Ipinaskil ni: diwa81 | Hulyo 28, 2009

SONA


SONA
27 July 09

Anong kailangan para sa isang matagumpay na SONA o State of the Nation Address? Hindi kailangang magaling kang magsalita. Kahit nga walang kalatuy-latoy ang pagbigkas mo. Ang tanging kailangan lang ay mga kongresista at iba pang politiko na uto-uto, o kung di man ay hawak mo sa kanilang mga bulsa. At sigurado magiging masigabo ang palakpakan sa buong Kongreso.

Sa bilang kanina, nagkaroon ng 124 na palakpakan sa loob ng 58 minutong talumpati ni GLoria, o humigit-kumulang dalawang palakpakan sa loob ng isang minuto. Hindi ko lang tiyak, pero parang halos kada dalawang buong pangungusap ni Gloria, may kasingit na palakpakan. Hindi naman dahil maganda ang sinabi ng panggulo, iyon ay, para sa mamamayan.

At madako naman tayo sa mas mahalagang usapin. Sa matagumpay na SONA, sa ganyang klase ng mga kongresista, hindi rin kailangang makabuluhan ang sinasabi mo, lalo na para sa masang anakpawis.

Natural, ang narinig na naman sa bibig ni Gloria ay kalahating totoo, iyong mga bagay na wala namang katuturan sa buhay ng mga Pilipino, at kalahating kasinungalingan. Ang masaklap, ang kalahating kasinungalingan pa ang mga bagay pa naman na pinakamahalaga sa taumbayan.

Hanggang ngayon, ibinibida pa rin ni Gloria na matibay ang ekonomya ng Pilipinas, at hindi tayo naapektuhan ng pandaigdigang krisis sa ekonomya at pinansya. Nagtataka lang ako, bakit wala naman siyang nabanggit na datos sa sinasabi niyang matatag, lalo na tungkol sa industriya, kung meron man tayo, at sa agrikultura. Ang tanging naipagmalaki lang niya sa pagkakatanda ko ay ang mga proyektong impraistruktura, BPO o call center, turismo, at OFW remitans. Kaugnay sa utang ng Pilipinas, binaliktad pa niya ang kalagayan; totoo namang bababa ang mauutang ng Pilipinas ngayon pero hindi dahil hindi na natin kailangang mangutang kundi dahil walang gustong magpautang ngayon, lalo na sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas. At syanga pala, bumaba man ang utang ngayong taon kumpara sa inutang noong mga nakaraang taon, hindi pa rin nito maaalis ang katotohanang si Gloria na ang may pinakamalaking inutang sa buong panahon ng panunungkulan niya.

Hindi ko tuloy maintindihan kung saan kinuha ni Gloria ang sinasabi niyang matatag na ekonomya, mababang inflation rate, mataas na paglago ng GDP at tumataas na income per capita. Samantalang kahit ang mga reaksyunaryong institusyon tulad ng IMF at WB, hindi na naniniwala sa mga datos ng gubyerno.

Dagdag pa sa ekonomya, ipinagmamalaki niya ang reporma daw niya sa lupa, kahit milyun-milyong magsasaka pa rin ang walang nakakamit na hustisya. Ang isinasangkalan pa rin niya ay ang pagpapalawig sa CARP na dalawang dekada nang napatunayang walang silbi at naging instrumento pa nga ng mga naglalakihang panginoong maylupa.

Ibinibida rin niya ang mas murang gamot may pakutsada pa siya kay Mar Roxas, samantalang siya itong ayaw pumirma sa kautusan na mag-aatas sa sapilitang paglalagay ng hangganan sa presyo sa maraming gamot na pinakakaraniwang binibili. Ang tanging naging kompromiso lamang niya, nagkaroon na lang ng listahan ng ilang gamot na sasaklawin ng ganitong patakaran, habang ang iba ay ipauubaya na lamang sa “mapagkawang-gawang” pasya ng mga dambuhalang kumpanya ng gamot kung gusto nilang ibaba ang presyo.

Samantala, sigurado na ang mahihita natin na patakaran ng panggulo sa susunod na taon. Bilang pagtugon niya sa pandaigdigang krisis, dahil matatag daw ang ekonomya natin, binabalak na naman ang pagdaragdag ng buwis. Talagang napakatatag ng ekonomya natin, kaya ngayon, sunud-sunuran pa rin siya sa dikta ng mga imperyalistang institusyon.

Para sa isang taon, hindi pa rin pasado ang mga nabanggit na “nakamit” ni Gloria. Ang nakakalungkot dito, ang binanggit niya ay hindi para sa isang taon kundi para sa SIYAM na taon niya sa termino.

Sa politika, malakas ang loob niya ngayon. Natural lang naman, kasi ang mga pinatamaan naman niya ay sina Erap at iba pang trapo. Ang dali-dali namang banatan talaga si Erap dahil napatunayan na ang kanyang rekord sa pamamahala sa Pilipinas. Matagal nang napagdesisyonan ng taumbayan si Erap, si Gloria nga, nakisabit lang noon. At oo nga pala, ito rin ang Erap na nakulong dahil sa mga krimen laban sa mamamayan, pero pinalaya ni Gloria bilang konsesyon para hindi siya tuligsain nito.

Pero ang punto dito, ang oposisyong tinutukoy ni Gloria ay hindi lang naman si Erap. Ang mga taong tumutuligsa sa kanya ay ang buong sambayanang Pilipino. Bakit hindi sila ang harapin niya. Maalala ko lang ang paunang linya niya, na madalas na rin niyang banggitin: hindi siya naging presidente para maging popular, kundi para gawin ang tama. Nakakatawa lang sa mga politikong ito, kapag pabor sa kanila ang mga sarbey at mataas ang approval rating, tuwang-tuwa sila. Pero kapag bagsak sila, kunwari wala silang pakialam sa mga sarbey at puro trabaho lang ang iniisip. Hindi ko man alam ang buong paraan ng sarbey, hindi rin naman walang lang batayan ang mga lumalabas na datos dito. Isa pa rin itong mahalagang sukatan kung tama ba o mali ang mga patakarang ipinapatupad ng gubyerno. Natural lang, kung mali ang mga patakaran ng gubyerno, hindi siya magiging popular. Kung tama, sigurado magiging popular siya. Halimbawa na lang si Erap. Siya ang pinakamataas ang popularidad sa mga nahalal na presidente. Pero dahil sa maling patakarang ipinatupad niya, kasama pa ang korapsyon at katiwalian, mabilis na bumagsak ang popularidad na iyon at dumulo sa pagpapatalsik sa kanya sa pwesto.

Kaya mali ang pananaw ni Gloria na walang pakialam sa mga sarbey na ito. Pagpapakita lang ito na wala talaga siyang pakialam sa mga tao. Ang tanging iniisip lang niya ay ang kapakanan ng pamilya niya at kung nasusunod ba niya ang mga dikta sa kanya ng mga dayuhan.

Ipinagmamalaki rin niya na hindi siya nagdeklara ng batas militar. Iyon na nga mismo ang punto, natatagpuan natin ngayon ang ating mga sarili sa madilim na sitwasyon sa pulitika kung saan, libo na ang nagiging biktima ng pampulitikang pamamaslang, maraming iba pa ang nawawala pa, at di mabilang na paglabag sa karapatang-tapo, nang hindi pa idinedeklara ng batas militar. Iyon ay dahil hindi na niya kailangang ideklara ang isang bagay na aktwal nang umiiral.

Walang pagpapalawig ng termino ng panggulo. Madali namang sabihin ito, pero sa ngayon, wala pang makakapagpatunay kung sino ang tama. Dahil malalaman lang naman natin ang sagot dito sa susunod na taon. Ito ay sa kabila ng bagong lumabas na naman na pahayag mula sa mga tuta niya sa kongreso na kailangang pahabain ang termino ng mga halal na opisyal dahil nakakasama umano sa ekonomya ang eleksyon tuwing tatlong taon!

Hindi rin daw nagkatotoo ang pangamba na pagkatapos ng talumpati ng panggulo, ay kagyat na ipapatawag ang con-ass. Sino ba namang loko-lokong magnanakaw ang pupuslit kung kailan nagbabantay ang lahat ng tao. Pero hindi ibig sabihin nito na wala na nga ang CHA-CHA. Karaniwang sumasalakay ang mga kawatan sa pinakamalalim ng gabi kung kailan akala ng lahat ay tapos ang panganib at magbubukang-liwayway na.

Ang SONA ni Gloria ay hindi naman tunay na paglalahad sa tunay na kalagayan ng bansa. Ang SONA sa buong panunungkulan ni GLoria (iyon ay, kung magtatapos na nga ito), ay naging pagtatapikan na lamang sa likod ng mga magkakakuntsabang buwaya. Ipinapakita ng huling SONA ang nakakalunos na kalagayan ng bansa. Ang SONA ay nagiging palabas na lamang para maipakita ng mga trapo ang magagarang kasuotan nila, pagkakataon para mapuri sa harap ng publiko kahit para sa napakaliit na mga bagay, pagkakataon para ipakita kung gaano kasugid na tagasuporta ng panggulo ang mga kongresista. Wala nang iba ito kundi sirkus ng mga payaso.

Kung nais malaman ang tunay na kalagayan ng bansa, huwag niyong hanapin ito sa loob ng kongreso, lumabas kayo sa lansangan. Doon matututunan ang tunay na kalagayan ng bansa, ang tunay na kalagayan ng mamamayang Pilipino.


Responses

  1. dapat tuparin nya kaht ng pinangaKong salitang bibitawan nya upang hind ika dismaya ng mamamyanG pilipinO………………

  2. malala na ang sitwaston bansa.bagsak na nga ang agrikultura bagsak pa ang morilidad ng mga namumuno. umaasa na lang tau sa remittances [capital LBC] ng mga nagta-trabaho sa abroad. wala na bang maibigay na proyektong matino ang pamahalaan kundi ang mga inprastrakturang dinikitan ng kanilang mukha at pangalan? walang pa ring pagbabago ang sistema ng edukasyon. napag-iiwanan sa tau sa lahat ng bagay ng mga kapitbahay ntin sa asya.

    • tama ka brokenform, malala na nga ang kabuuang kalagayan ng bansa at napag-iwanan na tayo nang malaki ng mga kapitbahay natin. pero ang silver lining dito, hindi pa naman hulin ang lahat kung kikilos tayong lahat ngayon.

      @margie, tayo ang dapat tumiyak niyan. pero dapat nga hindi matuloy ang mga binitawan niyang mga salita dahil hindi naman makakabuti sa bansa ang mga proyektong balak pa niyang ipatupad.

      • sang ayon ako sa tinuran ni diwa81….makapal na ang bilang ng mga taong ang alam lamang ay manisi…ang totoo at ang naiisip kong makabubuti para sa adhikain nateng maisa-ayos ang kalagayan ng sambayanang pilipino ay ang pagsisimula nateng mga maliliit….ikaw na may kakarampot na maiiambag at ako na may pagsusumikap para makatulong, tayo ang magsisimula at dapat na buong sigasig nateng gawin ang bahagi naten kung talagang may pagtingin tayo sa kalagayan ng lipunang meron tayo sa ngayon…’di lang dapat sa salita…mas higit sa gawa…at pinakamalaga sa lahat hingin naten ang lakas galing sa KANYA…

        haiz…siraulo ako pero napapaseryoso rin ako sa mga ganitong usapin..sensya na ang haba…

      • salamat sa komento. pero gusto ko lang ring ilinaw ang isang usapin. hindi siguro magandang sabihin na paninisi lang ang ginagawa kapag pinupuna ang mga mali sa gubyerno. kung may maling ginagawa, di ba dapat sabihan. at kung may krimeng kasama, dapat panagutin ang may-sala. pero tama na tayong lahat ang dapat kumilos. maganda nga na lahat tayo lumahok sa pagbabagong kailangan. kahit pa magkaiba ng pananaw, ang mahalaga mailabas ito para lumabas kung ano ang tama.

  3. i dont know wat to say.
    hehehe. may pasok pa din kami nong sona kaya
    binasa ko na lang ang blog mo at sobrang natuwa ako
    at nalinawan ako, pero i still need to read din
    the pasitib part, hehehe. para di bayas.
    anyways, maraming salamat po.
    nice post!

    • salamat sa pagbabasa. akala ko, walang pasok sa buong Metro Manila noong Lunes?
      sa positibo, sorry to disappoint you, pero mahihirapan kang makakita. iyon sigurong maliliit na bagay na wala naman halos kabuluhan para sa atin.

  4. GANON DIN PO AKO SANAYON KAY GLORIA


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: