Ipinaskil ni: diwa81 | Marso 1, 2010

Party-List


Isinasaad sa konstitusyon ang paglikha sa isang sistema ng representasyon kung saan bibigyan ng puwang sa Kamara ang mga grupo at sektor ng lipunan na tinatawag na marginalized o walang kinatawan sa Kongreso.
Maituturing bang marginalized ang hipag ng presidente? O ang anak kaya ng presidente, na kasalukyang kintawan ngayon ngunit mawawalan ng pusisyong tatakbuhan dahil tatakbo doon ang kanyang nanay na bababa sa pagkapangulo? O ang isang dating hepe ng AFP, na naging kalihim ng DND, tapos DILG, tapos DENR, tapos DoE?
Sa ilalim ng isang bulok na gubyerno, malaking bagay na sana ang sistemang party-list. Bagamat sa esensya, nagsisilbi lamang itong pampalubag-loob para sa mga sektor ng lipunan na pinababayaan ng gubyerno, limos lang para sa mahihirap, malaking kompromiso na rin ito sa bahagi ng gubyerno. Sa kabilang panig, malaking puwang na rin ito para sa mga sektor ng lipunan upang maisulong ang kanilang interes at kagalingan.
Malaking bagay na sana ito para sa mga marginalized na sektor. Malaking pagkakataon ito para iangat ang mga hinaing ng taumbayan sa pasilyo ng Kamara. Walang katiyakan na maisusulong nga ang mga batas para sa kagalingan ng bawat sektor (lalo pang lumiit ang katiyakan dahil sa kasalukuyang komposisyon ng Kongreso). Pero malaking igpaw na rin ito mula sa dating tahasang walang boses sa Kongreso. Iyon ay kung hindi gagahasain ng mga sugapa sa kapangyarihan ang sistemang party-list.
Parang lumikha sila ng hiwalay na pila para sa mga senior citizen sa kadulu-luhang sulok bilang pampalubag-loob sa mga ito. Pero maya-maya, dahil sa pagkagahaman, sila na rin ang nag-uunahan sa pilang nilikha nila. Habang ang mga dapat nakapila doon, ayun, nasa likuran nila nakapila.
Biruin mo, kapatid ni Mike Arroyo, kinatawan ng mga mambabalot sa Kasanga! Si Angelo Reyes, kinatawan ng mga drayber sa 1-Utak! At si Mikey Arroyo, kintawan ng Ang Galing Pinoy! Ang gagaling talaga ng mga hinayupak!
Depensa ni Mikey, wala daw karapatan ang sinuman na manghimasok sa panloob na usapin ng isang party-list. Pero ang malaking tanong pa nga ay paano ka ba naging myembro, at nominado pa para sa Kongreso, ng isang party-list. Oo, hindi dapat panghimasukan ang pagdedesisyon sa loob ng isang grupo. Pero hindi rin dapat nanghihimasok ang pamilya ng pangulo sa buong sistemang party-list mismo.
Pwede pang palampasin ang ginagawa ng administrasyong Arroyo ng pagsuporta, kundi man pagbuo mismo, sa ilang party-list. Pakana nila ito para lunurin at tapatan ang mga progresibo at lehitimong mga party-list na mariing bumabatikos sa at naglalantad sa kabulukan ng kanyang administrasyon. Kaya mula sa ilang grupo, biglang lumobo sa mahigit 150 ang bilang ng mga party-list. Kaya namang kilatisin ng taumbayan kung sino ang tunay na mga kinatawan ng interes nila at kung sino ang bigla na lang sumusulpot na grupo na hindi alam kung ano ang layunin.
Pero kung pati mga nominado ng mga party-list nila, sila-sila pa rin?! Bakit, kulang pa ba ang koleksyon?


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: