Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 5, 2009

Ano ang magpapabagsak kay Pacquiao?


Isa na namang malaking panalo mula kay Pacquaio. Nakita na naman natin ang mas mahusay na Manny sa laban nila ni Ricky Hatton. Pero hindi na ako magkokomento nang ditalyado dito tungkol sa laban, nang blow by blow. Hindi naman ako sports analyst kaya wala akong otoridad na gawin iyon. Saka sigurado, sandamakmak na ang gumawa niyon. Ilang punto lang kaugnay nito: hindi ako sang-ayon sa sinabi ng isang analyst na mas mahusay ang laro ngayon ni Pacquaio kaysa laban niya kay Oscar dela Hoya. Hindi ko alam kung dahil mahina talaga ang ipinakita ni Oscar o dahil sa estilo ni Hatton, para sa akin, nakita ko ang pinakamagandang laro ni Pacquaio sa laban niya kay Oscar. Sa bilis, wala talaga akong masabi. Parang pinaglaruan lang niya si Oscar. At ikinumbina niya ito sa iba’t ibang kombinasyon na napakahusay ng execution.

“Idestructible!” iyan ang tawag ng mga analyst ngayon kay Pacquaio. Lumilitaw na nga ngayon ang taguring: “Pinakamagaling na Boksingero na nabuhay sa mundo.” Sa ipinakitang bilis at lakas, meron pa nga bang makakapagpabagsak kay Manny Pacquiao?

Dalawang bagay lang ang nakikita kong makakagawa nito kay Manny.
Una, ang natural na magpapabagsak sa kanya ay ang edad. Medyo bata pa naman si Manny, pero sa mundo ng boksing, maituturing nang matanda ang 30 taong gulang. Ang malinaw, kaya ni Pacquiao na magpatuloy nang lampas ng ilang taon sa karaniwang taon ng pagreretiro ng pinakamahuhusay na boksingero. Isang natatanging katangian ni Pacquiao ang matinding istamina na kaya pa niyang dalhin at malamang pahusayin pa sa loob ng ilang taon pa. Mabilis na lamang itong mababawasan sa mga huling taon niya sa boksing, kasabay naman ng pag-angat ng mga susunod sa kanya. Pwedeng matagal pa bago may lumabas ulit na boksingerong makakapantay o makakahigit sa ipinakita ni Pacquiao sa rurok ng kanyang karera, pero lilipas din ang rurok na iyon. Pero para sa mga tagahanga ng boksingero, siguradong ilang taon pang maghahari sa ring ang kamao ni Pacquiao.

Ang pangalawa, at mas kagyat na ikababagsak ni Pacquiao, ay wala sa ring o sa mundo ng boksing mismo. Politika. Hindi naman na ikinakaila ni Manny ang paghahangad niyang tumakbo ulit sa Kongreso. Mukhang natuto naman siya noong nakaraang tumakbo siya, mukhang lilipat na siya ng Sarangani. Noong 2007, natalo siya kay Darlene Custodio para maging Kinatawan ng GenSan. Hindi ko alam kung sino ang maaari niyang makalaban doon sa 2010 o kung mananalo ba siya. Pero manalo o matalo, dahil sa ipinapakita niyang kulay sa politika, ito ang makakasira sa kanyang pangalan.

Kung mananatili siya sa poder ng mga Arroyo, sa pamamagitan ni Atienza, sasapitin niya ang parehong kapalaran noong nakaraan. Maaaring manalo siya, pero mananatili ang puna at pagkadismaya ng tao kung ang mga taong ito ang patuloy niyang didikitan.
Walang problema sa akin ang isang Manny Pacquiao sa Kongreso. Sabi nga ng iba, galing siya sa mahirap. Totoo ito. At sa katunayan, boto pa ako sa kanya kung papasok siya sa Kongreso bilang ganoon, bilang kinatawan ng mahihirap. Pero magiging kinatawan lang siya ng kasalukuyang administrasyon para magsilbing matamis na mukha ng kanilang buktot na balakin sa Pilipinas, kahit gaano pa kahirap ang pinagmulan niya, magiging kasing bulok lang siya ng mga trapo.

Napakagaling ni Manny sa ring. Pero mistulang ang lahat ng treyning niya ay aplikable lang sa loob ng ring dahil hindi na siya ganoon kahusay pagdating sa iba pang larangan sa lipunan.

SIDEBAR

Sa napakagarbong laban nina Pacquiao at Hatton, ano kaya ang kabuluhan nito para sa mga manggagawa sa buong mundo na sadlak ngayon sa matinding krisis? Ang sigurado ko, aabot sa bilyun-bilyong dolyar ang lumabas na pera para sa laban, mga komersyal, bayad sa dalawang kampo, at karapatang magpalabas ng laban. Bilyun-bilyong dolyar na maaari sanang nagamit para isalba sa matinding burak ng krisis ang mga anakpawis.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: