Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 5, 2010

People Power


Sa isang banda, tama ang tugon ni Cardinal Rosales kaugnay ng pahayag ni Noynoy Aquino hinggil sa People Power kung madadaya ang huli.

“Hibang at iresponsable.”

para sa akin, tama lang na deskripsyon ito sa pahayag ni Noynoy.

hibang, dahil sino ba naman si Noynoy para manawagan ng People Power. Si Noynoy ay hindi si Cory o Ninoy. kahit pa anak siya ng mga ito, malayung-malayo siya sa dalawa na naging popular na personahe na dito sa Pilipinas. Si Noynoy, ano na ba ang nagawa niya para magkaroon ng karangalang manawagan ng People Power? kahit noong nanawagan si Cory ng pagbitiw ni Gloria, nasaan ba siya?

napakairesponsable, dahil ano ba ang dahilan niya ng pananawagan ng people power? “Kapag dinaya ako sa eleksyon, magkakaroon ulit ng People Power!”

Hindi dahil magkakaroon ng dayaan, sa pangkalahatan. hindi dahil magkakaroon ng malawak na karahasan. hindi dahil maraming tao ang papatayin dahil sa pampulitikang paninindigan. kundi, dahil dadayain siya sa eleksyon.

at ang batayan niya nito, dahil siya ang nasa unahan ng mga survey. meron pa bang mas trapo sa pahayag na ito?

kaugnay ito ng mga nauna na niyang pahayag na siya ang susunod na presidente. matatalo lamang siya umano kung dadayain siya. at iyon nga ay dahil sa mga survey. kung ganoon, bakit pa ba tayo mag-eeleksyon? bakit pa ba tayo boboto? idineklara naman na ni Noynoy ang sarili bilang presidente batay sa mga survey.

Puro pagbabago ang ipinapangako ni Noynoy at ng buong LP. pero sa mga pahayag nila, pinatutunayan nilang wala silang pinag-iba sa mga trapong kalaban nila, kundi man mas malala pa.

tama ang tugon ni Erap dito, na dapat matuto si Noynoy mula kay Cory kaugnay ng pagkukumbaba. kung meron man positibo kay Cory, iyon ay dahil hindi siya trapo kung magsalita.

ang people power ay hindi laruan. hindi lang ito basta sinasambit, tapos aasahan na mahiwagang lalabas. kahit ang Cory Magic ay isa lang mito. may malakas na hatak ang panawagan ni Cory noong 1986 at 2001, pero isa lamang ito sa mga salik sa likod ng dalawang People Power.

walang problema ang manawagan nito, pero ginagawa ito sa pamamagitan ng aksyon at hindi ng salita. at lalung-laluna, ginagawa ito dahil may dahilan. ngunit kinakailangang malalim ang dahilan at hindi dahil sa napakababaw at makasariling interes ng isang abNoy na gustong maging presidente.

Sa kabilang banda naman, ang mismong pahayag ni Cardinal Rosales ay iresponsable rin. hindi naman dahil mali ang sinabi niya, kundi dahil malabo ang pagkakasabi niya. na pati ang diwa ng People Power ay naisasalang.

para sa mamamayang Pilipino, na biunubuo ng masang anakpawis sa kalakhan, walang boses sa gubyerno ang maliliit. hindi naisasaalang-alang ang kanilang interes. kailangan mo pang lumabas sa lansangan at sumigaw para mapansin ang mga hinaing. kung wala ang ganito, saan na pupunta ang mamamayan.

sa Kongreso? ang tagal naman nang napatunayang mga buwaya ang halos lahat ng kinatawan sa Kongreso. meron mang matino, sa simpleng bisa ng bilang, walang magagawa ang prinsipyo at katarungan sa loob ng bulwagan ng Kamara at Senado. kahit ang sistemang party-list na ginawa para sana pampalubag-loog at pakitang-tao, binaboy na. ang mga tunay na partido na kumakatawan sa interes ng mga lehitimong marginalized group, pinagbabawalan. halimbawa ang Migrante, na talagang nagsusulong sa kapakanan ng mga OFW at mga pamilya nila, kahit pa wala sa Kongreso. habang ang mga party-list ng administrasyon at iba pang malalaking pulitiko ang siyang nag-aagawan sa pwesto.

kapag minamaltrato, kanino lalapit? sa mga otoridad? na lagi namang nasa panig ng mga hasyendero at malalaking kapitalista.

kahit ang korte, maging sa kataas-taasang sangay nito, hindi na nakaligtas sa galamay ni Gloria.

kaya kung tatanggalin pa ang People Power, mas malaking kabawasan pa para sa mamamayang Pilipino. kung tutuusin, kung papipiliin lang ako sa eleksyon o People Power, sa huli pa rin ako.

sa eleksyon, kahit na anong sistema ng pagbilang, naririyan pa rin ang dayaan, karahasan at pamamaslang para impluwensyahan ang resulta, bukod pa ang katotohanan na puro mga naglalakihang trapo lang naman ang laging naglalaban-laban. walang pagbabago kundi pangalan at mukha ng nakaupo. pero nananatili ang interes na kanilang pinaglilingkuran, ang sarili nila at ang mga dayuhang korporasyon na magbibigay sa kanila ng yaman.

sa People Power, paano mo dadayain ang mamamayan na aktwal na nasa labas ng lansangan at sumisigaw ng pagbabago. tapatan man ng mga tangke, hindi umaatras. at napatunayan na sa kasaysayan, at patuloy pang patutunayan, na sa pagsasama-sama ng taumbayan, marami ang magagawa. sa dalawang nakaraan na People Power lang, mas malaki pa ang nagawa ng mga ito kaysa sa lahat ng Kongreso kung pagsasama-samahin.

Ano man ang sabihin, ang People Power ay People Power. at mananatili ang kapangyarihang iyan hanggang mapawi na ang pagsasamantala at pang-aapi. ang pagpipilian lang ay kung saan ka titindig, sa unahan nito, sa likuran nito, o laban dito.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: