Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 20, 2009

Election Fever


Nang sabihin ni Erap na may ligal na batayan ang muling pagtakbo niya, tama siya. Hindi dahil tama ang gagawin niya at lubos na umaayon sa mga nakasaad sa konstitusyon at batas, kundi dahil walang otoridad ngayon ang pwedeng magbawal sa kanya sa gagawin niya.

Dahil sa “galing” ng mga abugado niya, nagawa nilang mabaluktot ang sinasabi sa konstitusyon na hindi pwedeng muling tumakbo ang kasalukuyang pangulo o pangulong nakapagsilbi na ng apat na taon sa termino. Kaya, ayon sa kanya, maaari pa siyang tumakbo ngayon dahil, una, hindi siya kasalukuyang pangulo, at pangalawa, hindi siya nakapagsilbi ng hanggang apat na taon sa termino. Bibilib ka rin talaga sa gulang ng mga taong ito. Hindi ko maiwasang mapailing. Pero sino nga ba ang makakapigil sa kanya?

Ang nakakatawang sitwasyon ngayon, hindi masabihan ng kasalukuyang administrasyon na mali ang gagawin ni Erap, dahil ito mismo ay minsan na ring bumaluktot sa probisyong ito sa konstitusyon. Matatandaan na tumakbo sa pagkapangulo si Gloria noong 2004 kahit kasalukuyan siyang pangulo noon. At sa kabila ito ng malinaw na malinaw na pahayag mula kay Gloria mismo na hindi na siya tatakbo noong 2003.

Kaya paano sasabihan ni Gloria si Erap? Ang tanging masasabi lang niya sa huli: “Style mo bulok. Gaya-gaya ka lang.” Pero ang mas kinakatakot ko kaya hindi sinasagot ni Gloria ang pahayag ni Erap ay may balak din itong katulad o mas baligho pa ngang pakana.

Ang matalino lang na humaharap sa usaping ito ay ang Comelec. Tama ang ginawa ni Melo na hindi magkomento sa bagay at hintayin na lang na ihapag sa kanila ang pagkandidato ni Erap bago magpasya at maglabas ng pahayag.

Pero ang huling huhusga pa rin sa gagawin ni Erap, hindi man siya mapigilan ng batas sa muling pagtakbo, ay ang mamamayang Pilipino. Kahit matuloy ang pagkandidato niya, dadaan pa rin siya sa butas ng karayom bago makalusot at maluklok ulit sa pwesto, dahil kung ngayon pa lang na pagod na pagod na ang sambayanan sa panunungkulan ni Gloria, ano pa kaya ang tyansa niyang manalo. Ang hinihingi ng taumbayan, sa minimum, ay ang mapalitan na ang administrasyon, ang magkaroon ng pagbabago, pero pagbabagong pasulong at hindi paurong sa dati nang burak na kinasadlakan ng bansa.

**************************

Kaugnay rin nito, nakakabahala ang nagiging kagawian na ng mga trapo sa pagsusulong nila sa kani-kanilang maiitim na pakana. Lagi na lang nilang inaabuso ang batas sa kani-kanilang interpretasyon dito, at ibinabato lagi sa Korte Suprema ang bola para magpasya kung tama o mali ang interpretasyong ito, habang tumutuloy na sa mga balakin nila. Pinakatuso dito ang ginagawa sa Kongreso na pagpipilit sa CHA-CHA. Pinepwersa ng mga buwayang nakabarong ang bagay, kahit may pagdududa pa sa ligalidad ng hakbangin, maliban kung makialam ang Korte at pahintuin sila. Parang bata na gumagawa ng bagay na alam niyang kalokohan pero tinutuloy pa rin ito hanggat walang sumusway sa kanya. Kaya kung walang sumuway, tuloy ang ligaya.

Ipinapakita lang nga mga trapong ito ang pagkaganid nila sa kapangyarihan. Paano nila aasahan ang Korte na mamagitan lagi kung sairsari naman ang ibinabato nila sa Mataas na Hukuman. Kung ganito lagi ang gagawin ng lahat ng may maitim na balak, babahain ng kung anu-anong kaso ang Korte Suprema, at tiyak na hindi na nito magagawang makapaglabas ng desisyon, o kung makapaglabas man ng desisyon at huli na ang lahat at naisakatuparan na rin ang masamang balakin. Ang sasabihin na lang ng buwaya, “moot and academic” na ang usapin.

Isa pa, bakit lagi nilang iaasa sa Korte. Totoong ang Korte Suprema ang panghuling huhusga, pero dapat sa mga usapin lang na hindi na talaga kayang malutas sa loob lang ng lehislatibo o ehekutibo, o sa pagitan ng dalawa, ang usapin. Ibig sabihin, dapat maging responsable rin ang mga buwayang ito, at hindi nilalaro ang batas para sa sarili nilang kapakanan.

******************

Nabanggit lang rin ang sariling kapakanan, lumalabas na talaga ang kagaguhan ng mga kongresistang gahaman. Biruin mo ba naman, magpapanukala sila ng pagtaas ng mga sweldo ng pangulo at mga opisyal ng gabinete, at maging ng mga kongresista mismo, nang hanggang doble para sa halos lahat ng mga ito. Niloloko pa nila ang kanilang mga sarili na “standardization” lang ito para pumantay ang sweldo nila sa sweldo ng katumbas nilang opisyal sa pribadong sektor. Samantalang sa mga kawani, ang gulugod at pwersang nagpapagana sa buong gubyerno, kakarampot lang ang ibinigay, 3 gives pa.

Grabe, tumitindi na talaga ang panahon. Noong bata ako, ang alam ko lang, kapag malapit na ang eleksyon, nagkakandarapa ang mga politiko sa pangangampanya. Ngayon, kapag malapit na ang eleksyon, nagkakandarapa na ang mga kasalukuyang nakapwesto kung paano malulubos ang mananakaw nila o kaya, kung paano makakapanatili sa pwesto para tuloy ang pandarambong.


Responses

  1. Sa mga nagaganap katulad niyan, hindi na ako mahihirapang mag-isip sa kung ano ang kahahantungan ng eleksyon sa 2010. Pare-parehas lang naman sila, mahirap mapagkatiwalaan kung sino ang malinis sa Gobyerno. May malinis pa ba? Isa na akong botante, sa tingin niyo po sino ang napupusuan ninyo maging malinis na Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa ngayon?

    • sa ngayon, maaga pang magpasya. hindi pa naman tiyak kung sino talaga ang mga tatakbo. marami pa lang ang nagpahayag. mula ngayon hanggang sa eleksyon, malaki pa ang magbabago, marami pa ang mangyayari, sa hanayan ng mga kandidato. tama ka na marami talaga sa mga tatakbo ang mahirap pagkatiwalaan. kaya talagang napakaimportanteng suriin nang mabuti ang bobotohin mo. ang isang maipapanukala ko lang sa iyo, gaya ng nasulat ko na sa The Presidentiables, si Among Ed. iyon ay kung matuloy siyang tumakbo. pero syempre, hindi ko pa rin napag-aaralan ng mabuti ang mga programa nila, kabilang si Among Ed, kaya kailangan pa ng dagdag na pag-aaral. anyway, salamat sa pagdaan.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: