Ipinaskil ni: diwa81 | Setyembre 16, 2009

1081


15 September 2009

1081

Simputi ng puntod ang mga pader at dinding,
Bawat titik ng pagtutol ay binahiran ng kalinisang pangkalansay,
Bawat larawang pumipintig sa pag-aalsa’y
Kinulayan ng katahimikang hindi humihinga.

Ang mga lansanga’y tinatanuran ng nanghuhuling titig.
Ang iling at buntung-hininga’y mga damdaming nanganganib na madakip.
Ang diwang nagpupumiglas ay dali-daling kinukupkop,
Tila isang ibon, sa dalawang palad.

Nag-iisang tinig na nakaunipormeng nangingintab sa medalya
Ang umaalingasaw sa burak ng gabi,
Buong kagaspangang ginagahasa ang mga nangangalam na higaan
At mga aklat na nilagom muli ng nagbabagang lupa.

Balitang nagkakalabi’y mga bangungot at atungal ng kabaliwang nakawala sa kural.
Nagkakasungay ang balang banta’t utos.
Nakaamba ang isang kamay-panglingkis
Habang ang isa nama’y anghel-anghelang umaakay sa isang musmos.

Nasa hinalughog at tinaningang buhay, nasa kumalas at nagkubling Diwa,
Nasa bibig na binusalan, nasa dugua’t dinayukdok na katawan,
Nasa matang di napiringan ng karimlan
Ang mga balitang nagngangalit ibulalas ng hanging sinupil.

Nasa awiting lumalandas sa kalyehon at pilapil ng mga labi,
Nasa sigaw na nagka-kamao at nagtiim ng mga bagang,
Nasa kulay ng bandilang lantay-dugong bumubukal,
Nasa punlong ang pahayag sa kalaba’y kamatayan!

Durugin ang lahat ng kalatas na may lagdang makamandag!
Ang liham ng kasaysyaa’y may laksa-laksang lagda, mga tatak
Ng linaplap na laman, patak ng dugo’t luha ng tuwa,
Mga titik na hinugis ng bumubulusok na araw, dumaratal na umaga.

Bangon! kung hindi’y patuloy ang dilim. Buhayin sa dibdib
Ang mga salitang tikuklap sa pader, ang punlo’t kalasag
Ay isakatawan, sa sariling kamay hawanin ang landas ng araw,
Sa palad ng araw kikisap ang bagwis ng bagong kalayaan!

– Ramon Kris

Marahil marami ang makakadama sa ipinapahiwatig ng tulang ito. Marami ang tumatangging kilalanin ang katotohanan, pero higit na nakarararami ang nakakadama sa nakabalot na karimlan sa Pilipinas ngayon, sa katauhan ng rehimeng Arroyo. Halos isang libo na ang biktima ng pampulitikang pamamaslang, daan-daan pa ang nawawala at hindi alam ang kalagayan, kung patuloy ba silang naghihirap sa kamay ng mga militar o isa nang malamig na bangkay. At laksa-laksa pang iba ang biktima ng iba’t ibang karahasan at paglabag sa karapatang-tao.

Syanga pala, ang tula sa itaas ay naisulat noong dekada 1970 pa, noong panahon ng rehimeng Marcos. Para sa mga hindi na inabot ang panahong iyon, ang 1081 ang bilang ng proklamasyon ni Marcos na nagbaba ng Batas Militar sa Pilipinas. Napili ko ang tulang ito dito, dahil palitan mo lamang ng 1017, o iba pang bilang ng proklamasyon ni Gloria, nananatiling buhay ang diwa ng tula.

Mabuti pa noong panahon ni Marcos, may lakas ng loob siyang iproklama ang Batas Militar; samantalang sa kasalukuyang rehimen, walang pakundangan ang mga militaristang opisyal ng gubyerno, habang parang mga hari’t reyna ng sinaunang panahon na nagpapakasasa ang pangulo at pamilya niya sa pagdambong sa kaban ng bayan.

Naisulat ko na minsan kung gaano kasalimuot ang magiging eleksyon sa 2010, pero ang mas sabik na inaantabayanan ko ay kung magwawakas na nga ba ang rehimeng Arroyo sa susunod na taon. Papayag nga ba ang isang halimaw na mas masahol pa kay Marcos noon na magwakas na ang kanyang paghahari?

Kagabi, napanood ko ang pelikulang Missing. Tungkol ito sa Chile noong panahon matapos magkudeta doon ang military, sa panunulsol ng mga ahente ng US, at magpatupad ng Batas Militar. Uminog ang kwento sa paghahanap ng isang ama sa nawawala niyang anak. Noong una, isa siyang masugid ng Republican sa US at tutol sa “radikal” na gawi ng anak. Pero sa mga nasaksihan niya mismo sa paghahanap niya sa anak sa Chile, unti-unting nagbago ang pagtingin niya sa ikinapipitagan niyang gubyernong US.

Ang anak niya ay pinaghihinalaang dinukot ng mga militar ng Chile dahil sa pagiging radikal umano. Hinihinalang isa siya sa libu-libong dinala sa isang malaking stadium kung saan dumanas sila ng matinding pahirap, o kaya’y pinatay na. Ang problema, pinalaya na ang lahat ng hinuling Amerikano, liban sa dalawa, na nagkataong kaibigan din ng anak niya. At sa anak niya, na itinatanggi ng mga awtoridad na hawak nila.

Ang kakatwa, napanood ko ang isyu ng Case Unclosed ni Arnold Clavio tungkol kay Melissa Roxas; at ang palusot ng mga awtoridad sa pelikula ay parehong-pareho sa mga palusot ng militar dito sa Pilipinas kaugnay ng pagdukot kay Melissa, at daan-daang iba pa. Na kagagawan iyon ng kaliwa.

Sa pelikula, ang sinasabi ng awtoridad, nagtatago ang anak niya at malamang namundok na. Ang dagdag na kakatwa dito, mga awtoridad ng US Embassy pa mismo ang nagdidiin sa teoryang ito. At imbes na tumulong sa paghahanap sa anak niya, sinasamantala pa nila ang pagkakataon para makakalap ng impormasyon sa asawa ng nawawala para sa dagdag na paniktik.

Kay Melissa, iginigiit naman nina Alcover at Palparan na kagagawan ng CPP/NPA ang pagdukot sa kanya. Giit ni Alcover na ayaw ng NPA na mag- lie low si Melissa kaya pinalabas na dinukot siya ng mga militar. At kumbinsidong-kumbinsido sila dito dahil lamang may nagpadala sa kanila ng bidyo umano ni Melissa kasama ang mga NPA!

Talagang hibang na ang mga militar dito sa Pilipinas, na kahit ang Commission of Human Rights ay hindi na naniniwala sa mga palusot nila. Ang awtomatiko namang paliwanag dito ng AFP, kasi makakomunista na rin ang CHR, lalo na ang tagapangulo nito. Katulad din ito ng pag-iisip ng ilang nagkokomento sa akin, na tuwing nagsasalita nang laban sa gubyerno, hindi na mahalaga kung totoo ba o hindi, kagagawan lang ito ng mga komunista. Kaya imbes na alamin ang katotohanan, ang tinutugis nila ang nagsasalita laban sa kanila.

21 Setyembre 1972, idineklara ni Marcos ang Batas Militar. Noong mga nakaraang rehimen, laging ginugunita ang petsang ito bilang paalala sa naging malagim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Ngayon, hindi na gaanong napapansin ang mga malagim na ginawa noon ni Marcos dahil natatabunan na mas malagim na mga gawi ng sindikato ng mga Arroyo.

Hindi ko sinasabing, sa buwan ding ito, malamang ideklara ni Gloria ang Batas Militar (magiging corny iyon, walang originality). Dahil hindi naman na niya kailangang ideklara ang Batas Militar.

Bangon! kung hindi’y patuloy ang dilim…


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: