Ipinaskil ni: diwa81 | Oktubre 15, 2009

Matatag na Ekonomya?


New Picture

Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Gloria na nananatiling matatag ang ekonomya ng Pilipinas sa kabila ng paghagupit nina Ondoy at Pepeng.

Sa pagkakaalam ko, malaki ang iniasa ng gubyerno sa ibayong dagat para sa tulong sa mga naging biktima. Noong kalalabas pa lang ni Ondoy sa Pilipinas, nagyayabang na ang gubyerno na walang kakulangan sa pagkain para sa mga nagsilikas. Pero kasunod nito, nagpahayag si Teodoro na may paraan na sila para hindi magkagulo at mag-agawan ang mga tao sa pagkuha ng mga relief goods. Pagkatapos, si Joey Salceda pa mismo, ang tagapayo ni Gloria sa ekonomya, ang nagsabi na kakailanganin ng $1 B para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyo at kakailanganing hanapin ang pondong ito sa tulong mula sa ibang bansa. Kaya nga tuwang-tuwa ng gubyerno dahil magpapadala na ng tulong ang UN.

Pero kung matatag ang ekonomya, hindi ba dapat hindi na kailangang manlimos sa labas para lang matulungan ang mga biktima? Mayroon namang calamity funds ang lokal at pambansang gubyerno. Bakit hindi kasya ito?

Kung matatag ang ekonomya, hindi ba dapat madali tayong makakabangon, ang mga mamamayang nasalanta sa partikular, mula sa pinsala ng dalawang malakas na bagyo?

Ganito ang ideya ko ng matatag na ekonomya. Kahit bilyun-bilyon ang napinsala sa agrikultura, kung may subsidiya sila sa gubyerno, madali nilang mababawi ang nalugi sa mga pananim at iba pang produkto. Maaaring maglaan ng pondo ang gubyerno para magamit na puhunan ng mga magsasaka para muling makapagtanim, maayos ang mga impraistruktura na nasira ng mga bagyo, at pantawid gutom habang hinihintay ang susunod na anihan.

Para sa mga indibidwal na kabahayan, maaaring bigyan ng tulong pinansyal ang mga nasira ang bahay, para makatulong sa muling pagpupundar. Ang iniisip kong tulong dito ay direktang kaloob at hindi sa anyo ng pautang na problema pa rin kung paano mababayaran. Sa katagalan, maaari pang makasama ito sa mga tao kapag hindi na mabayaran.

Sa pambansang saklaw, maaaring organisahin ang buong bayan para makatulong ang ibang rehiyon na hindi naman naapektuhan ng bagyo na punuan ang magiging lugi sa ekonomya ng mga apektadong lugar.

Ganito ang nakikita kong matatag na ekonomya, kung ang mamamayang Pilipino ang isinasaalang-alang. May pondong magagamit para sa iba’t ibang pangangailangan, lalo na sa panahon ng kalamidad, at hindi depisito sa badyet. May tunay na paglago sa ekonomya na nararamdaman ng mga tao, at hindi depisito sa kalakalan. May perang naiipon para sa kaban ng bayan, at hindi lumolobong utang. Na kahit anong lakas ng bagyong dumating, madali lang itong labanan dahil walang ibang pinoproblema ang bansa sa ekonomya.

Pero kung mga kapitalista lang ang isinasaalang-alang, lalo na ang mga dayuhan, maaari ngang sabihin ni Gloria na matatag pa rin ang ekonomya, ang ekonomyang nililikha niya para sa kanila. Dahil nananatili pa rin namang matatag ang mga patakaran na ipinapatupad niya para sa mga ito: deregulasyon ng mahahalagang industriya, mababa o wala pa ngang buwis sa pamumuhunan, maluwag na patakaran sa pagpasok, mababang pasahod, murang hilaw na materyales, at iba pa.

Sa katunayan, magandang pagkakataon pa nga ito para sa sektor ng konstruksyon dahil maraming kalsada at tulay ang nasira, kapwa para sa mga dayuhang kumpanya at lokal na kasosyo nila dito at para sa gubyerno. Para sa una, dahil marami na nanamang kailangang ayusin, na bagong kontrata na naman para sa kanila. Para sa huli, dahil marami na namang lagay at komisyon na matatanggap, lalo na para sa pamilyang Arroyo na marami na namang makokopong proyekto.

Sa muling pagyayabang ni Gloria, nakikita na naman na wala siyang pakialam sa mamamayan, kahit para sa mga nasalanta ng bagyo, liban lang sa pakitang-taong pagmamalasakit para bumango sa midya. Ang hindi pagkilala sa tunay na kalagayan ng ekonomya ay nangangahulugang hindi pa rin magagawa ang mga hakbang para ayusin ito, para sa mamamayang Pilipino. Pagdaragdag pa ito ng insulto sa pinsalang binabata ngayon ng masang anakpawis. Walang makabuluhang tulong ang ipinagkakaloob ng gubyerno sa mga maralitang nasalanta, habang sa kabilang banda, ipinapakita na ang prayoridad ng gubyerno ay ang gawing normal ulit ang operasyon para sa mga lokal at dayuhang mamumuhunan.

********************

Sa 2010, kung bumaba nga ng pwesto si Gloria, may naisip na akong bagay na pusisyon sa kanya, secretary ng DOH. Malaki ang maituturo niya sa mga bata, tutal magaling naman siya maghugas ng kamay.


Responses

  1. ahahaha… tama, ang galing galing niya mag hugas ng kamay…

    kung siya yung manghihingi ng piso sa kin dyan sa pic, papakyuhan ko siya.. peace…


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: