Ipinaskil ni: diwa81 | Hulyo 6, 2010

Death Toll: 1


Death Toll: 1
Biktima: Fernando Baldomero
Lunes ng umaga, 05 Hulyo, pasakay na sa kanyang motor si Fernando para ihatid ang kanyang anak sa eskwela nang barilin siya ng isang di nakilalang salarin sa harap mismo ng kanyang anak.
Bago nito, ilang buwan pa lang ang nakakalipas, nagkaroon na rin ng tangka sa buhay niya nang hagisan ng granada ang kanilang bahay sa Lezo, Aklan. Si Fernando ay provincial coordinator ng Bayan Muna sa Aklan at nahalal na konsehal sa Lezo sa pangalawang pagkakataon nitong Mayo. Si Fernando ay pinagbibintangang NPA ng mga militar at pulis bago ang pangyayari. Noong 2005, hinuli siya dahil sa bintang na kasali siya umano sa pag-atake ng mga NPA sa mga pulis at militar sa Iloilo. Nabasura sa korte ang lahat ng bintang. Nagpatuloy ang pagsasampa sa kanya ng kaso noong 2007.
Nangyari ang pagpaslang kay Fernando sa ilalim ng administrasyong Aquino, ang kauna-unahan, limang araw pa lang ang itinatagal ng bagong rehimen.
Ito na ba ang sinasabing pagbabago ng administrasyong Aquino? Mas dapat sigurong tawaging panibago. Panibagong sikad sa kampanyang kontra-insurhensya, na ipinatupad noon pang nakaraang administrasyon, na bumibiktima sa mga progresibong lider at aktibista sa pagtuturing sa kanila bilang mga kaaway ng estado.
Noon pa mang panahon ng kampanya, hindi na itinago ni Noynoy ang pagkagalit niya sa kaliwa. Malinaw din ang mga pahayag niya na magpapatuloy ang kampanya ng AFP laban sa insurhensya, iyon ay ang Oplan Bantay Laya 1 at 2 na sinumulan noong 2001 at kumitil ng buhay ng mahigit 1000 aktibista dahil lang sa kanilang salungat na pampulitikang pananaw.
Malinaw din ang mga indikasyon ilang araw bago ang opisyal na pagsisimula ng panunungkulan ni Noynoy na hindi magkakaroon ng pahinga sa pagpapatupad sa OBL. Mukhang ito na nga ang patunay dito.
Kung si Noynoy binibigyan ng “honeymoon period”, kung saan kung anu-anong bagay lamang ang inaatupag niya: saan bahay titira (masama kasi ang vibes sa tinirhan ni Gloria), hindi paggamit ng wang-wang, atbp., mukhang ang AFP, diretso kaagad sa trabaho nitong pagtugis sa mga aktibista.
Mabuti pa noong administrasyon ni Cory, marami ring pinatay na magsasaka at aktibista, pero kahit papaano, nagkaroon ng mga konsesyon sa Kaliwa. Pinalaya pa ang mga kilalang lider komunista na nakulong at nakaranas ng tortyur sa kamay ng rehimeng Marcos. May ilan ding progresibong nakapasok sa gabinete, bagamat napilitan din silang tanggalin bilang konsesyon sa mga maka-kanang grupo sa gubyerno na sunud-sunod ang inilunsad na kudeta.
Kung ito na ang simula ng kampanyang kontra-insurhensya ng bagong rehimen, malinaw na walang maaasahang pagbabago ang taumbayan kaugnay ng kapayapaan at kaayusan. Ipinagpapatuloy lamang ang bulok at maitim na patakaran ng nakaraang rehimen. Hindi lamang ito, wala ring maaasahang mapapanagot ang rehimeng Arroyo sa mga krimen nito sa mamamayan, kung parehong patakaran ang ipapatupad ng bagong rehimeng umaastang mag-iimbestiga umano sa mga krimeng ito.
Siyam na taong nagdusa ang mamamayan sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Siyam na taon ding nakibaka at nag-alay ng buhay ang sambayanan. Ang pagkabigo ng mga pakana para makapanatili sa pwesto si Gloria ay isang pinakaaasam na tagumpay ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis. Huwag sanang masayang ang lahat ng ito sa pag-agos ng “pagbabago” ng mga dilawan.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: