Ipinaskil ni: diwa81 | Hulyo 13, 2010

Death Toll: 3


Akala ko, masama nang rekord ang kauna-unahang pampulitikang pamamaslang noong nakaraang linggo habang nasa unang limang araw pa lamang ang bagong rehimen.
Nahigitan pa ito sa ikalawang linggo ng administrasyon. Dalawang progresibo na naman ang pinaslang sa loob lamang ng ilang araw, habang kinukumpirma pa ang posibleng ikaapat na biktima ng pampulitikang pamamaslang.
Noong 09 Hulyo, apat na araw matapos ang unang kaso ng pampulitikang pamamaslang, pinagbabaril si Pascual Guevarra, 78 anyos, sa Nueva Ecija. Si Pascual ay pinuno ng lokal na Agrarian Reform Beneficiaries Association at myembro ng Alyansa ng mga Magbubukid na Nagkakaisa 3100 (Alamana) na kaalyado ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, isa sa mga progresibong grupo na pinagbibintangan ng AFP na myembro ng komunistang grupo.
Kahapon, 12 Hulyo, pinaslang si Mark Francisco, 27 anyos, isang guro sa San Isidro Elementary School sa Palanas, Masbate, habang papauwi kasama ang apat pang iba sakay sa mga motor. Pinagbabaril sila ng dalawang lalaking nakatakip ang mukha at nakasuot ng unipormeng camouflage, ayon sa isang pahayag ng Bayan-Bicol nitong Lunes.
Si Mark Francisco ay myembro ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT), isa sa mga progresibong grupo na pinagbibintangan ng AFP na myembro ng komunistang grupo.
Sa pahayag ng ACT, inaalam pa sa kasalukuyan kung myembro rin ng ACT ang isa pang gurong babae sa Balanga, Bataan.

Sa takbo ng mga pangyayari, maaaring ituring itong “bad precedent” o masamang simulain. At kung magpapatuloy o lalala pa, mapapatunayan na nga ang inisyal na pagtingin ng mga progresibo kay Noynoy bilang “bad president.”
Katulad sa nakaraang rehimeng Arroyo, hindi rin nagpapakita ng magandang senyales si Noynoy para sa AFP. Isang malamyang pahayag lang ang inilabas ng Malacañang para kundenahin ang mga pamamaslang, ngunit walang malakas na pahayag ang inilabas para punahin ang AFP at ang inilulunsad nitong kampanya kontra-insurhensya na tinagurian nilang Oplan Bantay Laya.
Paano nga ba matitigil ang mga pamamaslang kung ang bagong pangulo pa mismo ang nagpahayag ng suporta sa pagpapatuloy ng Oplang ito?
Sa ilalim ng siyam na taong teror ng rehimeng Arroyo, mahigit 1,000 ang naging biktima ng pampulitikang pamamaslang. Hindi pa kabilang dito ang daan-daang nawawala pa hanggang sa ngayon at hinihinalang patay na rin at laksa-laksa pang biktima ng karahasang militar. Ang lahat ng ito ay pawang nakaturo sa AFP at mga bayarang death squads nito bilang mga salarin.
Lumalabas na maaaring maging mas masahol pa ang ipapatupad na kampanya ng AFP sa ilalim ng rehimeng Aquino. Noong huling termino ni Arroyo, anim na taon ang itinakdang palugit ng pamunuan ng AFP, sa pangunguna ng commander-in-chief nito, para madurog ang kilusang komunista at iba pang “banta sa seguridad,” dahilan kaya magwala ang mga kagawad ng AFP at iba pang armadong pwersa ng estado sa bigong paghahabol sa itinakdang palugit. Sa simula pa man, alam na nilang hindi nila kayang maabot ang target dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Kaya pinakawalan nila ang mga alipures nila para paslangin maging ang mga aktibista lamang; saka na lamang palalabasing myembro o tagasuporta ng NPA ang mga ito.
Ngayon, tatlong taon lamang ang ibinigay na palugit sa AFP para sa parehong target.
Sa talumpati ni Noynoy sa harap ng AFP, ang tanging sinabi lamang niya sa mga kagawad ng militar na irespeto ang karapatang-tao habang ipinapatupad ang kampanya nito kontra-insurhensya. Ganito rin naman ang ginawa noon ni Gloria sa ilalim ng rehimen nito ngunit nagpatuloy lang ang pamamaslang.
Sa tagal at lalim na ng pananalasa ng “culture of impunity” na pinasimulan ni Gloria, hindi sasapat ang mahinang sampal o tapik sa AFP na sintigas na ng semento ang pagmumukha. Ang dapat dito, sintigas din na semento ang pagkulungan sa kanila.
Kung magiging tapat si Noynoy sa mga pangako niya noong kampanya, maaaring mapanagot nga niya ang mga kurap sa rehimeng Arroyo. Pero paano na ang libu-libong nagbuwis ng buhay dahil sa paglaban sa kurapsyon ding iyon na pinaslang ng mga militar?


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: