Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 3, 2010

On “Climate and Capitalism in Copenhagen” ni Walden Bello


Sa artikulong “Climate and Capitalism in Copenhagen” ni Walden Bello ng Akbayan makikita ang pagkaoportunismo ng grupo. Para sa kanya, ang kumperensya sa Copenhagen at ang Doha Round ay dalawang landas na nagbabanggaan ngayon.
Sa Doha, pinag-uusapan kung paano muling bubuhayin ang export-oriented global economy. Noong pumutok ang krisis sa buong daigdig noong 2008, nasadlak sa matinding krisis ang tatlong sentro ng kapitalismo sa daigdig, na pinakamalaking konsumer din ng mga eksport ng daigdig. Hindi pa nakakabangon ang mga ito mula 2008; kahit ang US na sinasabi nilang nasa yugto na ng “recovery” kahit patuloy pa sa pagbagsak ang kanilang ekonomya. Hindi rin maaasahan ang Tsina sa kabila ng sinasabing mataas pa rin na porsyento ng paglago ng ekonomya dahil ang mamamayan ng Tsina ang pinakamamabigat na pumasan ng mga epekto ng export-oriented global economy.
Totoo, ang export-oriented na kaayusan ng produksyon ay fuel-intesive o matakaw sa gasolina. Sa US, ang pagkain ng mga tao ay karaniwang nagbibiyeh pa ng 1,500 milya bago makarating sa hapag-kainan. Dahil dito, noong 2006, binubuo nito ang 13% ng green house gas (GHG) at 23% ng carbon dioxide sa daigdig, na mga pangunahing sanhi ng pag-init ng daigdig. Pero dahil sa naging pagliit ng pandaigdigang pamilihan, malaki ang nabawas sa mga pigurang ito. Maraming eksport na kalakal ang nawalan ng demand. Kaya malaki rin ang ibinawas sa mga paglalayag ng barko at paglipad ng eroplano, na malaki ang iniaambag sa GHG.
Ayon sa artikulo, maraming environmentalist at ecological economist ang nakakita pa ng oportunidad sa pagguho ng export-oriented global economy. Biglang nagtuon sa panloob na ekonomya ang mga bansa. Dahil dito, marami umano ang tumitingin na sa bagong kaayusan ng pang-ekonomyang buhay na mas nakaangkop sa kalikasan.
Isang kakatwang proposisyon sa artikulo: “The global economy must make a transition from being driven fundamentally by overproduction and overconsumption to being geared to real needs, marked by moderate or low consumption, and based on sustainable and decentralized production processes.”
Una, merong overproduction, na siyang sanhi ng krisis ng kapitalismo; pero hindi totoong may overconsumption. Lalo na at ang pinag-uusapan dito ay ang pandaigdigang ekonomya. Paanong magkakaroon ng sobrang pagkonsumo, samantalang milyun-milyon ang namamatay sa gutom, ang walang damit, ni walang bahay na masilungan? Kahit sa loob ng mga mayayamang bansa, walang overconsumption. Meron lamang nito sa loob ng mga naghaharing uri dahil sobra-sobra na ang nakakamal nilang yaman. Habang sa mga ordinaryong mamamayan, para sa masang anakpawis, hindi na nga sila makakonsumo dahil hindi na kaya ng kanilang sahod na makabili ng mismong mga kalakal na sila ang gumawa.
At pangalawa, para sa solusyon. Tama na kailangang pagtuunan ang tunay na mga pangangailangan. Pero mali ang moderate o low consumption. Ang meron lang consumption. Dapat tiyakin na may kakayahan ang mamamayan na makabili ng mga pangangailan sa buhay para makakonsumo.
Samantala, sa Copenhagen, puno rin ng problema. Dalawang aspeto ang binabanggit na solusyon sa climate change: mitigasyon at adaptasyon. Sa mitigasyon, kailangan magkaroon ng pagbaba sa porsyento ng GHG sa daigdig, bagay na walang makabuluhang pangako ang mga industriyalisadong bansa sa pangunguna ng US. Sa adaptasyon, kailangang tulungan ang mga atrasadong bansa para maampatan ang epekto ng climate change sa aktwal, sa pamamagitan ng mga pondo mula sa mga internasyunal na institusyon tulad ng World Bank, na kontrolado rin ng US.
Tama ang mga datos, ngunit mali ang naging kongklusyon. Ayon kay Bello, kailangang mangibabaw ang Copenhagen laban sa modelo ng Doha, ang export-oriented fuel-intensive global economy para maaresto ang climate change.
Ang totoo, ang Copenhagen at Doha ay hindi magkabanggang landas, kundi dalawang landas na kapwa ginagamit ng mga imperyalista, hindi para maaresto ang climate change o pagbagsak ng pandaigdigang ekonomya, ayon sa pagkakasunod, kung para maaresto ang pagguho ng kanilang kapangyarihan at kontrol sa daigdig at ang paglaban ng mamamayan ng daigdig.
Kahit para sa mga environmentalist at ecological economist, kakatwa ang tumingin sa Copenhagen bilang solusyon para sa problema ng climate change. Hindi mangyayari ang sinasabi ni Bello na pangingibabaw ng Copenhagen para ibagsak ang modelo ng Doha. Hindi makakagawa ng solusyon hanggat hindi wastong naihahanay ang mga problema.
Iyon ay, hindi malulutas ang usapin ng klima hanggat hindi nalulutas ang maling tinukoy sa artikulo bilang “likas na mapaminsalan sa kalikasan na dinamiko ng kapitalismo — ang walang habas na pagkayod, sa tulak ng paghahangad ng tubo, para itransporma ang buhay na kalikasan tungo sa walang buhay na mga kalakal.” Mali, dahil hindi lamang ito likas na mapaminsala sa kalikasan na dinamiko ng kapitalismo, kundi ito ang mismong ubod ng sistemang kapitalismo. Tubo ang lahat. At sa yugto ng imperyalismo, hindi lamang basta-basta tubo, kundi supertubo ang pinag-uusapan; at lahat ng iyan ay sa kapinsalaan, una sa lahat, ng mga manggagawa, at iba pang bagay, kabilang na ang kalikasan.
Kaya baligho ang asahan ang mga imperyalista na matanto sa Copenhagen ang pangangailangang gumawa ng mga hakbang para maaresto ang climate change, kung wala naman itong maibibigay na tubo para sa kanila. Ang ginagawang ingay ngayon ng mga imperyalista kaugnay ng kalikasan ay pakitang-tao lang, kundi man oportunidad pa rin para sa panibagong mga mapagkakakitaan. Ang pagbaba ng GHG dahil sa pandaigdigang krisis ay isa lang bunga, ngunit taliwas sa kagustuhan ng mga dambuhalang kapitalista.
Ang binabanggit ni Bello na pagbagsak ng modelo ng Doha ay ang mismong pagguho ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo. Tiyak na hindi natin maaasahan na mangyayari ito sa Copenhagen. Ang usapin ng climate change, kahit gaaano man kalaki ang epekto nito o gaano man kamapaminsala sa mundo, ay hindi maaasahang magpapabagsak sa imperyalismo. Ang lakas na mamamayan ng daigdig, ang masang anakpawis ng daigdig, ang tanging makakagapi sa imperyalismo, ngunit hindi lang dahil nagdudulot ito ng climate change, kundi, sa kabila ng o kahit wala ang naturan, dahil ito ang mismong sanhi ng lahat ng kanilang kahirapan.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: