Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 8, 2009

Free Jun Lozada!


Jun Lozada

Jun Lozada

Naaalala ko noong una kong nakita si Jun Lozada sa telebisyon. Natatawa ako noon, ang akala ko, tatanga-tangang tao na walang kamuwang-muwang sa nangyayari sa paligid niya. Akala ko isang walang labang biktima ng mga amo niya na gumamit lang sa kanya sa kanilang katiwalian, at ngayo’y hindi alam kung anong gagawin. Iyong itsura niya noon, tulala, hindi makasagot kay Ricky Carandang ng ABS-CBN.

Pero mabilis na nagbago ang imahe ng Jun Lozada nang bumalik ito mula sa “bakasyon” niya sa Hong Kong. Bigla kong nakita ang talino ng taong ito, hindi lang talino sa teknikal na mga bagay kundi street wise na tinatawag. Mabilis niyang natanto ang maitim na balak sa kanya ng administrasyon.

Pagdating sa airport, dinukot na kaagad ng mga elemento ng PNP si Jun at itinago sa publiko at media. Alam ko na ang balak ng gubyerno sa kanya nang ibalita na hindi siya idinaan sa Imigration at hindi natatakan ang pasaporte. Mukhang alam din naman nina Jun at kapatid niya ang maitim na pakana, kaya hindi na siya nilubayan ng huli. At ito ang tuluy-tuloy na nagpaabot ng mga impormasyon sa media kaya sa huli napilitan ang pulisya na ilabas si Jun. At dito na instant na naging bayani si Jun.

Mula sa tila walang muwang na tao, bigla siyang naging malaking tinik sa lalamunan ng administrasyong Arroyo. Simple lang ang paglabas niya sa Senado, pero ito ang naging pinakamalakas na bomba laban sa NBN-ZTE Scandal, kahit pagsama-samahin pa ang mga naunang lumantad laban dito. Sobrang lakas, napilitan pa ang gubyerno na maglabas ng isang testigo umano laban kay Jun na gumaya pa ng pag-iyak-iyak sa isang panayam sa NBN4. Hindi kayang matapatan ng gubyerno ang testimonya ni Jun, dahil wala itong anumang gimik, kahit ang pag-iyak niya ay tunay na tunay. Hindi naman siya ispesyal na tao, wala rin naman gaanong bago sa inilantad niya. Pero dahil sa katangahan ng gubyerno mismo, at pagkasinsero ng mga pahayag ni Jun, hindi na napigilan ang pag-agos ng suporta para kay Lozada laban sa mga tiwaling opisyal ng gubyerno na sangkot sa scandal kabilang na ang unang pamilya.

Ang sumunod ay ang ilang buwang pag-iikot sa buong bansa para ipalaganap, pangunahin sa mga kabataan, ang kanyang munting maitutulong para sa ikalilinis ng gubyerno.

Ngayon, lumalabas na naman ang katangahan ng mga Arroyo. Sa Pilipinas, mabilis na natatabunan ang mga mistulang malalaking istorya sa media, sa pamamagitan ng mas bago. Ang eksplosibong kwento ni Jun ay medyo mabilis din namang natabunan ng mga bagong balita, kahit pa mga katiwalian pa rin ito ng mga Arroyo. Halos hindi na nga nababalita si Jun Lozada. Biglang lumabas ulit si Mike Defensor, ang tagapagtanggol ng mga Arroyo. At muling nabuhay ang multo ni Jun Lozada.

Muli na namang namalas ang talino ng taong ito. Biruin mo, sa kasong isinampa ni Mike na perjury, ang inaasahan ng gubyerno na gigipit kay Jun ay biglang bumalik sa kanila nang sampung ulit na mas malaki. Tinanggihan ni Jun ang P6,000 piyansa at nagpakulong na lang  sa halip bilang protesta sa gawa-gawang kaso ng Malacanang. Muli, hindi na naman matapatan ng gubyerno ang ginawang taktika ni Jun. Nagtangka si Mike na lumabas sa media kasama pa ang buong pamilya para palabasing siya ang biktima, ngunit bigo. Kahit ano pang sabihin nilang gimik lang ni Jun ang hindi pagpapiyansa, walang naniniwala sa kanila. Sabi nga ni Satur, sino bang nagsisinungaling sa pagitan nila ni Jun? Sino ba ang naglabas noon ng eksperto pa umano na nagpapasinungalin sa mga Garci Tapes na inamin din kalaunan ni GLoria mismo?  Nakisali pa si Raulo Gonzales sa pagtira kay Jun. Pero hindi naman nila maikaila na sila naman ang may gawa ng muling pagkabuhay sa kanyang multo. Sila ang nagsampa ng kaso, tapos gusto nila magpiyansa si Jun. Kung gusto nilang sumunod sa kanilang utos si Jun, dapat noong una pa lang tinanong na nila bago pa isinampa ang kaso. Pero hindi naman ginusto ni Jun na masampahan ng kaso at makulong, bakit siya kailangang sumunod sa mga loko-lokong ito.

Ang huling baraha na lang ng gubyerno laban kay Jun ay tinitira nila si Jun na gusto lang umanong tumakbong Senador sa susunod na taon. Eh ano naman? Siguradong mas gugustuhin pa nga ng mga tao iyon. Ang hindi naiintindihan ng administrasyon, anumang bitiwan nilang salita laban kay Jun ay magsisilbi lang papuri sa kanya sa mata ng mga tao.  Ang gubyerno ang kaaway ng sambayanan, natural lang na kung sino ang kalaban ng gubyerno ay kaibigan ng sambayanan.

Napakasarap na sabihing hayaan lang sa kulungan si Jun para lalong malubog sa burak ng kahihiyan ang gubyernong Arroyo. Pero hindi. Dapat labanan ang anumang anyo ng pang-aapi mula sa mismong simula. Hindi na dapat itong hayaang magtagal. Kaya dapat magsama-sama ang buong sambayang Pilipino na naniniwala sa katarungan at hustisya. Ang pananahimik sa usaping ito ay mangangahulugan lang ng pagpayag sa katiwalian ng gubyernong Arroyo; katumbas na rin iyon ng pagiging kasabwat sa krimen nila.

Palayain si Jun Lozada!

Ang buktot na pangkatin nila Arroyo ang dapat ikulong!


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: