Ipinaskil ni: diwa81 | Marso 1, 2010

Korapsyon


Korapsyon. Walang dudang isa itong malaking problema. Sa katunayan, sa realidad ng pulitika sa Pilipinas, isa itong napakalaking problema. Pero sa pagsasabing dahil sa korapsyon kaya tayo naghihirap, mabilis na nalalantad ang kakitiran ng pampulitikang pananaw at pang-ekonomyang kaalaman ni Noynoy Aquino, kandidato ng Liberal Party sa pagkapangulo.
Isang malaking tanong muna ay ang sinseridad ng pangako ng kampo ni Noynoy na lalabanan ang korapsyon. Sa isang panayam kay Neric Acosta, nababahala umano ang kampo ng LP sa malaking problema nila na kahit sa isang liblib na komunidad ng mga Lumad, ang jingle ni Manny Villar ng NP ang kinakanta ng mga bata. Nalulunod umano sila sa mga ads ni Villar. Kung kaya, nag-isip din sila ng islogan na pantatapat sa mga ads ni Villar. Sa gayon, nabuo nila ang linyang kontra-korapsyon. Ang ibig bang sabihin nito na bilang isang partido at mga kandidato na naghahangad maging pinuno ng bansa, dalawa’t kalahating buwan na lang bago ang eleksyon, kung kailan nakakahabol o nakakaungos na ang pangunahing karibal nila sa pagkapangulo, ngayon lang nila naisip na korapsyon ang pangunahing problema?
Pero sino ba naman ako para kwestyunin ang sinseridad ni Noynoy? Bilang anak nina Ninoy at Cory na kapwa itinuturing na bayani ng bansa, nakatatak na sa DNA ni Noynoy ang pagiging sinsero. Kaya walang pangamba na mapako ang mga pangako.
Gayunpaman, nananatili pa rin ang kakitiran ng linya at pananaw ng kampo ni Noynoy.
Ayon mismo sa World Bank, umaabot sa 40% kaagad ng pondo ng gubyerno ang napupunta sa bulsa ng mga tiwaling upisyal ng gubyerno. Dati pa ito; hindi ko na alam ang pigura ngayon. Mukhang umabot na sa 50% o kalahati kaagad ang nakukurakot, batay sa makikita natin sa “Fertilizer Fund Scam,” Macapagal Blvd., NBN-ZTE deal, atbp., kung saan kalahati ng babayaran ang orihinal na gastos ng proyekto, habang ang kalahati ay para “panlangis” sa mga may pakana ng proyekto.
Malaking problema nga. Bilyun-bilyong piso kaagad ang nawawala na maaari sanang nagamit para sa kagalingan at kaunlaran ng sambayanang Pilipino. Pero kung ito ba ang ugat ng kahirapan at wala nang iba pang problema, gaya ng sinasabi ni Noynoy, iyan ang mas malaking tanong.
Parang isang magandang bahay, dahil sa korapsyon, unti-unting nasisira. Kinukurakot ang pondo kaya mahina ang mga materyales at pagkakagawa. Pero iyon lang ba ang problema? Iyon na ba ang ugat ng paghihirap? Paano kung kalagayan ng mga naninirahan sa loob? Paano kung batas na umiiral ay ang batas ng ama? Lahat ng sasabihin niya ang masusunod. Sino mang tumutol ay maaaring gamitan ng kamay na bakal. At paano kung ang batas na sabihin niya ay pwede siyang maging lasenggo, sugarol, babaero? Paano kung nambubugbog siya ng asawa at mga anak? O nang gagahasa kaya ng kasambahay? At ang kasambahay ang may tungkuling gawin ang lahat ng gawaing-bahay at lahat ng iba pang ipapautos sa kanya anumang oras naisin ng amo at sa kabila nito, kakarampot lang ang kanyang sahod?
Ang pagsasabing, “Dahil sa korapsyon, kahirapan ang resulta,” ay napakababaw na paliwanag sa isang napakasalimuot na usapin ng sambayanang Pilipino. At malaking insulto ito sa masang anakpawis, dahil sa isang iglap, nababalewala nito ang lehitimong mga hinaing at karaingan ng taumbayan na nagdudulot ng kanilang kahirapan. Sa linya ni Noynoy, walang mali sa sistema, meron lang mga korap kaya nagkakaproblema.
Pero sa ilalim ng sistemang iyon, libu-libo ang namamatay sa gutom, hindi lang dahil may korap, kundi dahil mismo sa paggana at esensya ng umiiral na sistema. Nananatiling walang lupa ang mga magsasaka, mababa ang sahod ng mga manggagawa, at walang pambansang kaunlaran. Hindi iyon dulot ng korapsyon ng nakaupo sa pwesto, kundi dahil pa nga sa matapat na pagpapatupad ng mga nakapwesto sa mga batas at patakaran ng gubyerno.
Ang bawat rehimen ay nagpapatupad ng kanya-kanyang reporma sa lupa para lamang linlangin ang mga magsasaka. Sa CARP, na pinasimulan ni Cory Aquino, lalo lang pinahirapan ang mga magsasaka na makamit ang kanilang lupa. Samu’t saring pakana at butas ang inilagay sa programa. Maraming asyenda ang lalo pang nalibre sa implementasyon ng reporma dahil sa maanumalyang klasipikasyon ng mga lupang maaaring ipasok sa programa. Sa mga asyendang hindi nakaligtas sa CARP, nariyan pa rin ang ang land-convertion at crop-convertion para makalusot. Maaari rin ang iskemang tulad ng stock-distribution option (SDO) katulad halimbawa sa Hacienda Luisita. Sa pinakamainam na, ang tanging naibigay ng CARP ay ang certificate of land ownership award (CLOA) na babayaran ng mga magsasaka sa loob ng 25 taon nang walang palya. Sa huli isa lamang itong piraso ng papel na walang halaga, at malayo sa pagiging titulo ng lupa. Sa patuloy na panlilinlang sa mga magsasaka, mas lumala pa ang sitwasyon sa ilalim ng CARPER kung saan inalis na ang sapilitang pamamahagi ng lupa at iniasa na lamang ito sa boluntaryong pasya ng mga maawaing panginoong maylupa.
Unti-unti nang inaalis ng gubyerno ang kontrol sa presyo ng mahahalagang bilihin bilang pagpaparaya sa kagustuhan ng mga kapitalista, samantalang dumadaan muna sa butas ng karayom ang mga manggagawa bago tumaas ang sahod sa ilalim ng mahigpit na kontrol ng sabwatan ng gubyerno at mga kapitalista sa pamamagitan ng mga “tripartite” wage board. Walang ipinapatupad na industriyalisasyon; sa halip mas aktibo at pursigido pa ngayon ang gubyerno sa denasyunalisasyon ng mahahalagang industriya, pagbebenta at pagsasapribado ng mga empresa ng estado, pribatisasyon at deregulasyon ng iba’t ibang sektor ng industriya, kabilang na ang mga serbisyong publiko sana, tulad ng tubig, kuryente, transportasyon, serbisyong medikal at edukasyon.
Pikit-matang pumasok ang gubyerno sa GATT-WTO. Ngayon, iniinda natin ang pagbaha ng mas murang mga kalakal ng ibang bansa at pagkamatay ng lokal na produksyon. Kalakhan ng mga kalakal mula sa bansa ay inilalaan para sa eksport kaya kinakailangan pang umangkat sa ibang bansa para sa lokal na pagkonsumo.
Pinapahintulutan ang 40% pagmamay-ari ng lupa at negosyo ng mga dayuhan. Dahil dito, nagiging malaking banta ito sa lokla na mga mamumuhunan at mga magsasaka. Sa isinusulong na CHA-CHA, balak pa itong gawing 100%.
Bawat rehimen, may bagong buwis na ipinapataw, samantalang samu’t saring tax-exemption at ¬tax-holiday ang ibinibigay sa mga dambuhalang korporasyon. Pagkatapos, taun-taon, namomoblema ang gubyerno dahil kulang ang nakokolektang buwis.
Bilyun-bilyon ang inuutang ng gubyerno taun-taon, pero winawaldas lamang ang lahat sa mga walang kabuluhang proyekto o mga impraistrukturang mga kapitalista lang ang nakikinabang. Sandamukal pa ang kundisyon na kalakip ng bawat pautang tulad ng pagbabago ng mga patakaran ng gubyerno sa ekonomya at pinansya. Habang ipapataw na naman sa taumbayan ang obligasyong magbayad ng mga utang na ni hindi nila naramdaman.
At bilang katiyakan ng pagpapatupad sa mga ito, sakali mang may tumutol, maaaring gamitin ng gubyerno ang “buong lakas ng batas.” Oo, merong karapatang magtipon, magpahayag, at kung ano pa. Pero pinapahintulutan lang iyon ng gubyerno sa punto na hindi ito magiging sagabal sa kanilang operasyon. Kapag may tumutol at nagrali, binubuwag sila ng mga pulis sa simpleng rason na nakakagambala sila ng maayos na daloy ng trapiko. Kaya sa esensya, maaari lamang isagawa ang karapatang magpahayag sa mga lugar na walang makakarinig.
At marami pang ibang nilalaman ang konstitusyon at mga batas sa Pilipinas. Sa lahat ng iyon, walang kinalaman ang korapsyon o katiwalian. Sa katunayan, mas matinding kahirapan ang dinadanas ng sambayanang Pilipino dahil sa matapat na pagpapatupad sa mga patakarang iyon, nang naaayon sa bawat titik ng batas, minsan sobra pa nga. At matinding kahirapan ang dulot nito; dagdag na pasanin na lamang ang korapsyon.
Sa pagsasabing korapsyon ang ugat ng kahirapan, para na rin niyang sinabi na walang mali sa mga patakaran ng rehimeng Arroyo, ang problema lang, korap si Gloria. Paano na ang milyun-milyong Pilipinong mas nabaon sa hirap sa ilalim ng kasalukuyang rehimen?
Parang sa isang halaman, pilit lang tinatabasan ni Noynoy ang mga dahon at nabubulok na bahagi. Ang problema ay hindi dahil mali ang ginagawa o sinasabing balak gawin. Dapat naman talagang labanan at sugpuin ang korapsyon. Ang pinakamalaking problema ay dahil hindi nakikita na ang halamang iyon ay isang damo. At kahit anong tabas, tanggalin man ang lahat ng bulok o pangit na bahagi, mananatili pa rin itong isang damo na walang mabuting ibubunga. Kung totoo ang hangaring wakasan ang kahirapan, bakit hindi bunutin sa ugat ang damo at palitan ng palay?


Responses

  1. alin ba ang tama?? ang gobyerno o ang taong bayan…. minsan mali ang gobyerno, minsandin malidin ang taong bayan… halimbawa nalamang sa mga proyekto ng gobyerno… minsan palpak .. ang mga taong bayan naman porket tinotolongan… umaabuso katulad nalamang sa programa ng gobyerno DSWD.. bowanbowan nagbibigay ng pera ang governo sa mga batang nag aaral… pero di inaalam ng DSWD kung nagagamit ng tama ang pera… katulad dito saamin.. kataposan nanaman ng buwan, andaminanaman na ngungotang, kasi parating nanaman ang inaasahan ang pera ng taong bayan… kaya ang mga tatay hindi na nagtatrabaho naghihintay nalang ng pera galing sa gobyerno, pagnadyana ang pera ponta ki kompare.. mag aalok ng inoman tayo.. samantala ang mga bata hindilang tinanong nang, anak ubos naba ang papel mo? pudpud naba ang lapis mo? mas inonapa ang bisyo… pero dati ng maynagsombong sabidaw ng DSWD hayaan lang daw dinaraw yan maoolit dahil .. nangbabahaybahay na man sila.. pero nasaan ang mga ulo ng mga kawani ng DSWD.. Oo nga nagtalaga sila ng leader sa kada baranggay.. pero yong leader nasinasabi nila ay walang pakialam sa mga myembro na ng proyekto nila.. nikikita ko lang bilang isang magaaral .. parang walang tama sa lado ng gobyerno at ng mga mamamayan…

  2. ang mungkahi ko sa korapsyon ay dapat ikulong ang mga sangkot sa korupsyon


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: