Ipinaskil ni: diwa81 | Marso 5, 2009

Isang Bilyon


04 March 09

Kahapon, lumabas sa mga balita ang iba’t ibang reaksyong inani ng pahayag ni Sen. Villar kamakailan. Ayon kay Villar, kakailanganin ng isang kakandidatong presidente, ng 1B piso para makakandidato. Marami ang sumagot, lalo sa mga nagbabalak tumakbo sa pagkapang[g]ulo; at iisa halos ang tinakbo ng kanilang reaksyon.

Pinulaan nila ang pahayag ng senador na nagpapahayag di umano, ayon kay Sen. Legarda, na isa ring nagbabalak kumandidato (nagbabalak ba o nangangampanya na?) na kung sino ang may pera, siya ang maghahari. Halos ganito rin ang sinabi ng isa sa dating hinahangaan kong kongresista na ngayo’y Sen. Escudero. Aniya, parang hahayaan na lang natin ang pagiging presidente sa mga tulad nina Lucio Tan at mga katulad na mayayaman.

Pero ano nga ba ang mali sa pahayag ni Villar? Sa tingin ko, nagiging hipokrito lamang ang mga politikong ito. Sa katunayan, totoo naman talaga ang sinabi ni Villar.

Maaaring pagtalunan kung magkano nga ba ang kailangan para makatakbo sa darating na eleksyon: 100 milyon, isang bilyon o sampung bilyon. Pero pareho lamang iyon sa esensya. Kailangan mo ng pera, ng maraming-maraming pera bago ka makakandidato sa eleksyon.

Tanungin niyo na lang ang COMELEC at katulad rin ng pahayag ni Villar ang magiging tugon sa inyo, hindi man sa parehong mga salitang ginamit ng senador pero ganoon din ang kahulugan. Bago aprubahan ang pagkandidato ng isa, isinasaad sa batas na kailangang bahagi ng isang makinaryang pampulitika ang kakandidato na kayang mangampanya sa pambansang saklaw. Bahagi nito ang pagiging kasapi ng isa sa mga malalaking partido ngayon. Sa madaling sabi, kailangang may pera ka! Kung hindi, matatatakan kang “NUISANCE CANDIDATE” (maliban kung si Eddie Gil ka o may kapangalan sa kalabang kandidato ng administrasyon).

Kahit sa aktwal na mga eleksyon sa nakaraan natin titignan, darating pa rin tayo sa parehong kongklusyon. Pansinin ang mga ulat sa mga pahayagan habang at matapos ang panahon ng pangangampanya kung gaano kalalaki ang ginagastos ng bawat kandidato. Sa tingin ko, hindi na kailangan pang magpalawig dito.

Kaya’t sa huli, ano nga ba ang makikita?

Natatawa na lang ako sa mga katulad nila Legarda at Escudero sa pagiging plastic nila. Pero hindi nito ibig sabihin ang kabaliktaran kay Villar. Hindi ko siya pinupuri at lalong hindi ako boto sa kanya dahil sa ginawa niya. Dahil ang ginawa lamang naman niya ay ang sabihin ang matagal nang alam ng mga Pilipino, ika nga, wala nang bago.

May ilan lang kulang sa pahayag ni Villar. Ang tamang pahayag dapat: SA ILALIM NG BULOK NA SISTEMANG ITO, kailangan ng isang bilyon o higit pa kung maaari para makatakbo sa eleksyon at magkaroon ng tyansang manalo. Tandaan na hindi lang naman sa kampanya gumagastos ang kandidato, maging matapos ang botohan at sa panahon ng bilangan ng boto! At hanggat nananatili ang ganitong sistema, patuloy ang kasalukuyang kalakaran sa eleksyon sa Pilipinas.

Kung babaguhin ang ganitong kalakaran, hindi dapat mula sa mga tulad nina Legarda at Escudero manggaling ang pagtutol. Dapat manggaling iyon sa sambayanang Pilipino dahil sila ang tunay na babago sa kaayusan para sa ikabubuti ng nakakarami, nila, at hindi ang mga politikong ito na babago sa kalakaran para lamang umayon sa sarili nilang kagustuhan.

Palapit na ang eleksyon sa susunod na taon (kung matutuloy!), magkano na kaya ang nagastos ng mga politikong lumalabas ngayon sa telebisyon, radyo, dyaryo at naglalakihang billboard?


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: