Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 14, 2009

The Presidentiables


Napakagandang pakinggan na salita, pero hindi napakagandang mamalas na larawan.

May padyak boy, mag-iitik, kabayan, miss earth contestant, tagapagmana ng milyunarya, piloto, traffic aide, at iba pa. Ngayon dumagdag pa ang action star na dati nang isinuka ng tao. Kung matutuloy, may isang pari, na tanging maituturing na matinong kandidato at nararapat ikonsidera. Pero ang pinakamalaking banta, ang labandera na kasalukuyan pang nakaupo at ayaw pang tumigil sa “paglalaba ng pera.” Hindi ito eksena sa Talentadong Pinoy (na nahihiligan kong panoorin); ito ang magiging eksena sa darating na mga buwan hanggang sa susunod na taon.

Nang sinabi ng isang dakilang guro dito sa Pilipinas na hindi na kayang makapamuno ng mga naghaharing uri sa dating paraan noon pang panahon ni Marcos, lubos ko itong naunawaan. Pero hindi ko pa rin maiwasan na magulat sa kasalukuyang takbo ng pulitika sa bansa. Kung matutuloy ang halalan sa 2010, mukhang ito na ang magiging “pinakamakulay” sa kasaysayan natin.

Noon pang nakaraang taon, naging labis nang abala ang Senado sa mga personal na ambisyon ng mga kagawad nito na nabura nito maging ang hanayan ng pwersa sa pagitan ng administrasyon at oposisyon. Ngayon ko lang nakita ang ganito kalabong hanayan na napakahirap tukuyin kung sino ang dilaw at sino ang pula. Sobrang gulo ng kanilang utak kaya ito ang isa sa pinakamalaking salik kung bakit hindi namunga ang alyansa kontra-Arroyo sa kilusang pagpapatalsik, nakalimutan na nila ang komon at pangunahing kaaway nila. Ang iba, naglaro at patuloy na naglalaro pa nga ng apoy sa pag-aasam ng suporta ng gubyernong Arroyo.

Villar, Roxas, Escudero, Legarda, Gordon, Madrigal, Lacson. Kaya mabilis na nabura ang pagpapanggap ng Senado na tagapagbantay sa pagmamalabis ng Malacañang, at sila-sila ang nagbatuhan ng putik. Inabuso na nila ang dating popular na mga imbestigasyon ng mga komite ng Senado at naging personal na mga kasangakapan para sa kani-kanilang kampanya sa pagkapangulo. Sobrang abala nila na nakalimutan na nila ang napakalaking hadlang sa kanilang mga ambisyon; hindi pa tiyak ang eleksyon sa susunod na taon! Nangungunyapit pa ang tuko sa trono niya sa bigong pagtatangka na patuloy na protektahan ang sarili sa pag-usig ng sambayanan sa kanyang mga kasong kriminal.

Sa hanay ng administrasyon, nakikisali pa ang hangal na si Bayani Fernando. Mukhang hibang na ang taong ito. Kung ituloy niya ang pagtakbo, malaking bahagi kaagad ng mga botante ang hindi niya maaabot dito sa Metro Manila; kung magpupumilit siyang, baka patayin lang siya ng mga manininda, maralitang-lunsod, drayber, at iba pa, na pinalayas niya sa kanilang hanapbuhay at tahanan o pinerwisyo sa lansangan. Walang karapatan at kakayahang mamuno ang isang taong ang tanging nakikitang problema ng Pilipinas ay ang daloy ng trapiko kaya walang habas na nagpapahirap sa mga ordinaryong tao para lang magkaroon ng maluwag na lansangan ang mayayaman. Gayundin si Gilberto Teodoro ng DND, na umaasa lamang noon sa pagiging kamag-anak niya ni Danding Cojuangco, kaya aligaga ngayong magpasikat sa pagsisikap na siya ang piliing kandidato ng administrasyon. Ngunit ngayon pa lang ay sira na ang pag-asa niya dahil malinaw ang intensyon niya na ipagpatuloy lang ang mga patakaran ni Arroyo. Hayagan niyang inaamin na siya ang magiging John McCain ng Pilipinas. Ay, Apo!

Hindi rin nagbibigay ng bagong alternatiba si Noli dahil sa koneksyon nito sa kasaluyang administrasyon. Dahil sa katahimikan niya sa mga anomalyang kinasangkutan ng administrasyon, tiyak na ikakabit ng mga tao ang pangalan niya dito at magiging malaking dungis sa sarili niya. Tuso ang pamamangka niya sa dalawang ilog; tahimik lang sa mga iskandalo, pero panaka-nakang bumabanat kapag nakakakita ng butas sa pagbabaka-sakaling makalusot rin siya katula ni Gloria noong panahon ni Erap.
Ang pinakabagong malaking kalokohan, tiyak nang nakisali sa rambol si Erap. Handa na pati siya ng makinarya, ang partido niyang PMP, kumpleto pa sa mga abugadong nakahanda nang sagutin ang usapin sa konstitusyon na nagbabawal tumakbo sa dati nang pangulo. Sa panibagong kaganapang ito, mahahati ulit ang oposisyon. Ang UNO ni Binay ay hindi na magiging united dahil may kani-kanyang manok na sila.

Dagdag pa ang ibang nagpapahiwatig ng pagtakbo ngunit hindi pa sigurado. Si Velarde ng El Shaddai, Villanueva, Belmonte, atbp. Sabagay, sino ba sa kanila ang hindi naghahangad maging pangulo kung bigyan ng pagkakataon? SI Eddie Gil kaya, nasaan na?

Ang pinakamalaking payaso sa lahat, ang kasalukuyang pang[g]ulo. Sa pormal nang pagsasanib ng Lakas at Kampi at si Gloria bilang pinuno nito, ito na marahil ang pinakamalaking partido sa ngayon sa usapin ng makinarya at pondo. Ngunit ang pinakamalakas na alas ni Arroyo, ang hindi pagkakaroon ng eleksyon sa 2010. Napakalakas nito, dahil maraming paraan para hindi matuloy ang eleksyon. Nariyan na ang “urong-sulong” na CHA-CHA. At kung hindi na ito makahabol hanggang sa susunod na taon, naririyan naman lagi ang opsyon ng hayagang Martial Law, na marami ring paraan para isagawa. Pwedeng magpakana ng gulo, kunwaring kudeta, tangkang asasinasyon sa pangulo; imahinasyon na lamang ang hangganan dito.

At kung hindi pa rin uubra ito, ang huling pagpipiliin niya ay ang gayahin si Erap, tumakbo ulit sa pagkapangulo sa “walang hanggang hangaring na patuloy na maglingkod sa bayan!”

Ang tanging seryosong mapagpipilian ay si Among Ed, bagamat hindi pa talaga siya tiyak kung tatakbo. Pero sa gitna ng ganitong gulo, sa ganito at kalidad ng mga kalaban niya, napakaliit ng pag-asa, ni Among Ed at ng sambayanang Pilipino. At kung sakali mang manalo si Among Ed, ibig sabihin, kung hindi manakaw at aktwal na mabilang ang mga boto niya, wala pa ring katiyakan na maipapatupad niya ang mga repormang balak niya. Kung ano ang Kamara para kay Gloria ngayon ay tiyak na magiging kabaliktaran na kabaliktaran para kay Among Ed, at malamang na dumagdag pa dito ang Senado. Nilinis ni Among Ed sa katiwalian ang Pampanga, kahit sa opisina man lang niya; biruin mo kung gawin niya ito sa buong gubyerno. Para na rin niyang pinatay ang mga Kongresista, Senador, Gubernador, Mayor, hanggang sa mga Barangay. Kapag ganito ang maging sitwasyon, tiyak na uunahan na siya ng mga ito.

Huwag nang banggitin pa ang di nakikitang kamay ng US sa politika ng Pilipinas.

Sa ganito kagulong halalan, excited lang akong subaybayan ang mga kaganapan bilang pampalipas-oras at libangan dahil sa kung anu-anong kakapalan ng mukha meron ang mga trapo, pero hindi dahil may inaasahan akong malaking pagbabagong makakamit ng Pilipinas sa susunod na taon. Ang pagkapanalo ni Among Ed ay magiging mas malaking pagbabago kaysa idinulot na superpisyal na pagbabago ni Obama sa US, bagamat hindi magiging ganito kaingay ang kay Among Ed. Pero hindi pa rin ito magiging sapat para malutas ang mga batayang problema ng sambayang Pilipino.

Hindi ako excited dahil hindi ko tinitingnan sa pagpapalit ng mukha ang hinahangad na pagbabago. Habang nakatanaw ang karamihan sa kanluran sa paghihintay sa bagong pangalang lilitaw, nakatanaw ako sa silangan para sa bagong araw na sisikat.

Sa isang post sa Kaututang-Dila, may katulad siyang artikulo tungkol dito na pinamagatang “The Amazing Race: Presidential Edition.” Sa tingin ko mas angkop na pamagat dito ang: “The Presidential Race: Amazing Edition.”


Responses

  1. pag usaping pulitika ay naaaliw at ako gusto ko ang post mong ito. totoo at walang bahid ng kaplastikan ang mga sinabi mo at ang dami kong nalaman mula kay erap hanggang sa tuko sa kanyang trono hanggang sa no election issue nextyear hanggang sa makarating kay Bayani Fernando. sa totoo kung iisa isahin mo talaga ay mahihilo ka sa dami ng issue sa ating bansa at ako ay nangangamba sa pinaka major na issue para sa akin, eto yun: sa totoo lang in case hindi matuloy ang eleksyon, pihadong rebulusyon iyan. magkakagulo talaga. tsk, tsk, tsk

  2. sa punto mong nakakahilo ang eleksyon, sang-ayon ako sa iyo. sa katunayan, mabilis lang na kritika ang ginawa ko, hindi pa malaliman, pero ganito na kagulo. kapag tinalakay pa talaga nang masinsin ang bawat kandidato, baka makasulat ng isang libro. kaya dapat marami pang katulad ng ginawa ng ANC na pagsalang sa mga kandidato sa panayam, at paglalanatad talaga sa mga nagawa at hindi nagawa ng bawat isa para alam ng tao ang kabuluhan ng boto nila.

    sa huling punto mo, totoo rin iyan. reklamo nang reklamo ang mga taong ito dahil dumadami ang mga rebelde, pero sila rin naman ang nagtutulak sa mga tao na mamundok.

    salamat din pala sa pagdaan.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: