Ipinaskil ni: diwa81 | Abril 24, 2010

Kadukhaan


02 April 10
Hindi maitatago o hindi itinatago ni Conrado de Quiros ang kanyang pagkahumaling kay Noynoy, tulad ng pagkahumaling niya kay Cory. At dahil may isang Noynoy, hindi rin maitatago ang pagkahumaling niya sa bulok na eleksyong darating ngayong Mayo.
Mistulang bilang pagsusulong niya sa kanyang manok, maraming artikulo na ang inilaan niya para dito, na kung pagsasama-samahin ay malaking espasyo na sana sa isang pangunahing dyaryo sa bansa para sa mas mahahalagang bagay; at kalahati dito ay pagbatikos kay Manny Villar. Hindi ko alam ang eksaktong bilang ng mga artikulo. Hindi naman ako mahilig magbasa ng mga sinusulat niya, at least, ngayon. Dati kasi, medyo makabuluhan pa ang mga salita na lumalabas sa panulat niya, dagdag na boses laban sa isang bulok na rehimen. Hindi katulad ngayon, pinabubulok niya ang isang maaaring pumalit na rehimen para lang magmukhang mabango ang rehimeng kinahuhumalingan niya.
Kalahati, kung hindi man sobra pa, ng mga artikulo ay batikos sa panugnahing katunggali ni Noynoy; mahirap nga namang magsulat para pabanguhin ang isang kandidato kung wala namang magandang maisulat tungkol sa kanya. Kaya bakit hindi na lang batuhin ng putik ang kabila?
Si Villar ang maaaring iboto ko sa eleksyon. Pero hindi ito pagtatanggol sa kanya. Para sa akin, ano naman kung batikusin siya ni De Quiros? Totoo naman ang ilang sinusulat ng huli. At isa pa, kung meron mang nakukuhang positibo sa bulok na eleksyong ito, iyon ay, dahil nailalantad ang kabulukan ng mga kandidato at unti-unting nababasag sa isipan ng mga tao ang pagkahumaling sa mga ito. Nakakalungkot nga lamang, na iyon pang mga manunulat na nagsisilbing daluyan ng mga impormasyong ito ang mas matindi ang pagkahumaling sa isa rin namang bulok na politiko.
Hindi, naisulat ko ito dahil sa mga nakaraang artikulo ni De Quiros kung saan nakadiskubre siya ng “napakahahalagang bagay” tungkol sa pagkatao ni Villar at ngayo’y nagpapanggap na kampeyon ng mahihirap. Nagkataon lang na patungkol kay Villar ang artikulo niya. Pero isang bahagi doon ang mga pahaging niya sa mga “langaw na naiwang nakadikit.” Isa ako sa mga langaw na iyon.
Dahil sa mga bagong tuklas ni De Quiros, lumalantad siya ngayon bilang kampeyon ng mahirap. At sa bigat ng mga naturan, inilalabas niya ang kanyang “mga pilosopiya tungkol sa kadukhaan,” ngunit bigo at sa halip ay “kadukhaan ng pilosopiya” ang sumingaw.
1. Isa ako sa mga langaw na iyon. Pero wala akong pagpapanggap na isa akong mahirap. Sa katunayan, lagi nga akong nahihiya kapag naaalala ko ang katotohanang iyon habang “nakadikit” ako sa mga masang anakpawis. Hindi naman kami mayaman, kumbaga, panggitnang uri lamang. Pero dahil sa labis na kahirapan ng mga manggagawa at magsasaka, napakalaki na ng agwat. Paano pa kaya ang mga asyendero at malalaking kapitalista?
At dahil sa kalagayang iyon, nagpasya akong “dumikit.”
Natural, nanghinayang ang mga magulang ko. Sa pagtakbo kasi ng panahon, unti-unti na ring bumagsak ang aming kabuhayan. Ang panghuling dagok ay noong nagpasyang magtayo na lang ng sariling negosyo ang tatay ko, saka naman tumama ang 1997 Asian Financial Crisis. Kaya bumagsak na kami sa mababang panggitnang uri. Dahil doon, isa ako sa inaasahan ng mga magulang ko na mag-aahon ulit sa pamilya mula sa “kahirapan.”
Pero ako, walang anumang bahid ng panghihinayang. Mula high school hanggang kolehiyo, libre ako sa pag-aaral dahil sa mga iskolarship, o sa madaling sabi, dahil sa pawis at dugo ng mga mahihirap mula sa kanilang buwis kaya ako nakapag-aral. Kaya kung tutuusin, kulang pa ang buhay ko para bayaran iyon. Ang tanging maigaganti ko na lang ay ang ialay ang natitirang bahagi nito.
Wala akong ambisyon na mapapayaman ko ang mga mahihirap dahil sa ginagawa ko. Mga makasarili lang naman ang naghahangad yumaman. Para sa mga mahihirap, ang tanging hangad lang naman nila ay ang wakasan ang kanilang kahirapan at mamuhay ng sapat at matiwasay. Hindi naman nila kasalanan na sa paghahangad nila niyon ay kailangan din nilang wakasan ang pagsasamantala ng mga asyendero at kapitalista, na dahilan ng pagyaman ng mga ito sa isang banda, at paghirap nila, sa kabila.
At kaugnay naman ng eleksyon, kung bakit nagpasyang “dumikit” ang mga langaw kay Villar:
2. Hindi mahirap si Villar. Hindi na siguro kailangang maging genius para malaman ito. Kailangan mo lang maging Conrado. Oo, kailangan mo pang maghalungkat ng kaunti para malaman ang nakaraan ni Villar at saka pwedeng sabihin kung mahirap nga siya o hindi noon. Pero sa pag-aaral, sa pagsuri sa isang kandidato ngayong eleksyon, mas mahalaga pa rin kung ano siya sa kasalukuyan at magiging ano siya sa hinaharap. Mga mangmang lang ang nagpapakaiwan sa nakaraan, kahit sabihing 1986 iyon.
Pero kung gagamit ka lang naman ng halimbawa, tiyakin mo rin namang mahirap nga ang ibibigay mo sa totoong pakahuluga nito at hindi lang dahil mas mahirap ka kina Villar, o dahil mas mayaman sila. Hindi rin naman “proletaryong” matatawag ang pamilyang nakapagbenta pa ng bahay para makaluwas sa Maynila at ipagamot ang kapatid na may polio. Nakapunta na rin ako sa Camarines Sur kung saan matatagpuan ang Naga City. At doon, nakakilala ako ng mga magsasaka na ang pinakamalayo nang narating sa buhay nila ay ang sentro ng kanilang bayan. Kaya kapag nagkakasakit sila, sa lokal na manggagamot lang sila pumupunta. At hindi sila sa leukemia o polio namamatay. Kahit sa simpleng sakit na trankaso dahil hindi maipaayos ang bubong ng kubo at parating nauulanan ang anak pagdating ng tag-ulan. Walang bahay o lupang maibenta.
Hindi mahirap si Villar. Nagmamay-ari siya ng malalawak na lupain sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. At totoo, hindi siya yumaman dahil lang sa sipag at tiyaga. Wala namang yumaman na tao dahil lang sa mga ito. Sa halip, ang mga mayayaman ngayon ay mula sa pagsasamantal at pagpapahirap sa ibang tao, tulad halimbawa ng pagsasamantala ng mga asendero sa kanilang mga kasama at manggagawa sa asukarera.
Ginamit ni Villar ang kapangyarihan niya sa gubyerno para kumita sa C-5 road project? Oo. Ang tanong, sino ba sa mga tumatakbo ngayong pangulo, maliban siguro sa mga hindi nakaupo, ang hindi gumamit sa kanilang pwesto para lang magpayaman?
Sekretong kandidato ng Malacañang si Villar? Ewan ko. Sekreto nga e. Pwedeng totoo, pwedeng hindi. Kung hindi siya, pwede iyong iba pang kandidato. Ang problema, wala namang naglalabas ng sapat na ebidensya para magpatunay sa mga alegasyong ito. Sa madaling sabi, tsismis! At wala itong pinag-iba sa mga tsismis na ipinapakalat ng mga kandidato ngayon na iaahon nila sa kahirapan ang mga Pilipino, na lalabanan nila ang korapsyon. Ang lahat ay pawang nakalista lang sa tubig.
Sa madaling sabi, maaaring mapatunayan ni De Quiros ang kahungkagan ng linya ng pangangampanya ni Villar na “mahirap laban sa mayaman. ” Pero hindi naman niyon awtomatikong pinatutunayan ang kawastuan ng linya ng pangangampanyang parang tutang inilalapit sa kampo ng LP na, “mabuti laban sa masama.”
Kung mag-iisip lang nang mabuti si De Quiros, kahit sakyan ang pag-abstrakto niya sa sitwasyon ng eleksyon ngayon, di hamak na dehado pa rin ang kanyang kandidato.
Mahirap laban sa mayaman. Hindi nga nanggaling sa mahirap si Villar tulad ng sinasabi niya. May bahay sila sa Tondo na may bakod; ipinanganak siya sa FEU na premyadong ospital noong panahong iyon; dito rin isinugod ang kapatid niyang namatay sa leukemia at ibinurol pagkatapos sa Funeraria Paz; at may negosyo ang pamilya nila sa palengke. Pero ano sinasabi nito tungkol kay Noynoy na nagmula sa isang angkan ng mga asendero na may libu-libong ektarya ng lupain at sentral asukarera, at iba pang ari-arian, noong bago pa man siya ipinanganak.
Mabuti laban sa masama. Ginamit ni Villar ang pusisyon niya bilang Senador, at tagapangulo pa ng Senado sa loob ng ilang panahon, para mailihis ang C-5 upang magbenepisyo ang mga pag-aari niyang lupain na dadaanan ng malaking kalsada. Pero ano sinasabi nito sa mga Aquino-Cojuangco na nakipagkutsabahan pa sa gubyerno para pagbabarilin ang mga magsasaka at mga nakikisimpatya na ipinaglalaban ang lupaing napasakamaya ng mga Cojuangco sa pamamagitan ng pautang sa kundisyong ibibigay ang lupain sa nasabing mga magsasaka pagkatapos ng ilang taon ngunit hindi nila ginawa. May isang ulat na pinagtangkaan ng bodyguard ni Noynoy na patayin ang isa sa lider ng mga magsasakang ito habang sakay sa sasakyan nito. Pero syempre, walang ebidensya dito ang kawawang magsasaka liban sa personal na testimonya nito. Kagyat matapos ang masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 2004, mabilis na ipinagtanggol ni Noynoy, sa pamamagitan ng isang priviledged speech sa Kamara, ang marahas na pagbuwag sa hanay ng mga nagwewelgang manggagawa at magsasaka sa kanilang tubuhan.
3. Ito ang mga bagay na hindi nakikita o ayaw tingnan ng mga tulad ni De Quiros.
Ako, hindi mahalaga sa akin ang eleksyong darating. Isa lang itong hungkag na ilusyon ng demokrasya sa Pilipinas para pahupain ang pagsambulat ng galit ng mamamayang Pilipino laban bulok na gubyerno at bulok na sistema mismo at ang pagbabangayan sa hanay ng mga buwayang pulitiko. Ang interes ko lang dito ay, una, dahil kailangan itong matuloy. Ang isang bulok na eleksyon ay mas maige na kaysa hindi magkaroon ng eleksyon at magpatuloy ang paghahari ng inaagnas nang rehimeng Arroyo. At pangalawa, dahil sa pagpasok ng mga “langaw” na tulad nina Satur Ocampo at Lisa Maza sa pagkasenador at iba pang progresibong kandidato at party-list.
Dahil sa kanila, sa kabila ng kabalintunaan ng kabuuang eleksyon, nakakatanaw ng kahit katiting na liwanag ang masang anakpawis.
At naniniwala rin akong tama ang ginawa nilang “pagdikit,” o sa mas matalinong termino, pagkikipag-alyansa kay Villar. Hindi tulad ng ginagawang “pagdikit” nina Hontiveros, De Quiros at iba pang repormista kay Noynoy. Pero hayaan niyong ipaliwanag ko ang aking opinyon sa magkabilang-panig, hindi tulad ni De Quiros na binabato lang ng putik ang isa para ipakita ang punto niyang hinggil sa hindi dapat gawin, pero wala namang ginagawa para ipaliwanag kung bakit dapat gawin ang kabilang panig.
Sa kabila ng pagtigas na ng mga opinyon ng ilan, hindi pera ang dahilan kung bakit nasa NP sina Ocampo at Masa. Totoo, bahagi ng usapin dito ay pera. Sa ganitong klase ng eleksyon sa Pilipinas, hindi naman mawawala ang pera. Sa mismong pag-aplay pa lang ng kandidatura, kailangan mo nang patunayan sa COMELEC na may sapat kang pera para makapangampanya (iba pang usapin dito kung may sapat kang perang pambayad sa kanila para manalo). Sino ba sa mga kandidato ngayon, sa kahit ano mang pusisyon, ang hindi gumagastos para mangampanya? Isang bilyon man iyan, o daan-daang milyon “lang,” meron bang pagkakaiba?
At totoo rin ito para sa mga progresibong kandidato, tulad nga nina Ocampo at Masa, at mga party-list tulad ng Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, Kabataan, Katribu, at ACT. Ang pagkakaiba lang ng mga ito, personal akong nakasisigurado na kahit gaano kalaki ang gastusin ng mga ito, hindi nila gagamitin ang kanilang pusisyon para lang bawiin ang mga nagastos at magpayaman.
Si Villar, siguradong ganoon nga ang gagawin niya. Pero sapat na ba iyong dahilan para piliin ang iba, halimbawa, si Noynoy? Kung mamimili ka lang naman sa siguradong magpapayaman habang nasa pusisyon at sa napatunayan nang nagpayaman habang nasa pusisyon noon, ano nga ba ang pipiliin mo?
Programa at linya ang mahalagang punto ng pagkakaisa. Noong nagbalak magsanib ang NP at KBL ng mga Marcos, walang pag-aalinlangang kumalas sina Ocampo at Masa sa NP at nagpasyang tumakbo nang nagsasarili. Iyon ay, dahil nalagay sa alanganin ang isa sa pinakamahahalagang pinagkaisahan, ang kaugnay ng pagkakamit ng hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao mula noong panahon ni Marcos hanggang ngayon. Natuloy lang ang alyansa nang hindi na itinuloy ang pagsasanib ng NP at KBL. Ang tanging kompromiso lang, nasa linyada rin ng NP si Bongbong Marcos. Pero dito, makikita pa rin ang paninindigan nina Ocampo at Masa dahil sina Villar at Loren Legarda pa lang ang malinaw na sinusuportahan nila; iba pa ang magiging pakikipag-usap sa ibang kandidato ng senador batay sa rekord at indibidwal na programa ng mga ito. Kaya hindi lang mula sa NP ang sinusuportahan ng dalawa. Hindi katulad ng mga prostityut sa pulitika, na para lang kupkupin ng isang partido, kahit na ano ginagawa.
At programa ang hindi maipagmalaki ni Noynoy. Iyon lang sa pinakamahalagang usapin sa ekonomya ng bansa, ang reporma sa lupa, bagsak na kaagad siya. Ang dami pang palusot kapag tinatanong tungkol sa Hacienda Luisita. Sarili pa lang nilang bakuran iyon, hindi pa siya tinatanong tungkol sa kabuuan ng Pilipinas, kung saan makikita ang marami pang ibang Hacienda Luisita, wala na siyang maisagot. Ang tanging pinaninindigan niya ay ang CARP ng nanay niya at ang mas pinalabnaw pang CARP-ER ng rehimeng Arroyo. Bakit nga ba naman hindi? Dahil sa CARP, nagkaroon ng paglinlang ang mga asyendero para makalusot sa reporma sa lupa. At sa aktwal, nagamit pa itong instrumento para mas palalain ang sitwasyon ng kawalan ng lupa ng mga magsasaka, tulad halimbawa ng stock distribution option na ipinapatupad ng mga Cojuangco. At sa CARP-ER, mas lumuwag pa ang mga butas laban sa sapilitang pagpapasok ng kanilang lupain sa programa.
Pero syempre, opinyon nila na tama ang programa ni Noynoy. Kaya respetuhin natin iyon. Ang pagkakaiba lang ng mga langaw na “nakadikit” kay Villar at ng langaw na “nakadikit” kay Noynoy: sina Ocampo at Masa, at ako na rin, hindi sinusuportahan si Villar dahil naniniwala silang ang programa nga nito ang mag-aahon sa mamamayang Pilipino mula sa kahirapan, kundi dahil may ilang punto sila ng pagkakaisa pero may hiwalay pa rin na paglaban ang mga nauna. Ilang punto lang at hindi buo, pero mas marami pa rin kumpara sa mga puntong napagkaisahan sa ibang kandidato, kung meron man. Kaya hindi sila nakatali kay Villar. At sa sandaling magbago ang sitwasyon, halimbawa kung mapatunayan ngang si Villar ang sekretong kandidato ng administrasyon, o dahil sa pagtalikod ng mga trapo sa mga napagkasunduan pagkatapos ng eleksyon, na hindi malayong mangyari, malayang maitutuloy ang laban at paninindigan para sa masang anakpawis. Hindi katulad kay De Quiros, na silaw na silaw sa ningning ni Noynoy at buong-pusong umaasa na ito ang pag-asa ng Pilipinas.
Mabuti pa ang langaw na nakadikit sa kahel pero nakakabatid na naglublob lang ito sa putik para magpanggap na mahirap, kaysa sa isang langaw na nakadikit sa tae at buong pagmamalaki na ito ang kulay ng pagbabago.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: