Ipinaskil ni: diwa81 | Oktubre 23, 2009


Kahapon, muli na namang nagpahaya si Erap na tatakbo siya sa 2010. Matagal naman na niyang ipinapahiwatig ito, lalo na sa paglabas ng mga ads niya. Ang isang masasabi ko, talagang magaling na artista si Erap, magaling din na komedyante.

Matapos ang rali nina Erap sa Tondo, nagkagulo na naman ang Malacañang sa pagsagot. Ang nakakatawa dito, napakaliit na bagay ang iniinugan ng debate. Isa sa pinagtatalunan ay ang mga salitang “the” at “any” sa konstitusyon: “THE president shall not be eligible to ANY re-election…” Sa kampo ni Erap, dahil daw sa salitang THE, ibig sabihin nito ay ang kasalukuyang presidente lang. At dahil hindi siya ang kasalukuyang presidente, hindi aplikable ito sa kanya. Dagdag pa ni Maceda, sa salitang RE-ELECTION, hindi naman RE-ELECTION ang habol ni Erap kundi nais niya lang ipagpatuloy ang termino niya. Sagot naman ng kabilang kampo, dahil sa salitang ANY, ibig sabihin nito ay anumang eleksyon, bawal na si Erap.

Kailangan pa palang maging abugado para lang malaman ang mga bagay na ito?!

At para mailihis na kaagad ang usapin, ibinaling na ni Erap ang usapin ng kalusugan niya. Ayon sa kanya, kaya pa ng katawan niya ang pangangampanya AT ANIM NA TAON PANG TERMINO! (na para bang sigurado na siyang mananalo!)

1998, nang mahalal ang noo’y napakapopular na Bise Presidente. Matapos ang mahigit dalawang taon, pinatalsik siya ng popular din na kilusan dahil sa mga kaso ng korapsyon, pagpapabaya sa Bayan, pagtanggap ng jueteng payola, at iba pang kaso.

imagesimages

Depensa dito ni Erap, nag-sorry naman na si Tita Cory sa kanya dahil sa EDSA 2. Ang problema si Cory lang naman ang nag-sorry sa kanya, hindi ang taumbayan. Dahil nananatiling tama ang ginawa ng milyun-milyong mamamayan na nagpatalsik noon kay Erap noong 2001. Isa iyon sa pagkakamali ni Cory na humingi ng tawad dahil sa pagsali sa EDSA 2 para lang makipagkasundo kay Erap laban kay Gloria. Tama na magkaisa laban sa kinamumuhiang pangulo ngayon, pero hindi sa punto na sasabihing mali ang naging desisyon noon na patalsikin si Erap.

Hanggang ngayon, ito pa rin ang pinanghahawakang linya ni Erap, na mali ang pagpapatalsik sa kanya, sa pamamagitan ng pagtuturo kay Gloria. Tama, lumabas na mas malala pa ngayon si Gloria kaysa kay Erap, gaya ng nilaman ng talumpati ni Erap kahapon. Pero hindi niyon ibig sabihin na dapat siyang ibalik dahil dito.
Sa ilalim ng administrasyong Arroyo, mas tumindi ang krisis sa ekonomya at pulitika ng Pilipinas. Lalong nabaon sa utang ang bansa, lalong lumalaki ang depisito sa badyet at kalakalan. Ang nakasalba lamang ay ang mga remitans ng OFW, sa kapinsalaan ng pagkasaid ng lakas paggawa sa loob ng bansa na may mataas na kasanayan at ng mga pamilya ng bawat OFW. Pinalala pa ang sitwasyon ng pagputok ng pandaigdigang krisis sa ekonomya. Sabi ni Gloria, hindi naman tayo apektado nito. Ang totoo, parang hindi ito nadama dito, dahil dati naman nang bagsak ang ekonomya. Pahayag ng editoryal sa The Daily Tribune na “A Lucky Bitch She Is,” hindi tayo inabot ng daluyong ng alon ng krisis sa daigdig, dahil hindi naman pumalaot talaga ang bangka natin noong una  pa man. Walang naging pagbagsak, dahil hindi naman kailanman tumaas.

Sa pulitika, parang pinatatakbo ngayon ang bansa ng isang sindikato. Halos lahat ng iligal na gawain ay nakopo na ng Unang Pamilya. At sinumang tumutol dito ay pinapatay, dinudukot, o hinaharas, sa anumang paraan meroon. At habang papalapit ang nakatakdang termino niya, lalong nagiging desperado si Gloria na manatili sa pusisyon.

Pero ang kinakailangan ay hindi ang pagbabalik ni Erap. Ang kailangan, PAGBABAGO at hindi PAGBALIK sa pinanggalingan natin. Ang laki ng sakripisyon ng taumbayan para makalampas sa administrasyon ni Erap, hindi nangangahulugan na dahil nasa mas lugmok na kalagayan tayon ngayon ay kailangang kalimutan ang lahat ng iyon. Ang kailangan ay ang humanap ng solusyon pasulong.

Mali rin isipin, kung papatulan ang punto ni Erap, na kung hindi siya pinatalsik, hindi sana ganito ang kalagayan natin ngayon. Wala namang makakapagsabi na kung ganoon nga ang nangyari ay hindi tayo ganito ngayon, na mas maganda ang lagay natin. Ang sigurado, mula sa aktwal na mga ginawa at hindi niya ginawa, may batayan para patalsikin siya. Ang pagkakaluklok kay Gloria ay naging resulta lamang ng aksyong iyon. Hindi na ngangahulugan na kaya pinatalsik si Erap ay dahil gusto si Gloria. Kaya hindi rin na ngangahulugan na dahil hindi rin gumana si Gloria ay bumalik na lang tayo kay Erap.

Ito rin ang puntong madalas malimutan sa kasalukuyang kilusan ngayon para patalsikin si Gloria. Ang laging unang tinatanong, sinong ipapalit? Tama na isaalang-alang ang tanong, pero dapat laging maging positibo ang sagot. Kapag negatibong sinasagot, laging sinasabi na wala namang maipapalit kaya magtiyaga na lang kay Gloria. Ang tamang sagot, hindi naman pinapatalsik si Gloria kasi may gustong ipalit, kundi dahil may ginawa siya, at hindi ginagawa, na batayan para patalsikin siya. May gusto tayong ipalit, iyong hindi katulad ni Gloria, at ni Erap na rin, o sinumang bulok na pulitiko na ipagpapatuloy lamang ang mga programa sa ekonomya at pulitika na ipinatupad ng mga administrasyon nina Gloria, Erap, Ramos, at iba pang pangulong nauna sa kanila. At hangga’t hindi tayo nagkakaroon ng ganoong pangulo, hindi rin dapat tumigil sa pagkilos.

imagesimages

Sa hanay ng panggitnang uri, may ilang duda na sa pagpapatalsik sa pangulo dahil wala naman daw nangyayari, paulit-ulit lang. Sa bagay na ito sila tinatalo sa talino ng masang anakpawis dahil mas malinaw pa nilang naiintindihan ang mga bagay-bagay. At ito rin ang dahilan kung bakit nasa kanila ang susi sa kinabukasan ng Pilipinas. At hindi lang basta-basta kinabukasan, kundi mas maaliwalas na kinabukasan na hahawan ng landas para sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng bansa.

Hindi na dapat pinagtatalunan pa kung pwede pa bang tumakbo si Erap, dinisisyunan na ito ng taumbayan noong 2001. Maaring isipin na ni hindi na nga dapat siya pinapansin. Ang tingin, mas dapat nga siyang pansinin at sagutin, dahil kung hindi sasagutin, baka makalusot. At talagang matatagpuan na naman ang ating mga sarili sa dating kalagayan at mauulit na naman ang kasaysayan.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: