Ipinaskil ni: diwa81 | Abril 28, 2010

Papalya Ba ang Eleksyon?


Una sa lahat, sa punto de bista ng masang anakpawis, ang magaganap na eleksyon ay nananatiling isang bulok at reaksyunaryong eleksyon na nakapaloob sa isa ring bulok at reaksyunaryong naghaharing sistema. Isa lamang itong ehersisyo ng huwad na demokrasya na pana-panahong isinasagawa para likhain ang ilusyon ng kalayaan at kapangyarihan ng mga ordinaryong mamamayan. Mabisa itong palusot ng mg anaghahari para ipasa sa taumbayan ang sisi kung bakit patuloy na dumadausdos ang bansa, kasi ang mga tao naman ang naghalal sa kanila; kung gustong baguhin ang kalagayan, maghintay na lang ng susunod na eleksyon. Kaya sa kabuuan, dati na at patuloy na bigo ang eleksyon sa paghahatid ang mga hinihinging pagbabago, ang mga reporma na kinakailangan para iahon ang bansa sa burak ng kahirapan. Bigo itong idulot ang reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Bito itong isaayos ang mga di pantay na kasunduan sa ibang bansa. Bigo ito kahit man lang sa pagpapakitang-tao ng mga pulitiko na pigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo. Sa madaling sabi, para sa sambayanan, kailan ba hindi pumalpak ang eleksyon at para sa mga naghahari, kailan ba pumalpak ang eleksyon?
Ngayon para naman sa automated elections, sa partikular, ngayong Mayo 10, nakadepende rin kung kaninong pananaw. Maaari itong pumalpak o gumana batay sa plano ng Malacañang, o sa iba pang pwersang kasangkot dito.
Maaaring matuloy ang eleksyon batay sa plano ng Malacañang, automated man o mano-manong pagbibilang.
Kung hindi matuloy, maaaring dulot ito ng matinding karahasan at dayaan o dahil sa batas militar o pareho.
Ang lahat ng posibilidad na ito ay nananatiling bukas at ang komun na salik dito ay si GMA na patuloy na nangungunyapit sa trono sa kanyang Palasyo.
Sa unang senaryo, kailangan niyang maipanalo ang kandidato ng administrasyon na relatibong mahina ang kapangyarihang pampulitika at madaling kontrolin sa gayon, manalo bilang kongresista, makontrol ang Kongreso, baguhin ang konstitusyon, at manalo bilang punong ministro.
Relatibong mahaba ang proseso, pero ito rin ang relatibong “payapa” at madaling landas para makalusot sa mapagbantay na matyag ng mga kalaban niya. May mga nagsasabing hindi raw posible ito, dahil oras na bumaba na sa pwesto si GMA, mawawalan na siya kontrol sa kanyang mga alipures. Pero pinapatunayan lang nito ang kakitiran ng pananaw ng mga taong ito. Malinaw na una, hindi pa nila lubos na kilala si GMA at pangalawa, bulag sila sa tunay na kalikasan ng eleksyon at labis na nasisilaw sa “pagbabagong” pangako ng sarili nilang kandidato.
Pero malinaw pa sa sikat ng araw na mananalo lamang ang manok ng administrasyon kung magkakaroon ng dayaan. At natural, walang tatanggap sa resultang ito. Kaya magkakaroon ng dahilan na ipawalambisa ang eleksyon at manatili ang kasalukuyang rehimen hanggang sa maisagawa ulit ang eleksyon. Kung kailan ito, sila na lamang ang nakakaalam. Pero totoo lamang ito para kay Gibo. Hindi ito totoo sa kahambugan ni Noynoy na matatalo lamang siya kung madadaya siya. Para sa akin, tanda lang ito ng political immaturity niya. Hindi pa man nagsasalita ang mga botante, kinukundisyon na niya ang isipan ng mga tao na siya na ang susunod na presidente. Lahat ng ito dahil lamang sa mga sarbey na lumalabas.
O maaari naman ang pinakamaikling ruta: magdeklara ng batas militar bago pa man mag-eleksyon, nyutralisahin ang oposisyon at manatili sa pwesto.
Patunay dito ang lahat ng mga nakaraang kaganapan at mga magaganap pa: nananatili ang COMELEC, ang parehong COMELEC ng mga Garci noong 2004, at COMELEC ng mga Bidol ng 2007; ang pagkakapakat sa mga estratehikong pusisyon at kumand ng Batch ‘78 ng PMA, partikular ng mga heneral na napatunayan nang tapat kay GMA; at sa pagretiro ni CJ Puno sa Korte Suprema, lahat na ng Justice ng SC ay appointee ni GMA. Kaya halos kumpleto na ang lahat ng paghahanda para sa lahat ng senaryo. Ang COMELEC na magsasagawa ng eleksyon. Ang AFP na magbibigay ng armadong seguridad bago, habang at pagkatapos ng “eleksyon.” At ang Korte Suprema na may panghuling pasya sa lahat ng ligal na kontrobersyang maaaring ibato laban sa rehimen.
Ngunit ang kalalabasan ng kabanatang ito ay itatakda ng tatlo pang salik: ang US, ang iba pang trapo, at ang taumbayan.
Sa pangkalahatan, walang makabuluhang nagagawa ang sinumang naghaharing pangkatin dito sa Pilipinas nang walang pahintulot ng naghaharing pangkatin ng US. Ang US mismo ang nagdisenyo sa sistemang ito para bigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang trapo sa Pilipinas na makapaghari at magpayaman, pahupain ang pag-alma ng taumbayan at tiyakin sa gayon ang kanilang interes. At nasa interes nila ngayon ang mapayapang transisyon mula sa isang tuta nila tungo sa isa pa. Hindi maganda ang pagkakataon para sa US na suportahan ang isa na namang hayagang diktadura, hindi tulad noong dekada 1970.
Ito naman ang pinanghahawakan ng iba pang trapo na tumatakbo ngayon. Kung gaano kapursigido si GMA, gayundin kapursigido ang iba na pumalit sa kanya. Pangunahin na dito ang kampo ni Noyno Aquino na mas mabango ang pangalan habang malinaw na nakahandang patuloy na pangalagaan ang neo-liberal na mga patakaran ng US dito sa Pilipinas.
Mula pa kay Marcos, hindi na nagkasya ang mga naghaharing pangkatin sa iisang termino lamang. Hindi itinatago ng kasalukuyang rehimen ang pagnanais nitong manatali pa sa pwesto sa kabila ng siyam na taon nang pagpapakasasa. Ngunit ang pagnanais na ito ay totoo para sa lahat ng trapo, nakaupo man o hindi. Dito naitutulak ang mga pangkatin sa mas marahas na bangayan sa pag-aagawan sa kapangyarihan.
Ngunit ang pinakamapagpasyang salik, ang nagdudulot ngayon ng makabuluhang pagbabago at pagyanig sa mismong pundasyon ng naghaharing sistema ay ang taumbayan. Ang mamamayang Pilipino ay lagi nang inaapi at pinagkakaitan ng kapangyarihang makilahok sa pagpapasya sa mga usapin ng bansa. Pero ilang ulit nang napatunayan na kapag nagkakaisang bumuhos ang sambayanan at sumigaw, napipilitang sumunod at magkompromiso ang buong naghaharing sistema, kahit na labag o wala ito sa kanilang batas o konstitusyon. At sa bisa ng mga aral mula sa mga nakaraang pag-aalsa, patuloy na lumalakas ang boses na ito. Hanggang sa ngayon, hindi pa sapat ang lakas na ito para baguhin ang sistema mismo. Ang mga nakaraang pagbabago ay nasa loob pa rin ng balangkas ng kasalukuyang sistema. Pero sa pagtindi ng pagsasamantala at pang-aapi, hindi na mapipigilan pa ang agos ng pagbabago, ng tunay na pagbabago.
Sa ngayon, nananatiling malakas na pwersa ang kampo ni GMA. At napapahina ang oposisyon dahil sa hidwaan ng mga pulitiko sa isa’t isa. Ang kailangan ngayon ay ang magsanib ng pwersa ang lahat ng oposisyon at ang taumbayan para biguin ang lahat ng pakana ng Malacañang: ang pumalpak ang eleksyon o ang gumana ito ayon sa kanilang kagustuhan. Tanging sa ganito mailalatag ang kundisyon para sa pagsusulong ng kani-kanyang interes. Maging ang bangayan ng mga nasa oposisyon ay mawawalan ng saysay kung hindi mapipigilan ang administrasyon.
Sa ngayon, ang kailangan munang pumalpak ay ang maitim na balak ni GMA, eleksyon man iyan o ang iba pang paraan sa itaas.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: