Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 13, 2009

Big Mouth Gonzalez


Anak: Nanay! Nanay!

Nanay: O, bakit ka umiiyak anak?

Anak: Inaasar ako ng mga kalaro ko. Malaki daw ang bibig ko.

Nanay: Huwag ka ngang naniniwala sa mga iyon. Siya, kunin mo na ang pala at kumain ka na.

Si Raulo Gonzalez

Si Raulo Gonzalez

Malamang alam niyo na ang joke na ito. Pero alam niyo ba na totoong kwento ito. At ang bata sa kwento ay umasenso sa buhay at naging kalihim pa ng Kagawaran ng Hustisya, si Raulo Gonzalez.

Matagal ko ring hindi narinig ang “matatalinong” salita ng taong ito. Pero ito na ulit siya.

Huwag pansinin si Alston, ispesyal na rapporteur ng UN. Sino nga ba ang hindi dapat pansinin? Si Alston, na tinawag niyang muchacho ng UN? O siya, na kanino nga bang muchacho?

Mabuti pa si Alston, muchacho ng UN, isang organisasyong bagamat limitado lamang ang kapangyarihan, ay kilala pa rin sa buong daigdig. Samantalang si Gonzalez ay muchacho ng isang gubyernong kilala rin sa buong daigdig dahil sa kurapsyon, katiwalian at walang habas na pagpaslang at pagsupil sa mga tumutuligsa dito. Si Alston ay muchacho ng UN, bagamat may kapangyarihan lamang ito sa mga bagay na hindi bangga sa interes ng imperyalismo, pangunahin ng US, si Gonzalez naman ay muchacho lang ng isang gubyernong papet ng imperyalistang US na ito, na walang ibang kapangyarihan kundi ang maging suplayer ng hilaw na materyales at murang lakas-paggawa at tambakan ng basura ng mga imperyalista. Muchacho ng isang muchacho. Kumbaga sa aso, siya ang garapata.

hehehe. Muchacho!

hehehe. Muchacho!

Ito ang Gonzalez na tumawag na muchacho kay Alston; ang parehong Gonzalez na sumisi kay Julia Campbell kaya siya namatay dahil pupunta-punta pa kasi kung saan-saan; ang parehong Gonzalez na pumunta pa noon sa Subic para personal na tingnan ang kalagayan, hindi ng BIKTIMA, kundi ng SALARIN sa Subic Rape Case, at nagbanta pa na kakasuhan ng perjury ang BIKTIMA. Ito rin ang parehong Gonzalez na pumuna sa mga kandidato noong 2007 dahil matatanda na umano. Naglaro noon sa isip ko ang eksena ng butihing kalihim na inaalalayan pa papunta sa kanyang upuan dahil uugud-ugod na. Ito ang Gonzalez na nagsasabi ngayong huwag pansinin si Alston? Napakapantas talaga! Sa ginawa niya, lalo lang lumakas ang boses ni Alston.

Nagsimula na naman ang pag-aalburoto ng gubyernong Arroyo laban sa panibagong inilabas na ulat ni Alston sa pagdinig ng UN kaugnay ng kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas. Pero sa ginagawa ng gubyerno, sa pangunguna ni Big Mouth, pinatutunayan lang nila ang pangunahing kongklusyon ni Alston. Hibang pa rin ang gubyerno sa pagtanggi sa mga katotohanan.

Pinatutunayan lang nilang nasa “state of denial” sila. Itinatanggi nila noon na may extrajudicial killings sa Pilipinas. Nang hindi na nila maitanggi ito at napupuna na kahit sa internasyunal na larangan, itinanggi nila na sila ang nasa likod ng mga ito. Noong una, tumanggi silang pahintulutan ang UN na makapag-imbestiga sa Pilipinas, tanging ang delegasyon lamang ng Europa ang gusto nilang pumunta dito (malamang nakausap na nila). Pero napuna na naman sila sa pagtangging ito, dito na nakapag-imbestiga si Alston. Nang lumabas na ang ulat, itinanggi na naman ng gubyerno ang lahat ng kongklusyon ng ulat, lalo na ang pananagutan ng gubyerno at militar dahil sa malinaw na papel ng patakaran ni Arroyo laban sa insurhensya, at sa prinsipyo ng “command and responsibility.” Itinanggi ulit nila na mayroong “culture of impunity” sa mga nagaganap na pamamaslang.

Sabi ni Gonzalez, “pre-judged” ni Alston ang gubyernong Arroyo o hinusgahan na kaagad. Paanong masasabing “pre-judged” kung bunga ito ng masusing imbestigasyon sa pamamagitan ng pagkausap sa mga biktima mismo, at maging sa kabilang panig, sa military. Kung walang ginawang imbestigasyon, pwedeng sabihing “pre-judged.”

raul

Pinupuna naman si Alston ng militar dahil kinausa niya ang “Kaliwa.” Paanong hindi kakausapin ni Alston ang “Kaliwa,” e ang “Kaliwa” nga ang biktima ng mga pamamaslang? Kasalanan ba ni Alston na mga “Kaliwa” ang mga pinatay? Natural lang na isa sa pangunahing kukunan niya ng pahayag ay ang mga biktima. Hindi naman naging makaisang-panig dito si Alston dahil kinausap din naman niya ang mga kaukulang ahensya at binuong Task Force ng gubyernong Arroyo. Pero kasalanan ba niya kung umayon ang sandamukal na ebidensya sa mga pahayag ng biktima na mga militar ang may kagagawan ng mga pamamaslang.

Natatawa ako sa isa pang bigong pagtatangka ng gubyerno na pagtakpan ang usapin. Labis-labis ang kanilang pagsisikap na mapaliit ang bilang ng ikinukunsedera nilang extra-judicial killings, na para bang sa gagawin nila ay mawawala na ang problema. Mahigit isang daan lang o mahigit 800 na, hindi pa rin maitatanggi na mayroon ngang pamamaslang sa mga aktibista dahil lamang sa kanilang pampulitikang paniniwala. Kahit isa lang ang bilang nito, mabubura na ba ang krimen ng gubyerno. Ang pagtatalo sa eksaktong bilang ay indikasyon lamang kung gaano na kalala ang problema dahil ito na lamang ang pinagtatalunan, at hindi kung meron nga ba o wala. Iyon ay, kung paniniwalaan ang mga inilalabas na pigura ng gubyerno.

Natatandaan ko minsan, ipinagmamalaki na ng militar na mali ang sinasabi ng Karapatan dahil inilabas nila nang buhay ang isang binanggit na pangalan na isa umano sa mga napaslang. Sige, mali sila sa taong iyon, ngayon ilabas niyo rin ang mahigit 800 iba pang napaslang at ang daan-daan pang nawawala at ni hindi tiyak ang kalagayan ngayon. Isa ako sa labis na matutuwa kung mapatunayang mali ang datos na ito, dahil mangangahulugan iyong hindi patay ang mga taong ito at kapiling pa ng kanilang mahal sa buhay.

Baligho din ang pagtatangka ng AFP na pagtakpan ang usapin sa pamamagitan ng pagpapasa ng sisi sa NPA. Una, walang naniniwala sa sinasabi nilang NPA ang may gawa ng pamamaslang. Para ito iyong lumang karikatura ni Gary Lising kung saan natagpuan ang isang bangkay na tadtad ng 800 saksak, tapos sasabihin ng pulis na “Suicide!”pinatototohanan lang nila ang isang mahalagang salik sa mga pamamaslang na ito, ang pagbabansag na komunista at NPA bago paslangin ang mga biktima. Pangalawa, kahit pumutok ang butsi ng AFP sa kakasigaw sa mga krimen dinumano ng NPA laban sa mga indibidwal, hindi pa rin nito sinasagot ang usapin. Lalo lang nilang ipinapahiya ang mga sarili at pinasisikat ang NPA. Dahil mabuti pa ang NPA, may lakas ng loob na aminin kung sila ang may gawa ng mga pamamaslang dahil naniniwala silang may batayan ang kanilang ginagawa. Samantalang ang AFP, bahag ang buntot sa pag-amin, samantalang sila itong kumbinsidung-kumbinsidong at hayagan pa ngang nangangalandakang NPA ang mga pinaslang na ito. Bakit hindi nila mapanindigan ang kanilang ginagawa kung ito ang itinuturing nilang tama?

Wala nang pagtatalo kaugnay ng usapin ng pampolitikang pamamaslang. Wala nang duda kung sino ang nasa likod nito. Ang natitirang usapin na lamang ay ano ang gagawin natin dito? Hindi na maibabalik ang buhay ng mga mahal natin. Ang tanging magagawa na lamang natin para sa kanila ay ang kamtin ang hustisya para sa kanila sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga salarin sa pangunguna ng pamilyang Arroyo at mga kasapakat. Ang tungkuling ito ay hindi lamang nahuhulog sa mga pamilya ng biktima, katulad ko halimbawa dahil personal kong kaibigan ang isa sa mga nawawalang aktibista, si Che Cadapan. Kalakhan ng mga biktima dito ay mga aktibista, pero hindi sila pinaslang dahil lamang sa pagiging aktibista, kundi dahil lumalaban sila sa katiwalian ng gubyernong Arroyo. Kung kaya, ang totoong target ng patakaran ng gubyerno ay ang mga taong maglalakas ng loob na manindigan at humadlang sa kanilang pandarambong sa kaban ng bayan. At sino ba ang hindi masusuka at pupuna sa kabulukan ng kasalukuyang rehimen?!


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: