Ipinaskil ni: diwa81 | Hunyo 3, 2009

CON-ASS(es)


Hindi ito usapin kung paano, kung may oras pa ba o pondo, usapin ito ng kung bakit, at ang kasunod nitong sino, dapat palitan o hindi ang konstitusyon.

Madalas kinamumuhian ang pagiging abugado dahil sa katusuhan nila sa pagmanipula sa mga kaso para lamang pumabor sa kanila ang korte kahit dahil lang sa pinakamaliit na usapin ng teknikalidad. Pero sa panonood ko sa mga bahagi ng debate ng mga kongresista kaugnay ng Resolution 1109 sa Kamara, parang naging mga bagito lang ang mga abugado kumpara sa katusuhan at kapal ng mukha ng mga kongresistang tagapagtaguyod ng CHA-CHA.

Sa interpolasyon ni Satur Ocampo ng Bayan Muna, una niyang tinanong kung bakit sinabi ng pangunahing mga nagpanukala ng resolusyon na kailangang-kailangan nang mabago ang konstitusyon. Naging mahaba ang sagot ng isang kongresista ng adminhistrasyon, sinisipi ang napakaraming resolusyong aktwal nang inihain sa Mababang Kapulungan noong Ika-12, Ika-13 at Ika-14 na Kongreso. Pero sa haba ng sagot niya, sa dami ng binanggit niyang resolusyon, ang tanging napatunayan niya ang kung gaano kasabik ang mga buwayang kongresista na mabuo sila bilang Con-Ass. Sinagot niya ang tanong na kailangan ang CHA-CHA dahil gusto ng mga kongresista, pero hindi dahil kailangan ito ng bayan para umunlad.

Magkahalong awa at paghanga ang nararamdaman ko para sa mga nasa oposisyon. Awa, dahil sa napakaliit na numero at boses nila sa gitna ng napakarami at naglalakihang buwayang pakawala ng Malacañang. Matatalino ang karamihan sa mga nasa oposisyon, pero walang saysay ito sa mga taong pursigido sa iisang bagay at pansariling interes. Di hamak na mas mahalaga para sa mga taong ito ang puting sobre, at pangakong mas mahabang panunungkulan, kaysa isang toneladang lohika at pagmamalasakit sa taumbayan.  Kahit ako, inaasahan ko na ring masusunod pa rin ang gusto ng administrasyon, kaya ang inaabangan ko na lang kung may magsusuntukan ba.

Pero hindi ko rin maiwasang humanga sa mga magiting na tumututol sa resolusyon kahit na sa sarili nila mismo ay alam nilang matatalo lang rin sila sa dulo. Hindi man nila mapigilan ang pag-usad ng tren ng CHA-CHA, napakahalaga ng ginagawa nila. Una na, prinsipyo ang ipinaglalaban nila dito. Naninindigan sila na hindi makakabuti at para sa mamamayang Pilipino ang kahit anong planong pagbabago sa konstitusyon ng kasalukuyang administrasyon. Pangalawa, sa paglalabas ng kanilang pagtutol, nailalantad nila ang maitim na pakanang CHA-CHA.

Bandang alas-9 ng gabi, nagsimula na ang pagmamadali sa proseso ng mga tusong buwaya. Biglang naghain ng mosyon si Dilangalen ng Maguindanao na isara na ang talakayan batay sa sinasabing alituntunin sa Kamara na matapos ang talong talumpati na pabor at dalawang tutol sa resolusyon at mapigilan sa gayon ang iba pang nais magtanong muna bago isalang sa botohan ang resolusyon. Natural, gumana na naman ang pinakademokratikong aspeto ng Kamara, ang paramihan ng bilang; kinatigan ang mosyon.

Paramihan ng bilang, ito lang naman talaga ang pinanghahawakan ng administrasyon, gaya ng ilang ulit na nating nakita sa mga sesyon ng plenaryo ng Kamara. Naiinis lang ako sa ilang nasa oposisyon na humuhugot pa ng argumento sa diwa ng konsensya at prinsipyo para makumbinsi ang mga nasa mayorya. Ang tagal nang napatunayan ang kapal ng mga mukha ng mga ito para maapektuhan ng mapupusok na talumpati para antigin ang damdamin at hikayating magbago ng isip ng mayorya. Sa simula pa lang, malinaw na maging sa mga nagsulong ng resolusyon 1109 na mali ang kanilang ginagawa, kaugnay ng nakasaad sa batas at pambansang interes, paano maaasahang magbabago ang isip ng mayorya dahil lang sa pag-ulit sa kanila ng bagay na ito? Ang kailangang gawin nila ay ang ilantad ang buong kabulukan ng mga taong ito na masugid na tagapagtaguyod ng CHA-CHA.

May ilang usapin dito na dapat maging malinaw sa lahat. Paulit-ulit nang lumitaw ang usapin ng pagpapalawig sa termino ng mga kasalukuyang opisyal, lalo na ng pangulo; ilang ulit na ring nagpahayag ang mga tagapagsulong ng CHA-CHA na hindi nila palalawigin ang kanino mang termino, inisaad pa ito sa kasalukuyang resolusyon. Pero walang silbi ang mga pahayag na ito at ang probisyon sa resolusyon nila, una, dahil walang ligal na bisa ang kanilang mga pahayag. Para lang rin itong pahayag ni Arroyo noong 2003 na hindi na siya tatakbo sa pagkapangulo; at alam na natin ang naging kasunod nito. Kahit ang probisyon sa resolusyon nila ay mawawalan ng bisa kapag nagtipon na sila bilang Con-ASS, kung saan binibigyan na sila ng kapangyarihang baguhin ang anumang gustuhin nila sa konstitusyon. Sa tingin ba natin magiging malaking usapin sa mga taong ito ang palabra de honor? At kahit pa magkaroon ng bisa ang probisyon, ano naman ang magiging katiyakan natin na hindi ito babale-walain ng mga taong ito? Labag na nga sa batas ang ginagawa nila ngayon, ano pa ang magiging kaibahan kung labagin pa ulit nila ito sa susunod, matupad lang ang kanilang kagustuhan?

Ang mahirap dito, mali ang taktika ng ilang nasa oposisyon na ibato ang usaping ito. Hindi na dapat pang manggaling sa kanilang hanay ang puntong ito dahil mawawalan lang ng saysay ito at magiging bentahe pa nga sa administrasyon, dahil napakadali lang nilang makokontra ang naturang pagtutol. At sa esensya, napapakitid ang usapin. Dahil kahit naman maging totoo ang administrasyon sa salita nito, hindi ito mangangahulugan na makatwiran na ang CHA-CHA.

Dati, naging usapin din kung Con-ASS ba o Con-Con, o constitutional convention. Ngayon, mukhang nalutas na nila ang usapin. At mabuti na rin ang naging resulta, hindi dahil tama ang prosesong ito kundi dahil angkop na angkop sa kasalukyang mayorya sa Kamara ang Con-Ass. Dahil angkop na angkop sa kanila ang CON, bilang mga MANGGAGANTSO, at ang ASS, bilang mga GAGO. Dahil sa Con-Ass, mahuhubaran sila ng lahat ng pagkukunwaring mga kinatawan ng kani-kanilang distrito.

Ang iba pang usapin kaugnay ng CHA-CHA ay hindi na mahalaga at panggulo na lamang sa usapin. Tulad halimbawa ng pagbabago tungong parlamentaryong sistema. Malaki ba ang kaibahan ng kongreso ngayon sa magiging parlamento kung saka-sakali kung parehong mga tao lang naman ang bubuo sa dalawa? Ang usapin ng parlamentaryong sistema ay usapin lamang ng mga nasa pusisyon kung paano nila paghahatian ang kapangyarihan at tatawagin ang mga sarili. Pero sa esensya, paghahari pa rin ito ng kasalukuyang naghaharing uri.

Ngayon, para sagutin ang mga naunang usapin na inilatag. Kung tutuusin naman talaga, kailangan talagang baguhin ang konstitusyon. Pero hindi kailangang-kailangan gaya ng pagmamadali ng administrasyon. Ito ay isang bagay na napakahalaga para sa republika at hindi dapat minamadali. Kailangan baguhin pero napakalinaw na dapat tutulan ang lahat ng pakana ng administrasyon na baguhin ang konstitusyon hangga’t iba ang sagot ng administrasyon kung bakit dapat baguhin sa sagot ng interes ng sambayanang Pilipino.

Kailangang baguhin ang konstitusyon dahil ang konstitusyong ito, sa esensya, ay nilikha ng at para sa uring kumprador-panginoong maylupa, ang mga taong nakikita natin ngayon sa Malacañang, Kongreso at iba pang ahensya ng gubyerno. Totoong may ilang probisyong naisingit noong 1987, matapos ibagsak ang rehimeng Marcos, na nasa interes ng mamamayang Pilipino, ngunit matagal na itong binale-wala ng mga sumunod na rehimen. Kaya dapat itong baguhin para umangkop sa pangangailangan ng mamamayan, partikular ng masang anakpawis, para sa pambansang demokrasya at kaunlaran, para mapangalagaan ang soberanya ng gubyerno at mamamayang Pilipino, para maputol ang hindi pantay na ugnayang pambansa pabor sa mga dayuhan, para matiyak ang mga reporma sa ekonomya at politika na kinakailangan ng bayan, at iba pa.

Pero sa kasalukuyang isinusulong ng administrasyon, malayo sa mga ito ang kanilang layunin. Nais nilang baguhin ang konstitusyon hindi para mapahusay ito, kundi lalo pang mapalala ito. Anumang pagtatangka ng kasalukyang administrasyon na pagbago sa konstitusyon, kung nakabatay lamang sa kani-kanilang pansarili at makitid na interes, tiyak na walang mapapala ang taumbayan. Kaya ang nagiging kapalit ng kanilang ganid na pakana ay ang patuloy na panganganyupapa sa kapangyarihan ng US, tulad ng malinaw na ipinapahayag ng resolusyon ni Nograles kaugnay ng mga probisyon sa ekonomya.

At ang panghuling tanong, kung sino, ay madali nang masagot sa batayan ng sagot kung bakit dapat baguhin. Dahil gusto ng administrasyon na magpatuloy sa kapangyarihan, mas humaba ang termino para mas tumagal ang pandarambong nila, kaya nila gustong baguhin ang konstitusyon. kung magiging dahilan  ng pagbabago ang pambansang interes, ang pambansang demokrasya at kaunlaran, malinaw na ang mamamayan ang dapat bumago sa konstitusyong ito. Pero bago pa man mangyari iyon, kailangan munang maalis ang pinakamalaking balakid sa mamamayang Pilipino, ang rehimeng Arroyo.


Responses

  1. […] din ang pagsusuri nina Diwa Dimagiba at Bikoy Villanueva sa isyung ito. May bukas na liham si Marocharim sa mga […]

  2. tumpak po ang inyong sinabi at yan ay isa lamang po sa ating inaani sa demokratikong sistema na atin pong niyakap at nagpiit sa atin sa karalitaan, sapagkat ang demokrasya pong yan ay matagal na panahon ng nilapasatangan at inapakan ng mga nasa may kapangyarihan at magpa hangang sa ngayon ay yan din po ang kanilang kanlungan para maisulong ang mga maiitim nilang pagnanais

    • salamat sa pagdaan at pagkomento. sama-sama tayo sa paglaban sa Con-Ass na ito.

  3. CON-ASS = Congresional Asses!

  4. ano po ba ang ibig sabihin ng con ass?

    • constituent assembly iyon. ito ang isang porma ng lupon na pwedeng magpanukala ng mga pagbabago sa konstitusyon. kapag con-ass kasi, ang kongreso ang mauupo para gumawa ng mga pagbabago. kaiba sa constitutional convention, na hinihirang ang mga delegado. ito ang mahirap sa con-ass, dahil ang mga kasalukuyang kongresista ang magkakaroon ng kapangyarihan na gumawa ng mga pagbabago. alam naman na natin kung ano ang katangian ng mga hinayupak na ito. kahit pa sabihing idadaan pa sa reperendum kung pabor ba ang tao o hindi sa mga pagbabago, ang mangangasiwa naman sa reperendum ay ang COMELEC, at alam din natin ang katangian nito.

      2009/6/30,

  5. ito ay maganda para sa akin dahil ito ay nagbibigay informasyon sa akin tungkol sa con-ass………………..


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: