Ipinaskil ni: diwa81 | Pebrero 26, 2010

EDSA: May Silbi Pa Ba?


Araw-araw, tuwing mababanggit ang EDSA, isang bagay ang agad pumapasok sa isipan: trapik. Pero noong buwan ng Pebrero 1986 at Enero 2001, hindi mga sasakyan ang nakapila sa kahabaan ng EDSA, kundi mga tao, libu-libong tao kasama ng iba pang mamamayan sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. At sa dalawang pagkakataong iyon, gumawa g maningning na kasaysayan ang sambayanang Pilipino.
Noong 1986, matapos ang mahirap at mahabang pakikibaka ng sambayanang Pilipino, sa kauna-unahang pagkakataon, nagkrus ang mga landas sa EDSA. Maging sa loob ng pangkatin ni Marcos, hindi na maampatan ang internal na bangayan. Bumaklas ang paksyon nina Enrile at Ramos. Nagtangka silang magkudeta ngunit nabigong agawin ang kapangyarihan kay Marcos. Nanawagan sina Cory at Cardinal Sin na suportahan ang mga “rebeldeng” sundalo na nagkanlong sa Kampo Aguinaldo at Crame. Sa puntong ito, sumambulat na ang kolektibong galit ng milyun-milyong mamamayan laban sa rehimeng Marcos, at nagkaroon ng materyal na pwersa sa pamamagitan ng pagbuhos ng mga tao sa EDSA. At ang hindi nagawa ng kudeta ng mga armadong sundalo nina Enrile at Ramos ay matagumpay na nakamit ng mga ordinaryong mamamayan na tanging sandata ang pagbubuklud-buklod. Dito isinilang ang People Power ng EDSA 1.
Makalipas ang mahigit isang dekada, nagbantang muling bumalik ang mga alipores ng dating diktador sa katauhan ni Estrada. Mabilis na kumilos ang mga mamamayan, at mulingh binuhay ang diwa ng People Power. Sunud-sunod na nalantad ang kabulukan ng rehimeng Estrada: ang maling pamamalakad sa gubyerno, militarismo, all-out war sa Mindanao, matinding kurapsyon, paglala ng kahirapan, paglipanan ng jueteng, atbp. Napako ang pansin ng sambayanan sa pagdinig ng impeachment sa Senado na pumalit sa mga nakagawiang drama sa radyo at telebisyon. Matapos makita ang kainutilan ng Senado laban sa nakaupong rehimen, muling nagpasya ang mamamayan na ilagay sa sariling mga kamay ang pagpapasya sa mahahalagang usaping ng bayan. At muling nanaig ang mithiin ng bayan. Sa gayon, muling naitatak sa ating kasaysayan ang People Power ng EDSA 2.
(Nagkaroon ng isa pang insidenta sa EDSA noong 2001 na tinatawag ng ilan bilang EDSA 3 kung saan lumabas ang libu-libong tagasuporta ng pinatalsik na Estrada matapos itong ipahuli ng rehimeng Arroyo. Pero, sa opinyon ko, dahil sa kahina-hinalang intensyon ng mga lider ng pagkilos, nagamit lang ang mga tao, na mahirap ang kalakhan, at ang kanilang mga lehitimong hinaing, para isulong ang makitid na interes ng iilan. At sa dahilang ito, hindi ito maihahanay sa EDSA 1 at 2, ni ang tawaging EDSA 3.)
Sa pagdaan ng mga taon, kapansin-pansin na unti-unti nang nalilimutan ang EDSA. Tuloy, naglalaro sa isipan ng iba ang tanong: may silbi pa ba ang EDSA?
Una sa lahat, kailangan muna nating ilinaw dito na ang EDSA na tinutukoy ay People Power sa aktwal. Nakagawian lamang na tawagin itong Pag-aalsang EDSA dahil sa EDSA naganap ang malaking bahagi ng pagkilos at nagtipon ang pinakamalaking bilang ng tao. Pero ang pakikibaka ay naganap sa buong bansa. At ang pinagsama-samang aksyong iyon ng mga mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang bumubuo sa People Power.
Bago masagot ang tanong, kailangan muna nating balikan, ano nga ba ang kabuluhan ng mga nangyaring pag-aalsa sa EDSA. Dito magkakaiba-iba ang pananaw, depende sa uri o katayuan sa lipunan.
Para sa rehimeng Arroyo, noong EDSA 1, pinuri tayo ng mundo. Noong EDSA 2, pinagbigyan na lang tayo ng mundo. Kung magkakaroon pa ulit ng EDSA, hindi na tayo mapapatawad ng mundo.
Para kay Estrada, isang malaking pagkakamali ang EDSA 2. Kaya tayo naghihirap ngayon ay dahil sa EDSA 2. At ang patunay niyan ay ang paghingi ni Cory ng tawad sa kanya dahil sa papel ng una sa EDSA 2.
Para kay Noynoy, ang EDSA 1 at 2 ay bunga ng “Cory Magic” at ng paglaban ni Ninoy bago nito. Si Ninoy ang naging simbolo noon ng oposisyon laban kay Marcos at si Cory ang nagbalik at ina ng demokrasya sa Pilipinas. At dahil kapwa pumanaw na ang dalawa, bilang anak, minana na niya sa mga ito ang korona bilang tagapaghatid ng demokrasya.
Para sa mga repormistang intelihensya, tulad nina Randy David at Conrado de Quiros, walang mali sa sistema, ang mali ay ang mga taong mali ang pagpapagana sa sistemang ito. Kaya ang mga EDSA, mailban syempre sa EDSA 1, ay abnormal na proseso at nakakasira sa “maayos” na paggana ng sistema.
Pero para sa ordinaryong mamamayan, laluna sa masang anakpawis, ang EDSA ang tanging pagkakataon kung kailan nagkakaraoon sila ng kapangyarihan, bagamat limitado, upang makibahagi sa pagpapasya sa kapalaran ng ating bansa.
Kaya ang sagot sa tanong ay nakadepende rin sa uri at katayuan sa lipunan.
Para sa mga naghaharing uri, nakadepende kung saan ka nakatayo.
Para sa bulok na rehimeng Arroyo, na labis na kinamumuhian na ngayon ng mamamayan at target ng mga pagkilos ng People Power para pabagsakin: ang susunod na EDSA ay hindi na mapapatawad ng mundo. Gawa lamang ito ng mga terorista, sabwatan ng kaliwa, kanan at gitna, at sinumang hindi nakapaloob sa kanyang bakod; isang malaking kaguluhan at balakid sa pagsulong ng Pilipinas.
Para kay Estrada, ang dapat nga ay burahin ang EDSA 2 at ibalik siya sa puwesto.
Para kay Noynoy, kailangan ulit magkaroon ng People Power para iluklok siya sa puwesto.
Sa madaling sabi, kung sila ang pinapabagsak, mali ito. Kung sila ang kagyat na makikinabang sa EDSA, tama ito.
Para sa mga repormista, hindi na kailangan ito dahil naibalik naman na ang institusyon ng eleksyon, maliban lang kung mag-People Power tayo ulit para sa manok ng mga repormista na si Noynoy.
Pero para sa sambayanang Pilipino, para sa mga inaapi at pinagsasamantalahan, para sa masang anakpawis, kailangan pa rin ang People Power, hindi para iluklok ang isang partikular na tao, kundi, pinakamahalaga, para ibagsak ang isang bulok at labis na kinamumuhiang pekeng presidente. Sa ilalim ng kasalukuyang bulok na sistema, isa ito sa mahahalagang sandata ng mamamayan bilang katiyakan laban sa pang-aapi ng mga naghahari. At sa pagsulong pa ng kasaysayan, lalo pang lalaki ang kahalagahan nito para sa pag-unlad ng lipunan.
Laging ipinangangalandakan na isa naman tayong demokrasya, maliban noong diktadura ni Marcos. Sa katunayan, meron tayong eleksyon, gaya ng magaganap sa Mayo kung saan ang sambayanan ang pumipili ng mga gusto nilang lider. Kung kaya may “kapangyarihan” ang mga tao at sila ang mapagpasya sa takbo ng gubyerno.
Isang malaking ilusyon! Pagkatapos na pagkatapos bumoto ng bawat tao, naglalaho na ang “kapangyarihang” iyon. Kahit na isang halimaw ang maluklok sa pwesto, wala nang ibang magagawa ang sambayanan kundi ang maghintay ulit ng tatlo o anim na taon kung kailan bibigyan ulit sa sila ng “kapangyarihang” bumoto. Pero habang hinihintay iyon, ang mga tao pa ang sinisisi dahil sa pagboto sa mga halimaw na ito. At dahil sa mga batas at nangangasiwa sa eleksyon, ganoon nga ang nangyayari, mga halimaw ang kalakhang nauupo sa pwesto, hindi dahil ibinoto sila ng mga tao kundi dahil walang ibang mapagpipilian ang mamamayan maliban sa mga halimaw o dahil sila ang nanalo sa “bilangan” ng boto.
Ganito ang gustong mangyari at manatili ng mga naghaharing uri. Gusto nilang itali ang paglahok ng mga tao sa pagpapatakbo sa gubyerno sa simpleng paglagay ng mga pangalan sa isang pirasong papel, sa isang ilusyong lamang, na sapat lang para linlangin ang sambayanan na may “kapangyarihan” sila.
Sa kabaliktaran, sa People Power, hindi nakatali o nadidiktahan ng mga naghaharing uri ang kapangyarihan ng mamamayan. Hindi ito nakatali sa reaksyunaryong batas sa eleksyon na pinapahintulutan lamang tuwing tatlo o anim na taon kundi maaaring gamitin kailan man kailanganin o naisin ng sambayanan. At pinakamahalaga, isa itong kapangyarihang nagmumula mismo sa mamamayan na iginagawad nila sa mga sarili at hindi limos mula sa mismong mga halimaw na nilalabanan nila. Ang saklaw nito ay nakadepende sa lakas at kamulatan ng masa at hindi sa dikta ng mga naghahari batay sa pansariling interes nila.
Kung kaya hindi kataka-taka kung bakit natatakot sa People Power ang sinumang mapang-api at mapagsamantala. At sa panig ng masang anakpawis na malaon nang inaapi at pinagsasamantalahan at pinagkaitan ng lahat ng kalayaang magpasya sa kanilang kapalaran, hindi magbabago ang kahalagahan at kabuluhan ng EDSA 1 at 2 sa kasaysayan ng Pilipinas. At dahil sa mas lumalalang krisis sa lipunan, kahirapan ng sambayanan at kabulukan ng naghaharing sistema, hinding-hindi mawawala ang silbi at pangangailangan para sa People Power.
Laging sinasabi ni Ambeth Ocampo, isang mananaysay, “Hindi inuulit ng kasaysayan ang sarili nito. Tayo ang umuulit sa kasaysayan.” Kadalasan, bunga ito ng pagkalimot natin sa ating kasaysayan. Pero mas malala, madalas dulot ito ng maling pagtuturo sa atin ng kasaysayan.


Responses

  1. pano inapi si saling ng ayayaman

  2. http://www.whosyomama.com/the-melting-wafer-for-erectile-dysfunction-treatment/#kq1x – Viagra


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: