Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 21, 2010

Failed?


Mukhang masyadong maagang nagdiriwang ang Malacañang sa pagmamayabang na tagumpay ang nakaraang automated elections sa Pilipinas, ang kauna-unahan hindi lang dito kundi maging sa Asya.
Kung sa bagay, relatibo naman ang kahulugan ng pagtatagumpay ng eleksyon dito sa Pilipinas. Halos lahat naman ng eleksyon, maliban noong 1986, ay naging tagumpay para sa mga naghahari dito sa Pilipinas. Tagumpay sa pakahulugan na naganap ang eleksyon o ang pagpapalitan ng kapangyarihan at pagkakataon na magpayaman at hindi sa pakahulugan na nagkaroon ng mapayapa, malinis, at mapagkakatiwalaang eleksyon, gaya na rin ng hatol ng PIOM o mga grupo mula sa ibang bansa na nag-obserba sa nakalipas na eleksyon.
Malinaw na hindi payapa ang nangyaring eleksyon. Noon pa mang nakaraang taon, nagsimula na ang patayan ng magkakaribal sa pulitika. Sino bang makakalimot sa Maguindanao Massacre? At hanggang sa kahulihang minuto bago ang botohan, marami pang balita ng barilan at girian ang humabol. Walang nagawa ang gubyerno para arestuhin ang pamamayani ng mga pribadong hukbo ng mga trapo. Pinakamalaki na dito ang mismong mga yunit AFP at PNP na umaaktong pribadong hukbo. Mas malala pa, laman din ng ulat ng PIOM, ang paggamit ng gubyerno sa AFP para mangampanya laban kina Satur Ocampo, Liza Masa at sa mga progresibong party-list , kundi man ang mismong pagharas o pagpatay sa mga myembro nila.
At hindi rin malinis. Kung makikinig sa mga lokal na radyo sa iba’t ibang lalawigan, halos iisa ang balita, ilang araw bago ang Mayo 10. May mga bahay na nga umano na may karatula sa labas na nagsasabing, “Hindi nagbebenta ng boto!” Dalawang bagay lang ang posibilidad. Alinman sa nagpapasikat lang ang COMELEC at mga nagpanukala ng automation o talagang tanga lang sila para isipin na mahahadlangan nila ang mga trapong ganid sa pusisyon dahil lang sa simpleng paggamit ng kompyuter sa eleksyon. Pero paano nga naman maaasahang lilinis ang eleksyon dito, anuman ang paraan ng pagbibilang, kung ang mismong komisyong inatasang magsagawa nito at ang gubyernong nag-atas ay hindi rin malinis?
At lalong hindi mapagkakatiwalaan. Hindi naman na kataka-taka ang mga balita ng dayaan. Maaaring hindi kapani-paniwala ang mga lumantad sa bidyo na nagdedetalye ng dayaan nitong nakaraang botohan. Pero para sa akin, mas mahirap paniwalaan na hindi nagkaroon ng dayaan kaysa sa sinasabi ng isang nakamaskarang tao. Para sa akin, mas kapani-paniwala pa ang isang taong natatakot magpakita ng mukha habang isinasalaysay ang nalalaman niya umano kaysa sa mga Komisyuner na buong kapal ang mukhang sasabihin nang harapan sa taumbayan na walang nangyayaring anomalya sa COMELEC.
Ang malaking tanong na lang ngayon ay sino ang nandaya kanino? Maaaring si Noynoy pa rin ang manalo kahit walang dayaan, pero hindi magiging magandang simula para sa kanyang administrasyon ang magkaroon kaagad ng bahid ng putik. Dati na siyang nanlilimatik sa dugo ng mga manggagawa at magsasaka pero madali niya itong napinturahan ng dilaw sa pagkamatay ng ina niya. Pero ito, hindi na niya basta-basta maitatago. Sa bagay, ang problema pa naman dito ay kung mapapatunayan. Malamang na mas prinoproblema niya ay ang magiging bise niya. Hindi malayong naggagapangan ngayon sina Binay at Mar para manalo ang isa sa kanila. Ang problema, sa pandaraya nila, siguradong dawit dito si Noynoy. Isa pa, ang mahigpit na bangganan ng dalawa ay siguradong magdudulot ng maagang pagkabitak sa hanay ng pangkatin nila Noynoy. Kailangan niyang mamili ngayon kung sino ang mas matimbang sa kanya, ang Kamag-anak Inc. o ang mga SocDem. At sa palitan ng mga propaganda ng dalawang panig, mukhang hindi mapagkakasundo ang dalawa. Ang una ay nagnanais na maibalik ang Happy Days nila at ang pangalawa ay nagpapanggap na mga anghel at tagapagdala ng demokrasya pero naghahangad din na makabalik sa gabinete.
Isa pang malinaw na indikasyon na ang pinakamalaking talunan sa eleksyon ay ang taumbayan, ay hindi na itinatago ng mga kongresista ang katotohanan na maaari silang mabili sa pamamagitan ng pork barrel. At dito nakadepende kung paano sila boboto para sa Speakership sa Kamara. Ang LP, nagsasabi na makukuha nila ang liderato ng Kamara dahil sila ang magiging bagong administrasyon at may kontrol sa bulsa ng mga kongresista. Ang Lakas naman, nagsasabing hindi na kontrol ng presidente ang pork barrel ngayon. Ang malinaw lang dito, walang prinsi-prinsipyo sa mga kongresista. Ang mahalaga lang ay kung sino ang makapaglalangis sa kanilang bulsa. Ngayon pa lang nagdiriwang na ang mga kongresista ng LP na makukuha nila ang, ika nga, juicy committees sa Kongreso. Ito na ba ang sinasabing pagbabago ni Noynoy?


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: