Ipinaskil ni: diwa81 | Hunyo 3, 2009

Spelling Bee


Sa panonood sa SCRIPPS National Spelling Bee sa US na ipinapalabas sa ESPN, ilang kakatwang bagay ang napuna ko.

Una, na napakahirap talaga ng wikang Ingles. Hindi ko na naabutan ang simula. Pero baka simula pa lang, wala na akong masagot. Sabagay, sino bang nagsabing makakapasok ako sa ganoong paligsahan kahit elementaryang antas lang iyon? Sa mga wika sa daigdig, ang Ingles ay itinuturing na isa sa pinakamahirap na wika, dahil magulo ang ortograpiya nito. Maraming salita ang galing sa iba’t ibang wika, mula Latin, Greek, French, Italian at iba pang wika, kung saan maaaring buung-buo o bahagyang ipinapasok ang mga salita kasama ang ortograpiya ng pinagmulang wika o mga wika. Kaya bawat titik sa Ingles ay kumakatawan sa mahigit isang tunog, o maraming titik o grupo ng mga titik ang magkakapareho ng tunog. Kaya nga, Ingles lang din  ang naglunlunsad ng ganitong mga patimpalak dahil kailangan talagang baybayin ang isang salita para matiyak ang salitang tinutukoy. Hindi katulad halimbawa ng Tagalog, na may halos isa-sa-isang tumbasan ng mga titik at tunog. O mas madaling intindihin sa, kung anong bigkas, siyang baybay.

Pangalawa, kapansin-pansin ang napakaraming kalahok na may Asyanong pinagmulan, sa partikular ang galing sa India. Mula dito, tatlong bagay pa ulit ang makikita. Isa, na tinatalo na ng mga Asyano ang mga Amerikano sa sarili nilang wika. Hindi ko alam ang eksaktong tumbasan. Pero talagang kapansin-pansin ang bilang nila. Dalawa, na mababa na rin ang kalidad ng edukasyon na tinatanggap ng karaniwang mamamayan ng US. Taliwas sa paniniwala ng marami, kabilang dito sa Pilipinas, hindi nangangahulugan na kapag Amerikano ay superyor na kaagad sa atin sa lahat ng larangan. Hindi man kasinlala, dumaranas din ng pagsasamantala at pang-aapi ang mamamayan ng US.

At tatlo, makikita dito ang kaganapan ng imigrasyon ng mamamayan mula sa aping mga bansa patungong industriyalisadong mga bansa, laluna ang US. Marami sa mga nakatalakayan ko sa mga porum ang tumitingin sa katotohanang ito bilang pruweba ng superyoridad ng “demokrasya” ng US. At dahil sa maling pagsusuring ito, nahihinuha nila na tama lang na gerahin nito ang Iraq at Afghanistan at iba pang bansa na “hindi demokratiko.”

Paano nga ba maipapaliwanag ang kaganapang ito? Malayo sa iniisip ng mga taong ito, pumupunta ang maraming dayuhan sa US, hindi dahil demokratiko ang bansang iyon, kundi dahil doon nila inaakalang makikita ang kaginhawaan sa buhay, ang lupain ng gatas at pulot.

Hindi naman kataka-taka ito. Halimbawa lang dito sa Pilipinas. Marami ring tao ang gustong lumuwas o aktwal na lumuluwas sa Maynila dahil sa inaakala nilang pangako ng pag-angat ng kanilang buhay, dahil makakakuha sila doon ng trabaho, na mailap sa kani-kanilang lalawigan. Marami sa mga ito ang mga magsasaka na wala o kulang ang lupang sinasaka kaya napipilitang mandayuhan para makahanap ng dagdag na kita, lalo na tuwing panahong wala pang ani. Karaniwan, pumupunta sila sa pinakamalapit na lugar o kung saan merong naghihintay na trabaho. Kaya marami rin sa Bikol ang nakikisakada sa mga tubuhan. Maaaring sa karatig na bayan lang o probinsya. Pero dahil mas “siguradong” makakahanap sila ng trabaho sa mga pabrika na buong taon ang operasyon, hindi tulad ng mga sakahang may panahon lang ng pagtatanim, kaya dumadagsa ang mga tao mula sa iba’t ibang bayan tungo sa mga lunsod, partikular sa Kalakhang Maynila, kung saan mas konsentrado ang mga pagawaan.

Sa madaling sabi, ang dahilan ng tao ay ekonomya at hindi demokrasya. Kaya kahit na katakut-takot na hirap din ang dadanasin nila bago makamit ang inaasam na kaginhawaan, nakikipagsapalaran pa rin ang mga tao. Wala silang mapagpipilian, dahil wala rin namang naghihintay sa kanila sa kanilang mga bayan kundi gutom. Wala o inalis na sa kanila ang lahat ng kasangkapan para matiyak ang matiwasay na pamumuhay. Oras na mawala na sa kanila ang lupa, wala na silang mapagpipilian kundi ang ibenta na ang mga sarili mismo.

Ngayon, kung ano ang lunsod para sa nayon, gayundin ang US para sa mga atrasado at agrikultural na mga bansa. Sa pangkalahatan, walang mahihita ang mga mamamayan ng atrasadong bansa kaya marami sa kanila ang napipilitang lumuwas para maghanap ng ikabubuhay sa ibang bansa. Samakatwid, ang penomenon ng pagdagsa palabas ng mga manggagawa. At gayundin, pupunta sila kung saan merong naghihintay sa kanila, o sa tingin nila. Lalong naging tampok ito noong maagang bahagi ng nakaraang siglo hanggang kasalukuyan kasabay ng aktibong propaganda ng US bilang lugar ng oportunidad. Mahalagang rekisitos ito para sa US para sa mga industriya nito. Dahil kailangan ng mga kapitalista ng pinakamurang lakas-paggawa, nakita nila ito sa mga dayuhang nakikipagsapalaran sa US (kung hindi man, ang mga ito na mismo ang pumupunta sa mga atrasadong bansa para doon magtayo ng pagawaan).

Kaya wala ring kinalaman ang “demokrasya” dito. Sa katunayan, kabaliktaran pa nga ang dinadanas ng mga nandarayuhan sa US. Ang “demokrasya” doon, sa maksimum, ay hanggang sa puting mamamayan lamang ng US. Ang nakaabang sa mga dayuhan ay matinding diskriminasyon. Ito ang ikinikintal ng estado maging sa mamamayan nila para lituhin ang mga manggagawa sa tunay na ugat ng kanilang paghihirap. Isinasabong ang masang anakpawis ng US sa kapwa nila anakpawis; itinuturo ang mga dayuhan bilang sanhi ng kawalan nila ng trabaho

Nakakatuwang panoorin ang mga bata sa Spelling Bee. Kita sa mga itsura nila ang talino nila. Biro nga ng isang komenteytor, mukha na ring propesor ang isang kalahok. Sana lang, hindi lang makahon sa pag-aaral sa mga salita ang abutin nila, kundi mas mahalaga ang suriin ang lipunang ginagalawan nila…


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: