Ipinaskil ni: diwa81 | Marso 22, 2009


Marso na, ang buwan ng pagtatapos sa mga paaralan. Marami na namang magtatapos sa iba’t ibang antas, marami rin namang hindi magtatapos, at mas maraming hindi makatapos dahil hindi naman makapag-aral.

Kung titngnan, para ang swerte ng mga magtatapos ngayon kumpara sa mga hindi pinalad. Pero masasabi nga ba silang swerte? Ano nga bang naghihintay sa mga magtatapos ngayon sa kolehiyo?

Tinatayang halos kalahating milyon ang magtatapos ngayon sa kolehiyo. Sa kanilang pagtatapos, mula sa entablado, marami sa kanila ang diretso sa pila ng mga taong naghahanap ng trabaho, o 7.7% ng mahigit 60 milyong Pilipinong bahagi ng lakas paggawa ayon sa datos ng gubyerno.

Pero alam naman natin ang husay ng gubyerno sa pagpapababa sa bilang ng disempleyo sa bansa. Hindi sa pamamagitan ng paglikha ng trabaho kundi sa pamamagitan ng pagdoktor sa pamantayan ng walang trabaho para mapababa ang datos. Sa kanilang pamantayan, kapag hindi ka AKTIBONG NAGHAHANAP ng trabaho, hindi ka kabilang sa lakas paggawa o labor force.

Marami ang pumuna sa pigurang 7.7% kahit sa hanay ng mga trapo. Sa pagtaya ng IBON, maaaring umabot pa nga sa mahigit 10% ang pigura, kung isasama ang mga kulang ang trabaho, na isinama ng gubyerno sa kanilang bilang ng may trabaho kahit kulang o halos hindi na nga maituturing na trabaho ang klasipikasyong ito.

Noong tinatanong ang DOLE kung gaano kalaki ang magiging epekto ng tanggalan ng trabaho dulot ng krisis sa buong daigdig, hindi sila nagbigay ng datos. Sa madaling sabi, ganoon kalaki. Batay sa huling ulat, umaabot na sa halos 300,000 ang nawalan ng trabaho mula Oktubre ng nakaraang taon; at nasa unang kwarto pa lamang tayo ng taong 2009. Sinasabi ng mga ekspertong ekonomista, kapwa konserbatibo at makatotohanan, na hindi pa nararating ang pinakailalim ng pagbulusok sa ekonomya ng mga tinamaan ng krisis. At tatagal pa ang pagbagsak na ito ng ilang taon, hanggang isang dekada pa nga.

Ang nakakalungkot pa, ang bilang nilang bagong dagdag sa bilang ng naghahanap ng trabaho aymahihigitan na ng pila ng mga natanggal sa trabaho ngayong taon. Parang mga sundalong patungo pa lang sa malagim na gera, kapwa puno ng kaba at kasabikang ipakita rin ang kanilang natutunan, na makakakita sa isang tren na galing sa frontline, lulan ang kaparehong bilang ng sundalo na puno ng benda, putol na mga paa at braso, o pantay na ang mga paa.

Ganyan ang kapaligiran na dadatnan ng mga magtatapos ngayong taon. Sa buhay ng estudyante, ito na sana ang pinakamaligayang araw nila sa buhay eskwela, ang pagtatapos ng lahat ng paghihirap, puyatan, at teror na mga propesor; at simula ng buhay bilang nagsasariling indibidwal. Ang pinakamatamis na sandali sa transisyon ng pagiging estudyante at pagiging pormal na myembro ng lipunan.

Pero ang tamis ay kagyat na ngayong napalitan ng pait. Sa kabila ng lahat ng ito, ano ang makikita nilang ginagawa ng gubyerno? Ang di matapos-tapos na kaso ng korapsyon at katiwalian.

Ayaw ibigay ng gubyerno ang totoong larawan para hindi umano lumikha ng panik sa mamamayan, pero sila naman itong nagkakandarapa sa pagnanakaw ng natitira pang makukulimbat nila sa mga Pilipino.

Kapag may sunog, dapat mong patunugin ang batingaw, hindi para magkagulo ang mga residente, kundi para ipaalam na may sakunang kailangang harapin at tugunan.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: