Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 28, 2010

Tuwid na Daan


Sa pagpasok ng susunod na administrasyon, ano nga ba ang maaasahan ng taumbayan?
Simple lang ang sagot ni Noynoy dito, dadalhin niya tayo sa tuwid na daan. Pero ano nga ba ang tuwid na daan?
Sa ads ni Noynoy sa TV noong panahon ng kampanya, napakalinaw ng mensahe. Sa kaliwa, ang baku-bako, malubak at madilim na daan. Sa kanan, ang tuwid at maaliwalas na daan. Pero sa totoong buhay, kadalasan, ang tuwid na daan ang mali at maduming daan.
Para sa mga manggagawa, ang tuwid lang na daan ay ang linya nila sa paggawa. Pero pagkatapos ng halos buong araw na pagbabanat ng buto, uuwi silang sawi sa pamamagitan ng baku-bakong daan, magpapasikut-sikot sa masisikip na eskinita, at tatawid ng mga estero patungo sa kani-kanilang barong-barong.
Para sa mga magsasaka, tuwid lang ang daan patungo sa mansyon ng mga asyendero kung saan kailangan nilang magbayad ng buwis dahil sa mabuting kalooban ng mga ito sa pagpayag na mabungkal nila ang lupang inagaw sa kanila. Pero pagkatapos ng anihan, magpapaikut-ikot na sila sa kanilang nayon para maghanap ng dagdag na kita. May nakikisaka sa ibang lupa bilang upahang paggawa. May mga nagsasakada. May dumarayo sa mga lunsod para manilbihan.
Para sa mga maralitang-lunsod, ang tuwid at madaling na daan ay ang daan ng mga sindikatong kriminal. Walang mapala sa pagbibilang ng poste. Kahit malibot pa siguro ang buong Kamaynilaan. Tangkain mo namang magtinda sa kalye, huhulihin ka naman ng MMDA. Kaya ang madaling solusyon para sa kanila, mang-isnats, magnakaw, o mangholdap. Madaling pera, kailangan lang itaya ang buhay.
Para sa kababaihan, kung mayaman ka, ang tuwid lang na daan ay ang catwalk. Kung mahirap ka, ang tuwid lang na daan ay patungo sa entablado para sa mga mananayaw. Sinumang nagtatangkang lumihis sa mga landas na ito ay marahas na itinutuwid.
Ang isang magaling na magnanakaw, hindi ka basta-basta lalapit sa kanyang biktima at tutukan ng baril. Ang magaling na magnanakaw ay iyong nakakapagnakaw nang hindi mo nalalaman. At mas madalas silang makabiktima dahil hindi mo sila malalaman kahit kaharap mo na. Ang alam mo lang, may isang mama sa harap na buong tamis ang ngiti at nag-aalok pa ng tulong.
Maganda lang na kwento para sa bata ang tuwid na daan. Pero para sa totoong buhay, wala itong silbi at taliwas pa sa katotohanan. Lubhang napakasalimuot ng mga problema ng Pilipinas para lang malutas ng isang tuwid na daan.
Sa patalastas ni Noynoy, malinaw ang mensahe kung alin ang tuwid at alin ang liku-likong daan. Pero ang hindi niya inilinaw kung alin ang tama at tanging daan at alin ang kathang-isip lamang. Ang kaliwa ba o kanan?


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: