Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 28, 2009

Paq Yu at ang Pagbabago!


Paquito “Paq” Yu for president. Ito ang inilunsad ng isang bagong grupo nitong nakaraang araw. Kabilang sa plataporma ni Paq Yu, ang paggawang ika-52 estado ng US ang Pilipinas, paggamit ng mga tarpaulin ng mga politiko para sa programang pabahay niya.

Noong narinig ko ito sa balita, natawa talaga ako. Magaling ang nakaisip nito. Siguradong papatok, lalo na sa mga kabataan. Hindi magandang iparinig sa mga bata, pero sino bang nagsabi na dapat ipinaparinig sa mga bata ang ginagawa ng mga trapo tuwing eleksyon?

Pero nakakatawa man, ito ang isang grupo na dapat seryosohin natin. Idinadaan man nila sa pangungutya, napakahalaga ng isinusulong, hindi ni Paq Yu, kundi ang kabaliktaran nito, ang mga kinakailangang reporma ng Pilipinas para sa pambansang kaunlaran.

Pagbabago! Ito ang bagong grupong binuo ng mga aktibista at mga grupo at indibidwal na naghahangad ng mga pagbabago sa lipunan.

Sa mga grupo at partido ngayon, ito ang isa sa mga dapat pinapakinggan ng mga tao. Dahil imbes na mangampanya para mahalal ang kanilang kandidato, ang kabaliktaran na kabaliktaran ang ninanais ng naturang grupo. Nilikha nila bilang kandidato ang isang imahe ng trapo na karaniwang makikitang katangian sa mga politiko ngayon. Sa ganitong paraan, mas mahusay na naisisiwalat nila ang mabahong pagkatao ng mga trapo na tusong naitatago ng mga ito sa palangiti at maamong mga mukha tuwing nangangampanya. Sa paglabas ng isang kandidatong hindi itinatago ang kanyang kabulukan, nailalantad sa gayon ang kaplastikan ng mga trapo.

Makikita mo talaga ang kaseryosohan ng grupo. Maghahain talaga ng kandidatura si Paq Yu at mangangampanya at dadalo sa mga debate. Pero panalangin ni Gabe Mercado, ang gumagampan bilang Paq Yu, “Sana walang bumoto kay Paquito.”

Nahalal na pangulo ng grupo ay si Sr. Mary John Mananzanan, pangulo ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP), ang grupong kumupkop kay Jun Lozada sa kasagsagan ng NBN-ZTE scandal. Kabilang din sa grupo si Lozada at Edith Burgos, ina ng nawawalng aktibista na si Jonas Burgos.

Isinusulong ng grupo ang pagwawakas sa rehimeng Arroyo, at baguhin ang sistema ng kahirapan, kawalang-hustisya, kurapsyon at pagkaganid. Inaamin ng grupo na hanggang ngayon, hindi pa rin nagagawa ang una. Pero pursigido pa rin dito dahil kailangan ito para mapanagot ang rehimen sa kanilang mga krimen laban sa sambayanang Pilipino. Pero kahit hindi makamit ang hustisya sa termino ni Arroyo, kailangan pa ring isulong ang pinakaugat kung bakit dapat patalsikin sa pwesto si Arroyo, ang maling pamamalakad sa ekonomya, kawalan ng reporma sa lupa, paglapastangan sa mga karapatan ng mamamayan, matinding kurapsyon, at iba pa.

Kung gusto niyo ng PAGBABAGO, sabay-sabay natin isigaw sa buong bansa: “PAQ YU!!!”


Responses

  1. Baka mag ka PAQ Yu-han lahat hahahhaha

    Pagbabago nga yan kapatid.

    Madali pang tandaan

  2. Akala ko nagmula yung Paq kay Paquiao, Paquito pala. Hehehe.

    Ok yung balak niya – susugod raw sila sa U.S. Embassy para magdeklara ng giyera tapos kapag natalo tayo sa giyera sasakupin na tayo ng U.S. magiging 52nd state na tayo ng U.S.

    ^_^


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: