Ipinaskil ni: diwa81 | Hunyo 21, 2010

Automated o Railroaded?


Natatawa lang ako sa naging takbo ng eleksyon.

Noong una, sa kampo ni GMA, puro malagim na senaryo ang makukuha sa mga pahayag nila. sa kampo naman ni Noynoy, puro People Power ang sinasabi kung dadayain sila o hindi itutuloy ang eleksyon. Pero ilang araw na lang bago ang mismong botohan, para silang mga tupang biglang tumahimik. at iisa na lang ang direksyon ng kanilang sinasabi. matapos ang botohan, mismong ang kampo pa ni Noynoy ang pumuri sa COMELEC dahil sa “maayos” na eleksyon. sina GMA naman, wala nang nangyari sa mga plano nila.

Hindi pa nagtapos dito. sa proseso ng bilangan, bagamat nagsulputan ang mga akusasyon ng dayaan at mga anomalyang dapat ipaliwanag ng COMELEC at SmartMatic, tila nagkaisa ang lahat ng mga buwaya sa Kongreso. kahit napakalaking tanong ang nakabitin tungkol sa mga ER na walang digital signatures, bagay na magbibigay ng awtentisidad sana sa mga ito, ipinagkibit-balikat na lamang ito ng mga Kongresista na bibilang ng boto.

At hindi rin umubra ang pagrereklamo ng mga talunan sa eleksyon. maging si Mar Roxas mismo, na napakahigpit na katunggali noon ni Binay sa bise-presidente at lubos na naghahabol pa rin noon na manalo, ay hindi makareklamo.

Merong ilang pasundut-sundot na pagkwestyon, pero walang nakapigil sa proklamasyon.

At ngayong naproklama na ang susunod na presidente at bise, transisyon na ang linya ng mga trapo. marami pa sanang ginawa at gagawing maniobrang gagawin si GMA para pahirapan man lang si Noynoy sa pag-upo sa pwesto pero para lang itong bagang binuhusan ng malamig na tubig. tinanggal nila sa kamay ng susunod na pangulo ang kapangyarihan para hawakan ang bulsa ng mga kongresista, pero malamang, wala rin itong silbi kung isasaalang-alang ang katangian ng mga trapo sa Pilipinas. ngayon pa lang maraming nagbabaliktad ng damit.

Ang mga midnight appointees ni GMA ay hindi rin nakaligtas. Napilitan nang magbitiw ang itinalagang chairman ng PAGCOR ni GMA. bagamat parang matapang ang mga salita noong una, wala ring nagawa si Bangit ng AFP kundi ang tanggapin ang pinakahindi nakakahiyang pagpipilian, ang maagang magretiro.

Ngayon si Gloria, panay na ang depensa sa mga akusasyon sa kanya bilang pauna sa maaaring maging imbestigasyon laban sa administrasyon niya. kasabay naman niyon ay ang pakikipaglapit kay Aquino sa magiging pagsasalin ng kapangyarihan. may ilang pasundot din ang papaalis na administrasyon: mga payo sa gabinete, panukalang dagdag na buwis, atbp. pero puro supalpal naman ang inabot nila kay Noynoy.

si Noynoy, nakakonsentra lang ngayon sa inagurasyon niya. may mga pahayag sa mabababaw na isyu: singil sa NLEX, bubuo sa gabinete niya. pero wala siyang malinaw na pahayag tungkol sa mga plano niya kaugnay ng mga mahahalagang usapin ng bayan: reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, pagsasaayos ng ekonomya, paglaban sa liberalisasyon, atbp. ang meron lang siyang linya, paglaban sa korapsyon.

Sa kabuuan, ang tila malaking unos na namumuo noong mga nakaraang buwan bago ang botohan ay parang bulang biglang naglaho. ang napakagulong bangayan ng mga trapo, biglang parang naging mga batang pinatahimik ng kanilang magulang. may pasundut-sundot na mga bira, pero hindi na makaangal pa sa dikta ng kanilang amo.

Parang minadali o railroaded ang naganap na eleksyon at bilangan. pero sa tingin ko, mas angkop nga ang automated. isang pindot lang ng kumand ng amo nila, awtomatik nang sumunod ang lahat, anuman ang kulay, sa kagustuhan ng US: tapos na ang eleksyon, hayaan na ang mapayapang pagpalit ng administrasyon, huwag nang gatungan pa ang mainit na sitwasyon. kung hindi, madadamay pa ang interes ng US sa kapritso ng mga pulitiko.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: