Ipinaskil ni: diwa81 | Hulyo 14, 2009

Pandaigdigang Krisis at ang Pilipinas


Pandaigdigang Krisis at ang Pilipinas
14 July 09

Hindi ko talaga maiwasang magbigay ng reaksyon sa isa na namang katangahang pahayag ng administrasyon kanina. Ayon sa balita, mariing itinatanggi ng DOLE na matindi ang epekto ng pandaigdigang krisis sa Pilipinas!

Ewan ko ba kung may maniniwala pa dito. Kahit naman simpleng mamamayan, makikita ang kabalintunaan ng pahayag ng DOLE. Isipin mo na lang, ang lahat ng pinakamayayamang bansa, sa pangunguna ng US, ay tinamaan ng matinding krisis na ito. Kapag sinasabi nating mayayamang bansa, ito ang mga pinakamaunlad na kapitalistang bansa. Sa pagtama ng krisis, naapektuhan ang mga pinakasusing industriya ng ekonomya na dahilan ng mabilis na pag-unlad, iyon ay ang sektor ng pinansya at ang mabibigat na industriya katulad ng manupaktura ng sasakyan.

Sa kabuuan, tigil o, sa pinakamainam, bawas ang produksyon ng halos lahat ng kalakal sa pangambang lumala pa ang sarplas na mga produktong naipon na sa loob ng tatlong dekada ng pagsisikap ng mga imperyalista na matabunan ang krisis. Sa US, nagpahayag na ng pagkabangkarote ang ilan sa pinakamalalaking kumpanya ng sasakyan sa US at maging sa buong mundo. Lumiit na ang demand ng US para sa mga mala-manupaktura at produktong pangkonsumo nila. At syempre, nandiyan pa rin ang napakaraming utang na hindi na mabayaran, mga bahay na nailit, at ang nakaumang ngayong krisis sa pribadong utang.

Ang epekto, milyun-milyon na ang nawalan ng trabaho. Walang naging saysay ang mga stimulus package ng gubyernong Obama dahil nakopo lang ito ng mga dambuhalang kumpanya at wala halos napunta para saklolohan ang mamamayan ng US sa pagkabangkarote nila.

Kung ang US, na may matibay na pundasyon at malakas na mga sangay sa ekonomya ay naniklop sa pag-inda sa bayo ng krisis sa kanila, paano pa kaya ang Pilipinas, na neo-kolonya lang ng US.

Sa Pilipinas, ang pangunahing pinagkukunan ng kita ng ekonomya ay ang agrikultura, na napakaatrasado pa rin at sansiglong nahuhuli sa mga mauunlad na bansa. Kahit ang pinakabatayan para sa pagsulong ng agrikultura ay hindi pa rin naipapatupad, ang reporma sa lupa. Kalakhan sa mga magsasaka ang wala o kulang ang lupa, huwag nang banggitin pa ang kalagayan ng mga kasangkapan sa produksyon. Wala ring nagiging tulong ang estado para sa mga magsasaka. Kaya ang epekto, napakatamlay ng agrikultura. Ang tanging nagsasalba na lamang siguro sa sektor na ito ay ang likas na napakatabang lupa ng Pilipinas at napakainam na klima. Pero kahit ito ay unti-unti nang ginugupo ng pagkagahaman ng iilan, matinding kawalan ng lupa, at oryentasyong pag-eksport ng mga produkto.

Sa totoo, iyon lang naman ang matatalakay kaugnay ng ekonomya ng Pilipinas, dahil wala naman tayong industriya na maipagmamalaki. Ang tanging mayroon lang sa sektor ng industriya ay ang mga mala-manupaktura at industriya ng tela na pangunahing nakatuon sa pag-eeksport. Pero dahil kaunting halaga lamang naman ang naidagdag sa proseso ng produksyon, kalakhan dito ay proseso lang ng paglikha ng mga pyesa o kaunting pagproseso ng hilaw na materyales, habang napakamahal naman ng mga inaangkat na materyales, kasangkapan at kagamitan sa produksyon. Kaya ang neto, laging mayroong depisito sa kalakalan o mas malaki ang ginagastos kaysa kinikita.

Ang pambalanse na lamang ng gubyerno para mapunuan ang lugi ay, una, ang pangungutang, at pangalawa, ang remitans ng mga OFW.

Dito makikita ang kabalintunaan ng pahayag ng gubyerno. Paanong hindi matinding naapektuhan ng krisis ang bansa, samantalang ang lahat ng sektor sa ekonomya ay nakatali sa ibang bansa, pangunahin sa US na pinakamatindi ring hinambalos ng krisis?

Sa datos ng gubyerno mismo, aabot sa 20% ng eksport ang patungo sa US, pero kung magiging makatotohanan lamang ito, baka umabot ito sa 25%. Hindi pa kabilang dito ang ilang eksport na patungo sa ibang bansa sa Asia pero nakatakda rin namang ieksport sa US. Sa pagliit ng demand ng US at iba pang mayayamang bansa sa mga produktong ito, saan ngayon dadalhin ang mga produktong ito? Hindi rin naman natin makokonsumo dito sa loob ng bansa. Kaya ang epekto, maraming pabrika na sa mga processing zones ang nagbawas ng produksyon. Kaya marami na ring manggagawa ang natanggal o nabawasan ng trabaho.

Sa mga OFW, marami na rin ang natanggal. Bawas ang demand ng maraming bansa para sa mga dayuhang manggagawa. Kaya ang mga padala nilang pera dito ay bawas din.

At ang panghuli, hirap ang gubyerno na makapangutang ngayon. Atubili ang mga internasyunal na grupo sa pinansya na maglabas ng pera ngayon, laluna para sa mga mahihirap na bansa na mahihirapan lalong magbayad ng utang, kabilang na ang Pilipinas. Makapangutang man tayo ngayon, sa ilalim ito ng mas mahigpit na mga kundisyon at mas mataas na interes.

Mabanggit ko rin dito ang naging puna ni Fidel Ramos sa mga pagbiyahe ni GLoria. Nakakatawa lang dahil nanggagaling ito sa isang tao na tinawag noong Fidel “Viaje” Ramos noong panahon ng termino niya dahil sa napakadalas ding pagbiyahe sa labas ng bansa kasabay ng krisis rin noong 1997. Hindi ito pagtatanggol kay Gloria, kundi sa kabaliktaran, pagpapakita lang sa matingkad na kabuwayan ng ekonomya ng Pilipinas at paglalagay sa tamang perspektiba ng usapin. Na sa tuwing nagbabanta ang IMF at WB na hindi muna magpapautang sa Pilipinas, nagkukumahog na ang administrasyon na manlimos sa iba pang bansa para lamang mapunuan ang pondo na magagastos nila para sa kanilang mga luho at makukurakot.

Marahil ang dahilan ng DOLE sa pagsasabing hindi tayo apektdo gaano ng krisis ay dahil ikinukumpara nila ang mga datos ng US at ng Pilipinas. Kung titingnan mo naman talaga, mas malaki ang porsyento ng pagbagsak ng ekonomya ng US kumpara sa Pilipinas. Pero iyon ay dahil sa umpisa pa man, dati nang bagsak ang ekonomya ng Pilipinas kaya bumaba pa man ito, hindi na kapansin-pansin. Mas maraming nawalan ng trabaho sa US kumpara sa Pilipinas, iyon ay dahil sa umpisa pa man, mas marami talagang trabaho mayroon sa US, at tunay na trabaho, habang sa Pilipinas, kakarampot na nga ang trabahong nalilikha ng ekonomya natin, ilusyon pa ang marami dahil sa katangian nitong pansamantala lang, katulad ng pagpapagawa ng kalsada, paglilinis sa kalye, at iba pang panakip-butas na proyekto ng gubyerno.

Sa lahat na ata ng patakaran ng gubyerno, lagi silang in denial. Walang nagiging makabuluhang aksyon dahil hindi naman kinikilala ang problema. Napakahirap talagang gisingin ng nagtutulug-tulugan, lalo na kung kaunti lang ang nanggigising…

Pandaigdigang Krisis at ang Pilipinas

Responses

  1. meron po bang buong katangian lang ng agrikultura ng pilipinas? ung exact

    • salamat sa pagbisita. titingnan ko kung makapag-post ako ng mas mahabang tugon sa tanong mo. sa ngayon ito muna.

      una sa lahat, ang pangunahing katangian ng ekonomya natin ay agrikultura. halos 70 porsyento ang binubuo nito. ibig sabihin, malaking bahagi ng produksyon ay agrikultural; malaking bahagi ng bansa ay bukirin; mahigit 70% ng lakas paggawa ay magsasaka.

      mahigit 70% rin ng mga magsasakang ito ang nasasadlak sa kahirapan. ganito kalaki ang bilang ng wala o kulang ang sinasakang lupa. sa karaniwan, hanggang 2 ektarya lang ang mayroon. ang natitirang bahagi, mahigit 20% ang may katamtamang laki ng lupa hanggang sa mayayamang magsasaka. at 1% lang dito ang mga panginoong maylupa. ito yung mga nagmamay-ari ng malalawak na lupain, ang iba libu-libong ektarya.

      dahil dito, marami sa magsasaka ang nakikisaka lang sa mga asyendang ito. kaya ang umiiral, hatian ang magsasaka at panginoong maylupa. sa karaniwan, ang umiiral na hatian ay tinatawag na tersyo. ibig sabihin sangkatlo lang ng ani ang sa magsasaka at ang natira, sa asyendero na. may ilan lang pagkakaiba-iba. halimbawa sa iba, sa magsasaka pa ang gastos sa pagtatanim hanggang pag-ani. ang iba naman mas mababa pa ang porsyento ng magsasaka.

      kaya may ilang mapapanood sa tv, halos P30 lang kada araw ang kinikita ng mahihirap na magsasaka.

      ibang usapin pa kapag may sakuna tulad ng bagyo.

      sa kabila ng lahat ng ito, walang natatanggap na proteksyon ang agrikultura mula sa gobyerno. ito ang mga dikta ng WTO. kaya kahit malugi ang mga magsasaka, walang pakialam ang gubyerno.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: