Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 22, 2009

Copenhagen Conference


Nakatakda, sa simula pa man, na mabigo ang pag-uusap ng mahigit sandaang bansa sa Copenhagen hinggil sa climate change. Tunay nga, walang maaasahang makabuluhang solusyon mula sa inilalako ng mga industriyalisadong bansa, sa pangunguna ng US, para sa problema sa kalikasan. Iyon ay, hangga’t hindi nauugat ang problema.
Paano ba malulutas ng mga bansa ang problema ng pagkasira ng kalikasan kung manggagaling ito sa bansa na pangunahin at pinakamalaking sumisira sa kalikasan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Meron mang ihapag ang US, siguradong mumo lang ito, at pagpapakitang-tao lamang. Kahit nga pangangako lang ng pera para sa mga proyektong tinalakay ng UN sa Copenhagen, hindi pa nito magawa. Samantalang, ang US pa, sa pamamagitan ng midya nito, ang pinakamaingay kaugnay ng climate change.
Dito makikita ang kawastuan ng napapanahong sulatin na inilabas ni Joma Sison na pinamagatang, “End Monopoly Capitalism to Arrest Climate Change.” Lumalabas na hindi lamang hindi gustong lutasin ng mga imperyalistang bansa, laluna ng US, ang isyu ng climate change, kundi pinagkakakitaan pa ito sa pamamagitan ng pag-uunahan sa teknolohiya at produkto na “eco-friendly” umano. Pagdating sa responsibilidad sa kalikasan, ipinapasa ng mga ito ang gawain “sa lahat,” pero pangunahin sa mahihirap na bansa.
Sa produksyon ng pangangailangan ng tao, natural lang na ginagamit ng tao ang kalikasan para pagkuhaan ng mga hilaw na materyales. At sa proseso, bahagi nito ang nasisira. Halimbawa, ang pagputol ng kahoy para makakuha ng troso; ang pagmina ng bundok para sa mahahalagang metal; kahit ang paglitaw ng mga pabrika para higit na mapabilis at mapadali ang produksyon. Pero ayon kay Joma, ang walang habas na paghahabol ng mga monopolyo kapitalista para sa supertubo, ang napakalaking nakasira sa kalikasan.
Halimbawa na lang dito sa Pilipinas. Kalakhan ng malalaking kumpanya sa minahan ay pag-aari ng dayuhan. At ang karaniwang operasyon ay ang tinatawag na open pit mining. Dahil dito, buu-buong bundok ang nasisira, o literal na napapatag. Hindi maayos ang pasilidad sa paghawak ng mga tailings o mga nakakalasong kemikal na by-product pagmimina at hindi lang minsan nangyari ang pagtagas ng mga ito sa ilog na pinagkukunan ng tubig ng maraming komunidad. Kalimitan, kapag namina na ang halos lahat ng potensyal ng isang lugar, o dahil biglang bumaba ang halaga ng produkto, basta na lang itong hinahayaan at hindi na nagagawa ang wastong paglilinis ng mga kemikal. At napakarami pang ibang pinsala ang dinudulot ng operasyon ng malalaking minahan dito sa bansa. At iyon ay dahil ito ang pinakamurang paraan ng pagmimina; at sa mas mababang gastos sa operasyon, makakahuthot sila ng mas malaking tubo.
Ito rin ang malaking dahilan kung bakit ayaw kilalanin ng US ang Kyoto Protocol kaugnay ng pagbabawas ng greenhouse gasses (GHG), dahil mangangahulugan iyon ng paggastos pa para sa teknolohiya para makamit iyon. At sa monopolyo kapitalista, ang kapital na hindi naman magluluwal ng tubo ay malaking kalugian na para sa kanila. Kaya nga may kuntsabahan ang gubyerno at mga kapitalista. Ipapaubaya sa gubyerno ang pagpondo sa pananaliksik ng makabagong teknolohiya, at kapag lubos na itong napahusay, saka ipapasa sa mga pribadong korporasyon para pagtubuan.
Hindi kataka-taka ang naging pusisyon ni Obama sa kumperensya, na ikinadismaya ng marami. Napatunayan nang magaling lang magsalita si Obama, kahit noong kampanya man lang niya para sa pagkapangulo ng US. Pero ngayong siya na ang pangulo ng US, hindi rin siya nakalibre sa dikta sa kanya ng mga naghaharing uri sa US. Napilitan din siyang ipagpatuloy ang mga patakaran ng mga nauna sa kanyang administrasyon.
Kung walang dapat ipagmalaki si Obama na nakamit niya, lalo namang walang karapatan si Arroyo na magmalaki. Ang tanging naipagmalaki ni Gloria sa pagdalo niya sa kumperensya, na dahilan kung bakit hindi siya dumalo sa magkasanib na sesyon ng Kongreso at nagpaliwanag kaugnay ng Martial Law, ay ang mga pangakong ayuda mula sa mga internasyunal na institusyon sa pinansya. Tandaan, PANGAKO lang. Kaya kahit iyong pasalubong niya umano, nakasulat lang sa papel.
Pero kaugnay ng solusyon sa isyu ng kalikasan, walang anumang makabuluhan ang nakamit sa kumperensya, sa pangunguna ng malalaking bansa. Paano nga naman sila makakarating sa anumang solusyon? Dahil ang tanging solusyon lang naman ay ang binabanggit ni Joma, ang pagwawakas ng monopolyo kapitalismo. Para sa kanila, ang ibig sabihin nito ay ang pagwawakas ng kanilang paghahari at dominasyon sa ekonomya, o sa madaling sabi, pagpapatiwakal nila. Natural lang na hindi natin maaasahang gagawin nila ito. Ultimong sentimo lang, ipakikipagpatayan pa ng mga ganid na kapitalistang ito. Paano pa kaya kung ang paghahari na nila ang pinag-uusapan? Ang mga mamamayan ng daigdig ang kailangang gumawa nito. At matapos lamang niyon, saka tayo makakapag-usap tungkol sa, at tunay na malulutas ang climate change.


Responses

  1. ….Wala po ba yung mas maikling sagot?…o kaya yung pinakatamang sagot


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: