Ang totoo, para sa akin, magaling ang ginawa ni Reyes. Kung meron mang nilinis si Reyes sa pagpapakamatay niya, iyon ay ang pangalan niya. Bagamat walang naging pag-amin sa bahagi niya (na sayang, dapat sana isiniwalat na niya ang lahat ng alam niya bago siya nagpakamatay para malaman kung sino talaga ang mga nasalikod ng iskandalong ito) at hindi rin naman patunay ng pagkakaroon ng kasalanan sa mga paratang ang ginawa ni Reyes, para na rin nabasura ang kaso dahil wala nang batayan ito. Hindi ko inaasahan na si Reyes pa ang magkakaroon ng lakas ng loob na gawin ang ganito, mula sa mga makakapal ang mukhang opisyal ng administrasyong Arroyo.

Pero ang pagkakalinis ng pangalan ni Reyes sa ginawa niya ay hindi pwedeng angkinin ng AFP. Sa pagkamatay ni Reyes, namatay na rin ang kasong ibinabato laban sa kanya. Pero sa mga nabunyag sa mga imbestigasyon sa Kongreso, hindi lang naman si Reyes ang sangkot sa mga anomalya sa AFP at labas pa dito. Sa katunayan, ang terminong ginamit dito ng isang mayor na testigo na si Heidi Mendoza ay ang kultura ng katiwalian sa AFP, na siyang gustong palalimin ng Kongreso. Sa madaling sabi, hindi lang si Reyes ang kurakot sa AFP. Bilyun-bilyong pondo pa ang nananatiling kailangang mahanap kung kaninong bulsa napunta. Ang itinuturong mga opisyal ng AFP na sangkot sa katiwalian noong nakaraang administrasyon ay siya pa rin namang mga opisyal ng AFP ngayon. At hindi malayong nagpapatuloy o magpapatuloy pa rin ang mga katiwaliang ito.

Kahit ang pamilya ni Reyes mismo ay hindi maaaring umangkin sa karangalang ito, gaya ng nakikita kong gustong gawin ng mga anak at asawa ni Reyes. Maiintindihan ko ang kalungkutan ng pamilya  ni Reyes, dahil nawalan sila ng isang mahal sa buhay, anuman ang pagkatao nito. Pero walang karapatan ang pamilya ni Reyes na umastang parang biktima sila dito ng kawalan ng hustisya. Wala namang ibang nagtulak kay Reyes na magpakamatay. Sarili niyang pasya iyon. Hindi rin naman maisisisi sa imbestigasyon sa Senado ang ginawa ni Reyes. Sa laki ng pinag-uusapang pondo dito, hindi talaga maiiwasang may mapahiya; pero kailangan pa ring gawin ito alang-alang sa pambansang interes. At ang pinakamahalagang punto, kasama ang pamilya ni Reyes, partikular ang asawa niya, sa itinuturong may kinalaman din sa “pabaon” sa AFP. Ang asawa ni Reyes ang sinasabing madalas kasama ng asawa ni Garcia sa mga lakad nito sa Amerika.

Kung meron mang aral na dapat mapulot dito ang mga katulad ni Reyes na opisyal ng gubyerno o AFP ay ang pagbawi ng karangalan nila sa pamamagitan ng pagkitil sa sariling buhay. Parang sa Japan o iba pang bansa na nababalitaan natin na nagpapakamatay  na lang, o nagbibitiw man lang sa pwesto, kapag nasasangkot sa isang anomalya, kahit hindi pa man napapatunayan. Ang magiging problema na lamang natin dito kapag naging kultura na rin dito sa Pilipinas ang ganito ay ang pagkaubos ng mga opisyal ng gubyerno.

Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 29, 2011

Porsya, Leksus, at Noynoy

wala naman daw masama sa pagbili ni Noynoy sa Porsche, na nagkakahalaga lang naman ng P4.5M, na SEGUNDA MANO naman, gamit ang sariling pera ni Noynoy. hayaan naman daw nating makapagrelaks ang presidente para makagawa ng mas mahusay na mga desisyon.

kasama kaya sa magandang desisyong iyon ang paggamit naman niya ngayon ng isang Lexus, isa sa mga luxury cars ng Toyota, na bullet-proof pa.

kung noong una, sa Porsche, hindi na naging sensitibo si Noynoy sa kalagayan ng mamamayang Pilipino at pinili pa ring bumili ng isang mamahaling sasakyan, second-hand, third-hand o kahit fourth-hand pa yan, habang sadlak sa kahirapan ang malaking mayorya ng mga Pilipino. Mas malala pa nitong Biyernes. Sakay si Noynoy sa Lexus nang binisita niya ang mga biktima ng pambobomba ng bus noong Martes, na malamang hindi sumasakay ng bus dahil gusto nilang sumakay dito para makapagrelaks at makagawa ng mas mahuhusay na desisyon, kundi dahil iyon lang ang kaya ng bulsa nila.

Ano ba namang klaseng presidente ang ganyan? Ipinagmamalaki pa naman niyang anak siya nina Ninoy at Cory. Anak naman ng demokrasya, o!

Kapag nanood o nakikinig ako ng balita, naiinis ako sa mga katangahan at kagaguhan ng mga myembro ng gabinete ni Noynoy, na kalakhan ata ay kakalse ni Noynoy noon. pero mas naiinis na ako kapag balita naman tungkol kay Noynoy: wala nang pinagkaiba sa showbiz balita. kung hindi tungkol sa mga babae sa buhay ni Noynoy, o kawalan nito(?), tungkol naman sa mamahaling sasakyan o iba pang kapritso ni Noynoy.

wala sanang masama sa gustong palabasin ng mga PR ni Noynoy, na isa lang rin siyang simpleng tao. minsan nga, may paawa epek pa; hindi na raw niya magawa ang mga simpleng bagay gaya noon dahil sa pagiging presidente na niya.

pero para sa akin, pwede mo lang gawin ito kung may nagawa ka nang mabuti para sa bayan, isang katangi-tangi, o kahit man lang kapuri-puri. at hindi kabilang dito ang pagiging anak nina Ninoy at Cory!

pero kung wala ang mga ito, bale wala ang mga papogi points sa media at nagmumukha pang gimik. lumalakas tuloy ang hinala ko na pang-seremonya o dekorasyon lang si Noynoy, habang todo-todo ang larga ng tao o kapangyarihan sa likod ni Noynoy para isulong ang kanilang pansariling interes.

Maganda nga sanang tumahak sa isang tuwid na daan sakay ng isang Porsche o Lexus. pero para sa akin, maganda lang ito, kung lahat nakasakay at walang naglalakad sa gilid sa ilalim ng init ng araw.

Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 18, 2011

Frederick Engels on Global Warming

Natural, hindi na inabot ni Engels ang mainit na usapin ng climate change. Pero may nahalungkat akong isang di tapos na artikulo niya na para bang tumatalakay dito. Isang kakatwang bagay dahil ang pangyayari ngayon sa klima na nagkakandarapang ipaliwanag ng maraming burges na intelektwal, mga tagapagtanggol ng inaagnas nang kapitalistang sistema, ay matagal nang naipaliwanag, bagamat pahapyaw lamang, ni Engels mahigit isang siglo na ang nakakaraan sa pamamagitan ng pag-aaral sa kasaysayan ng mga lipunan ng tao.

Sa sanaysay niyang “The Part Played by Labor in the Transition from Ape to Man,” tinalakay niya sa maikling paraan, syempre pa, ang transisyon ng bakulaw tungong tao at ang papel ng paggawa dito. Pero sa proseso ng pagpapaliwanag, tinalakay niya rin ang proseso ng produksyon ng tao at ang epekto nito sa kalikasan na kung susuriing mabuti ay malinaw na makikita sa kasalukuyang moda ng produksyong namamayani sa buong daigdig. Ito muna ang ating tingnan at iwan muna ang mas pangunahing paksa ng sanaysay (na siguradong aalmahan ng maraming relihiyosong hindi naniniwala o hindi nakakaintindi sa ebolusyon).

Ayon kay Engels, binabago ng mga hayup ang eksternal na kalikasan sa pamamagitan ng mga aktibidad nila, tulad din ng tao, at ang mga pagbabagong ito sa kapaligiran ay nakakaapekto rin sa may-gawa. Sapagkat, dagdag ni Engels, walang nangyayari sa kalikasanan nang hiwalay at nag-iisa. Inihalimbawa niya ang mga kambing sa Greece na pumigil sa muling pagtubo ng gubat doon, ang mga kambing at baboy sa St. Helena na halos umubos sa dating mga halaman doon para hawanin ang lupa para sa mga halamang dadalhin ng mga susunod na manlalakbay at kolonyalista. Ang pagkakaiba lamang sa hayup at tao, ginagawa ito ng hayup nang di sinasadya habang ginagawa ito ng tao nang planado at may partikular na layunin. Sinisira ng mga hayup ang mga halaman nang hindi nalalaman ang ginagawa nila. Samanatalang ang tao, hinahawan niya ito para magtanim ng mga halaman na alam niyang magdudulot ng mas maraming ani kaysa itinanim.

Sa madaling sabi, saad ni Engels, “simpleng ginagamit lamang ng hayup ang eksternal na kalikasan at nagdudulot ng mga pagbabago dito dahil sa simpleng presensya niya; ang tao, sa pamamagitan ng mga pagbago niya, ay pinagsisilbi ang kalikasan sa kanyang mga layunin, nagiging panginoon nito.”

Pero bawi ni Engels, hindi pa tayo dapat magbunyi sa tagumpay na ito ng tao laban sa kalikasan. Dahil sa bawat tagumpay ay may hatid na ganti. Sa unang pagkakataon, nakakamit natin ang inaasahang bunga, ngunit sa pangalawa at pangatlo, nagkakaroon na ng di inaasahan at nakikinitang mga resulta na ganap nang kabaliktaran na bumabalewala na sa una.

Mga halimbawa ni Engels dito ang mga tao sa Mesopotamia, Greece, Asia Minor at iba pa na kumalbo sa mga kagubatan para maghawan ng mapagtatamnang lupa, di alintana na idinudulot nila ang pagkatigang ng mga lugar na ito, at ang pag-ubos ng mga Italyano sa mga pino sa katimugang dalisdis ng Alps na hindi iniisip na matutuyot ang mga balon doon sa mahabang bahagi ng taon habang buong buhos naman ang baha sa panahon ng tag-ulan. Hindi alam ng mga nagdala ng patatas sa Europa na kasabay nilang dinala sa kontinente ang scrofula. Parang ganito rin ang makikita sa Benguet ngayon. Sa pagbungkal ng ginto sa lugar, lumalim na nang lumalim ang mga balon ng tubig sa ilalim ng lupa kaya natutuyot na ang mga palayan.

Pero kung inabot ng ilang libong taon ng paggawa bago natin naunawaan ang mas malayong epektong pangkalikasan, mas mahirap pang makita ang epektong panlipunan. Saad ni Engels, kung ang pagpasok ng patatas ay pumasok din ang scrofula; pero ano ito kumpara sa epekto ng pagsadlak sa mga manggagawa sa karalitaan na patatas na lamang ang kinakain nila sa kundisyon ng pamumuhay ng mga masa sa buu-buong bansa (malamang ganito rin ang mangyari sa Pilipinas na puro instant noodles na lang ang kinakain). Nang nadiskubre ni Colombus ang Amerika, binuksan niya rin muli ang kalakalan ng mga alipin na matagal nang huminto noon sa Europa. At pinakamalaking epekto, ayon kay Engels, ay ang pagkakaimbento ng steam-engine na nagrebolusyonisa sa mga panlipunang kalagayan sa buong daigdig.

Katulad din ng mga operasyon ng minasan. Sa pagkakapatag ng buu-buong bundok, libu-libong pamilya ang napapalayas sa kanilang mga lupa at inaalisan ng pangunahing kasangkapan nila sa produksyon, nasasadlak sa gayon sa kalagayan ng manggagawa.

Pero dito, unti-unti na rin tayong natututo, ani Engels, sa pamamagitan ng mahaba at mapait na karanasan at sa pamamagitan ng pagkolekta at pagsuri sa mga istorikal na materyales para mas matanaw ang mas malalayong epektong panlipunan ng mga aktibidad ng tao sa produksyon.

Ang lahat ng umiral na moda ng produksyon ay nagtuon lamang sa kagyat at direktang gamit ng paggawa, saad ni Engels. Habang ang mas malayong epekto ay ganap na binabalewala. Ganito ang makikita sa kasalukuyang sistemang kapitalista. Nakatuon lamang ang bawat kapitalista sa kagyat na benepisyo ng produksyon ng paggawaan niya, iyon ay ang tubong mapipiga niya. Ano naman ang pakialam niya sa idudulot na polusyon ng pabrika niya na peperwisyo sa kalusugan ng mga susunod pang henerasyon? At lalo namang wala siyang pakialam sa buhay ng mga manggagawa niya na nasasadlak sa karalitaan, hanggat kaya nitong magtrabaho para sa kanya; kung hindi na nito kaya, marami namang nakapila para pumalit sa pwesto nito.

At mas tumindi pa ang kalagayang ito sa paglitaw ng imperyalismo, ng mga monopolyo kapitalista. Idagdag pa dito ang kasalukuyang patakarang “globalisasyon ng malayang pamilihan” na buong lawak na nagbukas sa pinto ng mga kolonya at malakolonya para sa labis na mapangwasak na operasyon, kapwa sa kalikasan at sa lipunan, ng mga dambuhalang kumpanya.

Hindi na natapos ni Engels ang artikulong ito. Pero sa bandang dulo, napahapyawan na niya ang solusyon sa problemang ito.

Araw-araw, sa pag-unlad ng kaalaman ng tao sa produksyon, mas naiintindihan na natin ang mga mas malayuang epektong ito at nagagawan ng paraan para kontrolin ang mga ito. Pero para magawa ang kontrol na ito, saad ni Engels, “ay kinakailangan ng higit sa simpleng kaalaman lamang. Kinakailangan nito ng isang ganap na rebolusyon sa ating umiiral na moda ng produksyon at, kasama nito, sa ating kasalukuyang panlipunang kaayusan.”

Kaya anumang pagbaha ng kaalaman ng mga syentista kaugnay ng mga kaganapan ngayon sa klima ay mauuwi lamang sa pagngangawa hanggat nananatili ang kasalukuyang imperyalistang sistema na nagdudulot ng lahat ng mapangwasak na epektong pangkalikasan at, higit pa, epektong panlipunan.

Ipinaskil ni: diwa81 | Agosto 16, 2010

Government for Sale!

Gubyerno! Bili na kayo ng gubyerno!!!
Iyan na nga ba ang problema. Ginagamit lang ng gubyerno ang kasikatan ni Noynoy para mapagtakpan ang ginagawa nilang kalokohan sa gubyerno.
Pagbabago daw, pero hanggang ngayon, wang-wang lang ang kinaya ni Noynoy. Ginagawa niya ang hindi naman hinihingi ng taumbayan at hindi naman malaking problema ng bansa; samantalang wala naman siyang aksyon sa mga usaping mahalaga sa bansa lalo na sa masang anakpawis. At mas malala pa, itinutuloy lang naman niya ang mga programa ng nakaraang administrasyon o maaaring mas garapalan pa nga ngayon.
Maganda ang ginagawang paghabol sa mga krimen ng nakaraang administrasyon ni Arroyo. Pero nasaan na ang pagbabago na sinasabi? Halimbawa na lang ang pribatisasyon ng mga ari-arian ng gubyerno.
Iyan ang malaking problema sa kahangalan ng grupo ni Noynoy kaugnay ng lagay ng kaban ng bayan. Ang isa diyan, niloloko lang nila ang taumbayan sa pagsasabing walang bagong buwis na ipapatupad, pero meron lang bagong buwis na babayaran ang mga tao dahil sa pagsaklaw ng VAT sa tollways, ang mga manininda at drayber ng iba’t ibang sasakyang pampubliko, at mga maninigarilyo.
Ikalawa, ang lumalala at sunud-sunod na plano ng pagbebenta ng mga ari-arian ng gubyerno. Nauna na dito ang himpilan ng Navy na ipapaupa(!) sa isang pribadong korporasyon. Nagkaroon pa ng lakas ng loob ang pangulo na ihayag ito sa mismong SONA niya. Kaya ngayon, ang Navy nakahimpil sa Kampo Aguinaldo na, ilang kilometro ang layo sa dagat. Sumunod ang planong pagbili ni Atong Ang sa Pagcor, at ang mga planong isaprobado na rin ang NFA, ngayon ang IBC 13 at RPN 9.
Sigurado, ang idadahilan na naman, “kasi nalulugi lang ang gubyerno,” liban lang siguro sa Pagcor. Pero ang totoo, ginagamit lang nila itong palusot para sa talagang layunin nila: walang pera ang gubyerno.
Nalulugi ang mga korporasyon at ahensyang ito? Oo. Pero dahilan na ba iyon para ibenta ang mga ito at talikuran ang mga responsibilidad ng gubyerno sa mamamayan niya? At mas mahalagang tanong na una dapat sinasagot, bakit ba nalulugi?
Halimbawa na lang ang Petron. Pagkapasa ng Oil Deregulation, ibinenta ng gubyerno ang mga mga shares nito sa kumpanya dahil nalulugi lang daw. Ilang panahon lang ang nakaraan, taun-taon nang nasa unahan ang Petron sa mga kumpanyang pinakamalaki ang kinikita.
Bakit noong nasa gubyerno pa, nalulugi, pero noong pribado na tubong-lugaw? Mismanagement! Sa madaling sabi, kurapsyon!
Ngayon, ang solusyon ba dito ay ibenta na lang nang tuluyan ang isang korporasyon o ahensya ng gubyerno?
Balik tayo sa ating halimbawa. Paano malulugi sa isang industriya na araw-araw kinakailangan ng halos lahat ng sektor ng lipunan, mula sa malalaking korporasyon hanggang sa mga ordinaryong mamamayan? Kung mali ang pamamalakad ng mga administrador na inilagay dito, dapat imbestigahan at patawan ng mga disiplinang aksyon dahil sa kapalpakan. Sampahan pa ng kaso kung may kriminal na pananagutan, tulad ng paglustay ng pondo ng gubyerno. Pagkatapos, palitan ng mga taong matitino at hindi magpapayaman lamang para gumanda ang takbo ng korporasyon at maaaring kumita pa ang gubyerno, bukod pa sa mas mahalagang layunin ng paghahatid ng serbsisyong panlipunan sa mamamayan.
At bukod pa dito ang kagyat na epekto ng pribatisasyon sa mga manggagawa at kawani ng bawat korporasyon at ahensya na malalagay sa alanganin ang mga trabaho dahil sa pribatisasyon.
Ang totoong dahilan sa ginagawang pribatisasyon ng mga ari-arian ng gubyerno ay dulot ng dalawang bagay: ang kagustuhan ng mga opisyal ng gubyerno na magkaroon ng pera ang gubyerno na magagamit nilang panggastos (at syempre para na rin sa mga SOPs!), at dahil ito rin naman ang dikta sa kanila ng kanilang mga amo.
Bahagi pa rin ito ng neo-liberalisasyon na ipinapataw ng US sa Pilipinas mula noong 1980s. Idinidikta ito sa mga bansang “kontrolado” sa mismong dahilan na gustong pagkakitaan ito ng mga imperyalista. Kaya ang mga isinasapribado ay ang industriya ng langis, mga serbisyong panlipunan tulad ng ospital, eskwelahan, mga pasilidad sa tubig at kuryente, at iba pang ahensya na malaki ang pera. At nagagawa itong idikta dahil sa kakapusan ng pondo ng gubyerno na magagamit ng mga lokal na naghaharing uri na nasa gubyerno. At kapos ang pondo dahil sa mga patakarang pang-ekonomya ng bansa. At ganito ang mga patakaran, dahil ganito ang turo sa kanila ng mga imperyalista, atbp…
Tingnan na lang ang mga pautang WB, IMF at iba pang institusyon. Lahat ng utang ng Pilipinas ay may kakabit na SAP o structural adjustment program. Sa madaling sabi, bago tayo pautangin, kailangan munang may baguhin sa mga patakaran ng gubyerno sa ekonomya. Ang rason nila, para daw masiguradong makabayad ng utang ang mga bansang pinapautang. Kaya ang suma total, isapribado niyo ang industriyang ito kasi nalulugi lang ang gubyerno. Kapag naisapribado, magkakaroon ng pera ang gubyerno sa pagbebenta na pwedeng ipambayad sa utang. At parang mahika namang may nakahanda nang mamumuhunang gustong bumili sa mga industriyang ito. Ang mga hinayupak naman sa gubyerno, tuwang-tuwa dahil biglang yaman sila.
Ang hindi tinitingnan ay ang pangmatagalang epekto ng pagbebenta at hindi pagbebenta. Kapag ibinenta, malaking pera nga naman at biglaan. Pero pagkatapos nito, kapag naubos na ang perang iyon, at sa kaso ng mga buwaya sa gubyerno ng Pilipinas, madali lang ito, wala nang ibang mapagkunan ang gubyerno. Hanggang sa may iba na namang korporasyong ibebenta. Sa kabilang panig naman, kapag hindi ibinenta, mabagal lang ang pasok ng kita pero sigurado. At sa pangmatagalan, makukuha rin ang halaga kung ibebenta ito habang nananatili pa rin korporasyon na magdudulot pa rin ng kita sa susunod na panahon.
Parang puno ng manga. Kung ibenta ang puno, malaking kita kaagad at hindi na maghihintay pang bumunga. Pero pagkatapos nito, wala na ang puno at wala nang ibang mapagkukunan ng kita. Pero kung alagaan na lang ang puno, tuluy-tuloy lang ang pasok ng kita hanggat namumunga ang puno. May kasabihan nga tayo, aanhin pa ang damo … eh di, ibenta na lang!
Ang tagal nang nangyayari ito sa Pilipinas. Kakatwa nga, nagsimula ito at talagang umalagwa noong panahon ni Cory Aquino. Ngayon, isa na namang Aquino ang nasa palasyo, nandito na naman tayo. At sila pa ang malakas ang loob na ipamandila ang pagbabago!

Ipinaskil ni: diwa81 | Agosto 14, 2010

SDO

Narito ang isang magandang pagsusuri ni Winnie Monsod sa News on Q kaugnay ng Stock Distribution Option, kung paano naloko at nagantso ng mga Cojuangco ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita noong 1989, na siyang batayan ng mas malalang panloloko nila ngayon sa compromised agreement umano sa pagitan ng HLI at mga benepisaryo ng asyenda.

http://www.gmanews.tv/video/64597/qtv-prof-winnie-monsod-tackles-hacienda-luisita-issue

Ipinaskil ni: diwa81 | Agosto 9, 2010

Luisita

Mukhang gumagana na ang Kamag-Anak Inc. At ginagamit nila ngayon ang media para baluktutin ang mga usapin sa Hacienda Luisita.
Sa isang “compromised” agreement umano, mas maraming magsasaka umano sa asyenda ang gusto ng iskemang SDO kaysa lupa.
Tinuligsa ni Lito Bais, presidente ng ULWU, ang pakanang ito ng HLI ng mga Aquino-Cojuangco. Kasulukuyan pa kasing dinidinig sa Korte Suprema ang kaso ng Hacienda Luisita at mapanlinlang ang paglalabas ng sinasabing kasunduan nang wala pa ang pinal na desisyon ng korte kaugnay ng PAMAMAHAGI ng lupa sa mga magsasaka.
Napakaitim din ng ginagawa ng mga Aquino-Cojuangco sa panghahati sa hanay ng mga manggagawa at magsasaka sa asyenda. Sinasamantala nito ang kahirapan at desperasyon ng ilang benepisaryo para ipilit ang SDO sa kanila.
Ngayon, kung lumabas sa media ang mga spinners ng HLI, akala mo ang babait nila at sumusunod lang sila sa kagustuhan ng nakakarami, iyon ay ang pagpayag nila sa SDO.
Pero ano nga ba ang usapin sa Hacienda Luisita?
Napasakamay ng mga Cojuangco ang asyenda sa pamamagitan ng isang pautang ng gubyerno, sa KUNDISYON na ipapamahagi sa mga magsasaka ang lupa PAGKATAPOS ng 10 TAON. At ang tinutukoy dito ay ang buong lupain, at hindi isang bahagi lang nito.
Ilang dekada ang makalipas ng sampung taong ito, patuloy pa ring pinipiga ng mga Aquino-Cojuangco ang dugo at pawis ng mga manggagawa at magsasaka ng asyenda.
Panahon ni Cory, ipinatupad ang CARP. Reporma sa lupa daw.
Pero para saan pa ba ang mga pinag-aralan nila sa mga balubhasang kolehiyo? Imbes na ipatupad ang batas nila, gumawa sila ng butas. At “wala!” Wala na ang lupa ng mga magsasaka. Dahil hindi na sila mga kasama, mga stockholders na sila ng HLI. Pero sangkatlo lang ng HLI ang ipinamahagi sa ilang libong magsasaka.
Nawala na ang lupa, pinalitan pa ito ng stocks na kontrolado rin ng mga Aquino-Cojuangco.
Sa ilalim ng naturang iskema, mas tumindi pa ang paghihirap ng mga magsasaka. Nabawasan sa iilang araw na lang pwedeng magbungkal ng lupa ang mga “stockholder”. Bumaba sa P10 kada linggo ang kinita nila mula sa “stocks.” At pinagbawalan silang magtanim ng mga tanim na pangkonsumo ng kanilang pamilya.
Taong 2004, iginiit ng mga magsasaka na ibasura ang SDO at ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Kasabay din nito ang welga ng mga manggagawa sa Central Azucarera de Tarlac dahil sa di makatwirang pagtanggal sa kanilang mga myembro. Dahil umano sa interes ng bayan, nakialam ang gubyerno sa sigalot. Mahigit 10 ang namatay/pinatay ng mga pulis at sundalo sa marahas na pagbuwag sa hanay ng mga nagwewelga at sa sumunod na pagtugis sa mga lider-manggagawa.
Noong 2009, nakatakdang magpaso ang palpak na CARP. Sa sabwatan ng gubyerno at mga asendero, nagpatupad ng mas malamyang CARP-ER. Pero kahit sa hungkag na batas na ito, ipinawalambisa na ang SDO bilang iligal.
Nagdesisyon din ang PARC na isailalim na sa programang agraryo ang Hacienda Luisita. Dahil sa kapangyarihan ng pamilya, nakakuha ng T.R.O. ang mga Aquino-Cojuangco. Ito ngayon ang pinagtatalunan sa Korte Suprema.
Noong panahon ng kampanya, naging pasikut-sikot ang sagot ni Noynoy kapag natatanong tungkol sa Hacienda Luisita at repormang agraryo. Pero sa pamamagitan ng tiyuhin nitong si Fernando Cojuangco, COO ng HLI, malinaw ang intensyon ng pamilya: panatilihin ang hawak sa asyenda. Aniya, tanging ang sistemang asyenda lamang ang pwede sa industriya ng asukal. Isang bulok na sistemang labis na nagpahirap sa mga magsasaka at sanhi ng pag-aaklas ng mga Pilipino noong panahon ng Espanyol.

Ipinaskil ni: diwa81 | Agosto 4, 2010

EPAL

Ang kabalintunahan ng neo-liberalismo.
Bakit kapag ang mga ordinaryong drayber ang hindi makabiyahe dahil sa taas ng presyo ng gasolina, walang pakialam ang gubyerno? Kesyo wala silang magawa dahil deregulated ang industriya ng langis, o mas malala pa, sila pa mismo ang nagiging tagapagsalita ng mga dambuhalang kumpanya ng langis. Pero kapag mga eroplano ng PAL ang hindi makalipad dahil sa pag-aaklas ng mga piloto nito, nagkakandarapa ang gubyerno para makialam sa problema.
At ang mas malala pa, nakikialam ang gubyerno pabor sa interes ng may-ari ng kumpanya, at binabalewala pa rin ang kapakanan ng mga piloto at iba pang kawani ng PAL. Bakit bigla-biglang babantaang sasampahan ng kaso ang kawawang mga piloto na naglalabas lang ng kanilang mga hinaing na matagal nang hindi inaasikaso ng manedsment ng PAL?
Pumutok ang usapin dahil sa ilang ulit na pagkansela ng biyahe ng PAL dahil sa sabay-sabay na pagbibitiw ng maraming piloto nila. Dahil dito, maraming pasahero ang naperwisyo, at ang malaking problema ng PAL, malaki ang nalulugi sa kanila.
Sino ba naman ang hindi magrereklamo kung ang sahod mo ay kalahati lang ng sahod ng mga piloto sa ibang kumpanya? Bakit ka pa nga naman magpipiloto kung katumbas lang ng isang call center agent ang sahod mo? Edi dun ka na lang sa call center, nakaupo ka lang, hindi pa delikado ang trabaho. Ginigipit ang mga piloto para mapilitan ang mga itong lumipat sa Air Philippines, na iisa lang naman ang may-ari, kung saan mas mababa pa ang sahod.
Ngayon, napipinto na rin ang sigalot sa pagitan ng PAL at PALEA. Nagbabanta na ring magwelga ang mga flight attendant at iba pang kawani ng PAL. Tatlong taon nang hindi sila hinaharap sa CBA. Sa loob ng panahong ito, tigil ang kanilang mga benepisyo, wala silang mga bakasyon at napakababa ng sweldo. Dahil kakaunti na ang bilang nila, overworked o sobra na ang pagtatrabaho ng mga kawani. Ang tanging pumipigil na lamang sa kanila ay ang pag-aalala nila sa kapakanan ng mga pasahero na siguradong maiipit sa sigalot na ito.
Sinabi na ni Noynoy na ang mamamayan ang boss niya. Sana kabilang din dito ang mga manggagawa sa PAL, at hindi lang ang mayayaman.
Walang problema ang makialam ang gubyerno sa mga hidwaan ng mga manggagawa at manedsment. Pero dapat, ang unang tinitiyak nila ang kapakanan ng mga manggagawa.
Dapat ang unang tinitiyak nila ang sahod ng mga manggagawa sa PAL at hindi binabantaan ang mga ito dahil daw sa “pambansang interes” at turismo. Aanuhin mo ang mga turista kung namamatay na sa gutom ang mamamayan mo?

Ipinaskil ni: diwa81 | Hulyo 27, 2010

SONA ni Noynoy: So Noynoy!

Isa ang kapansin-pansin, di hamak na mas magaling magtalumpati si Noynoy kaysa kay Gloria. Pero ang mahigitan ang isa sa pinakamasahol na naging pangulo ng Pilipinas ay hindi maituturing na kahanga-hangang bagay. At ang nakakalungkot, hanggang dito na lang ang positibong nakamit ng kauna-unahang SONA ni Noynoy.
Ang maganda lang sa naging pahayag ni Noynoy, hindi binabasa at maikli lang ang pahayag na hindi na pinuputol ng palakpakan kada linyang bibigkasin, tulad ng mga SONA ni Gloria noong nakaraan. Kaya hindi nakakabagot at nakakahilo makinig. Ang problema, kulang-kulang pa rin ang nilalaman nito, lalo na sa mga usaping pambansa na mas kinakailangang pagtuunan ng pansin ni Noynoy.
Maganda na sana ang unang tirada ni Noynoy sa paglalantad sa mga nahalungkat nila umanong mga anomalya na iniwan ng sinundang rehimen, partikular sa DPWH, MWSS, NFA, pondong pangkagipitan, at mga utang. Ang tanong ko lang ay bakit ito lang ang mga nabanggit. Halimbawa sa kaso ng MWSS na napakataas ng sweldo at mga benepisyo ng mga opisyal habang hindi naibibigay ang benepisyo ng mga ordinaryong kawani. Ganito rin naman ang nangyayari sa GSIS at iba pang korporasyong pag-aari ng gubyerno. At kung pag-uusapan lang rin naman ang kurapsyon, walang nabanggit kaugnay ng pork barrel ng mga mambabatas.
Ilang araw sa administrasyon ni Noynoy, lumabas ang balita na balak umanong tanggalin o tapyasan ang pork barrel ng mga mambabatas para makatipid umano ang gubyerno. Pero mabilis din itong binawi dahil kasalukuyan pang pinaglalabanan ang Speakership sa Kamara at Senate Presidency sa Senado. Hindi na nga naitago ni Belmonte ang galit nang biglang matanong sa DZRH kaugnay nito dahil biglang nalagay sa alanganin ang kandidatura niya para maging Speaker ng Kamara.
Hindi dapat maging lingid kay Noynoy na isa sa pinakamalaking sanhi ng kurapsyon sa gubyerno ang pork barrel dahil galing na siya sa Kamara at Senado na kapwa nakakatanggap ng naturang pondo. Akala ko ba sa “tuwid na daan” niya tayo dadalhin? Bakit nawala na ang balak na tanggalin ang pork barrel?
Dapat lang na ilantad ni Noynoy ang mga kurapsyon ng mga nakaraang administrasyon. Ang dapat nga, maging malawakan at malaliman ang gawin niyang aksyon at hindi lang pakitang-tao. Ang dapat lang bantayan ng sambayanan ay ang magiging kurapsyon ng rehimen mismo ni Noynoy na hindi malayong mangyari dahil sa mga taong hinirang niya sa kanyang gabinete na dating kaklase, tagasuporta at financier noong eleksyon, at iba pang malalapit sa kanya, sa madaling sabi, mga padrino.
Kung sa pinakasentro ng kampanya niya noong eleksyon, hindi na kasiya-siya ang mga aksyon ni Noynoy, mas malubha pa ang kalagayan sa mas malalaking usapin ng bansa. Tulad ng puna ng marami, kulang ang inilatag ni Noynoy: tinukoy niya lang ang ilang problema pero walang inihaing solusyon.
Hindi na kataka-taka na wala siyang binanggit kaugnay ng repormang agraryo. Walang pinag-iba sa programa ni Arroyo ang mga binanggit ni Noynoy: iba’t ibang proyektong impraistruktura, patubig, kalsada. Pero ang pinakaesensya ng usaping agraryo, ang reporma sa lupa? Oo, problema ng mga magsasaka ang kawalan ng kalsada pababa sa bayan para mas madali nilang madala ang kanilang mga produkto. Oo, problema ng mga magsasaka ang kawalan o kakulangan ng sistemang patubig. Oo, problema ng mga magsasaka ang kawalan ng gamit sa pag-ani ng produkto, pagbungkal sa lupa, patuyuan ng palay, at iba pa. Pero sa bawat araw na paggising ng karamihan sa ating mga magsasaka, ang kauna-unahang bagay na pinoproblema nila, na ugat din ng mga problema sa itaas, ay ang kawalan nila ng lupa. Kung tinanong lang sana niya ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita, malalaman sana niya ito.
Ang sahod ng mga manggagawa? Madami siyang nabanggit na mga plano para mas maakit ang mga mamumuhunan (na dati na ring pinagkakaabalahan ni Gloria). Nagngingit-ngit pa siya dahil sa mga “rebeldeng nangongotong” kaya hindi makaarangkada ang mga dayuhang mamumuhunan. Pero paano naman ang ordinaryong mga manggagawa?
Sa tinukoy na niya noong paglebel sa larangan ng kompetisyon sa pagnenegosyo, nabanggit niya ang pagpapadali sa proseso ng pagrerehistro. Magandang bagay sana para mapasigla ang negosyo ng maliliit at panggitnang negosyante. Pero hindi ito sapat para makasabay ang maliliit sa mga nagdadambuhalang dayuhang negosyante at lokal na komprador. Sa kabila rin nito, papatayin naman nila ang maliliit na negosyante at mahihirap na mamamayan, tulad ng mga traysikel drayber at maliliit na tindahan, dahil sa planong paghingi ng resibo sa mga ito sa lahat ng transaksyon sa trabaho. Hindi ko maisip sa pagsakay ko sa padyak, pagbayad ko ay bibigyan ako ng resibo.
Kaugnay ng mga pampulitikang pamamaslang, nakulangan ako sa simpleng pagbanggit ni Noynoy na natukoy na ang mga salarin sa pagpaslang kina Francisco Baldomero at iba pang napaslang sa ilalim ng kanyang rehimen. Sino ang mga ito? At paano ang libu-libong pang biktima noong nakaraang rehimen? Ano na ang ginawa nila para mahanap sina Jonas Burgos, Karen Empeño, She Cadapan, James Balao, at daan-daang iba pa? Paano na ang Morong 43?
Kaugnay ng kapayapaan at kaayusan, napakababaw din ng pagtalakay at mga hakbangin ng rehimeng Aquino. Mas pinagtutuunan lang nila ng pansin ang problema sa Mindanao. Una, dahil nandito ang kalakhan ng interes ng US sa ngayon. Karamihan ng pamumuhunan ng US ay nasa rehiyong ito, laluna sa Basilan. Pangalawa, mas madali nilang napapapayag ang MILF sa mga patibong nitong “kapayapaan.” Pero kaugnay ng iba pang grupo, partikular sa CPP-NPA, hindi na itinago ni Noynoy ang galit niya. Hindi ko lang alam kung dahil ba sa personal na galit niya ito, o dahil pagsunod lang sa dikta ng US na paigtingin ng Gubyerno ng Pilipinas ang kontra-insurhensya.
Hindi na ako magtataka sa mababaw na pagtingin ni Noynoy kaugnay ng CPP-NPA dahil sa napakababaw din naman niyang pagkakaunawa sa problemang agraryo sa bansa. Para sa kanya, ang nakikita lang niya ay ang ilang taong may hawak na armas at “nangongotong.” Ang hindi niya nakikita, ang mga magsasakang nag-aarmas para bawiin ang kanilang lupa. Hindi solusyon ang simpleng tigil-putukan para sa isang problemang nagsimula pa noong panahon ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas at nagpatuloy hanggang sa pagpasok ng US at Japan at muling pagbabalik ng US dito sa bansa. Ang gustong mangyari ni Noynoy ay pasipikasyon o pananahimik na lang ng mga “rebeldeng nangongotong.” Maaari niyang mapatahimik ang mga baril, pero hindi niya mapapatahimik ang kalam ng sikmura.
Ito na ba ang pagbabagong sinasabi niya noong eleksyon? Kung susuriin lang nang mabuti, wala namang pinag-iba ang mga ito sa mga sinasabi ni Gloria noon. Ito ang resulta ng hangal na ilusyong dadalhin niya tayo sa “tuwid na daan.” Maganda lang pakinggan ang kanyang retorika. Pero tama na ang pangangarap nang gising, dapat nang harapin ang malabangungot na realidad ng lipunang Pilipino.

Older Posts »

Mga Kategoriya