Ipinaskil ni: diwa81 | Agosto 16, 2010

Government for Sale!


Gubyerno! Bili na kayo ng gubyerno!!!
Iyan na nga ba ang problema. Ginagamit lang ng gubyerno ang kasikatan ni Noynoy para mapagtakpan ang ginagawa nilang kalokohan sa gubyerno.
Pagbabago daw, pero hanggang ngayon, wang-wang lang ang kinaya ni Noynoy. Ginagawa niya ang hindi naman hinihingi ng taumbayan at hindi naman malaking problema ng bansa; samantalang wala naman siyang aksyon sa mga usaping mahalaga sa bansa lalo na sa masang anakpawis. At mas malala pa, itinutuloy lang naman niya ang mga programa ng nakaraang administrasyon o maaaring mas garapalan pa nga ngayon.
Maganda ang ginagawang paghabol sa mga krimen ng nakaraang administrasyon ni Arroyo. Pero nasaan na ang pagbabago na sinasabi? Halimbawa na lang ang pribatisasyon ng mga ari-arian ng gubyerno.
Iyan ang malaking problema sa kahangalan ng grupo ni Noynoy kaugnay ng lagay ng kaban ng bayan. Ang isa diyan, niloloko lang nila ang taumbayan sa pagsasabing walang bagong buwis na ipapatupad, pero meron lang bagong buwis na babayaran ang mga tao dahil sa pagsaklaw ng VAT sa tollways, ang mga manininda at drayber ng iba’t ibang sasakyang pampubliko, at mga maninigarilyo.
Ikalawa, ang lumalala at sunud-sunod na plano ng pagbebenta ng mga ari-arian ng gubyerno. Nauna na dito ang himpilan ng Navy na ipapaupa(!) sa isang pribadong korporasyon. Nagkaroon pa ng lakas ng loob ang pangulo na ihayag ito sa mismong SONA niya. Kaya ngayon, ang Navy nakahimpil sa Kampo Aguinaldo na, ilang kilometro ang layo sa dagat. Sumunod ang planong pagbili ni Atong Ang sa Pagcor, at ang mga planong isaprobado na rin ang NFA, ngayon ang IBC 13 at RPN 9.
Sigurado, ang idadahilan na naman, “kasi nalulugi lang ang gubyerno,” liban lang siguro sa Pagcor. Pero ang totoo, ginagamit lang nila itong palusot para sa talagang layunin nila: walang pera ang gubyerno.
Nalulugi ang mga korporasyon at ahensyang ito? Oo. Pero dahilan na ba iyon para ibenta ang mga ito at talikuran ang mga responsibilidad ng gubyerno sa mamamayan niya? At mas mahalagang tanong na una dapat sinasagot, bakit ba nalulugi?
Halimbawa na lang ang Petron. Pagkapasa ng Oil Deregulation, ibinenta ng gubyerno ang mga mga shares nito sa kumpanya dahil nalulugi lang daw. Ilang panahon lang ang nakaraan, taun-taon nang nasa unahan ang Petron sa mga kumpanyang pinakamalaki ang kinikita.
Bakit noong nasa gubyerno pa, nalulugi, pero noong pribado na tubong-lugaw? Mismanagement! Sa madaling sabi, kurapsyon!
Ngayon, ang solusyon ba dito ay ibenta na lang nang tuluyan ang isang korporasyon o ahensya ng gubyerno?
Balik tayo sa ating halimbawa. Paano malulugi sa isang industriya na araw-araw kinakailangan ng halos lahat ng sektor ng lipunan, mula sa malalaking korporasyon hanggang sa mga ordinaryong mamamayan? Kung mali ang pamamalakad ng mga administrador na inilagay dito, dapat imbestigahan at patawan ng mga disiplinang aksyon dahil sa kapalpakan. Sampahan pa ng kaso kung may kriminal na pananagutan, tulad ng paglustay ng pondo ng gubyerno. Pagkatapos, palitan ng mga taong matitino at hindi magpapayaman lamang para gumanda ang takbo ng korporasyon at maaaring kumita pa ang gubyerno, bukod pa sa mas mahalagang layunin ng paghahatid ng serbsisyong panlipunan sa mamamayan.
At bukod pa dito ang kagyat na epekto ng pribatisasyon sa mga manggagawa at kawani ng bawat korporasyon at ahensya na malalagay sa alanganin ang mga trabaho dahil sa pribatisasyon.
Ang totoong dahilan sa ginagawang pribatisasyon ng mga ari-arian ng gubyerno ay dulot ng dalawang bagay: ang kagustuhan ng mga opisyal ng gubyerno na magkaroon ng pera ang gubyerno na magagamit nilang panggastos (at syempre para na rin sa mga SOPs!), at dahil ito rin naman ang dikta sa kanila ng kanilang mga amo.
Bahagi pa rin ito ng neo-liberalisasyon na ipinapataw ng US sa Pilipinas mula noong 1980s. Idinidikta ito sa mga bansang “kontrolado” sa mismong dahilan na gustong pagkakitaan ito ng mga imperyalista. Kaya ang mga isinasapribado ay ang industriya ng langis, mga serbisyong panlipunan tulad ng ospital, eskwelahan, mga pasilidad sa tubig at kuryente, at iba pang ahensya na malaki ang pera. At nagagawa itong idikta dahil sa kakapusan ng pondo ng gubyerno na magagamit ng mga lokal na naghaharing uri na nasa gubyerno. At kapos ang pondo dahil sa mga patakarang pang-ekonomya ng bansa. At ganito ang mga patakaran, dahil ganito ang turo sa kanila ng mga imperyalista, atbp…
Tingnan na lang ang mga pautang WB, IMF at iba pang institusyon. Lahat ng utang ng Pilipinas ay may kakabit na SAP o structural adjustment program. Sa madaling sabi, bago tayo pautangin, kailangan munang may baguhin sa mga patakaran ng gubyerno sa ekonomya. Ang rason nila, para daw masiguradong makabayad ng utang ang mga bansang pinapautang. Kaya ang suma total, isapribado niyo ang industriyang ito kasi nalulugi lang ang gubyerno. Kapag naisapribado, magkakaroon ng pera ang gubyerno sa pagbebenta na pwedeng ipambayad sa utang. At parang mahika namang may nakahanda nang mamumuhunang gustong bumili sa mga industriyang ito. Ang mga hinayupak naman sa gubyerno, tuwang-tuwa dahil biglang yaman sila.
Ang hindi tinitingnan ay ang pangmatagalang epekto ng pagbebenta at hindi pagbebenta. Kapag ibinenta, malaking pera nga naman at biglaan. Pero pagkatapos nito, kapag naubos na ang perang iyon, at sa kaso ng mga buwaya sa gubyerno ng Pilipinas, madali lang ito, wala nang ibang mapagkunan ang gubyerno. Hanggang sa may iba na namang korporasyong ibebenta. Sa kabilang panig naman, kapag hindi ibinenta, mabagal lang ang pasok ng kita pero sigurado. At sa pangmatagalan, makukuha rin ang halaga kung ibebenta ito habang nananatili pa rin korporasyon na magdudulot pa rin ng kita sa susunod na panahon.
Parang puno ng manga. Kung ibenta ang puno, malaking kita kaagad at hindi na maghihintay pang bumunga. Pero pagkatapos nito, wala na ang puno at wala nang ibang mapagkukunan ng kita. Pero kung alagaan na lang ang puno, tuluy-tuloy lang ang pasok ng kita hanggat namumunga ang puno. May kasabihan nga tayo, aanhin pa ang damo … eh di, ibenta na lang!
Ang tagal nang nangyayari ito sa Pilipinas. Kakatwa nga, nagsimula ito at talagang umalagwa noong panahon ni Cory Aquino. Ngayon, isa na namang Aquino ang nasa palasyo, nandito na naman tayo. At sila pa ang malakas ang loob na ipamandila ang pagbabago!


Responses

  1. base

  2. Matanong ko nga kapatis sa iyo…,,, IKAW BA AY “PATAS” sa paglalahad mo sa iyong mga “KURO-KURO” dito..???,, dahil pansin ko ikaw ay HINDI PATAS…!!!,, hayag sa iyong mga TALUMPATI dito na ikaw ay NAGAAKUSA na WALA NAMANG MGA TUNAY NAN BASIHAN…!!!!,,, ang pinaka nagbigay pansin ko sa mga PANSIN mo ay itong PAGDADALDAL MO NA KONG BAKIT “WALA” NAGAWA ANG P-NOY ADMINISTRATION NGAYON SA SULIRANIN NG KUMUNIDAD… GANYAN KA BA KAPATID KA HUNGHANG MAG-ISIP HA..???,, o gnayan ka talaga kong MANG-BRAIN-WASH sa amin..>???,, bakit ko naitanong ito?,, BAKIT HA, NAKA ILANG “TAON” NABA SI P-NOY SA PAG-UPO NIYA..???,, pinaliwanag mo naba sa amin na ITO BA AY “SAPAT” NA BA UPANG “RESULBAHIN” ANG MGA IPINUPUNTOS MO KAY P-NOY HA KAPATID..???,, ang hirap sa ati HINDI NA NGA TAYO NAKAKATULONG, LALO NA SA SULIRANING PAMBAYAN, TAYO PA ITONG NAGBIBIGAY “PABIGAT” O “SULSOL” PARA MADAGDAGAN ANG PROBLEMA…!!!,, pagkatapos natin BUMUTO bilang mamamayan, dun po NAGTATAPOS ang PARTE natin sa PAMBANSANG SULIRANI (MANAGEMENT),,, sapagkat dito na PAPASOK ang mga LEADER na PINILI nating mga botante..,,, MALAS lang natin kong PUMULI tayo ng mga KURAP na LEADER dahil wala tayong maasahan niyan na PAGTATAPAT na PAGLILINGKOD… ang MANANATILI na TANONG dito kapatid: TAYO BA SA ATING MGA SARILI AY DI NAGING MGA KURAP…?????

  3. una sa lahat, kapatis, hindi talaga ako patas. sa madaling sabi, may kinikilingan ako. tulad mo rin, may kinikilingang panig. ngayon kung salungat ka sa panig ko, wala namang problema dun.
    tungkol naman sa hunghang kong pag-iisip, sige nga, sabihin mo sa akin kung ano na ang nagawa ng presidente mo. at wag mong sabihin sa akin na sandali pa lang siya sa pwesto. ang mga problema ng bayan ay hindi pinaghihintay. totoong hindi kaagad mareresulba ang mga pangunahing problema ng bayan, pero maaari at dapat na itong simulan ngayon. ano ba ang hinihintay ni noynoy, CHA-CHA para sa term extension?
    at sa tanong mo sa huli, ano nga ba ang saysay ng tanong mo? kurap man o hindi, ang pinag-uusapan natin dito ay ang pamamalakad ni noynoy bilang presidente ng Pilipinas, at hindi tungkol sa akin.

  4. Pari Diwa81 : Una sa lahat, wag kang magsasalita ng hindi pa tapos. sa tingin mo ba sa sinabi mo may nagawa kang tama sa problema ng pilipinas? alam mo ang nagiging problema dyan imbes na makatulong umaasa tayo sa ginagawa ng pangulo. Napakasimple lang naman kung talagang gusto mo makatulong sa problema sa pilipinas wag ka mag comment dito at simulan mo sa maliliit na bagay na sa tingin mo may malaking tulong sa bansa. Husga tayo ng Husga sa mga isyu ! dyan tayo magaling sa manghusga ng tao !! (pnoy) tao din yan nagkakamali . tao din yan na hindi perpekto hindi bat dapat na tayo magpasalamat sapagkat hindi siya corrupt at sa dami ng binabato sakanya ng mga kaaway, kalaban, mga taong inis sakanya sapagkat ganyan ang kanyang pamamalakad hindi bat dapat magpasalamat tayo dahil patuloy nyang tinutupad ang pangako nya at hindi tumatalikod sa problema. TAYO kasi puro tayo salita. hindi tayo nakukuntento sa anung meron tayo. simple lang yan diba!? hindi naman porket sinabi nya na dadating ang panahon wala ng magiging mahirap. hindi ibig sabhin nun pag nasa pwesto na sya wala nang mahirap!! matuto tayong makuntento at tumulong imbes na binabatikos ntin siya bat hindi tayo magtulungan? hindi bat yun ang pinaka madaling paraan upang makatulong? nung hindi pa sya tumatakbo nun. hindi bat sambayanang pilipino ang nag ingay upang tumakbo sya ? hindi nyo nlng ba naisip na panu kung corrupt na ang naging presidente ngayon may pag asa pa ba ang bayan upang makabawi. KUNG GUSTO NIYO MAGBAGO ang LAHAT SIMULAN NIYO SA SARILI NIYO ! hindi UMAASA SA IBAA!! dahil WALA NANG IBANG TUTULONG SAINYO KUNDI ANG SARILI NIYO !!


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: