Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 9, 2009

REBELYON


Hindi na talaga matapus-tapos ang kagaguhan ng gubyerno ni Arroyo. Malinaw na ang pinatutunguhan ng kaso ng Maguindanao Massacre.
Matapos ideklara ang Batas Militar sa Maguindanao, isang malaking puna sa ginawang hakbang ay ang kwestyon ng pagkakaroon ng rebelyon sa bahaging iyon para maging batayan ng Batas Militar. Akala ko talagang mga tanga lang ang mga tagapayo ng Malacañang, pero lumalabas na tuso talaga sila. Ang mistulang pagkakamali ay mukhang isang kalkuladong hakbang. Matapos kyestunin dito, idineklara rin nila ang grupo ng mga Ampatuan bilang isang rebeldeng grupo; sa gayon, may rebelyon.
Sa tingin ko, hindi ang ito simpleng palusot para magpataw ng Batas Militar, kundi ito talaga ang kompromiso sa pagitan ng mga Arroyo at Amapatuan (liban syempre sa layunin ng Batas Militar na protektahan ang gubyerno at AFP sa pagkakatuklas ng sandamukal na armas ng mga Ampatuan). Kailangang protektahan ang mga Ampatuan dahil marami itong nalalaman sa naging dayaan sa eleksyon ng 2004 at 2007. At napaulat na dito nagtago noon si Garci nang tinutugis na siya ng buong bayan.
Sa biglang tingin, parang matapang na salita mula sa gubyerno. Malakas ang kasong rebelyon, ika nga ng acting Secretary Devanadera (kasama kaya ito sa “acting” niya?). Pero ano man ang kalabasan ng kasong rebelyon, lalabas na panalo ang mga Ampatuan o tiyak na hindi makakamit ng mga biktima ang hustisya.
Una, sa kabila ng pahayag ng DOJ, batay sa maraming kaso ng rebelyon, mahirap mapatunayan ang kasong ito sa korte. Halimbawa na lang ang mga kasong isinasampa sa mga nahuhuling myembro ng CPP/NPA. Kahit na nga mga matataas na lider umano ng grupo, laging napapawalang sala sa korte. Kung mortal na kalaban ng gubyerno hindi nila maidiin sa kaso ng rebelyon, paano pa ang isang kaalyado ng gubyerno?
Pangalawa, kahit mahatulang may-sala ang mga Ampatuan sa kasong rebelyon, dahil sa mismong kalikasan ng kaso, maaari na silang humingi ng amnestiya sa gubyerno. Kung ganito ang mangyayari, mabubura lang ang lahat ng 57 kaso ng pagpatay, ng karumal-dumal na pagpatay, at maaari pa silang makakuha ng kompensasyon mula sa gubyerno bilang bahagi ng amnestiya!

Pero hindi pa ito ang pangunahing usapin ngayon. Ang pangunahing usapin ay hindi rebelyon ang kasong ito; malayung-malayo sa pagiging rebelyon. Batay sa pagkakaintindi ko sa rebelyon, nagkakaroon ng pag-aaklas ang isang grupo laban sa gubyerno para agawin ang kapangyarihan o kaya’y pagkaitan ang sangay ehekutibo sa kapangyarihan nito. Kung titingnan ang kaso ng mga Ampatuan, hindi lang sa Maguindanao Massacre kundi sa buong paghahari-harian nila sa lalawigan, nasaan ang rebelyon dito? Bagamat pulitika ang nasa likod ng nakakakilabot na pagpatay sa 57 katao, hindi pa rin ito maituturing na rebelyon. Ginawa ang krimen hindi para agawin ang kapangyarihan ng o ibagsak ang gubyerno. Hindi ginawa ang krimen laban sa gubyerno, kundi para makapanatili sa gubyerno, para protektahan ang paghahari ng mga Ampatuan sa gubyerno ng lalawigan ng Maguindanao. At hindi ito ginawa para ihiwalay ang Maguindanao sa Pilipinas, tulad halimbawa ng isinusulong ng MILF. Sa kabaliktaran, ginawa ito sa kabila ng pagiging kaalyado ng Malacañang o ng pambansang gubyerno.

Kahit pa sakyan ang pakulo ng rehimeng Arroyo na rebelyon ang kaso, sa gitna ng isang digmaan, meron pa ring tinatawag na krimen laban sa sangkatauhan. Ang karumal-dumal na pagpatay sa mga sibilyan, na marami ang kababaihan, kabilang ang mga kagawad ng midya, ay isang malinaw na halimbawa ng krimen laban sa sangkatauhan. At pinakamahalaga, kung rebeldeng grupo nga ang mga Ampatuan at isang rebelyon ang isinusulong nila, dapat ding hulihin si Gloria at ang administrasyon nito. Dahil matapos ang malagim na krimen at nalantad ang paghaharing ito ng mga Ampatuan na tinatawag ng gubyerno bilang rebelyon, malinaw na ipinahayag ng rehimen, sa pamamagitan ng isa sa tagapagsalita ng pangulo na si Lorelie Fajardo, na nananatiling kaibigan ng mga Arroyo ang mga Ampatuan (o baka naman lorelying na naman siya?). Nang pinupuna ang rehimen na prinoprotektahan ang mga Ampatuan, sumagot sila na hindi ito totoo dahil kaalyado ng administrasyon kapwa ang mga Ampatuan at Mangudadatu. Umamin si Jovito Palparan mismo na inarmasan ang mga Ampatuan para itaboy ang MILF sa Maguindanao.

Hindi rebelyon ang ginawa ng mga Ampatuan. Kahit gaano karami ang pinatay nila at gaano man kalagim ang pangyayari, isa pa rin itong komun na krimen. Hindi rebellious ang ginawang krimen. Ang rebellious ay ang ginagawa ng gubyerno. Dahil sa kagaguhan nila, dahil sa patuloy na pakikipagkompromiso nila sa mga Ampatuan sa kapinsalaan ng mga biktima at pamilya nila, at ng buong sambayanang Pilipino, para na rin nilang itinutulak ang mamamayan na mag-aklas laban sa bulok na gubyernong ito, laban sa gubyernong ito na kumakalinga sa mga pinakamalalaking kriminal sa bansa, laban sa gubyernong ito na siya ring pinakamalaking kriminal sa bansa!

Narito ang ilang bahagi ng proklamasyon ng Pangulo na nagpataw ng Batas Militar sa ilang bahagi ng Maguindanao:

WHEREAS, Section 18, Art. VII of the Constitution provides that “xxx In Case of INVASION or REBELLION, when the public safety requires it, (the President) , may, fot a period not exceeding sixty days, suspend the privilege of writ of habeas corpus or place the Philippines or any part thereof under martial law.xxx”

WHEREAS, R.A. No. 6968 provides that the crime of rebellion or insurrection “is commited by rising publicly and taking arms AGAINST THE GOVERNMENT for the purpose of xxx depriving the Chief Executive or the Legislature, wholly or partially, of any of their powers or prereogatives.”

WHEREAS, heavily armed groups in the province of Maguindano have established positions to RESIST GOVERNMENT TROOPS, thereby depriving the Executive of its powers and prerogratives to enforce the laws of the land and to maintain public order and safety;

WHEREAS, the condition of peace and order in the province of Maguindanao has deteriorated to the extent that the judicial system and other government mechanisms in the province are not functioning, thus endangering public safety;

Batay sa mga isinasaad na ito ng konstitusyon, ang kongklusyon ng Pangulo:

Indeed, the nature, quantity and quality of their weaponry, the movement of heavily armed REBELS in strategic positions, the closure of the Maguindanao Provincial Capitol, Ampatuan Municipal Hall, Datu Unsay Municipal Hall, and fourteen other municipal halls, and the use of armored vehicles, tanks and patrol cars with unauthorized “PNP/POLICE” markings, all together CONFIRM THE EXISTENCE OF ARMED PUBLIC UPRISING for the political purpose of:

(i) REMOVING ALLEGIANCE FROM THE NATIONAL GOVERNMENT of the Province of Maguindanao; and,

(ii) Depriving the Chief Executive of her powers and prerogetives to enforce the laws of the land and to maintain public order and safety.

Ilang kakatwang bagay lang:

Napakalinaw na isinaad sa deklarasyon na hindi kasama ang mga teritoryo ng MILF, isang grupo na napakalinaw na nagsusulong ng paghihiwalay ng ilang bahagi ng Mindanao mula sa Pilipinas at pagtatatag ng isang hiwalay na estado. Habang ipinataw ang batas militar sa nalalabing teritoryo ng Maguindanao na hawak ng mga Ampatuan na ginagamit ng gubyerno para laban ang mga separatistang Muslim na ito.

Kung iisipin pala, kung may hostage taking, halimbawa, kung saan hindi maipatupad ang batas, napagkakaitan nang bahagya ang pangulo ng kapangyarihan nito, pwede nang magpataw ng batas militar?


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: