Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 29, 2009

Lakas-Kampi Merger: Isang Kastilyong Buhangin


29 May 09

Kagabi, naganap ang pormal na pagsasanib ng Lakas-CMD at ang KAMPI ni Gloria, sa kabila ng napakaraming hadlang sa politika. Dahil dito magiging Partido Lakas-Kampi na nito o PALAKA.

Para sa ordinaryong tao, wala namang bago talaga dito. Naging pormal lang ang pagsasanib, kahit dati naman nang magkasama ang dalawa. Isa pa, sa mismong pagkakabuo pa lang dito, kinakitaan na ito ng mga lamat.

Noong una pa man, ang pinakamalaking hadlang na sa pagsasanib ay ang di mabilang na bangayan sa lokal na politika. maaaring magkaisa ang bagong partido kaugnay ng pambansang politika, ng pagpapatakbo ng pinagkaisang linyada ng mga kandidato sa pambansang eleksyon, maliban sa pagkapangulo. pero pagdating sa lokal na halalan, marami sa mga myembro ng dalawang partido ang magkatapat sa parehong pwesto. kaya ang magiging larawan nila ay sumilong lang sila sa isang bubong, ngunit patuloy ang kanilang basag-ulo laban sa isa’t isa.

Maging pagbuo dito mismo, marami ang nakapuna sa hindi pagsipot ng maraming susing personahe. Nagbitiw na sa KAMPI mismo ang dati nitong presidente na si Luis Villafuerte ng Camarines Sur matapos ang di pagkakaunawaan sa CHA-CHA at dahil hindi nasunod umano ang ilang paunang kundisyon niya para sa pagsasanab ng dalawang partido. gayundin, hindi inimbitahan si Joe De Venecia, dating pangulo ng Lakas, dahil sa dati nang pagbitak ng ugnayan nito sa administrasyon. maging ang chairman emeritus ng Lakas, si Fidel Ramos, ay hindi sumipot. ayon sa mga opisyal ng Malacanang, baka napagod lang daw ito sa biyahe. pero ayon sa tagapagsalita ni Ramos, pumasok ito sa “self-quarantine” ito dahil galing sa US. Mamaya na lang raw ito maglalabas ng pahayag. pero duda ako, siguradong may mas malalim na dahilan ito.

Nagbitiw bilang Secretary-General ng Lakas si Migs Zubiri. nasa Tsina si Sonny Belmonte, isa ring lumulutang na pangalan sa pagkapangulo. at maging ang mahigpit na kaalyado ni Gloria na si Bayani Fernando ay nagboykot sa pagtitipon. malaki ang hinanakit ni Fernando dahil maliit na ang tyansa niyang mahirang ng pinagsanib na partido bilang manok nito sa 2010.

Ipinagmamalaki ng pinagsanib na partido ang pampulitikang pangingibabaw: 66 porsyento ng kasapian ng Kamara, 72 porsyento ng kasalukuyang gubernador, 71 porsyento ng kasalukuyang mayor ng lunsod, at 73 porsyento ng mayor ng munisipalidad. kaya lang tataglayin din nito ang halos 80% ng mga Pilipinong hindi nasisiyahan sa panunungkulan ng kasalukuyang administrasyon  at 66% ng mga gustong patalsikin si Gloria sa pwesto.

Marami ang nagmamaliit sa pagsasanib na ito. sinasabi nilang nakatakda ring maghiwalay ang partido. pero dapat matuto na tayo sa karanasan. isang matalinong presidente si Gloria, napakatuso na nahigitan na niya ang mga nauna sa kanya. mukhang nakuha nito ang mga aral ng mga sinundan niya kaya naiikutan ang lahat ng atake sa rehimeng nito.

Totoong hindi magtatagal ang pagsasanib na ito. pero sapat ang itatagal nito para sa layunin ni Gloria. kailangan lang naman niya ito para sa eleksyon. hindi talaga ito magiging malakas na makinarya sa groundwork, pero sino bang nagsabing ito ang gamit nito kay Gloria? ang kailangan lang naman ni Gloria dito ay ang pinagsanib na pondo nito. kaya matapos pagsanibin ang pondo ng dalawang partido, dagdag pa ang pondo ng presidente, mahihigitan na nito ang hawak na pondo ng NPC ni Danding Cojuangco. Tao ang bumoboto, at kailangan mo rin ng maraming tao para mangampanya, pero pera naman ang bumibilang ng boto at naghahalal ng pangulo. kaya bago pa man gumuho ang pagsasanib, na malamang maganap matapos pa ang eleksyon, napiga na dito ni Gloria ang kailangan nito.

Sa tingin ko, tatlo ang nakahandang plano ni Gloria para sa 2010. Una, ang No-El, ibig sabihin, pananatili ni Gloria sa pwesto. Pangalawa, sakali mang matuloy ang eleksyon, ang maipanalo ang kandidato ng administrasyon para matiyak na hindi mauusig si Gloria sa mga krimen ng kanilang pamilya. At pangatlo, bagamat pinag-aaralan ko pa ito, ang sekretong kasunduan sa kandidatong kalaban ng administrasyon. ito iyong tinatawag ng ilan na Trojan Candidate. Hindi ko pa lang matukoy nang eksakto kung sino ang kandidatong ito. Para sa naunang dalawang sinaryo, mahalaga ang papel ng pinagsanib na partido. ito ang aktwal nang ginagamit ng administrasyon sa pakana nitong CHA-CHA; sakaling matuloy ang parlamentaryong pagbabago ng gubyerno, ito rin ang makinarya para maging Punong Ministro si Gloria. Kapag nabigo siya dito, at matuloy ang eleksyon, ang pinakapaborableng sitwasyon kay Gloria ay ang manalo ang kandidato nito.

Pero kung isasaalang-alang ang kasalukuyang takbo ng politika, napakaliit ng posibilidad na manalo ang administrasyon, kahit pa mandaya. kaya sa tingin ko, pinakalohikal na plano ni Gloria ang pangatlong sinaryo. alam ko ring kaya itong gawin ni Gloria. napatunayan na nito ang husay nito sa pambabaluktot at pambabraso para mailigtas ang kapangyarihan nito. kahit dambuhalang mga iskandalo na ang kinasangkutan nito, nalusutan pa rin niya ang mga ito, at nakapanatili sa pwesto. ang problema lang niya, mananatiling nakakabit sa kanya ang mga iskandalong ito kahit matapos ang termino niya, kailanman mangyari ito. kaya kahit makalusot siya ngayon, natatagpuan lang niya ang sarili sa mas delikadong sitwasyon at natutulak sa mas masahol na mga hakbangin.

Sa pagsusuma, isa lang buhanging kastilyo ang PALAKA. nakatayo lamang ito habang basa. kapag natuyo na, tatangayin na ito ng hangin at guguho. pero habang basa pa ito, may bisa pa ito, at hindi na natin dapat hinihintay na matuyo ito nang kusa. kung naniniwala sa hustisya at katarungan, dapat ngayon pa lang kumikilos na tayo para pabagsakin ito. mabuway man at hindi magtatagal, kastilyo pa rin itong ginagamit na kublihan ng kasuklam-suklam na pangulo.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: