Ipinaskil ni: diwa81 | Marso 23, 2009

$165M bonus


Gusto mo bang kumita ng mahigit $1milyon bilang bonus pa lang? Simple lang. Magtayo ka ng malaking kompanyang pampinansya, tulad ng AIG, mag-invest ka sa iba’t ibang institusyon, tulad ng mortgage bubble, at lusawin mo ang bilyun-bilyong pondo ng kumpanya sa isang iglap. At sigurado, gagantimpalaan ka ng milyun-milyong regalo.

Mistulang kulang pa ang dinanas ng mga mamamayan ng US sa krisis pampinansya, nitong nakaraang linggo, sumingaw na naman ang panibagong kontrobersya sa gitna ng pagsisikap ng gubyernong US na isalba ang ekonomya nila. Umani ng maraming kritisismo ang gubyernong Obama dahil sa pagbibigay ng $165 milyon bilang bonus ng mga board of director ng AIG.

Matatandaan na isa ang AIG sa mga unang bumagsak noong Oktubre ng nakaraang taon. Ito ang pinakamalaking insurance company sa mundo. Ngayong taon, inaprubahan na ang bailout para sa mga kumpanyang bumagsak dulot ng krisis. Isa na nga dito, ang paglalaan ng $165 milyon bilang bonus ng mga susing empleyado ng kumpanya. Sa pangyayaring ito, marami tuloy ang nagtatanong, maging ang mga mambabatas na nag-apruba sa panukalang pondo sa bailout, kung ano ba ang plano ng gubyerno para maisalba ang ekonomya.

Simula ng pagputok ng krisis, umaabot sa mahigit kalahating milyong tao ang natanggal sa kanilang trabaho sa US kada buwan. Ang datos na ito ay noong hindi pa sumasabay ang industriya ng kotse. Milyun-milyon ang nawalan ng tirahan, at patuloy pang dumadami ang mawawalan dahil hindi makapaghulog sa bahay nila. Kaya naman, nang mabalitaan nilang tumanggap ng milyun-milyong dolyar bilang bonus ang mga board of director ng AIG, ang mga mismong opisyal ng kumpanya na responsable sa kinasadlakan ng kumpanya ngayon, hindi maitago ang galit ng mga mamamayan, partikular kay Secretary of Treasury Geithner.

Paliwanag ng White House sa mga bonus, wala silang magawa dahil iyon ang nakasaad sa kanilang kontrata bago pa man. Isa pa, pang-ingganyo di umano ito sa mga opisyal para huwag umalis sa kumpanya dahil kailangan daw sila para malutas ang problema. Oo nga naman. Alam na alam nila ang problema, dahil sila ang may gawa nito.

Dagdag pa ni Geithner, “tinatanggap ko ang buong responsibilidad, pero hindi naman ako ang may gawa ng lahat ng ito.” Naghain ng pagbibitiw si Geithner bilang kalihim, pero mabilis siyang ipinagtanggol ni Obama at hindi ito tinanggap.

Naaalala ko tuloy ang kwento tungkol sa golden kuhol noong panahon ni Marcos. Dinala ni Imelda dito ang mga kuhol mula sa Japan para mapagkakitaan umano ng mga magsasaka. Nang lumabas na peste pala ang mga kuhol sa palay, at malaking problema pa rin sila ngayon, napakabilis ng gubyerno ng Japan na magbigay ng solusyon para mapuksa ang peste, sa tamang presyo syempre.

O kaya ang ginawa ni Gloria sa isang SONA niya. Sa kabila ng maduming rekord, pinapurihan pa Gloria si Palparan. Kung para sa pagpatay niya sa mga aktibista, hindi natin alam.

Ang pagkaganid ng mga monopolyo kapitalista

Inilalantad ng kaganapang ito ang labis na pagkaganid ng mga kapitalista. Sa kabila ng malagim na pinsala ng krisis, nakuha pa ng mga ito na bigyan ang mga sarili nila ng pagkalaki-laking bonus. Tandaan na bonus pa lamang ito, hindi pa ang mismong sweldo nila, na umaabot ng hanggang $30,000 kada araw sa trabaho. Sino ang nagbigay sa kanila ng ganito kalaking sweldo at bonus, natural ang board of director ng kumpanya. Oo nga pala, sila iyon.

Ang nakakapagtaka dito, hindi ba alam ng gubyernong Obama ang ganito? Ang lumalabas, pinayagan nilang mangyari ito. Giit ng mga pumupuna sa hakbang, kahit nakasaad sa kontrata, may kapangyarihan namana ng gubyerno na pumasok sa bagong kontrata. Ikaw ba naman na magbubuhos ng bilyun-bilyong dolyar para ibigay lang sa isang pribadong kumpanya, tapos wala kang kapangyarihan na magpasok ng mga pagbabago sa kumpanya para isaayos ito? At pera ng taumbayan ang ginamit para dito, ang mga mamamayan na nawalan ng trabaho dahil sa krisis na gawa ng mga ganid na taong ito.

Unang-una, ipinapakita ng buong krisis ang kabulukan ng kapitalistang sistema. Pabugsu-bugsong krisis, walang kontrol na siklo ng pag-unlad at pagbagsak, puno ng ispekulasyon, pandaraya, at lamunan ng dambuhala, ganito sa esensya ang katangian ng sistema. Pinalala pa ito ng globalisasyon ng “malayang pamilihan” na inilako ng US sa buong daigdig, ginagawang bukas ang lahat ng bansa para sa kanilang pandarambong, at ang krisis na hatid nito.

Mula pa dekada 1970 ang ugat ng kasalukuyang krisis, at walang nagawa ang US kundi ang ipagpaliban lang ang epekto, para lamang muling sumulpot kada dekada, nang mas malalim at matagalan. Hanggang sa rumurok na ito sa kasalukuyang krisis.

Sa kabila ito ng kapangyarihan sa ekonomya na walang kapantay ngayon sa daigdig. Hindi kaya, at mukhang walang kapasyahan, ang US na lutasin ang krisis. Ang tanging kaya lang nila ay ang payamanin ang mayayaman, at pahirapin pa ang mahihirap na.

At ito ang pangalawang makikita dito, ang pagkaganid ng mga kapitalista. Sila na ang may likha ng krisis na ito, sila pa ang gustong kumita mula dito. Ayon nga sa isang editoryal, “ninanakawan nila ang mga nanakawan para gantimpalaan ang mga magnanakaw!”

Sa huling 3 dekada, masugid nilang inilako ang globaisasyon. dito mahigpit nilang isinulong ang di pakikialam ng gubyerno sa usapin ng ekonomya. ngayong pumutok ang krisis, at nagbagsakan ang mga dambuhalang kumpanya, nagkakandarapa sila ngayon sa paghingi ng rescue package mula sa gubyerno, na malugod namang sumunod. Pinatunayan lang nila ang kabuktutan ng globalisasyon. para na rin nilang nilamon ang kanilang isinuka, kahit gaano kabaho at kabulok na ito, at patay-malisyapa rin sila at ayaw itong aminin.

Obama para sa pagbabago?

Noong tumakbo si Obama noong nakaraang taon, tumakbo siya sa ilalim ng linyang “Pagbabago.” Parang ang sarap isipin, mala-eksena sa pelikula, isang itim ang nanalong presidente ng US. Pero ano nga ba ang nagbago matapos siyang manalo? Mabilis na nasusubok ngayon ang katapatan niya sa mga pangako niya noon. Sa mga pangyayari nitong nakaraang linggo, at kung magpapatuloy pa ang ganito, mukhang maagang mawawala ang halina niya sa US at sa buong daigdig.


Responses

  1. I agree. sana ay hindi niya malimutan ang kanyang mga pangako at hindi ito mauwi sa retorika.

    • salamat sa opinyon at sa pagbabasa


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: