Ipinaskil ni: diwa81 | Marso 18, 2009

Subic Rape Case


Matapos ang mga bagong kaganapan kaugnay ng kaso ni Nicole, ang kailangang gawin ng Pilipino ay hindi ang kagyat na manghusga, kundi ang mahinahon at masusing magsuri sa buong pangyayari.

Ganito rin ang naging pahayag ng grupong Grabiela sa gitna ng kontrebersyal na pagbaliktad umano ni Nicole sa nauna niyang pahayag sa korte kaugnay ng kaso.

Ayon sa bagong salaysay ni Nicole, nagdududa na siya umano kung may nangyari ngang panggagahasa; malamang umano ay naparami ang nainom niya at maaaring siya mismo ang nagbigay ng pagpapahiwatig kay US Serviceman Daniel Smith na gusto niya itong makatalik.

Hindi maikakaila, sa unang tingin, nakakadismaya ang ginawang pagbaliktad ni Nicole na ngayo’y nasa US na umano. Marami ang nahihiya sa ginawa niya, at nagsasabing ipinahiya niya ang mga Pilipino sa buong mundo. Pero depensa ng dating abugado ni Nicole na si Atty. Ursua (binitawan na ni Nicole si Ursua bilang abugado noong nakaraang araw matapos ang tatlong taon) na hindi si Nicole ang gumawa ng naturang pahayag. Batay sa pagkakakilala niya kay Nicole, hindi ganoon kasupistikado si Nicole kung ikukumpara sa pagkakasulat ng pahayag. Mapapansin din na ganoong-ganoon din ang depensang ginamit ng kampo nina Smith sa paglilitis sa korte.

Matapos ang mahabang paglilitis sa Makati Regional Trial Court, sa sala ni Judge Pozon, napatunayan ng hukuman na walang batayan ang depensa ng mga nasasakdal at kinatigan nito ang naunang salaysay ng kampo ng biktima. Nakabinbin ngayon sa Court of Appeals ang apila ng kampo ni Smith.

Sa ngayon, napakarami pang hiwaga ang bumabalot sa mga bagong pag-unlad sa usapin. At marami pa sa kasalukuyan ang ispekulasyon mula sa magkabilang kampo. Sa likod ng lahat ng ito, pumapasok ang pananaw ng grupong Gabriela, at lubos kong sinasang-ayunan, na unawain ang sitwasyon ni Nicole.

Ang isang dapat maunawaan ay lumaki na ang usapin nang lampas pa kina Nicole at Smith. Hindi na lamang ito simpleng kaso ng panggagahasa ng isang indibidwal laban sa isa pa. Nakubbawan na ito ng panggagahasa ng imperyalismong US laban sa mamamayang Pilipino. At lubhang napakakomplikado ng mga bagay-bagay para magpadalus-dalos sa mga reaksyon dito.

Unang-una, hindi madali para sa mga kababaihan ang umaming nagahasa, kahit sa kabila ng matinding pagsusumamo ng katarungan. Ito ang masaklap na katotohanan sa halos lahat ng kaso ng panggagahasa. Dahil ito sa malaking kahihiyang idudulot sa pagkatao ng biktima, lalo na sa lipunang hindi pa handang umunawa sa kalagayan ng mga kababaihan. Ano man ang mangyari, maireklamo man o hindi, manalo man sa kaso o hindi, maparusahan man o hindi ang salarin, malaki ang epekto ng mismong pangyayari ng panggagahasa sa biktima na hindi na mawawala sa buong buhay niya.

Kaya sa kaso ni Nicole, ang lumantad at magreklamo na ginahasa siya noon, at panindigan ito sa loob ng mahabang proseso ng paglitis sa kaso, at tatlong taon ng pag-aapila ng salarin, hindi madaling bagay ito. At gaya nga ng sinabi rin ng dating abugado niya, hindi ito basta-basta mabubura ng bagong salaysay kahit ng biktima mismo. Hindi pa tiyak kung ano nga ba ang nasa likod ng pagbaliktad ng pahayag niya, pero isa ang nasisiguro ko, malalim ang dahilan nito.

Pangalawa, hindi basta-basta ang kalaban ni Nicole, hindi lang ang mismong gumahasa sa kanya noong gabi ng 1 Nobyembre 2005. Sa totoo, ang kalaban ni Nicole dito ay dalawang gubyerno, ang gubyerno ng US, na kinakatawan ni Smith at mga kasabwat, at gubyerno ng Pilipinas, sa pamamagitan ni Raul Gonzales. Matatandaan na si Gonzales mismo ang tila nag-aabugado sa mga akusado. Kulang na nga lang ay kasuhan na niya ang biktima at bigyan ng medalya ang mga akusado.

Dito, napakalaki na ng ginawa ni Nicole. Noong una, nagpalit pa ng mga hukom na hahawak sa kasong ito. Mistulang takot ang mga husgado na hawakan ang kaso. Samantalang ang gagawin lang naman nila ay dinggin ang kaso at magbigay ng hatol batay sa paglilitis na ito; hindi naman sila ang kalaban ng akusado.  Samantalang si Nicole, kasama ang iba’t ibang grupong sumusuporta, buong tapang na nagpursigeng matuloy ang kaso. At sila ang nagwagi.

Pangatlo, at ugat ng pangalawa, dahil sa kaso, nayugyog at nasa bingit ng alanganin ang mismong pundasyon ng ugnayan ng dalawang bansa, ang US at Pilipinas. Noong panahon ng paglilitis, ginawa ng US ang lahat ng hakbang para makaligtas sa proseso ng paglilitis, ngunit bigo.

Ito ay para maprotektahan ang imahe ng US sa buong mundo, lalo’t nasa panahon iyon ng “gera laban sa terorismo.” Malaki na ang nawala sa kanilang prestihiyo sa militar dahil sa mga pagkatalong tinamo nila sa Iraq at Afghanistan at hindi makakatulong ang panibagong kaganapan noon. Napabalita pa nga noon na iniipit ng US ang guyernong Arroyo para ibasura ang kaso sa pagamit sa kaso ni JocJoc Bolante. Matatandaan na nanganganib din si Arroyo noon dahil sa kaso ng Fertilizer Fund Scam.

Ngayon, hindi malayo at malamang na totoo na nadadamay ulit ang kaso kaugnay ng usapin sa VFA. Dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema nitong nakaraan sa kostudiya kay Smith, nalagay din sa alanganin ang VFA. Maraming Senador ang kumwestyon dito dahil sa mga di pantay na probisyon at nagpapanukalang ibasura na ito.

At ito ang pinakamalaking salik sa usaping ito, na malamang na nasa likod ng ginawa ni Nicole at dapat nating maunawaan. Hindi pwedeng mawala sa US ang VFA; kung ipupursige ni Nicole ang kaso, malamang na ganito ang mangyari. Kaya kailangang mawala sa landas nila si Nicole. Malinaw na malinaw ang motibasyon ng gubyrenong US para mabasura ang kaso. At sa rekord ng bansang ito, hindi imposible ang pwersahin ang isang tao na magbago ng pananaw.

Matindi ang hambalos ng krisis sa US na gumimbal sa kanilang pusisyon sa mundo bilang superpower. Sa kabilang panig naman, nagdulot ito ng pagbabago sa hanayan ng pwersa sa daigdig at pumopostura ngayon ang Tsina na maging dominante sa rehiyong ito ng Asya kung saan matatagpuan ang Pilipinas. At ang VFA ang unang linya ng depensa ng US dito sa usaping militar.

Ito ang dahilan sa mga pang-iipit nitong nakaraan sa Pilipinas; ang paglalabas ng WB sa mga anomalya sa mga proyekto ng gubyerno; ang pagkundena sa kalagayan ng karapatang-tao sa bansa; at iba pang negatibong puna sa bansa at sa administrasyon, para brasuhin ang guyerno at magamit na sandata. Ito ang mas malaking usapin na nakakubabaw sa kaso ni Nicole kaya siya naiipit ngayon. At sa ganito kalaking dambuhalang nakadungaw sa kanya, sino ba tayo para husgahan kaagad siya?

Ang dapat gawin natin ngayon ay higit pang magkaisa sa likod ni Nicole at lahat ng kababaihang Pilipino. Laksan pa natin ang nagkakaisang boses para sa katarungan.

Ginahasa noon si Nicole, ginagahasa ulit siya ngayon dahil lang sa pagkaganid ng US. Kung kayo ang nasa kalagayan niya, ano nga ba ang gagawin ninyo?

(para sa timeline ng kaso: http://www.gmanews.tv/story/153081/Subic-Rape-Case-Timeline)


Responses

  1. Totoo, napakalaki ng naging kalaban ni Nicole. Napakalaki ng hiningi sa sambayanan.

  2. oo nga e. hindi kaya nagalit din siya sa atin? kasi naging kakabit ng anti-VFA ang kaso niya. minsan nga, parang iyon pa ang naging pangunahing argumento laban sa VFA.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: