Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 5, 2009

AKOrinMISMO.org


Tulad ng milyun-milyong tao sa buong mundo, isa ako sa nakatutok sa telebisyon nitong Linggo at naghintay nang ilang oras para sa mismong laban nina Pacquaio at Hatton. Pero hindi ito tungkol sa laban nila mismo, kundi sa isa sa libu-libong komersyal (na maaaring pag-ukulan ng hiwalay na artikulo dahil sa haba), ang tungkol sa AKOMISMO.

Hindi ko alam kung ano ito mismo, kung ano talaga ang layunin mismo ng grupo, o kung sino ang nasa likod nito mismo. Kaya nagpasya ako na tingnan mismo sa kanilang website mismo.

Sa kasamaang-palad, hindi ako makapasok mismo sa site nila. Kailangan atang magpatala muna mismo. Nung nagpatala naman ako, hindi tumuloy mismo. Kaya hindi ako nakapagpalalim mismo sa layunin ng AKOMISMO.

Kapag may kumakausap sa iyong walang kwentang kausap, binibigyan natin ng piso pambili ng kausap. Ito ata ang mismong nangyari sa AKOMISMO. Pero imbes na piso, mukhang milyon ang ibinigay sa kanila kaya gumawa na lang sila ng komersyal mismo, at telebisyon mismo naghanap ng kausap. Epektibo, dahil milyun-milyon kaagad ang nakausap nila, kahit hindi nila nakausap mismo.

Hindi problema ang kahirapan, kagutuman, milyun-milyong walang trabaho? Ang pinakamalaking problema daw ay ang pagwawalang bahala ng mamamayan. Ito ang nakatawag kaagad sa aking pansin. At napatanong ako, sino naman kaya ang may gawa nito?

Una, sayang ang mga taong pinili nila para magpahayag ng kanilang mensahe. Mga kilalang tao sila, sa Pilipinas at maging sa buong mundo, mga propesyunal o may-kayang tao, artista, bokalista, singer, pari, designer, at kung anu-ano pa. At dahil dito, naglaho angpangunahing mensahe nila.

Dahil hindi sila ang tamang tao para magsabi na hindi problema ang kahirapan dahil hindi naman sila mahirap. Hindi sila ang tamang tao para magsabi na hindi problema ang kawalan ng trabaho dahil may trabaho sila. Hindi sila ang tamang tao para magsabi na hindi problema ang kagutuman dahil malamang nagugutom lang sila dahil wala silang panahon kumain dulot ng kanilang trabaho o kung ano pa man, pero hindi dahil wala silang perang pambili ng makakain.

Pangalawa, hindi sila ang tamang tao, dahil isang tao lang na may-tama ang magsasabi na hindi problema ang mga ito at ang pangunahing problema ay ang kawalan ng pag-asa. Hindi ito kaso ng kung paano titingnan ang isang baso: kung kalahating puno o kalahating kulang. Sa lipunan, may mga bagay na mapagpasya at nagtatakda, at may mga bagay na bunga o resulta ng nauna. Para sa mga anakpawis na sobra-sobra ang paghihirap sa ilalim ng kasalukuyang sistema, ang kawalan ng pag-asa, kung taglay nila ito, ay bunga lang ng kalunus-lunos na kalagayan nila sa buhay sa gitna ng matinding krisis ng Pilipinas at pagpapabaya sa kanila ng estado.

Pangatlo, napakahalaga ng may positibong pananaw sa buhay sa kabila ng maraming problema. Binibigyan tayo nito ng lakas ng loob para maharap ang mga suliranin sa buhay. Pero hindi nito mismo nilulutas ang mga problema kundi isang kasangkapan lamang. At sa ilang kaso, kahit napakapositibo pa ng ating pananaw, pwedeng hindi pa rin tayo makahanap ng kalutasan at tuluyang magapi ng ating problema. Kung totoo sa layunin nila ang AKOMISMO, ito ang nakikita kong gusto nilang ikintal sa mga tao. Pero ang positibong pananaw, ang pagkakaroon ng pag-asa, kung itatambal naman sa bulag na pananaw sa aktwal na mga kaganapan ay mawawalan din ng saysay. Magiging mapanganib pa ito, kung magsisilbi itong pantabing sa totoong problema.

Kung hindi alam kung ano ang problema, hindi mahahanap ang solusyon. Kung mali ang nakikitang problema, mali rin ang mabubuong solusyon. Ang suliranin ng lipunang napakalaki. Kung hindi pa natin ito wastong masusuri, paano pa natin mahaharap ito at mapapangibabawan?
Ako mismo. Napakahalaga na kumilos mismo ang tao para sa ikalulutas ng problema. Pero ang pagkilos ay pangalawang bahagi na ng pormulasyon. Buong tatag man nating suungin ang agos ng pakikibaka sa buhay, kung mali naman ang direksyon na tinatahak sa una pa man, kahit gaano kalayo ang ating marating, baka matagpuan lang natin ang ating mga sarili sa mas masahol na kalagayan kaysa noong una.


Responses

  1. tama ka sa mga obserbasyon mo…..pumunta rin ako sa site nila…..sabi ko nga…another publicity machinery na kung sino ito….kaya atubili pa rin akong mag-sign doon….

    • sa balita kagabi, kay manny pangilinan daw iyon. sabi balak din tumakbo pero itinatanggi niya. sayang lang ang perang ginastos sa ads na iyon. tsk tsk tsk.

      • ngeeh.. di na kayo masanay.. kung gusto nilang tumulong.. mag schedule sila ng pag-iikot sa buong pilipinas.. at magsimula silang magpamahagi ng bigas.. maisave man lamang nilang kahit isang araw.. ang pagkagutom ng kawawang mga nilalang


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: