Ipinaskil ni: diwa81 | Nobyembre 16, 2009

At Nalaglag ang Ladlad


Sa partikular, hindi ako boto para sa Ladlad, ang grupo nina Danton Remoto na gustong kumatawan sa mga bakla at lesbyana (hindi ko alam kung ano ang politically correct na termino para sa gay, may isa kasi akong kaibigan na ayaw sa terminong ito). Maganda naman ang isinasaad nilang layunin, ang labanan ang diskriminasyon sa mga bakla at lesbyana sa lahat ng lugar o ang pantay na karapatan para sa lahat, anuman ang kasarian.
Pero hindi ito ang usapin ngayon. Kamakailan, lumabas ang desisyon ng COMELEC na nagbabasura sa aplikasyon ng Ladlad par a sa partylist. Ang naging batayan ng COMELEC ay hindi sa usapin ng ligalidad, hindi teknikalidad, kundi imoralidad.
Sinisipi ng COMELEC ang ilang linya sa petisyon ng grupo na nagsasaad ng pagtatalik ng magkaparehong kasarian. Mula dito, pumulot na ng kung anu-ano ang mga Komisunyer ng COMELEC mula sa bibliya, koran at kodigo penal. Ayon sa kanila, diskwalipikado ang grupo dahil lumalabas na labag sa moralidad ng publiko ang ilang katangian ng grupo na binanggit sa itaas. Pero ayon mismo kay Remoto, paano ba ipapaliwanag ang moralidad? Hindi naman maitatanggi na pwedeng maging batayan ang usapin ng moralidad para sa petisyon ng bawat kandidato o grupo na gustong sumabak sa eleksyon. Pero ang pangunahing usapin dito, sino ang huhusga?
Mali ang naging batayan ng COMELEC dahil meron tayong paghihiwalay ng estado at simbahan. Ang ibig sabihin lang naman nito, magkahiwalay ang mga batas ng estado at ang batas ng mga grupo sa relihiyon. Kaya hindi pwedeng gamiting batayan ang sinasabi ng bibliya o koran, o anupamang sagradong sulatin ng ibang grupo, para sa isang usaping ligal. Ang pwede lamang gamitin ng COMELEC para dito ay ang mga probisyon ng batas ng gubyerno ng Pilipinas dahil para sa estado, ang mga ito lang ang magkakaroon ng bigat para sa anumang konsiderasyon para sa lahat ng sangay ng gubyerno. Kung merong probisyon ang batas na nagsasaad kung ano ang moral, ito ang pwedeng gamitin ng COMELEC.
Ang sinasabing moralidad sa bibliya o koran ay sagrado, pero para sa mga mananampalataya lamang ng mga ito. Hindi ito pwedeng dalhin sa loob ng gubyerno. Kung gagawin ito, magkakaroon ng malaking problema. Anong relihiyon ang gagamitin? Kung may gagamiting isang relihiyon, magkakaroon naman ng diskriminasyon sa ibang relihiyon. Hindi naman pwedeng gamitin ang lahat ng relihiyon, dahil ang bangayan ng mga relihiyon ay tatawid na rin sa paggana ng gubyerno.
Kahit pa nga sakyan natin ang linya ng pangangatwiran ng mga sinasabing “manang” na Komisyuner (baka naman nagkulang lang sa komisyun?), mali pa rin ang desisyon nila. Ayon kay Remoto, tatlo sa mga Komisyuner ay mga ministro, dalawa ang Katoliko, isa ang Muslim. Kaya hindi kataka-taka na sa bibliya at koran sila kumuha ng mga sipi.
Nagtataka lang ako sa mga ito, mga ministro at imam naman pala sila, kulang pa ang pagsipi nila. Kung nagbasa-basa pa sana sila sa bibliya (hindi ko lang alam sa koran, hindi pa kasi ako nakabasa nito) makikita nila ang ilan pang pahayag dito na: sino mang walang kasalanan ang unang pumukol ng bato, at kung sino mang humusga ay siya ring huhusgahan. Nakasaad sa bibliya ang mga pahayag na ginamit ng COMELEC hindi para magkaroon ng panukat ang tao sa kapwa nila, hindi para magamit ng taong simbahan, lalo pa kung Komisyuner lang, para sabihin kung sino ang imoral at hindi. Dahil sa ibabaw ng lahat ng ito, ipinahayag din sa bibliya na ang Diyos lang ang tanging huhusga. Siya lang ang magpapasya sa huli. Kaya, sa interpretasyon ko, ang pamantayan ng moralidad sa bibliya ay para lang sa indibidwal, para masukat ang sarili kung tama ba o mali ang ginagawa niya.
Para sa akin, mali ang desisyon ng COMELEC. Batay lang sa isinaad ng Ladlad sa petisyon nito, hindi sapat na sabihing nagpapalaganap ng imoralidad ang grupo nila. Ang pagsasaad na nagpapratika ang mga myembro nila ng pagtatalik ng magkaparehong kasarian ay simpleng paglalahad lamang ng katotohanan. Dahil ito naman ang isa sa mismong kahulugan ng pagiging bakla o lesbyana, ang pagkakaroon ng atraksyon sa kaparehong kasarian. Kaya natural lang, ang bakla ay magkakaroon ng karelasyon na bakla rin na biologically, lalaki rin ang anatomya maliban kung nagpaopera. At walang imoral sa bagay na ito.
Ang pagturing ng COMELEC, at maraming bulag sa kanilang paniniwala at makasariling nag-iisip na sila lang ang nilikha ng Diyos nang hindi naman tinatanong ang Diyos nila mismo kung sino ba ang mga taong ito, na imoral ang grupong ito o sino mang may ganitong klase ng buhay, ay nagpapatunay lamang na may diskriminasyong dinadanas ang grupong ito. Hindi ba iyon naman ang mismong dahilan kung bakit may partylist ngayon? Para mabigyan ng pagkakataong magkaroon ng representasyon ang mga marginalized na grupo?
Hindi imoral ang pagiging bakla o lesbyana. Ang imoral ay kung gagawa ka ng mali sa kapwa, lalaki, babae, bakla o lesbyana ka man. At higit ito sa usaping ligal. Ang imoral ay iyong nagnanakaw ng kaban ng bayan, gumagamit sa pusisyon para magkamal ng yaman kahit kapalit ang mamamayang Pilipino at soberanya ng Pilipinas. At walang usapin dito ng kasarian.
Sa huling pagsusuri, hindi lamang ito para sa grupong Ladlad sa partikular, kundi para sa lahat ng bakla at lesbyana. Kung sasabihing imoral sila dahil nakikipagtalik sa kaparehong kasarian, hindi ba para na rin nating sinabing wag na silang maging bakla o lesbyana? Kung gayon, ano pang silbi ng pagbuo sa grupo nila? Mga Komisyuner ng COMELEC, MAGKANO BA ANG LAGAY NA KAILANGAN?


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: