Ipinaskil ni: diwa81 | Abril 7, 2009

Ang kawawang Chip Tsao


Mahirap ang gumawa ng satire, o magpatawa sa kalakhan. Hindi lahat, pwedeng maging komedyante, dahil hindi lahat marunong magpatawa. Kahit ang mga marunong magpatawa ay hindi kayang magpatawa sa lahat ng tao, sa lahat ng oras. Para maisakatuparan ang pagpapatawa, kailangang kilala ng nagpapatawa ang audience niya, gayundin, kailangang kilala siya ng audience niya. Ganito, sa tingin ko, ang kaso ni Chip Tsao

Noong una kong nabasa ang “The War at Home” ni Chip Tsao, tulad siguro ng karamihan sa atin, nagalit din ako sa kanya. Sabi ko, “Sino bang loko-lokong ito? Ang yabang.” Syempre, dahil iyon sa mga kataga niyang “Bansa ng mga alipin” ang Pilipinas.

Alam kong isa iyong satire, o pangungutya, pero kung ara kanino, hindi ko alam. Para sa akin hindi nakakatawa ang ginawa niya. Pero matapos kong mabasa ang artikulo dito ni Conrado de     Quiros sa Inquirer, biglang nagbago ang isip ko. Ang tanga ko. Kaya pala hindi ako natawa sa artikulo niya ay dahil hindi ko naintindihan ang pangungutya niya, o mas mahalaga, kung sino ang kinukutya niya.

Batay sa pagpapaliwanag ni de Quiros, ganito ang kuha ko sa sinulat ni Tsao.

Sa esensya, isa itong political satire, isang PANGUNGUTYA LABAN SA GUBYERNO NG TSINA. Pinupuna niya ang gubyerno nila dahil sa maling pakikitungo sa usapin sa Spratly’s. Alam naman natin na matagal nang pinag-aagawan ito ng maraming bansa kabilang na ang Tsina, Pilipinas, at maging ng Japan.

Ngayon, anong kapuna-puna sa ginagawa ng gubyerno nila? Naririyan ang Japan (na pinanggalingan ng karaokeng labis nilang kinagigiliwan ngayon) at Rusya (na nagturo sa kanila ng Marxismo at Leninismo) na AKTWAL na nakagawa ng karumal-dumal na mga krimen sa kanilang bansa noong nakaraan, at nananatiling hostile ang kanilang relasyon sa isa’t isa, pero heto’t hindi man lang mapagsabihan o harapin ng kanilang gubyerno. Alam naman na natin ang ginawa ng Japan sa Tsina noong WWII, ang nangyari sa Nanking at iba pa. Para sa Rusya ang alam ko lang ay iyong mga armadong komprontasyon at panggigipit nila matapos punahin ni Mao ang Rusya noong naghahari na ang rebisyunismo dito.

Sa kabilang banda, narito ang Pilipinas, na hindi nila kaaway, walang nagawang masama sa kanila, at may mahaba pa ngang kasaysayan ng mabuting relasyon sa kanilang bayan na nagsimula bago pa dumating dito ang mga Espanyol; narito ang Pilipinas na nagpapahayag din ng pag-angkin sa Spratly (na karapatan nating gawin; karapatan pa lang ito, hindi ibig sabihin na sa atin na nga) at bigla nilang tututukan ng mga bapor pandigma at pagbabantaan ng gera.

Sa madaling sabi, ang lakas ng kahol ng Tsina laban sa maliit at mahirap na Pilipinas dahil lang sa napakaliit na bagay at hindi pa maituturing na pinsala, samantalang sa dalawang bansa na aktwal nang nakapagdulot ng MATINDING PINSALA sa kanila, BAHAG ANG BUNTOT NILA.

Ang tanging mali sa artikulo ni Tsao, para sa akin, ay nagamit niya ang isang mapait, pero katotohanan tungkol sa Pilipinas para sa kanyang krusada laban sa gubyerno ng Tsina. Pero maaari pa ngang igiit, tulad ng sinasabi niya, na hindi niya intensyon ang laiitin ang mga Pilipino. Maaaring totoo pa nga ang nabanggit ni de Quiros sa maraming maling reaksyon at nangyari dahil sa isang satire. Kung titingnan pa ngang mabuti, baka hindi talaga tayo ang gustong sabihan ni Tsao na mga “alipin” kundi ang gubyerno nila. Isang elemento ng satire ay ang pagiging sarkastiko.

Tulad halimbawa ng mga kasong sinabi ni de Quiros. May dalawang empleyado ng korte ang lumapit sa kanya para magpatulong. Pinatalsik sa trabaho ang dalawa dahil lamang sa pagkakaroon nila ng relasyon. Sa pagtulong ni de Quiros, gumawa siya ng satire na artikulo tungkol sa kaso ng dalawa. Ang nangyari, dinemanda siya dahil sa artikulong ito, hindi ng mga taong sumisante, kundi ng dalawang ito mismo na tinutulungan niya dito.

Kay Tsao, hindi ako sigurado kung ganito nga ang kaso. Maaaring ang gusto talaga niyang tawaging “alipin” ay ang kanilang gubyerno. Pero ang malinaw, nasaktan tayo sa kanyang biro. Bakit? Kasi totoo!

Natural ang magalit kapag tinawag kang “bansa ng mga alipin.” Pero sa kaso ni Tsao, sa isang banda, kung tutuusin, dapat pa nga tayong magpasalamat. Nagalit tayo sa kanya dahil, malamang di sinasadya o subconsciously, tinawag niya tayong “alipin.” Pero siya ba ang dahilan ng pagkakaaliping iyon? Ang nakakalungkot dito, ni hindi nga niya intensyon na sabihin iyon sa atin. Ni hindi nga tayo ang kinakausap niya sa artikulo niya. Sa madaling sabi isa lang tayong footnote sa kanyang piyesa para sa kanyang krusada laban sa Tsina. Isang footnote na nabanggit niya lang at makakatulong sa kabuuang satirikong tema ng kanyang artikulo. Isang footnote na mahirap mang aminin, ay ang mapait na katotohanan.

Ito ang isa pang laman ng sinabi ni de Quiros, na lubos kong sinasang-ayunan. Nagalit tayo kay Tsao dahil tinawag niya tayong “alipin” pero laban sa tao, na araw-araw nagpapahirap sa atin, na matapos makapuslit sa pwesto ay nagkunyapit na dito at ginawa ang lahat para makapandambong, na nandaya pa para lang makapanatili pa sa pwesto, at ngayong papatapos na uli ang termino ay nagbabalak na huwag munang mapaalis para magpatuloy ang kanilang “negosyo”, laban sa taong ito hindi tayo nagagalit, hindi tayo bumubuhos sa mga lansangan at isigaw ang ating matinding pagkasuklam sa kanyang ginawang AKTWAL NA MGA KRIMEN sa atin. Bakit hindi tayo nagwala laban sa kanya, at kahit matapos niyang mag-sorry, tumayo tayo at sinabing: “I’m sorry madame president, but your sorry is not accepted!”

O mas mahalaga pa, bakit tayo nagagalit sa taong tumatawag sa atin na “alipin” pero hindi tayo magalit sa kapangyarihan o sistema na dahilan ng pagkaaliping ito? Dumating dito ang mga kano, inagaw sa atin ang kalayaan mula sa mga Espanyol, ginahasa tayo, minasaker, pero matapos tayong turuan na: “A is for ‘epol,'” ay tatangu-tango na tayong sunud-sunuran sa kanila; na matapos tayong pangakuan ng “kalayaan” at ibinigay nga ito pero patuloy pa ring iginapos sa leeg; matapos ang lahat ng ito, bakit hindi tayo magalit laban sa AKTWAL NA MGA KRIMEN ng US sa atin na dahilan ngayon ng pagtawag sa atin ng “bansa ng mga alipin.”

Galit tayong masabihang “alipin”? Baguhin muna natin ang ating kalagayan at lumaya mula sa pagkakaalipin, saka tayo umalma, bakit tayo tinatawag na alipin. Galit tayo kay Tsao? Lumaya muna tayo sa pagkakaalipin, paunlarin natin ang ating ekonomya para wala nang kailangang mangibang-bansa, at paunlarin din natin ang kultura natin na kahit sarili tayo, tingin natin sa sarili mababa (nagagalit lang tayo kapag ibang tao ang magsasabi nito sa atin, maliban sa US), at saka tayo sumugod kay Tsao. Para sa gayon, masasabi na natin sa kanya: “HIndi na kami alipin. Humanap ka na lang ng ibang joke.”

Magalit tayo sa ating imbing kalagayan at hindi sa taong nagtuturo lang sa kalagayang ito.  At pagkatapos, baguhin natin ang kalunus-lunos na kalagayang ito, saka tayo makipagpataasan ng ihi kay Tsao. Pero paano tataas ang ihi, kung hindi nga tayo makaihi nang hindi muna nagsasabi ng: “Sir, may I go out.”


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: