Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 15, 2010

Ngayong tapos na ang eleksyon:


Una, nagyayabang ngayon ang Malacañang na mali ang mga prediksyon na papalya ang eleksyon. Kung sa akin lang, mas maganda na na mapatunayang mali ang prediksyon. Dahil ibig sabihin niyon, ang kabaliktaran ang mangyayari. Pero dapat lang rin ilinaw na ang takot ng mga tao noon ay hindi walang basehan. Bagamat nakita na natin na natuloy nga ang eleksyon, hindi pa rin nito mapapasubalian ang napakalinaw na mga indikasyon noon ng mga elemento para sa pagpalya ng eleksyon. At ang pagtuloy ng eleksyon ay hindi nangyari dahil sa kagustuhan ng papalabas na administrasyon kundi sa kabila ng mga maniobra nito at dahil sa kagustuhan ng taumbayan.
Ikalawa, malinaw na kung sino ang susunod na presidente. May mga humahabol pa ng akusasyon ng dayaan. Malamang na may katotohanan dito. Pero sa tingin ko, hindi na rin malaki ang mababago sa resulta ng botohan, lalo na sa pagkapangulo, kahit wala ang dayaan. Malinaw naman ang layo ng boto ni Noynoy sa mga katunggali niya, at lalong mas malinaw suporta ng US sa kanya.
Kung meron mang mabuting nakuha ang bayan sa mahigpit na bangayan ng mga magkakalabang pulitiko, iyon ay, napilitan ang lahat na magbitaw ng mga pangako para sa bayan. Hindi man nanalo ang binoto ko, hindi ako nanghihinayang. Una sa lahat, hindi ko naman siya itinuturing na magiging solusyon sa mga problema ng Pilipinas. Kaya kahit natalo siya, hindi malaking kabawasan.
Kung hindi naman ako nagkakamali, iyon naman ang pangako ni Noynoy, ang pagbabago. Ika nga, bigyan siya ng benefit of the doubt. Tulad ng mga prediksyon ng pagpalya ng eleksyon, mas ikatutuwa ko pa kung mapatunayang mali ang mga pagtingin na walang idudulot na pagbabago si Noynoy kundi magbabalik lamang ang paghahari ng Kamag-anak Inc. At ito ngayon ang hamon ko, hindi sa mga bumoto kay Noynoy, dahil marami naman dito ang nadala lang ng matatamis na pangako ng mga pulitiko dahil na rin sa kawalan pa ng ibang makakapitan, kundi para sa mga tagapaglako ni Noynoy, Yellow Force man iyan o Yellow Army.
Hindi rin ako nanghihinayang kahit natalo sina Satur Ocampo at Liza Masa. Sila sana ang pinakakwalipikado sa mga tumatakbong Senador, ayon na rin sa mortal nilang kaaway na si Norberto Gonzales. Napakalaking bagay sana kung nanalo sila. Sa kanila lang ako nakakasigurado na hindi gagamitin ang pusisyon para magpayaman kundi talagang isusulong ang kapakanan ng masang anakpawis. Pero hindi pa rin maituturing na malaking kawalan ito. Ilang dekada naman nang napatunayan ang katapatan nila sa mithiin ng anakpawis. At ginawa nila iyon kahit walang pusisyon sa gubyerno. Itong dekada lang naman pinahintulutan ng estado ang mga progresibong tulad nina Satur at Liza na pumasok sa gubyerno. At hanggang ngayon, nananatiling pakitang-tao pa rin ang pagpapahintulot na ito. Kaya ang simpleng pagkakatalo sa eleksyon ay hinding-hindi magiging hadlang sa pagpapatuloy ng pakikibaka.
Ni ang walang pakundangang pambababoy ng mga trapo sa sistemang party-list. Nagdagsaan ngayon ang mga huwad na party-list at mukhang makakapasok pa ang marami sa mga ito. At bawat isa sa mga pekeng kinatawan na ito ay kabawasan para sa mga lehitimong kinatawan ng mga napapabayaang saray ng lipunan. Malinaw ang hangarin ng mga trapo na magpatakbo ng mga party-list para mahadlangan ang mga progresibong party-list, kundi man lunurin ang kanilang hanay para mabawasan ng boses, bukod pa sa kasibaan talaga nila sa pwesto. Pero malinaw rin noong una pa man na ang layunin ng sistemang party-list ay para bigyan ng ilusyon na merong boses ang mahihirap sa Kongreso, pagbibigay ng mumo sa mga pulubi para hindi na mangulit at makaistorbo sa kanilang pagpipiging.
Kahti naging automated na ang eleksyon, wala pa ring natatalong trapo sa eleksyon sa Pilipinas. Puro nadadaya lang. Ang nananatili pa ring talo, ang taumbayan. Dahil sa mga karahasan, pamimili ng boto, at dayaan. Pero higit sa lahat, dahil sa mga bigong pangako. Pero kahit na ganito, hindi pa rin malaking kabawasan ito para sa masang anakpawis na patuloy na sumusulong at natututo sa karanasan.
Isara man ang mga pabrika, agawin ang lupa, o pagkaitan ng kapangyarihan sa gubyerno, nananatiling maluwag at maaliwalas ang landas para sa tunay na pagbabago.
Merong nagsasabing ang dilaw ang kulay ng pagbabago. Siguraduhin lang nilang totoo sila sa kanilang mga salita. At huwag lang silang babagal-bagal, dahil ang agos ng mga anakpawis ay parang baha na hindi na mapipigilan.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: