Ipinaskil ni: diwa81 | Hulyo 22, 2010

A. G. P.


Kung meron mang kabuluhan ang pinakabagong resolusyon ng COMELEC kaugnay ng magiging kinatawan ng Ang Galing Pinoy (AGP), iyon ay pinatutunayan lang nito na nananatiling marginalized ang mga marginalized sector na dahilan ng pagkakaroon ng sistemang party-list.

Sa naturang desisyon, ibinasura ng COMELEC ang inihaing reklamo ng grupong Bayan Muna at Gabriela laban sa pagkatawan ni Mike Arroyo sa mga gwardya at drayber ng tricycle.

Sa isang bahagi ng pang-umagang palabas sa ABS-CBN, kinapanayam ni Anthony Taberna si Liza Masa ng Gabriela at si Commisioner Ferrer ng COMELEC, mula sa telepono. Dito, inilatag ng magkabilang panig ang kani-kanilang argumento. Ang una, na walang karapatan si Mikey Arroyo na kumatawan sa AGP dahil hindi naman siya kabilang sa sector na ito at pagsalahula sa sistemang party-list mismo ang ginawa ng COMELEC. Sa kabilang panig, ikinatwiran ng COMELEC na nakasaad sa batas ng party-list na hindi kinakailangang mapabilang sa sector mismo ang magiging kinatawan ng isang grupo, kailangan lang maging myembro ng naturang grupo.

Sa dulo ng bahagi, pinaboto ang mga manonood sa loob ng set ng palabas. Ang resulta, 100% ang nagsabing walang karapatan si Mikey Arroyo na maging kinatawan ng grupong AGP.

Kung sa eleksyon ito, maaaring nagreklamo na si Mikey dahil statistically impossible ang ganitong pigura; wala ni kahit isa man lang ang bumoto pabor sa kanya. Pero dalawang salik lang ang maaaring magpaliwanag sa kaganapang ito. Una, hindi naman ganun karami ang manonood na bumoto. Pangalawa, ganun na talaga kabaho ang pangalan, at kapal ng pagmumukha, ni Mikey at ng buong pamilyang Arroro, kaya ganun na lang karami ang nasusuklam na sa kanila.

Ayon kay Masa, batay sa nauna nang mga desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng party-list, kinakailangang kabilang sa sector ang nagnanais kumatawan sa anumang grupong party-list. Halimbawa na dito ang huling desisyon nito ng pagbasura sa nominasyon ng kapatid ni Mike Arroyo para sa grupong Kasangga. Ayon sa desisyon, hindi pwedeng maging kinatawan ng maliliit na negosyante ang isang milyunaryo. Gayundin, sa kaso ni Mikey Arroyo, hindi rin dapat siya maaaring maging kinatawan ng mga mahihirap na gwardya at drayber.

Depensa ni Ferrer, ayon umano sa batas ng party-list, partikular na nakasaad na hindi kailangang mapabilang sa sektor ang magiging kinatawan ng isang grupo, kailangan lang maging myembro ng grupo ang naturan.

Gayunman, kahit sa baluktot na argumentong ito ni Ferrer, kwestyunable pa rin ang pagiging myembro ni Mikey ng AGP dahil malinaw namang nagkaroon lang siya ng kaugnayan sa grupo ilang buwan bago ang eleksyon. Maging ang pagkakabuo ng grupo mismo ay kaduda-duda na. Malinaw na hakbang lamang ito para magkaroon pa rin ng pusisyon si Mikey dahil kukuhanin ng ina niya ang dati nitong distritong hawak.

Ayon kay Masa, ang mismong intent o layon ng sistemang party-list ay ang mabigyan ng pagkakataon ang mga kinatawan ng mga sektor na napapabayaan sa lipunan na makapagbalangkas ng batas para sa kanilang sektor.

Ayon kay Ferrer, maiisip mo ba ang isang drayber na magbabalangkas ng batas sa Kongreso?

Samakatwid, kinakailangan ng mga Mikey Arroyo para kumatawan sa mga gwardya at drayber?

Ang isang pasinungaling sa argumento ni Ferrer, ayon pa kay Masa, ay ang yumaong Crispin Beltran at si Paeng Mariano, na isang abang manggagawa at magsasaka, batay sa pagkakabanggit. At malinaw sa naging rekord ng dalawa na kayang maghain ng mga panukalang batas sa loob ng Kamara ang isang simpleng mamamayan na kabilang sa mga marginalized sector. Hindi lang iyon, hindi lang nila nagawang makipagsabayan sa mga “dalubhasa” sa Kongreso, napatunayan pa ang katapatan nila sa kapakanan, hindi lamang ng sektor nila, kundi ng buong sambayanan sa iba’t ibang usapin sa Kamara.

Ang argumento ni Ferrer, nagpapatunay lamang na nagpapatuloy ang pangmamaliit sa ordinaryong mamamayan. Hindi nila kaya, dahil mangmang sila? Dahil tanga sila? Dahil bobo sila?

Ang bastos at mapangmatang pahayag ni Ferrer na hindi kayang magbalangkas ng batas ang mga drayber, ay nagpapakita lamang na maging sa loob ng sistemang party-list, nananatiling marginalized ang mga marginalized sector. Pagmamayabang pa ni Ferrer, nanggaling siya sa RTC at Ombudsman, “kung sinasabi ni Rep. Liza Masa na mas magaling siya sa akin sa batas, pinapalakpakan ko siya.” Kung ang tinutukoy na batas ni Ferrer ay ang mga batas ng mayayaman laban sa mahihirap, talaga namang mas marami siyang alam kaysa kay Masa. Kung ang batas na tinutukoy niya ay ang batas ng pang-aapi at pagsasamantala sa masang anakpawis, isa na nga siguro siya sa pinakadalubhasa.

Una, pinahintulutan ng COMELEC ang pagpasok ng mga pekeng party-list na ginagamit lang ng malalaking partidong pulitikal para pagkakitaan. Ngayon, binukas na mismo ng COMELEC ang pintuan para sa mga myembro ng mga naghaharing uri para sa karagdagang mga pusisyong maaari nilang pag-agawan sa pamamagitan ng party-list.

At dahil diyan, nagkakaroon ng isa pang kahulugan ang AGP: Ang Gagong Perrer!


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: