Ipinaskil ni: diwa81 | Marso 19, 2010

Automated


Nitong mga nakaraang panahon, isang bagay ang napapansin ko sa reaksyon ng gubyerno kaugnay ng iba’t ibang problema ng bansa. Nagiging malinaw na ang padron: kapag totoo ang problema, itinatanggi ito ng gubyerno; kapag hindi totoo ang problema, pinalalaki ito ng gubyerno sa pamamagitan ng mga pahayag sa media.

Tignan na lang natin ang ilang mas kamakilan lang na pangyayari.

Noong huling kwarto ng 2008, pumutok ang bula ng pabahay sa US. Kasunod nito, sunud-sunod na bumagsak ang pinakamalalaking bangko sa US, at pagkatapos, sa Japan at Europe. Nasadlak sa resesyon ang tatlong sentro ng kapitalismo, ang tatlong pinakamalalaking eknomya. At natural, hindi naglaon, nilamon na rin ng dambuhalang alon ng krisis ang iba pang bansa, lalo na ang mahihirap na bansa sa Asya, Aprika, at Latina Amerika.

Isa na dito ang Pilipinas. Noong taong din iyon, libu-libong OFW ang kagyat na nawalan ng trabaho sa Hong Kong at iba pang bansa. Bago pa nito, umaaray na ang mga OFW at eksporter sa Pilipinas dahil sa pagbaba ng halaga ng dolyar na kinikita nila. Pumasok ang taong 2009, mas lumaki pa ang problema sa Pilipinas. Sa pagliit ng demand sa mga eksport ng Pilipinas, na pangunahing patungo sa US, maraming pagawaan sa Special Economic Zone ang nagbawas ng produksyon, kung hindi man tuluyan nang nagsara. Dulot nito, maraming manggagawa ang alinman sa tinanggal sa trabaho, binawasan ng araw-paggawa o sapilitang “pinagbakasyon.”

Sa kabilang panig naman, naghigpit na ang mga multinasyunal na institusyon sa pinansya sa paglalabas ng pera. Dahil dito, mas nahirapang mangutang ang Pilipinas, na pampuno sana ng gubyerno sa kakulangan ng pondo para sa napakalaking badyet nito. Dito natin nakita ang biglang pagdalas ng biyahe ni Arroyo para manlimos sa ibang bansa.

Ang pahayag ng Malacañang sa buong pangyayaring ito: Hindi tayo apektado ng krisis pampinansya sa daigdig; nananatiling malakas ang ekonomya. Sa katunayan, namumuhay tayo ngayon sa “Enchanted Kingdom” at papasok na sa katayuang 1st World pagsapit ng 2010!

Bilang halimbawa naman ng pangalawa.

Nitong mga nakaraang buwan, biglang sumirit ang presyo ng asukal. Dahil dito, mabilis na lumabas sa mga pahayagan ang mga tagapagsalita ni Arroyo para kumpirmahin ang problema pero kasabay ang pagbibigay ng katiyakan na ginagawa na ng gubyerno ang makakaya nito para lutasin ang problema. Kunwari, mahigpit na binabantayan ang paggalaw ng presyo sa lokal na pamilihan. Nagpanukala pa ng hangganan na pwedeng itaas ng presyo, sinumang mahuling lumampas dito ay kinasuhann. At panghuli, bilang ultimong solusyon umano, nag-angkat ang gubyerno ng ilang toneladang asukal.
Ang totoong nangyari:

Una, totoong tumaas ang presyo ng asukal sa pandaigdigang pamilihan. Pero ang malaking kahibangan nito, hindi naman nakatali sa pandaigdigang pamilihan ang presyo ng asukal dito sa Pilipinas.

Pangalawa, artipisyal ang nangyaring kakulangan ng asukal. Sa katunayan, nag-eksport pa nga tayo ng tone-toneladang asukal papuntang US bilang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa. Ang malaking kwestyon lang, dapat sana, unti-unti itong iluluwas. Pero ang ginawa ng gubyerno, bigla nilang bultuhang ineksport ang asukal sa iisang buhusan kaya nagkaroon tuloy ng biglang pagkaubos ng suplay para sa lokal pamilihan.

Pangatlo, sa kabila ng ginawa ng gubyerno, panahon noon ng pag-ani ng tubo kaya kaya pa rin sanang pununan ng lokal na produksyon ng asukal ang artipisyal na kakulangan. Bukod dito, nagkaroon din ng pangamba ang ilang maliliit na kumpanya na baka magamit lang ang aangkating asukal para sa paggamit ng malalaking kumpanya at hindi para ipakalat sa mga pamilihan.

Kaya ang makikita dito, sinamantala ng ilang kumpanyang nagbebenta ng asukal dito ang mataas na presyo sa pandaigdigang pamilihan. Kumita na sila sa pag-eksport ng asukal, nadagdagan pa ang kita nila sa pagsirit presyo dito, sila pa rin ang nakakuha ng mga kontrata sa pag-angkat naman pabalik dito. At sa pagkakaalam ko, malalapit kina Arroyo ang mga kumpanyang ito.

Ngayon, kaugnay ng sinasabing problema sa kuryente at sa epekto nito sa automation ng eleksyon.

Maliwanag naman ang nangyayari ngayong rotational blackout sa Mindanao, at sa Metro Manila paminsan. Hindi nagkukulang ang gubyerno sa pagpinta kung gaano “kalala” ang problema, lalo na’t may maganda silang rason na magagamit, ang el niño. At tulad sa asukal, ang panukala na naman ngMalacañang ay emergency power sa Mindanao.

Hindi na bago ang ganitong pangyayari sa Pilipinas. Panahon ni Cory noon, hindi lang sa Mindanao, sa buong Pilipinas pa naranasan ang ilang oras kada araw na kawalan ng kuryente. Ang naging solusyon dito ni Ramos ay ang EPIRA Law. Bilang pagtugon umano sa emergency ng kakulangan ng suplay ng kuryente sa bansa, nagtayo ng daan-daang IPP (independent power producer). Ang epekto, nagbabayad tayo ngayon ng milyun-milyon para sa kuryente na nilikha ng mga IPP pero hindi naman natin nagamit.

Maiintindihan ko ang sentimyento ng mga taga-Mindanao, kung totoo ngang galing sa kanila ito, na kumakastigo sa mga tutol sa emergency power ni Arroyo sa pagsasabing hindi naman ang mga ito ang nasa Mindanao. Sila nga naman ang dumaranas ng hirap. Pero sa kabila nito, mas matimbang pa rin ang mga salik laban sa panukala.

Bagamat partikular sa mga taga-Mindanao ang nararanasang problema, ang saklaw naman ng kapangyarihan ay napakalaki na nagkakaroon na ito ng epekto sa buong bansa. At ang tanggapan na bibigyan ng kapangyarihang ito ay ang Malacañang na nasa pambansang poder. Tulad noong panahon ni Ramos na ginamit lang ang problema ng kuryente para magpayaman mula sa mga kontrata sa mga IPP, anong katiyakan meron tayo na hindi ganito ang gagawin ni Arroyo na walang dudang mas malaking magnanakaw?

Sa panahon ng kagipitan, mas kinakailangan ang linaw ng pag-iisip. Kadalasan, natataranta ang tao kaya nawawalan siya ng matalinong pagsusuri kaya hindi nagagawa ang nararapat at ang nagagawa ay ang mali. Ipasok natin ito sa konteksto ng pulitika sa Pilipinas, madadagdag pa sa eksena ang mga buwitreng pulitiko na nag-aabang lang na magkamali tayo, o mas malala, aktibong itinutur sa atin ang maling direksyon para mas mapabilis ang pagkahulog natin.

Kaugnay naman ng eleksyon.

Dito, medyo komplikado ang usapin. Alam na natin ang kaugnayan nito sa kawalan ng kuryente. Kung noong dati na mano-mano pa ang bilangan, napakalaking usapin na kapag biglang nawalan ng kuryente sa gitna ng bilangan. Lalo pa ngayong automated na ang eleksyon at mas nakaasa sa kuryente ang mga makinang kukuha at bibilang ng boto. Kaya sa pagsasabing, may problema sa kakulangan ng kuryente sa Mindanao, at hindi malayong mangyari rin ito sa Luzon at Visayas, ang malaking tanong dito ay kung totoo nga ba ang problema. Kung hindi, ano ang inihahanda ng administrasyon?

Dagdag pa ang pahayag ng Malacañang na matutuloy ang automated elections, ano man ang mangyari. Tugon ito ni Arroyo sa mga “doomsday scenario” umano ng mga kritiko niya na balak ng Administrasyon na pumalpak ang eleksyon, kahit sa pambansang antas man lang, at walang maiproklamang pangulo, bise at mga senador, para magkaroon ng rason sa gayon na manatili pa bilang presidente si Arroyo. Bakit naman gugustuhin ni Arroyo iyon?

Pero syempre, ispekulasyon ko lang ang lahat ng ito. Mahirap nga naman ibatay ang kongklusyon dahil sa mga suhetibong pagtingin sa mga pahayag ng pangulo. Lalo na’t minsan, tama rin naman ang sinasabi ni Arroyo. Halimbawa noong 2004, sinabi niyang lalamang siya ng mahigit 1milyong boto kay FPJ. Kinausap niya lang ng ilang beses si Garci, nagkatotoo nga. O noong 2007, na 12-0 daw ang kalalabasan sa Senado pabor sa Team Unity ni Arroyo, na nangyari nga, kahit sa Maguindanao lang.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: