Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 28, 2010

People Power?


Naiintindihan ko ang pakiramdam ng langit para sa mga nagsulong sa kandidatura ni Noynoy, paritkular para sa mga manunulat at iba pang intelektwal. Hindi naman nila itinago ang pagtingin nila kay Noynoy bilang “tagapagbalik ng demokrasya” sa Pilipinas, bilang tagapagmana ng mga magulang niya. May karapatan naman ang lahat para sa kani-kaniyang paniniwala sa pulitika. Tulad halimbawa ni Conrado de Quiros, na talo pa ang isang trapo kung magsuri sa eleksyon at sa kandidatura ni Noynoy.
Pero ang hindi ko maintindihan sa mga ito ay ang kung saan nanggagaling ang pagtingin nila na ang tagumpay ni Noynoy ay tagumpay ng People Power. Una sa lahat, isa itong napakalaking insulto sa mamamayan na nakikipaglaban para sa kagalingan nila na kahit pa mapukpok o mabaril sa kalsada, alang-alang lang sa pagsusulong sa interes ng taumbayan.
Ang isang nakikita kong pinagmulan nito ay ang maling paniniwala ng mga ito na ang nangyaring People Power noong 1986 ay ang pagdagsa ng mga tao para ikampanya si Cory at hindi para ibagsak ang diktadurang Marcos. Kaya naman itinatanggi nila ang papel ng mga progresibong pwersa na malaki ang bahagi sa EDSA 1 ngunit nagboykot sa eleksyon kaya hindi bahagi ng sinasabi nilang “People Power” para ikampanya si Cory.
Masyado pa akong bata noong 1986 para malaman ang mga nangyari noong bago mapatalsik si Marcos. Kaya hindi ko alam ang mga sinasabi ng mga dilawan ngayon at hindi ko maikukumpara ang mga nangyari nitong nakaraang eleksyon.
Isa ang alam ko, tulad sa EDSA 1 at 2, kahit na ano pa ang sabihin ng iba, ang People Power ay ang paglabas ng mga tao sa parlamento ng lansangan para doon ilabas ang kanilang hinaing at panawagan. Noong 1986, para patalsikin ang pahirap, pasista at tutang rehimen ni Marcos na mahigit dalawang dekada nang naghahari ngunit walang ginawa kundi ang lalong palalain ang krisis pang-ekonomya ng Pilipinas. Noong 2001, para patalsikin pahirap, pasista at tutang rehimen ni Estrada na mistulang pagbabalik ng mga pwersa ni Marcos para ipanumbalik ang kanilang paghahari. Noong 1986, maaaring sabihing bahagi ang snap elections sa mga pangyayari noong Pebrero ng taong iyon pero isa lamang ito sa mga serye ng insedente. Noong 2001, malinaw na walang eleksyon noong panahong iyon. Sa katunayan, ito ang isa sa pinakaesensya ng People Power: hindi ito nalilimitahan ng mga reaksyunaryong batas o natatakdaan ng panahon. Nakabatay ito tanging sa kapasyahan ng mamamayan, pangunahin ng masang anakpawis, kung kailan mahihinog ang pagkakataon at sasapat ang kanilang pwersa para igiit ang kanilang panig laban sa sinumang gubyerno na nagtataksil sa kapakanan ng bayan.
Ngayon, kaugnay naman ng mga nangyari nitong nakaraang kampanya at botohan.
Dumagsa ang mga tao. Oo. Karaniwan naman nang tanawin iyon sa mga kampanya. Pero eksklusibo lang bang nangyari ito para kay Noynoy? Kung tatanungin mo ang lahat ng mga tumakbo ngayon, pare-pareho naman nilang sasabihin na napakainit ng pagtanggap ng mga tao sa kanila. Kaya sinasabi ng mga hindi nananalo sa sarbey na hindi totoo ang mga ito dahil taliwas ito sa ipinapakita ng mga tao sa kanila. Na totoo naman sa isang pakahulugan. Naging bahagi na ata ng kultura ng mga Pilipino na kapag nakakakita ng sikat na tao dinadagsa. Biruin mo, sa isang site sa internet na nakita ko, dinagsa ng mga tao si Imelda Marcos nang minsang pumunta ito sa Divisoria para magpakuha ng litrato kasama siya. Pero pag-amin mismo ng may-post, ni hindi na niya kilala ang pagkatao ni Imelda o ang naging papel niya sa madugong rehimen ng asawa noong Batas Militar. Basta ang alam lang niya, sikat ang pangalan ni Imelda. At hindi nga nalalayo dito, nanalo pa rin ang mga Marcos sa kanilang balwarte sa Ilocos Norte.
Kaya hindi kataka-taka para sa iba pang personahe na dagsain sa kanilang kampanya. Laluna kung may kasamang mga artista, kundi man artista mismo ang tumatakbo. Pero ito na ba ang sinasabing People Power?
Sabi naman ni Ramon Casiple, tagumpay ang automated elections dahil sa masiglang niyakap ito ng mga mamamayan-botante at dumagsa sa mga presinto. Masyado pang maaga para masabing tagumpay nga ang automated elections sa pakahulugan na sinalamin nga nito ang tunay na boto ng mga tao. Pero dumagsa nga ba ang mga tao sa mga presinto dahil sa People Power?
Sa pagkakaalam ko, talagang napakahaba ng mga pila sa iba’t ibang presinto. Ang iba nga, kalahating araw nang nakapila pero hindi pa rin nakaboto. Pero ang alam kong dahilan dito ay dahil sa mabagal na prosesong ginawa ng COMELEC ng clustering ng mga presinto para makatipid umano sa rerentahing PCOS. Kayat pinagsama-sama ang mga presinto para magkaroon ng hindi bababa sa isang libong botante kada klaster. Kaya naman, talagang magsisiksikan ang mga tao. At dahil relatibong bago ang sistema ng pagboto, siguradong mapapatagal ang pagboto ng kada indibidwal na katulad lang rin ng dating paraan ng mano-manong balota. At siguradong magkakagulo dahil dagdag pa dito ang dati nang mga problema ng nawawalang pangalan at iba pa. Huwag nang banggitin pa ang tila hindi pakikisama ng panahon dahil sa matinding init na dinanas noong araw ng botohan.
Nagkakagulo sa mga presinto, pero ang mga narinig kong balita ay hindi naman dahil kay Noynoy. Sa katunayan, mas dahil pa ito sa mababaw na lokal na pulitika o matinding ribalan ng mga lokal na kandidato at mga tagasuporta nila.
Ito ba ang sinasabi nilang People Power?
Oo, maraming bumoto kay Noynoy, iyon ay kung isasantabi na natin ang kasalukuyan pang imbestigasyon sa mga dayaan umano. Pero masasabi bang dahil ito sa People Power? Noong 2004, marami rin namang bumoto kay Gloria. Maaaring dinaya niya si FPJ, pero may mga indikasyon noon na hindi rin lalayo ang boto ng dalawa kung hindi nandaya si Gloria. Masasabi rin bang People Power ito? O mas magandang halimbawa noong 1998, kung kailan nakakuha ng di mapapasubaliang malaking kalamangan si Estrada laban sa mga katunggali niya. Bakit hindi nila sinabi noon na People Power ito?
Ang maling pananaw ng mga dilawan kaugnay ng People Power ay nagpapakita lang pagmamaliit nila sa tunay na kapangyarihan at talino ng mamamayan, sa isang panig, at sa kababawan ng pampulitikang pananaw nila, sa kabila. Hindi kailanman lumabas ang mamamayan sa pambansang saklaw para itaya ang kanilang buhay para lang sa mababaw at makasariling interes ng sinumang trapo. Oo nga pala, kahit ang mga Aquino ay trapo pa rin. At ang bigong pagturing nila kay Noynoy bilang tagapagbandila ng demokrasya ay isang malinaw na indikasyon na hindi nila lubos na kilala ang kandidato nila at ang takbo ng pulitika dito sa Pilipinas. Sana lamang ay hindi nila makalimutan ang kanilang mga papuri ngayon kay Noynoy paglipas ng ilang panahon lang.
Walang problema sa akin, kung ihambing nila ni Noynoy sa kanyang mga magulang. Kahit na sa tingin ko, malayung-malayo pa si Noynoy mga nagawa nina Ninoy at Cory. Mabuti pa si Cory, masasabing naging bahagi rin siya ng laban noon para ibagsak si Marcos. Hindi katulad ni Noynoy, na ngayon lang biglang umingay dahil tatakbo siya ngayong eleksyon pero hindi bahagi ng laban noon pa mang simula ng rehimen ni Arroyo. Pero walang problema kung tingin nila ay magiging katulad ng rehimen ni Noynoy ang rehimen ni Cory. Tandaan lang nila na noong panahong ni Cory, namasaker ang ilang magsasaka sa mismong paanan ng tulay ng Mendiola dahil lamang hinihingi nila ang kanilang lupa na patuloy na ipinagkakait noon, at hanggang ngayon, ng mga Aquino-Cojuangco. At daan-daan pa ang pinatay ng mga armadong grupo at kulto dahil sa umano’y pagpuksa sa komunismo. Gayundin ang kapalaran ng lahat ng magsasaka sa buong Pilipinas. Sa mga pahayag ni Noynoy, mukhang ganito pa rin naman ang mangyayari sa bansa, kundi man mas malala pa.
Nagkaroon nga ba ulit ng People Power ngayong eleksyon, o ang mga Aquino-Cojuangco at mga alipures nila ang nagpe-People Power ngayon dahil makakabalik na sila sa Malacañang para pumalit sa trono at magpayaman? Patay na ang “Cory Magic.” Mukhang ang meron na ngayon ay “Noynoy Magic!”
Sa mga naglalabasan ngayong kwento ng malawakang dayaan sa eleksyon, bigla ko tuloy naalala ang tungkol sa sekretong kandidato ng Malacañang.


Responses

  1. masyadong mahaba


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: