Ipinaskil ni: diwa81 | Marso 5, 2009

Hay Buhay! (Karugtong)


…Ang pinakanakakalungkot sa kaso ng Alabang Boys, hindi naman talaga dapat ito ang pinagtutuuan ng malaking pansin. Sa totoo lang matagal nang alam ng mga Pinoy ang nangyayaring suhulan sa iba’t ibang sangay ng gubyerno at kahit sa labas ng gubyerno. Wala naman nang bago para umabot pa ng halos dalwang buwan na ngayon. Nagiging telenobela na tuloy. Pinapaikut-ikot na lang kasi mabenta pa sa mga manonood.

Kung sabagay, hindi kataka-taka kung pahabain pa ang isyung ito. Sa paglapit ng 2010 elections, maganda nga namang pang-photo ops ito.

Ang isang dapat subaybayan na usapin ngayon ay ang usaping bumabagabag sa buong mundo ngayon: ang pandaigdigang krisis sa pinansya. Natatandaan ko noong nakaraang taon, buong pagmamayabang pang sinabi na hindi maaapektuhan ang Pilipinas, may matatag daw na pundasyon ang ekonomya at natuto na tayo sa 1997 Financial Crisis para madamay sa paglubog. Ewan ko kung may naniwala, kinailangan pang ulit-ulitin ito ng rehimen. At ang ipinagmamalaki, ang mga OFW at turismo. Kaya, ang US, Japan, Europe at iba pang industriyalisadong bansa, nalubog sa krisis sa kabila ng naglalakihang ekonomya nila, pero tayo hindi dahil kaya nating magpadala ng mga Pinoy sa ibang bansa para magtrabaho?

Ngayon, malinaw na nating nakikita ang matinding epekto ng krisis sa atin. Totoo, na hindi kaagad ito dumating sa atin, pero hindi ibig sabihin hindi na darating, at ni hindi rin mababawas ang tindi. Sigurado pa ngang mas malakas ang magiging epekto. Unang buwan pa lang ng taon, umaabot na sa mahigit 40 libong tao ang nawalan ng trabaho. Tatlong libong OFW ang nawalan ng trabaho sa loob lamang ng isang buwan. Marami pa ang nagpapahayag ng pagbabawas ng manggagawa, oras paggawa, at pasahod.

Ano nga ba ang nagpapatakbo sa ating ekonomya at paanong tiyak na tatama sa atin ang krisis?

Una, ang pangunahing pinagkukunan ng kita ng bansa ay mula sa eksport, pangunahin ng mga semi-conductors, electronics, textile, at iba pang mala-manupaktura. At ang pangunahing pupuntahan nito ay ang US! Ayon sa datos ng gubyerno, aabot sa 20% lang daw ito ng kabuuan. Pero sa aktwal umaabot pa nga sa 25 %. Hindi pa kasama diyan ang iniluluwas sa China, na patungo rin sa US. Kung noong bago pa pumutok ang krisis, malaki na ang ibinaba ng kita mula dito dahil sa malakas na kumpitensya ng China, ngayon pa kaya na liliit ang demand ng US para sa mga produktong ito?

Pangalawa, sa kabila ng liliit na kita sa eksport, hindi naman tatakbo ang ekonomya kung hindi tayo mag-aangkat ng mga industrial products mula sa US.

Ang resulta ng dalawa, depisito sa kalakalan. Sa madaling sabi, mas malaki ang ginagastos kaysa kinikita.

Pangatlo, dahil hindi kayang punuan ito ng lokal na produksyon na pangunahing agrikultural, ang magiging salbabida ng gubyerno ay UTANG! Pero alam naman natin na nagsimula ang kaguluhang ito mula sa walang habas na pagpapautang noon sa US na hindi nabayaran kalaunan. Natural lang na naghigpit na ang mga bangko sa paglalabas ng pera lalo’t para sa pautang. Kaya, siguradong mahihirapan ngayong makautang ang gubyerno mula sa mga dayuhang bangko; makautang ma’y siguradong mas mabigat ang kundisyon sa pagbabayad. Sa tingin ko nga, ito ang dahilan kung bakit biyahe nang biyahe ngayon ang pangulo, para maghanap ng mauutangan.

Pang-apat, sa kabutihang-palad ng gubyerno, nakahanap ito ng pampuno mula sa remitans ng mga OFW na malaki ang naging bahagi sa kita ng bansa. Isa ito sa idinadahilan para makaraos tayo dito, tinutukoy pa ang tumaas pa ring remitans para sa taong 2008. Pero noong 2008 iyon kung kailan kapuputok pa lang ng krisis. Sa pagliit ng ekonomya sa buong daigdig at pagbagal ng produksyon, sinong mangangailangan pa ng mga manggagawa, huwag nang sabihin pang mga dayuhang manggagawa?

Nasa unang kwarto pa lang tayo ng taon, malayo pa ang lalakbayin. Marami pang magaganap. Ilang buwan na ang nakalipas nang pumutok ang krisis, pero sa totoo, kasisimula pa lang nito; parang haring araw na sumisilip pa lang ang sinag sa silangan. At kahit sinong tanungin niyo, iyon ay, iyong matino at matapat sumagot, tatagal pa ito ng ilang taon, kundi man hanggang dekada.

Ang Great Depression noong dekada 1930 ay tumagal halos isang dekada. Ang krisis ngayon ay sinasabing mas malala pa dito, ang tinaguriang “Greater Depression!”

Sa gitna ng karimlang ito, may makikita pa ba tayong liwanag sa dulo ng kweba? Kung magbubulag-bulagan tayo baka hindi na nga, at habang buhay nang malibing sa kumunoy na kinasasadlakan natin ngayon.

Ang solusyon……….


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: