Ipinaskil ni: diwa81 | Nobyembre 14, 2009

Ugnayang US-RP


Sa buong Manila Forum ata, paulit-ulit kong naririnig ang “makasaysayang ugnayan ng US at Pilipinas.” Pero wala ni isa ang wastong nakatukoy kung ano ba ang ugnayang ito.

Bago ito, ilang bagay lang na napansin ko sa ipinalabas ng ANC hinggil sa porum.

Halata ang excitement ng mga host sa kanilang bisita. Para tuloy silang tuta na kakawag-kawag ang buntot matapos makita ang amo nito. Nakakainis pa ang paulit-ulit na opening statement ni Ces Drilon, “In contrast sa mga protesta diyan sa Manila laban VFA, dito sa Zamboanga…” Hindi ko alam kung kalkuladong hakbang ito ng ABS-CBN, na dahil naging biktima rin ng kidnaping si Ces sa Mindanao, nagkakaroon na siya ng awtoridad na magsalita para sa buong taga-Zamboanga o Mindanao na gusto ng mga tao ang presensya ng mga tropang Kano doon.

Sa opinyon ko, malaking kasayangan ng oras ang marami sa mga itinanong sa porum. Isa sa pinakamataas na opisyal ng US ang tumawid pa ng halos kalahati ng mundo para pumunta dito, tapos tatanungin kung may iba ba siyang crush bukod kay Bill, o kung anong paborito niyang sports. Hindi ko inaasahang ibabato talaga ng mga host ang una. Akala ko binanggit lang nila iyon bago magsimula ang porum, para lang mapagaan ang atmospera. Maliban lang kung ang layunin talaga ng porum ay ang magpa-cute si Hillary dito, at hindi talaga ang harapin ang ilang kabataang Pilipino at talakayin ang ilang mahahalagang isyu. Sigurado, mas dusto ng US ang una. Sa ganitong paraan, maitatago nila ang maduming mukha ng US sa pamamagitan ng mga patakaran at dikta nito sa Pilipinas at sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya, at ang duguang kamay nito mula sa pagpatay sa maraming mamamayan, kabilang na ang mga Pilipino, sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan. Pero dapat hindi na nila idinaos sa UST ang porum o pinalaki masyado ang aktibidad. Dapat sa The Buzz o Showbiz News Ngayon na lang siya lumabas at sumagot ng mga tanong.

Sa buong mundo, ipinangangalandakan ng US na tagapaghatid sila ng “demokrasya.” Pero bakit magpahayag lang ng mga hinaing sa harap niya, o kahit medyo malayo sa kanya, ay ipinagbabawal. Katulad halimbawa ng hinuling aktibista sa Marikina dahil lang may dala itong poster na kumukundena sa US, o sa pagtakip ng isang bus at pagpalibot ng mga pulis sa mga ralyista para hindi makita ni Clinton.

 

Ngayon, para sa pangunahing punto: Bakit walang tumukoy kung ano ba ang sinasabi nilang “makasaysayang ugnayan” ng US at Pilipinas? Ay, oo nga pala! Isa iyong ugnayan ng imperyalistang bansa at kolonya nito, ng isang amo at isang alipin. Isang ugnayang nakabatay sa pang-aapi, panlilinlang pandarahas. Isang ugnayang dinilig ng dugo ng maraming Pilipino.

1898, nang makakalaya na sana tayo sa Espanya, opisyal na nagsimula ang ugnayang iyon. Imbes na tanggapin ang pagkatalo nito sa dating alipin, mas pinili ng Espanya na isuko ang Pilipinas sa US kapalit ng malaki-laking kabayaran. Kaya imbes na kilalanin ang pakikibaka ng mga Pilipino noon para maging malaya, itinuring lang tayong isang basahan na tapos nang pagpasasaan at ibinebenta sa bagong amo. Sa simula pa lang, panlilinlang na ang ginawa ng mga ahente ng US. Pinalabas nila na pumunta sila dito para tumulong mapalaya ang mga Pilipino.

Bago pa man nito, matagal nang nakikita ng US ang pakinabang ng Pilipinas sa imperyalistang hangarin nila. Sa loob ng bansa, maraming oportunidad ang masasamantala – murang lakas paggawa at hilaw na materyales at bagong mabubuksang pamilihan. At panlabas na patakaran, mahalagang tungtungan ang Pilipinas para mabuksan ang mas malaki at mas mayaman pang rehiyon ng Timog-Silangang Asya. Lalo pang tatatag ang estratehikong halaga nito matapos ang Ikawalang Digmaang Pandaigdig, sa tinatawag ng US na “pagsawata sa paglawak ng komunismo.”

Nang malantad na ang tunay na intensyon ng US dito sa Pilipinas, pumihit ang patakaran ng panlilinlang tungo sa tuwiran at kakila-kilabot na pandarahas. Pero bago iyon, ginawa muna nila ang pinakamalaking panlilinlang maging sa sarili nilang mamamayan; pinalabas nilang sinimulan ng mga Pilipino ang armadong komprontasyon sa pagitan ng mga pwersa ng US at Pilipinas para makuha ang suporta ng lehislatura ng US na pagtibayin ang Treaty og Paris. Matapos nito, buu-buong baryo o bayan ang pinaslang para madurog ang paglaban ng mga Pilipino. Hanggang ngayon, tumutunog pa rin ang kampana ng Balangiga para sa hustisya.
Matapos marahas na supilin ang paglaban ng mga Pilipino, nagsimula ang US na ipalaganap ang “demokrasya” dito. Ipinagbawal nila ang anumang pagpapahayag ng pagkamakabayan, ang pagwawagaygay ng bandila ng Pilipinas at ng Rebolusyong Pilipino, ang pagpapalabas ng mga makabayang dula, sulatin at iba pang akda. At para muling linlangin ang mamamayang Amerikano, tinawag na lamang mga bandido ang natitirang Pilipino na magiting na nakikibaka para sa paglaya, para palabasing police matter na lang ang problema sa Pilipinas.

Para palabasing little brown brothers nila ang mga Pilipino, itinayo nila ang Lehislatura ng Pilipinas. Dito makikita natin ang pamilyar na mga pangalan na makikita pa rin natin ngayon sa Kongreso.

Sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa kabila ng malaking halaga ng Pilipinas, para lang tayong basurang iniwan ng US sa harap ng pagsalakay ng imperyalismong Japan. Lubhang mas mahalaga ang interes nila sa digmaan sa Europa para ipagtanggol ang sarili nilang kolonya. Habang ang mga sundalong Pilipino, ipinakat nila sa Bataan at Corregidor habang tumatakas sila at ang mga papet nila patungong Australia.

Nang papatapos na ang digmaan dito sa Pilipinas at malapit nang magwagi ang mga tagapagtanggol na Pilipino, bumalik na naman ang mga Amerikano, binomba ang Maynila, at pinalabas na pinalaya nila ang Pilipinas. Mahigit kalahating siglo pa bago nila kinilala ang papel ng mga sarili nilang sundalong Pilipino sa USAFFE. At sa pagbabalik nila, nagbalik din ang katayuan nila bilang amo.

Totoo na sa pagbabalik na ito, nagkaroon ng pagbabago. Imbes na tuwirang kolonya, ginawa na lang tayong neo-kolonya. Pero hindi ito dulot ng kabutihang-loob ng mga imperyalista. Dulot pa rin ito ng malakas na paglaban ng mamamayang Pilipino para lumaya at maging ng paglaban ng iba pang kolonya. Kaya napilitan ang US na IGAWAD ang “kalayaan” ng Pilipinas.

Dito na nagsimula ang pagiging “magkaalyado” ng US at Pilipinas. Kaya nagkaroon ng Parity Rights, MBA, MDT, at iba pang kasunduan na naging instrumento ng US, kasama ang tanikala ng pinansya, para patuloy na kontrolin ang ekonomya, pulitika at kultura ng Pilipinas kahit hindi na ito tuwirang kolonya. Dito na nagsimula ang pagkauhaw ng mga pinuno ng bansa para sa mga ayuda ng US, sa dayuhang pamumuhunan at pautang. Kasi malaya na tayo.

Malaya na tayo, kaya pag sinabing pumunta sa Korea, pumunta sa Byetnam, pumunta sa Aprika, pumunta sa Afghanistan, pumunta sa Iraq, punta kaagad tayo. Hindi ako magtataka kung sakaling may terorista na rin sa araw, siguradong pupunta rin tayo doon, basta gabi.

Mabilis na nauubos ang yaman na nahuhuthot nila dito at sa iba pang neo-kolonya, kaya kinailangan nila ng mas agresibong patakaran sa ekonomya, kalakalan at pinansya. Nagsimulang lumobo ang utang natin, pero hindi natin pwedeng gamitin iyon sa industriyalisasyon. Kailangang mapatatag ng US ang hatian sa paggawa ng US at mga di industriyalisadong bansa para mas mapalakas ang pusisyon nito sa kalakalan, kaya mayroon tayo ngayong GATT at WTO, na malaya nating pasukin, syanga pala.

Dahil ayaw na natin ng mga baseng militar dito, kaya inalis nila ang MBA. Meron na lang VFA. Makakapagtalaga sila dito ng mga tropa sa loob ng di tinukoy na panahon at sa di tinukoy na lugar, at pwedeng palitan ito ng iba pang tropa matapos ang mga ehersisyo ng nauna. Sa esensya, wala nang taning ang papunta nila dito, wala nang limitasyon sa lugar at bilang ng tropa. Pero wala nang baseng militar dito ang US.

Ito ang “makasaysayang ugnayan” na tuwang-tuwang iprinoproklama ng mga tao sa porum. Isang ugnayan na hanggang ngayon, ibinabalot sa pang-aapi, panlilinlang at pandarahas.


Mga Tugon

  1. Hello, I’m searching google and found your blog nice post. Mabuhay Sikat ang Pinoy!

    • salamat sa pagdaan.

  2. A lot of of folks blog about this subject but you wrote down some true words!!

    • thanks. just writting what i believe is true.


Mag-iwan ng tugon sa Sikat ang Pinoy Talambuhay Pindutin ito para bawiin ang tugon.

Mga Kategoriya