Ipinaskil ni: diwa81 | Nobyembre 12, 2009

Clinton sa Pilipinas


Dahil lang binibisita tayo ng mataas na opisyal ng US, dapat na tayong matuwa? Hindi maaaring laging gamitin ng US na palusot ang kahirapan ng Pilipinas para lagi tayong pasunurin sa kanilang utos at magkandayupapa sa kanilang presensya.

 

Ngayong araw, bibisita sa bansa si US Secretary of State Hillary Clinton, ang asawa ng dating Pres. Bill Clinton. Syempre, todo pasikat na naman ang gubyernong Arroyo. Noong una, makausap lang si Obama, kahit nga sa telepono lang, tuwang-tuwa na si Arroyo. Kaya ngayong bibisita pa mismo ang isa sa pinakamataas na opisyal ng gubyernong Obama, talaga namang todo ang paghahanda ni Gloria.

 

Lagi nang ginagamit na palusot  ang gasgas nang palusot ng pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo. Oo, hindi naman masama ang tumulong ang ibang bansa sa mga nasalanta, maganda nga ito. Pero kung ginagamit na ito para panabing sa totoong mga intensyon dito sa bansa, abuso na ito.

 

Katulad lang ng napapansin ko sa iba pa, na parang ginagamit na lang ang Ondoy at iba pang bagyo para pabanguhin ang pangalan. Mga naglalakihang istasyon na puro pagtulong nila ang ibinabalita, mga artista na tuwirang tumutulong o naglalabas ngayon ng mga kanta tungkol sa bagyo, at pinakamalala, ang mga politiko na sinamantala ang pagkakataon para maipakilala ang pangalan; dapat namang huwag kaagad silang pagdudahan, pero sa sobrang pagbibida sa kanilang pangalan, hindi mo na maiwasan ang ganito.

 

At mas totoo ito para sa US. Hindi lang nila ginagamit ang mga nasalanta ng bagyo para pabanguhin ang pangalan ng US, kundi para isakatuparan pa ang mga intensyon nila dito sa bansa.

 

Hindi naman kaila ang kahalagahan ng papel ng Pilipinas para sa US, ang papel ng isang neo-kolonya para sa isang imperyalistang bansa. Nitong nakaraan, muling inilinaw ito ni Obama, na ang Pilipinas ang tinitingnan nitong “regional partner” sa Timog-Silangang Asya. O sa madaling sabi, bilang aso nito para ipatupad ang mga dikta sa rehiyong ito. At ngayong nalalagay sa alanganin ang isa sa mga pisi nila para makontrol ang Pilipinas, ang VFA, hindi na kailangang maging genuis para malaman na isa ito sa pangunahing layunin ng pagbisita ni Clinton.

 

Matagal nang nasa mainit na lagay ang VFA matapos ang sunud-sunod na muling panawagan para ibasura ito. Noon pa man, wasto nang tinukoy ng kaliwa na ang VFA ay pagpapatuloy lang ng Bases Agreement ng US para makapag-istasyon ng mga tropa dito. Mas malala pa sa mga naunang  kasunduan, sa VFA, nawalan na ng taning ang tagal at lugar kung saan pwedeng mag-istasyon ng tropa sa Pilipinas. Matapos ang krimeng ginawa ng ilang tropa ng US sa paggahasa kay Nicole sa Subic at pagkakagapos sa kamay ng hustisya ng Pilipinas dahil sa mga probisyon ng kasunduan, muling lumakas ang panawagan na ibasura ito. Malinaw na panghihimasok sa soberanya ng Pilipinas ang kasunduang ito.

 

Mapapatunayan na naman ngayon kung nasaan ang katapatan ng gubyernong Arroyo. Dahil lang may bumibisitang mataas na opisyal ng US, o kahit nga wala basta sa harap ng US Embassy, nilalabag maging ang batayang karapatan ng lahat na malayang makapagtipon para ipahayag ang mga hinaing. Anim na libong pulis, dahil alng bibisita si Clinton. Pero kapag may holdapan, kidnaping, nakawan, hirap mahagilap ang mga pulis (maliban siguro sa mga pulis na kasama ng mga krimenal).

 

Hindi laging pwedeng gamitin ng US ang kahirapan ng Pilipinas, lalo na’t ang US naman ang pangunahing dahilan ng kahirapang ito. Kung nais tumulong, tumulong nang hindi sinasagasaan ang soberanya ng bansa. Sila naman ang nagsasabi na malaya na ang Pilipinas sa kontrol nila, sila naman ang nagpapanggap na kampeyon ng “demokrasya,” bakit hindi nila panindigan.

 

Hindi naman kailangan ng Secretary of State pa mismo ang bumisita dito para lang ipaabot ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo, hindi naman kailangan mga sundalong Kano pa ang ipadala para tumulong kung pagtulong talaga ang gustong gawin. At pinakamahalaga, HINDI KAILANGAN NG VFA (period!)


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: