Ipinaskil ni: diwa81 | Pebrero 19, 2010

Morong 43

Apatnapu’t tatlo ang nadakip na pinaghihinalaang NPA habang kasalukuyang nagtetreyning umano sa paggawa ng bomba. Ayon sa AFP, ito na raw ang pinakamalaking bilang ng nahuli nila at isa itong napakalaking dagok sa kilusang komunista.
At ito na rin marahil ang pinakatangang operasyon at paratang na ginawa ng AFP laban sa maka-kaliwang grupo.
Sinong maniniwala na 43 health worker, kabilang ang dalawang doktor, ang magtetreyning sa paggawa ng bomba sa isang farm house sa Morong, Rizal, ilang kilometro lang ang layo sa Maynila? At sa aktwal, wala ngang naniwala, kapwa sa loob at labas ng bansa, maliban siguro sa mga may takip na pula sa mata at walang ibang nakikita sa mga taong hindi naniniwala sa mga kasinungalingan nila kundi komunista.
Totoong NPA ang 43. Iyan ang walang kakurap-kurap na giit ng AFP. Anong ebidensya? May mga bombang nakita sa ilalim ng higaan ng mga nadakip, kasama ang iba pang gamit sa paggawa ng bomba, mga baril, at iba pa. Pero hayaan na natin sa korte pagpasyahan kung totoo nga ang mga ebidensyang nakuha at hindi itinanim ng mga lumusob na militar matapos palabasin ang lahat ng tao sa loob ng farm house. Ang iba namang ebidensyang hawak ng AFP ay sapat na para patunayan ang kanilang mga paratang.
Una, abugado nila si Romeo Capulong, na abugado rin ni Joema Sison! Komnista!
Pangalawa, nagtataas-kamao sila! Kakila-kilabot!
At panghuli, armado sila ng mga acupuncture needles. Tatak ng NPA! Diyos Mahabagin!
Bitbit ang mandamyento de aresto para sa isang Mario Condes, nilusob ng daan-daang pulit at militar ang farm house ng isang Dra. Velmonte, konsultant ng UP-PGH, tinutukan ang mga katiwala ng lugar, dinakip ang mga dumadalo sa sinasabing treyning, pinosasan, piniringan, at matapos ang buong operasyon, walang Mario Condes ang nahuli. Halos dalawang linggo ang makalipas at walang kumagat sa una nilang paratang na gumagawa ng bomba ang 43, sinasabi ngayon ng AFP na totoong health workers ang 43, pero health workers ng NPA. At nagsasagawa sila ng treyning para sa mga medic ng NPA. Tapos igigiit nila na ang lahat ng ito ay bunga ng maingat na military intelligence?
Sa loob ng 36 oras, nanatiling nakaposas ang mga kamay at nakapiring ang mga mata ng 43. Hindi rin sila pinayagang makita ng mga kaanak at abugado, kahit na ng mga kinatawan ng CHR. Mahirap daw kasing matukoy kung sino ang totoong kaanak, pero ang mga abugado? Maka-kaliwa kasi ang CHR, laluna si Leila de Lima na kamag-anak ni Juliet de Lima, asawa ni Sison! Kasalanan pa ba ng CHR kung libu-libo nang maka-kaliwa ang pinaslang, dinukot, di makatwirang hinuhuli, at hinaras? O baka dahil hindi pa tapos ang pagtortyur sa 43? At wala daw intensyon ang AFP na pagkaitan ng karapatan ang mga hinuli!
Pebrero 10, ipinagutos ng Korte Suprema (SC) na iharap ng AFP sa Court of Appeals (CA) ang 43 para sa writ of habeas corpus. Noong araw na itinakda ng SC, wala ang 43; sa halip, isang pipitsuging koronel ang humarap sa CA para ipaabot ang malaking problema ng AFP: paano dadalhin ng isang dibisyon ng Army ang 43 “high risk” na mga NPA, na may komunistang abugado, nagtataas ng kamao at armado ng mga karayom, patunog sa CA? Eh, kung tambangan sila ng mga NPA? Malaking problema nga iyon, pero hindi na problema ng korte iyon. At lalong hindi dapat idagdag ang problemang iyon sa problema ng mga dinakip, lalo na’t may mga lumabas nang ulat ng pagtortyur sa kanila at di maayos na pagtrato sa kulungan.
Sa kabila ng malinaw na kapalpakan at pagmamalabis ng mga operatiba ng militar, pinaninindigan pa rin ng pamunuan ng 2nd ID ang ginawa ng mga tauhan nila. At sa kabiguan ng dibisyon na sundin ang utos ng SC, isang general order ang ang inilabas ng pamunuan ng AFP, hindi para partikular sa 2nd ID, kundi para sa buong AFP. At hindi pa nagtatapos doon, maging ang Malacañang ay nagpapahayag na lehitimo ang operasyon ng AFP noong Pebrero 6. Tapos itatanggi nilang may “culture of impunity” sa Pilipinas.
Patuloy na iginigiit ng AFP na NPA ang mga hinuli. Matapos ang dinanas nila sa kamay ng mga sundalo, hindi ako magtataka kung mag-NPA na nga ang mga ito pagkatapos ng lahat ng ito.
Mga aktibista, mamamahayag, taong-simbahan, human rights worker at kalaban sa pulitika; ngayon mga doktor naman. Saan ba magtatapos ang listahan?

Ipinaskil ni: diwa81 | Pebrero 12, 2010

Ang Ilusyon ni de Quiros

Bakit bumababa na ang rating ni Noynoy kumpara sa rating ni Villar?
Ito ang tinatangkang sagutin ni Conrado de Quiros sa dalawang artikulo niya na “Magic” at “Trust.” Tinatangka niyang pag-aralan ang maling tinatakbo ng kampanya ni Noynoy na dahilan ng pagbaba ng rating niya na halos nakahabol na si Villar.
Para sa kanya, ang rason ay hindi dahil nawala na ang “Cory Magic.” Sa halip, aniya, ito ay dahil hindi pa ginagamit ni Noynoy ang “Cory Magic.”
Pero makikita sa aktwal, sa pagtingin ko, na ang tuluy-tuloy na pagbaba ng rating ni Noynoy sa mga sarbey ay hindi dahil sa pagkawala o hindi paggamit, kundi dahil mismo sa “Cory Magic.” Dahil ang “Cory Magic” tulad ng anumang mahika, ay isang ilusyon lamang. Sa partikular, ang ilusyon ni de Quiros sa napakamakapangyarihang “Cory Magic.” At anumang ilusyon, sa pagdaan ng panahon, ay nawawalan ng bisa.
Hindi naman nagkulang ang kampo ni Noynoy sa paggamit sa “Cory Magic” na ito, tulad ng sinasabi ni de Quiros. Sa kabaliktaran, ito nga mismo ang sinamantala ng LP para itulak sa unahan ang kandidato nila. Matatandaan na ilang araw o linggo lang matapos ang pagpanaw ni Cory, at nagsimula na ang plano ng pagtakbo ni Noynoy bilang presidente, naglipana ang mga infomercial niya na halos magkakasabay na ipinapalabas sa iba’t ibang istasyon sa telebisyon, nang primetime, kung saan isang buong kanta ang haba sa tema ng “hindi ka nag-iisa” ni Ninoy noong namatay ito. Napalitan ito ng parehong palabas, ng parada ng mga artista, pero iba naman ang kanta. Pagkatapos, nagkalat rin ang mga dilaw na t-shirt na may mapa ng Pilipinas (o ibang kulay na damit at ang mapa ang dilaw), ang iba may mukha pa ni Ninoy.
Bahagi ng “Cory Magic” noong panahon ng Snap Elections ng 1986 ang pag-abstrakto sa eleksyon tungo sa isang laban sa pagitan ng mabuti at masama, ng dilaw at pula. Sa kampanya ni Noynoy, ito rin naman ang kabuuang estratehiya ng kampo nila, at siya ring ipinapanukala ni de Quiros. Medyo overacting pa ang dagdag niya na “pamimili ito sa pagitan ng buhay o kamatayan.”
Kaya kung titingnan lang nang mabuti, hindi nagkulang ang kampo ni Noynoy na samantalahin ang “Cory Magic” para sa kanyang bentahe, kabaliktaran ng iniisip ni de Quiros.
Pero ang pinakamahalagang usapin ay ano nga ba ang “Cory Magic?”
Sa tingin ko, kahit sundin ng kampo ni Noynoy ang mga payo ni de Quiros, wala ring mangyayari kundi ang patuloy na pagbaba ni Noynoy. Iyon ay dahil mali ang mismong pag-unawa o pagpapahalaga ni de Quiros sa “Cory Magic.”
Totoo ba ang “Cory Magic?” Oo. Pero kung ano iyon, doon nagkakaiba ang sagot ko kay de Quiros.
Ang “Cory Magic” ay hindi ang EDSA, hindi ang People Power, tulad ng sinasabi ni de Quiros. Sa halip, ang kabaliktaran ang totoo: nagkaroon ng “Cory Magic” dahil sa EDSA, dahil sa People Power!
Unang-una na, maling ipakahulugan na ang “Cory Magic” ang EDSA at People Power. Ang People Power ay nagsimula pa bago pa man at sa buong panahon ng Martila Law ni Marcos. Ito sa kabuuan ang nagpabagsak kay Marcos, mula sa unang termino pa lang niya hanggang 1986. Mali na sabihin na lumitaw lang ito noong 1986, o mula 1983 nang mamatay si Ninoy. Ang People Power ay ang paglaban ng mamamayan sa bulok na rehimeng Marcos. Ito ang pinagsama-samang kolektibong aksyon ng mamamayang Pilipino na nagpabagsak sa diktadura ni Marcos – mula sa mga naglalakihang rali ng FQS at bago pa niyon, hanggang sa mga welga at lakbayan ng mga manggagawa at magsasaka, sa martsa ng libing ni Ninoy, hanggang dumulo sa EDSA noong 1986.
Ang “Cory Magic”, sa kabilang panig naman, ay ang malakas na hatak ng panawagan ni Cory para labanan ang rehimen bilang pagpapatuloy sa laban ni Ninoy (sa ganitong aspeto pa nga, masasabing Ninoy Magic din ito). Maraming napalabas sa lansangan ang mismong panawagan ni Cory, kasama ni Sin at ng iba pang partidong lumalaban sa diktadura noon. Kaya marami, pero hindi lahat ng lumabas noon sa lansangan ay dahil sa “Cory Magic.” Ilang taon ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino, laluna ng masang anakpawis, at libu-libong buhay na inialay para dito, bigla-biglang lilitaw si Cory at sasabihing “Cory Magic” ang nagpabagsak kay Marcos? Dito lumalabas ang ilusyon ng “Cory Magic” ni de Quiros.
Makalipas ang mahigit isang dekada, muling sumiklab ang People Power na nagpatalsik kay Estrada. Muli, ang ilusyon ni de Quiros na ang “Cory Magic” ang gumawa nito.
Ngayon, nais ding ipasok ni de Quiros ang ilusyon niya ng “Cory Magic” sa kasalukuyang eleksyon. “Pamimili ng buhay at kamatayan,” oo, taman iyon. Ang rehimeng Arroyo ang kamatayan, sa talinhaga at literal na pakahulugan. Pero ang tanong nga mismo ay sino ang kumakatawan sa buhay? Noong panahon ni Marcos, pwede pang sabihing si Cory ang kumatawan doon, pero hindi dahil sinabi niya o dahil likas na taglay niya iyon, kundi dahil siya ang pinili ng mamamayan, ng People Power, na kumatawan doon. Basta ang pinakamahalagang bagay noon ay ang maalis si Marcos. Pero noong 1986 pa iyon. Ilang panahon na ang nakalipas at nadagdag na karanasan ng mamamayang Pilipino sa kolektibong paglaban sa mga bulok na rehimen. Sa kasawiang-palad, tulad ng kampo ni Noynoy mismo, mukhang naiwan na rin ang pag-iisip ni de Quiros sa panahong iyon. Tama, natatagpuan natin ang ating mga sarili sa halos parehong sitwasyon tulad noong panahon ng diktadura ni Marcos, o maaaring mas malala pa nga. Pero sinong nagsabing si Cory at ang “Cory Magic” pa rin ang kumakatawan sa oposisyon kay Arroyo? Tama, na ang mangyayaring eleksyon ngayon ay pagpapatuloy ng paglaban sa bulok na rehimeng Arroyo. Pero kaninong laban iyon? Kay Cory ba? At dahil pumanaw na si Cory, tulad ng pagpanaw ni Ninoy, ipinapasa ba ang sulo ng pakikibaka sa kanyang anak na senador ngayon? O laban pa rin ito ng mamamayang Pilipino kung saan isang maliit na bahagi lang ang “Cory Magic” na sinasabi ni de Quiros?
At gamit ang hiwaga ng “Cory Magic,” buong pusong iprinoproklama ni de Quiros ang kanyang sagot.
Halos ganito ang sagot niya sa usapin ng C-5 project na ibinabato laban kay Villar: na si Noynoy ang nasa tamang pusisyon para isulong ang kaso laban kay Villar dahil siya ang may “malinis na rekord.” Malinis na rekord? Ang usapin sa C-5 ay ang paggamit ng kapangyarihan ng isang opisyal ng gubyerno para paburan ang kanyang mga negosyo. Ang mas tamang tawag diyan, burukrata kapitalista. Ginagamit ang pusisyon para magpayaman, sa ligal man o iligal na paraan. Si Noynoy ba ang nasa tamang pusisyon para isulong ang kasong ito laban kay Villar? Ano ba ang nangyari sa SCTex? Sa Hacienda Luisita?
Hindi ito pagdepensa kay Villar. Hindi kinekwestyon dito kung tama o mali ang desisyon ng Komite ng Senado. Kung may maling ginawa sa C-5, pagbayarin. Pero dahil sa partikular na sirkunstansya – ang mga taong imbwelto, kapwa nag-aakusa at inaakusahan, at ang timing ng paglabas ng kaso, nagiging malaking tanong tuloy, saan ba ang tamang lugar para husgahan ang kaso at sino ang mga hukom na huhusga sa kanya? Si Enrile ba, na nangangampanya para kay Erap bilang presidente? Si Zubiri ba, na isang mataas na upisyal ng Lakas-Kampi na kalaban din sa pulitika ng NP? Si Jamby, Gordon, Noynoy/Mar, na pawang tumatakbong presidente rin? Kung talagang may ebidensya at malakas ang kaso laban kay Villar, bakit nagbabangayan pa sa Senado, kung saan pagkatapos ng lahat ay wala rin namang huisdiksyon para ipakulong si Villar, at hindi ideretso sa korte o Ombudsman? Ang nangyari, ginagamit lang ng magkabilang panig ang pangalan ng mamamayan sa kani-kanilang makitid na layunin na banatan ang isa’t isa at magpaganda ng pangalan sa publiko. Kung talagang interes ng mamamayan ang isinasaalang-alang, madali lang ang solusyon sa usapin. At malayung-malayo sa katotohanan ang sinasabi ni de Quiros na si Noynoy ang solusyon. Muli ang ilusyon ng “Cory Magic.”
Paanong aangkinin ni Noynoy ang trono ng pakikibaka laban kay Arroyo, kung sa usapin pa lang ng reporma sa lupa, isa sa pinakamahalagang usapin, bagsak na kaagad si Noynoy?
Kesyo mahigit 1,000 hektarya na lang naman ang natira sa Hacienda Luisita at hindi na kayang hatiin sa mahigit 4,000 magsasaka. Bakit ba lumiit na ang Hacienda? At sinasabi ba niyang mahirap nang hati-hatiin pa sa mga magsasaka ang lupa kaya mas maigi nang manatili sa kanila ang pagmamay-ari nito?
Kesyo maliit lang naman ang shares niya sa kumpanya na nagmamay-ari sa lupa. Ang usapin dito, reporma sa lupa, hindi tinatanong kung malaki o maliit ang shares ng isang tao.
Kesyo hindi dapat makialam ang gubyerno sa usapin sa Hacienda dahil isa itong pribadong pag-aari at dapat lutasin sa loob ng mga magsasaka at ng korporasyon. Noong nagwelga ang mga manggagawa at magsasaka noon, hindi ba nakialam ang gubyerno at binuwag ang barikada at pinagbabaril pa ang mga tao?
At sa huli, napilitan na lang siyang sabihin na, pag-iisipan na niyang ipamigay ang lupa sa loob ng limang taon. SA LOOB NG LIMANG TAON? Sariling bakuran pa lang nila ang nakasalang dito, ganyan na kaligoy ang mga sagot niya, paano pa ang buong bansa kung saan milyun-milyong magsasaka ang kapareho ang kapalaran ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita?
Hindi ba parang pagbubuhat ng sariling bangko, o sa kaso ni de Quiros, pagpupumilit na buhatin ang bangko ni Noynoy, ang sabihing ang labanan sa eleksyong ito ay sa pagitan ni Noynoy at Arroyo lamang, sa pagitan ng mabuti at masama, ng tama at mali (kaugnay kay Arroyo, wala nang pagtatalo doon). Na para bang sinasabi niya na si Noynoy ang mabuti at tama, o sa madaling sabi, perpekto. Naiintindihan ko ang sinasabi ng kampo ni Noynoy na “malinis na rekord” (rekord ng makabuluhang nagawa habang nasa pusisyon). Pero ang pagiging perpekto, ang pagiging dalisay, walang rekord ng kurapsyon, ang “pagkatawan sa isang bagay na mas malaki pa sa buhay” (“represent something larger than life”), muli ang ilusyon ng “Cory Magic” ni de Quiros.
Hindi usapin dito ang pagboto ni de Quiros kay Noynoy. Kahit sino ay may karapatang maging partisano o magkaroon ng pagkiling. Pero ang iwasiwas ang mahiwagang baton ng “Cory Magic,” punasan ang lahat ng hirap at sakripisyo ng mamamayang Pilipino sa paglaban sa rehimeng Arroyo at biglang angkinin ang trono ng kapangyarihan?
Ang mangyayaring eleksyon ngayon ay labanan sa pagitan ng bulok na rehimeng Arroyo at ng mamamayang Pilipino na naghahangad ng pagbabago, ng People Power. Walang karapatan si Noynoy, laluna si de Quiros, na angkinin ang karangalan ng pagiging “simbolo.” Libu-libong buhay na ang nagbuwis sa pakikipaglaban sa bulok na Rehimeng Arroyo mula pa nang maupo ito sa pwesto at pagtaksilan ang mga kahilingan ng mamamayan. Sinong HAMBOG ang may karapatang bigla na lang papasok ngayong malapit na ang eleksyon at sasabihing siya ang simbolo ng pagbabago?
Napakatayog ng natatanaw, pero dahil sa ilusyon o magic, minsan nakakalimutan tuloy ng langaw na nakatungtong lang siya sa ulo ng kalabaw. At naroon ang problema (“there’s the rub”)!

Ipinaskil ni: diwa81 | Pebrero 12, 2010

BPO

Kaugnay ng industriya ng BPO (business process outsourcing), isang bagay lang ang ata ang tamang nasabi ni Arroyo, sa istoriko, na “200 taon ang nakalipas, nagkaroon ng rebolusyong agraryo, tapos nagkaroon ng Rebolusyong Industriyal…” Pero doon na humihinto ang tamang sinabi ng pangulo; mula doon, naglubid na ng mga pantasya si Arroyo para muling ipinta ang sinasabi niyang “katayuang first world,” na dating ipinagmamayabang niyang mararating ng Pilipinas bago magtapos ang termino niya at sinasabi na lamang niya ngayong maabot-tanaw na sa pagpasa niya ng katungkulan sa susunod na gubyerno. Muli na naman tayong binabangag ng administrasyong Arroyo at pinapapasok sa kanyang Enchanted Kingdom (sa Tagalog, Naengkantong Mundo).

Iyon na nga mismo ang punto. “Dalawandaang taon” nang huli sa rebolusyong agraryo (na kulang ng mahigit isang siglo, kung kasaysayan ng Pilipinas ang pag-uusapan), at mahigit 100 taon sa Rebolusyong Industriyal, paano maaasahan na bigla, o himala pa ngang makakahabol ang Pilipinas dahil lang sa sinasabing “knowledge revolution?” Maganda mang pakinggan, nakakaakit man ang mga pigurang binabanggit, ang sinasabing knowledge revolution o ipinagmamayabang na industriya ng BPO, ang cyber corridor, ay isa lang ilusyon ni Arroyo ng kaunlaran.

Kahungkagan ang sinasabing “knowledge revolution” at hinding-hindi ito maihahalintulad sa naging epekto ng rebolusyong agraryo at Rebolusyong Industriyal sa kasaysayan ng mga bansa at ng daigdig. Ang una bumasag sa monopolyo ng mga panginoong maylupa at lumikha ng masiglang kalagayan ng ekonomya na nagdulot ng malaking igpaw sa produksyon. Ito rin ang naging batayan para sa ikalawa. Ang ikalawa ang lumikha ng kundisyon sa pagpasok ng modernong teknolohiya na labis na nagpabilis pa sa produksyon, ng kapitalismo, at ng mas mataas pang yugto ng lipunan sa hinaharap. Ang mga ito ay kongkretong rebolusyon, pagbabago sa mga pwersa ng produksyon, na nagpasulong sa kasaysayan ng sangkatauhan noong mga nakaraang siglo.

Ngayon ang “knowledge revolution.” Ano nga ba ito? O mas tumpak na tanong, totoo nga ba ito? Kung ibig tukuyin ay ang biglang pagsabog ng mga kaalaman sa mga bagay-bagay, biglang pag-angat ng karunungan ng tao, mga pagsulong sa syensya, marami nang pagkakataon sa kasaysayan ng sangkatauhan kung kailan nangyari ito, hindi lang ngayon. Pero kung ang tinutukoy lang ay ang pagkakaimbento ng teknolohiya, mga kompyuter at ang Internet, hindi ko makita ang kuneksyon nito sa unang dalawang rebolusyong binanggit. Una, ang pagkakaroon ng mabibilis na kompyuter at kuneksyon ng Internet ay nangangahulugan lang mas mabilis na pagdaloy ng mga datos sa iba’t ibang bahagi ng mundo, pero hindi awtomatikong nangangahulugan ng malaking pagsulong ng kaalaman ng sangkatauhan sa kabuuan. Totoong may mga pagsulong na nangyayari sa karunungan, partikular sa syensya at teknolokiya, pero nananatiling monopolyo ito ng iilang tao. Halimbawa na lang, nakakaimbento na ng kung anu-anong gamot para sa mga pinakakumplikadong sakit, pero napakadaming namamatay sa simpleng sakit na lagnat, dengue, pulmonya, atbp. Kahit ang pagkakaroon mismo ng kompyuter ay hindi katiyakan ng pag-angat ng karunungan. Pansinin halimbawa ang datos na mas dumarami na ang nakakagamit ng kompyuter at Internet dito sa Pilipinas, pero mas bumababa naman ang antas ng edukasyon.

Pangalawa, kahit magkaroon ng pagsulong sa karunungan, hindi naman ito mangangahulugan ng pag-angat ng ekonomya. Ang rebolusyon sa ekonomya ang nagpapasulong sa kaisipan at hindi ang kabaliktaran.

Taunang kita ng $7-B, pangalawa lamang sa $9-B ng India. Parang nakakamanghang halaga.

Kakatwa lang, may ilan akong kakilala na nagtatrabaho sa mga call-center, ang iba ilang taon na, pero wala pa akong nakitang umaangat ang kabuhayan dahil sa call-center.

Halimbawa, ang isa, nakabili nga ng maraming gadget: kompyuter, cellphone, kamera, at baril ng airsoft. Pero lahat ng iyon, meron lang kapag pumapasok pa siya. Sa sandaling matanggal o mag-resign, na madalas nangyayari sa mga call center agent, mabilis ding naibebenta ang mga iyon. Bukod sa kailangan mo naman talagang ibenta kaagad ang mga iyon dahil mabilis bumaba ang halaga sa pagkaluma, ibig sabihin din na mabilis na nauubos ang mga impok kung meron man.

Ang dalawa pa, mag-asawa, nakatulong nang malaki ang trabaho nila sa call center para sa pagpapatuloy ng pag-aaral. Nakatapos na ang isa, 2-year course, ang isa patuloy pa. Pero malaki ang kapalit. Napakahigpit ng iskedyul, halos hindi na nga nagkikita ang dalawa sa kanilang bahay. Kaya sa huli, napilitan ding huminto ang dalawa. At muli, wala rin namang naitabi.

Sa mga kakilala kong call center agent, wala sa kanila ang nakabili na ng sariling kotse, kahit pa ang mga supervisor na o anumang mataas na pusisyon. Maliban na lang siguro, kung dati nang may kaya ang pamilya. Bagamat walang benipisyo ito ng malalimang pag-aaral, makikita na ang karaniwang pinupuntahan lang kinikita ng mga call center agent ay:

Mga luho sa lifestyle: pagkain sa mga sosyal na restoran, pagtambay sa mamahaling coffee shop, mga gimik at halos linggu-linggong team building sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Mga gadget: mamahaling cellphone, iPod, PSP, digital camera, laptop, netbook, airsoft, atbp.

Ang iba, hindi ko alam kung gaano karami, totoong nagagamit ang kinikita para tumulong sa pamilya, sa mga anak kung meron na, at sa sarili katulad ng pag-aaral. Pero lahat ng ito, sa kabila ng sinasabing “mataas” na sweldo, ay hindi pa rin sapat para makabuluhang makaangat sa buhay at makatindig sa sarili. Ang anumang mapadpad sa bulsa ng mga ahente ay mabilis ding nilalamon ng komersyalisasyon. Dapat kasi lagi kang in!

Kaya saan napupunta ang $7-B na kita? Kaya lang natutuwa si Arroyo ay dahil nadadagdagan ang reserbang dolyar ang Pilipinas, at sa dulo noon, magkakaroon ulit ng pera na pwede nilang ibulsa. Katulad lang ito ng pagpapahalaga ng gubyerno sa mga OFW, iyon ay, sa mga remitans na dolyar nila.

Nilagay ko sa panipi ang “mataas” dahil kahit ito ay isang ilusyon. Hindi mataas ang sweldo sa call center! Sinasabi lang na mataas ito dahil ikinukumpara sa sweldo ng iba pang trabaho, tulad ng sa karaniwang manggagawa sa pabrika. Para kang nagkukumpara ng presyo ng isang kilong bigas at isang cellphone. Pero kung tama lang ang pagkukumparang gagawin, makikita ang katotohanan. At ito ang mismong dahilan ng outsourcing. Imbes na magbabayad ka ng ilang dolyar kada oras sa isang empleyadong Amerikano sa US halimbawa, pumunta ka na lang sa isang Third World na bansa tulad ng Pilipinas kung saan ilang sentimo lang kada oras ang kailangan ibayad sa isang empleyadong Pilipino. Mas bumababa pa ang sweldo kung isasaalang-alang ang alanganing oras ng trabaho na dapat sana ay obertaym ang katumbas na sweldo. Wala pang problema kahit bulyawan ng mga kostumer, magtrabaho nang alanganing oras na kailangan pang baguhin ang natural na oras ng katawan, at magkaroon ng kung anu-anong karamdaman dahil sa stress sa trabaho, hindi naman magrereklamo ang mga iyon. Pasalamat pa nga sila at binigyan mo ng trabaho.

Hindi naman dahil magaling tayo sa Ingles kaya naglipana ang mga call center sa Pilipinas. Kung tutuusin, mas magaling pa tayong mag-Ingles kaysa India, pero mas malaki ang industriya ng BPO doon. Dahil mas maraming taong walang trabaho doon kaya mas mababa ang pasweldo. Kung kaya, hindi mataas na sweldo ang hatid ng BPO kundi mas mataas na pagsasamantala. Kahit dito, walang karapatan si Arroyo na angkinin ang karangalan ng paglago ng industriya ng BPO. Ang pangunahing ugat nito ay ang kahirapan ng mamamayang Pilipino at kawalan ng trabaho sa Pilipinas.

Walang presidente na nasa matinong pag-iisip, nagmamahal sa kanyang kababayan, at may malasakit sa kapakanan at kaunlaran ng bayan ang matutuwa o magyayabang pa nga ng $7-B na industriya ng BPO kung ang ugat naman ng paglagong ito ay ang sadyang pagbubukas ng gubyerno sa ekonomya ng bansa para malayang makapagsamantala ang mga dayuhang korporasyon. Walang presidente na nasa matinong pag-iisip ang lilibot sa buong daigdig at ilalako ang murang lakas-paggawa ng mamamayan niya, nangangako pa ng kung anu-anong insentiba at katiyakan ng maluwag na patakaran sa paggawa, buwis, pinansya, atbp., sa madaling salita, ang mga Pilipino bilang alipin, at magyayabang pagkatapos na ito ang “pamanang” iiwan niya sa papalit sa kanya.

Sabagay, sino nga bang nagsabi na nasa matinong pag-iisip si Arroyo?

Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 30, 2010

Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 30, 2010

Solusyon ni Gibo sa kahirapan

“Kailangan nating gawing mga entrepreneur ang ating mga magsasaka. Dapat turuan natin sila ng modernong teknolohiya para pahusayin ang kanilang kakayahan sa paglikha ng pagkain.” — Gibo Teodoro
Ito ang problema kapag namumuhay ka sa Enchanted Kingdom ni Gloria. Lahat ng nakikita mo baliktad, malabo, at nagpapaikut-ikot.
Batay sa artikulong “NPA’s end to make entrepreneurs of farmers—Gibo” ni Jefferson Atiporda, ayon na rin sa nais ipakahulugan ng titulo, ang pagwawakas sa mga NPA ang kasagutan sa pag-unlad ng mga magsasaka. Ayon kay Gibo, kailangang paunlarin ang kagalingan ng mga magsasaka, at higit sa lahat ang kakayahan nila sa produksyon ng pagkain, para mula sa #1 importer ng bigas, maging #1 eksporter ulit umano tayo. Samakatwid, ang kailangan lang umano, ayon kay Gibo, paalisin ang mga NPA, gawing entrepreneur ang mga magsasaka, turuan sila ng modernong teknolohiya, at magic! Instant solusyon sa siglu-siglong problema ng mga magsasaka.
Napakadaling sabihin ng pahusayin ang buhay ng mga magsasaka. Ang tanong, paano gagawin ito? Ang problema, baliktad ang pagtingin ni Gibo sa problema, kaya walang kwenta ang nabubuo niyang solusyon, iyon ay, sa perspektiba ng mga magsasaka.
Hindi ang pagwawakas sa NPA ang solusyon sa problema ng mga magsasaka. Sa kabaliktaran, maraming magsasaka ang sumasapi sa NPA dahil sa problema nila. Ang pagwawakas sa NPA ay hindi “magbubukas ng bagong mga oportunidad para sa mga magsasaka na makakatulong sa kanila sa … pag-aangat sa kanilang buhay mula sa estado ng permanenteng magsasaka”; sa halip, ang kawalan ng mga oportunidad na ito sa kabila ng panawagan ng mga magsasaka ang nagtutulak sa mga magsasaka na mag-NPA.
Tinutukoy ni Teodoro na kapag napalayas ang mga NPA, magkakaroon ng kapayapaan at istabilidad na gagawang gagawaang produktibong mapagkakakitaan sa lupa. Dito dumudulo ang lahat ng argumento kaugnay ng kalagayan ng magsasaka; ang kabiguang magagap ang usaping ito ang nagdudulot sa kabiguan ng ilan na maabot ang hustong solusyon: ang usapin ng lupa. Tinatalakay ni Teodoro ang usapin, sa pagitan ng pagpapalayas sa NPA at paggawang produktibo sa lupa, na para bang hindi ang mismong usapin ng lupa ang isinusulong ng mga magsasaka.
Tuturuang maging entrepreneur ang magsasaka? Tutulungan silang pataasin ang produksyon ng pagkain? Tuturuan sila ng modernong teknolohiya? Ano ang silbi ng lahat ng ito kung ang kulang nila ay ang mismong sangkap para magawa ang mga ito, ang lupa. Hindi naman na kailangang ituro sa mga magsasaka kung paano paghusayin ang kanilang pagsasaka. Ang tanging hinihingi lang nila ay ang lupa mismo. Kung ibinibigay lang sa kanila ito, sigurado namang malulutas ang napakalaking problema, hindi lang ng mga magsasaka, kundi ng buong bansa, laluna kaugnay ng produksyon ng pagkain. At kahit anong modernong teknolohiya na ituro natin sa mga magsasaka, walang silbi ito sa mga magsasaka dahil ang malaking problema nila ay kung paano nila mabibili ang mga teknolohiyang ito, gayong mismong gastos sa binhi, abono, pestisidyo at iba pang gamit sa produksyon, inuutang pa nila.
Napakadaling sisihin ang mga NPA kaya naghihirap ang mga magsasaka. Pero hanggat hindi natin nauugat ang suliranin ng mga magsasaka, wala tayong mararating. Kahit magkatoto ang sinasabi ni Teodoro at matalo ang NPA, tulad ng daan-daang pag-aalsa noong panahon ng Espnayol, meron at merong patuloy na lalaban hanggang makamit ang napakasimple lang naman sanang bagay, ang lupa.
Sa halip, ang pinaplanong mga proyekto ni Teodoro ay pagpapatuloy ng mga patakaran ng rehimeng Arroyo: patuloy na pagkalinga sa mga asyendero, pagpapalit-gamit ng lupa para sa mga dambuhalang korporasyon, pagpapahintulot na mga ganid na korporasyon ng mina, pagpabor sa malalawak na plantasyon; sa madaling sabi, pagsasangla ng bayan sa mga dayuhan at iilang naghahari dito sa Pilipinas.

Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 22, 2010

“Bad Precedent”

Isa sa mga dahilan ng COMELEC sa pag-apruba sa kandidatura ni Estrada ay dahil nabigyan siya ng absoluto at walang pasubaling pagpapatawad at tinanggap niya ito nang ganoon din, kaya hindi na mababawi. Samakatwid, naibalik na umano ang lahat ng kanyang kalayaan bilang mamamayan. (Kaugnay ng muling pagtakbo ng dati nang naupong presidente, iba pang bagay ito.)
Dahil dito, pahayag ni Estrada ay nalinis na umano ang pangalan niya. Ngunit malayo sa katotohanan ang pahayag niya na ang tagumpay niyang ito ay tagumpay din ng mamamayang Pilipino.
Dapat tandaan, unang-una sa lahat, na ang absoluto at walang pasubaling kapatawarang iginawad sa kanya matapos siyang MAHATULANG MAY-SALA sa kasong pandarambong, ay bigay ng isang presidente na batbat ng krisis at katiwalian, kwestyunable ang kredibilidad, at labis na kinamumuhian ng mamamayan, na katulad kundi man mas masahol pa sa kanyang administrasyon. Sa madaling sabi, ang kapatawaran ay hindi nanggaling sa mamamayan, kundi isang kompromiso sa gitna ng laro sa pagitan ng mga naghaharing pangkatin na nagtutunggali kung sino sa kanila ang maghahari sa Pilipinas. Sa isang panig, malaking kaluwagan para kay Estrada ang pardon para makapapel ulit sa pulitika sa Pilipinas. Sa kabilang panig, isang paraan iyon ni Arroyo para pansamantalang makuha ang kooperasyon ni Estrada at mabawasan ang mga nasa hanay ng oposisyon na bumabatikos sa kanya.
Sa buong daloy ng kaso niya, ginamit lang iyon ni Arroyo para sa personal na interes niya at hindi dahil iyon ang panawagan ng mamamayan. Hinuli si Estrada dahil nagbabalak ng isang pag-aalsa para makabalik sa pwesto. Ngunit usad pagong naman ang kaso. Nagkakaroon lang ng pag-usad kapag nalalagay sa alanganin si Arroyo. Bilang pambraso kay Estrada, biglang idinidiin sa kaso si Estrada. Ngunit matapos makamit ang layunin, napapabayaan na ulit ang kaso. Saka na lamang nahatulan ang kaso matapos ang ilang taon, ngunit dahil pa rin sa personal na interes ni Arroyo. At ngayon, ang pinoproblema ng bayan ngayon, sa huli, nabigyan si Estrada ng kapatawaran at pagbabalik ng dati niyang katayuan bilang mamamayan.
Ayon sa COMELEC, batay sa prinsipyo ng “malayang eleksyon,” kailangang pahintulutang tumakbo ulit si Estrada at hayaan ang mamamayan na magpasya sa kanyang kapalaran sa pulitika. Ang problema sa mga ligalistang ito, ang dami pang sinisipi sa mga batas at konstitusyon, hindi ba ginawa na iyon ng mamamayan noong 2001?

Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 22, 2010

Si Noynoy at ang Yellow Army

19 Jan 2010

Sa OPISYAL na pagpasok ng panahon ng kampanya, mas lumilinaw na ngayon ang estratehiya, at kaalinsabay na kahungkagan, ng kampo ng LP sa pangunguna ni Noynoy.
Sa tingin ko, wala nang duda kung sasabihin ngayon na ginamit lang ni Noynoy ang kasikatan ng ina niya sa pagkamatay nito noong nakaraang taon, sa partikular, at ang pangalan ni Ninoy at Cory, sa pangkalahatan, bilang pangunahin at mukhang tanging alas para manalo sa eleksyon. Napakataas ng rating niya noon sa mga sarbey. Magaling din ang tactician niya. Hindi siya kaagad nagpahayag na tatakbo; kunwari pa, hindi interesado. Saka lamang umano nagdesisyon nang kusang nagpaubaya si Mar Roxas, na unang nagpahayag na tatakbong presidente sa ilalim ng LP. Maganda na sana ang plano, ang problema lang nila, malayo pa ang eleksyon nang namatay si Cory, at ngayon, unti-unti nang naglalaho ang “Cory Magic.”
Malinis ang rekord, ito ang armas at kalasag ng kampo ng LP. Gusto nilang pasimplehin ang laban tungo sa “pagitan ng mabuti at masama,” tulad ng ginawa noon ni Ninoy laban sa bulok na diktadura ni Marcos, at ni Cory sa pagpapatuloy ng laban ni Ninoy.
Sa unang tingin, mukhang magandang gameplan.
Halos nasa parehong sitwasyon ngayon ang Pilipinas tulad noong panahon ni Marcos. Ang pagtatalunan na lang ay kung sino na ba ang mas masahol sa dalawa, si Gloria o Marcos? Sa ilalim ni Marcos, nagsimula ang mas mabilis na pagbagsak ng ekonomya ng Pilipinas. Bilang tugon sa pagtutol ng mamamayan, nagpataw siya ng Batas Militar. Si Gloria, dahil sa pagiging masugid na tagapaglako ng globalisasyon, mas bumilis pa ang pagdausdos na iyon. At bagaman hindi tuwirang nagdeklara ng Batas Militar, nasa kamay niya ang dugo ng libu-libong aktibistang pinaslang, daan-daang dinukot, at puu-puong libong iba pa na biktima ng karahasan at panunupil.
Sa madaling sabi, walang kwestyon na kailangang palitan na ang rehimeng Arroyo na batbat ng kurapsyon at katiwalian, sa kabila ng pagwawalang bahala sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Samakatwid, ang islogan ni Noynoy: “Malinis na rekord!”
Dito makikita ang kawalan ng kakayahan at kalidad ni Noynoy para pumalit bilang pangulo.
Isang salik ang bigo silang maisaalang-alang. Ang sambayanang Pilipino na dumaan na sa daan-daang taong paglaban, kasama na ang mga nakaraang panahon kung saan nakamit ang ilang reporma at pagbabago sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.
Kung kabulukan lang ng rehimen ni Arroyo ang pag-uusapan, papasa na sana ang pormula ng LP ni Noynoy. Pero ipasok mo diyan ang salik ng sambayanang Pilipino, na siyang naghahangad ng pagbabago at pangunahing kalaban ng bulok na rehimeng US-Arroyo, para itong kulumpol ng baraha na biglang guguho.
Para kay Ninoy at Cory, naging bentahe ang kalagayan noon ng Pilipinas sa ilalim ng bulok na rehimeng Marcos. Si Ninoy, bagamat napatay, ay naging bayani na halos itinuturing na makabagong Jose Rizal. Si Cory, nagtagumpay sa paghalili kay Marcos sa kabila ng lahat ng maniobra ng diktador. Nakalusot si Cory noon nang hindi na kinekwestyon ang kanyang kredibilidad. Sino pa nga naman ang gagawa noon? Para sa halos lahat, ang pinakamahalagang bagay na lang ay ang makalabas sa malagim na rehimen ni Marcos. At nang mapabagsak nga si Marcos, parang nalasing sa tagumpay ang taumbayan. Kahit hindi naman naibigay ang mga repormang ipinaglalaban noon ng mga tao kay Marcos, itinuturing pa rin siya ngayon ng marami bilang “ina ng demokrasya.”
Ang problema nina Noynoy ngayon, ang sambayanang Pilipinong iyon ay hindi na lang katulad ng dati. Dumaan na ulit ito sa mahigit dalawang dekada ng pakikibaka para sa kagalingan nito. Kasama na diyan ang isa pang matagumpay na sama-samang pagkilos para mapatalsik ang isa ring bulok na rehimen ni Estrada, at mas mahalaga, ang halos isang dekadang pagbata at paglaban sa mas kinamumuhian ngayong rehimen ni Arroyo.
Kaya ang pormula ng LP na “mabuti laban sa masama” ay hindi na makakasapat para sa bayan. Maaari nalang itong pumasa sa mga kwentong pambata, hindi sa realidad ng lipunang Pilipino. Nagkaroon na ng benepisyo ng mga aral ng nakaraan ang mamamayang Pilipino para makita na hindi na lamang pagpapalit ng mukha o pangalan ang kailangan. Hindi na lamang pamimili sa pagitan ng pula o dilaw. Hindi na lamang pamimili sa mamumuno sa ilalim ng sistemang ito, kundi ang pagnanais na baguhin ang sistema mismo, o sa konteksto ng eleksyon, kung sino ang makakapaghatid nito kahit sa bahagya kundi man ganap.
Kapag naghahanap ka ng trabahong mapapasukan, hindi ka pupunta sa employer at mag-aabot ng blankong papel at sasabihin mo, “Malinis ang rekord ko!” Baka batukan ka lang ng employer. Sa halip, sisikapin mo na ipakita na karapat-dapat ka sa trabahong gusto mong pasukan. Kung hindi mo mapatunayan, bakit naman mag-aaksaya ng pera ang sinuman para sa iyo. Kung ganito sa mga simpleng trabaho, paano pa ang pagkapangulo?
Kung nagmuni-muni lang ng kaunti sina Noynoy, makikita nila na kahit ang mga ginagaya niya ay hindi lang naman “malinis na rekord” ang ipinakita sa mamamayang Pilipino, kundi “rekord ng paglaban.” Hindi lang naman basta-basta lumabas si Cory noong 1986 at nagsabing tatakbo siya sa pagkapangulo. 1983, nang mamatay si Ninoy, naging bahagi na si Cory ng paglaban kay Marcos. At para sa oposisyon, siya pa nga ang naging simbolo ng laban, samakatwid, ang labanan ng dilaw (Cory) at pula (Marcos).
Mas lumala pa ito sa nakaraang pahayag ni Noynoy kaugnay ng paliwanag niya kung bakit hindi siya aktibo sa mga debate: mas pinipili niya umanong magkonsentra sa “paghanap ng mga kamalian (lapses) ni administrasyong Arroyo.” Makikita dito na hindi lamang basta ginagaya ni Noynoy ang naging taktika ng ina niya noong 1986, kundi mistulang naiwan na rin ang pag-iisip ni Noynoy at mga tagapayo niya sa taong iyon. Halos isang dekada nang naghahari-harian ang Mafia ng mga Arroyo, mula pa noong 2001, ni hindi pa gaanong umiinit ang puwetan nila sa upuan, binabatikos na ang rehimeng Arroyo dahil sa pagtataksil nito sa mga panawagan ng mamamayan, ngayon lang naisip ni Noynoy na hanapin ang mga pagkakamali ng rehimeng Arroyo. Iyon ba ang “malinis na rekord” na ipinagmamalaki niya? Kahit ordinaryong tambay sa kanto, matagal nang nakita ang mga “kamalian ng administrasyong Arroyo” at batid na ang kasagutan sa problemang ito. Aanhin natin ang isang pinuno na ngayon lang nakaisip “hanapin ang mga kamalian ng administrasyong Arroyo”?
Paglaban sa globalisasyon, reporma sa lupa, industriyalisasyon, hustisyang panlipunan, soberanya ng Pilipinas, kagalingang panlipunan, proteksyon ng mamamayan laban sa karahasan o sakuna, at iba pa – iyan ang mga kongkretong usapin ngayon sa Pilipinas. Ang kasagutan ng mga iyon ay mga kongkretong hakbangin rin at hindi ito basta-basta na maiwawasiwas ng “malinis na rekord.”
Sa pinakamainam, sa ganyang klase ng pinuno na walang kakayahan, siguradong lalamunin lang siya ng mga tagapayo niya. Sa pinakamalala, maaaring maging mas masahol pa siya sa papalitan niya.

Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 8, 2010

V. I. P.

Pagpasok mo pa lang sa compound, sa may gate, pag-iiskwatin ka muna habang binubusisi ng gwardya ang gamit mo. Importante na nakaiskwat ka, hindi lang dahil tinitiyak ng gwardya ang seguridad para hindi ka makagawa ng kung ano laban sa kanila, kundi para linawin sa simula pa man na sila ang hari dito, na pwede nilang gawin ang gusto nila, at kailangan mong gawin ang lahat ng sabihin nila. Dinudurog nila ang dignidad ng tao para mawalan ito ng kapasyahang lumalaban o tumakas.
Lahat ng gamit, dadaan sa masusing pagbusisi. Kinukuha nila ang lahat na pwedeng maging sandata. Ang sipilyo, pinuputol nila hanggang sa tama lang na may mahawakan ka. Kadalasan kasi, pinapatulis ang dulo nito para maging panaksak. Bawal din ang lapis o bolpen. Pagkatapos, ang papeles mo naman ang bubusisiin nila. Mula sa pangalan, edad, tirahan, hanggang sa kaso. Lahat, dapat sumagot ka nang magalang kundi malilintikan ka.
Pagkatapos mo sa mga gwardya, dadaan ka naman sa kamay ng mga kapwa mo bilanggo. Dito magpapatuloy ang pagdurog sa dignidad mo. Malamang ang mga gwardya rin mismo ang nagpasimula nang ganoong sistema; inuutusan nila ang mga presong dikit sa kanila na ganoon ang pagtrato para lalong matakot ang tao at hindi makaisip tumakas. Ang iba, mukhang gumaganti na lang kasi ganoon din ang dinanas nila noong unang dating nila.
Pagpasok mo pa lang sa pasilyo, dadaan ka na sa mapang-usisang titig ng mga tao. Sa selda, sasaluhin ka na ng mga opisyales. Dati, at sa iba pa ring kulungan ngayon, sa pamamagitan iyon ng suntok. Sa iba, aabot iyon hanggang sa bugbog, lalo na kung rape ang kaso mo. Marami naman doon ang talagang pusakal na kriminal, pero partikular na galit talaga sila sa rapist. Iyong tipong kulay ube na ang balat, tuloy pa rin sa bugbog; kapag hinihimatay, binubuhusan ng tubig para magising ulit.
Pero karaniwan ngayon, pitik na lang. Dadaan ka sa mas mabusisi pang pagtatanong ng mga opisyales. Mas mabusisi kasi sila ang makakasalamuha mo sa loob ng 24 oras bawat araw hanggang sa kung gaano katagal ang imamalagi mo doon. Kailangan nilang ipakita na kung sa labas, ang mga gwardya ang hari, sa loob ng selda, sila naman. Atas din ito mula sa mga gwardya. Pinababantayan nila ang mga preso sa mga kapwa nila preso, nagbabantang kapag may nakatakas, malilintikan ang mga maiiwan. Sa takot sa kayang gawin ng mga gwardya (kahit ang pumatay ng preso tapos palalabasin lang na tumakas), nagagamit nila ang mga preso laban sa isa’t isa at napapadali sa gayon ang trabaho nila ng pagbabantay. Ang mga opisyales naman, nakikita itong pagkakataon para magkaroon ng kapangyarihan kahit paano sa loob ng selda, kahit pa kadalasan, kailangan nilang sumipsip sa mga gwardya. Ang mayor ang pinakamataas; meron ding katulad ng karaniwang sekretarya at tresorero; bastunero o tagapagparusa; hanggang sa mga mahinarya o tagatiyak ng seguridad sa loob ng selda.
Pagkatapos ng lahat ng seremonya, ipapaloob ka sa mas maliit pang grupo. Sila na ang madalas mong makakasama, sa pagkain, pagtulog at iba pa. Sa mga unang araw mo, bawal ka pang makisalamuha sa ibang grupo. Kahit ang makipag-usap o pumunta sa tarima. Sa loob kasi ng selda, merong magkakaiba ang “tatak” o gang. Depende sa kulungan; kapag mas malaking kulungan, mas maraming gang, kadalasan magkakalaban pa. Pero hindi naman araw-araw may gulo. Pwede pa ring umiral ang dalawang grupo sa iisang selda, basta’t alam mo ang lugar mo sakaling magkaroon nga ng gulo. Sa iba, nagiging dagdag na seguridad ang “tatak” para hindi ka basta galawin. Hindi ka rin pwedeng maging opisyales hanggat wala kang “tatak.” Kaya tatak ang tawag, magiging pinal na myembro ka na kapag natatuan ka na ng “tatak” ng grupo. Kaya hindi ka muna pwedeng kumausap ng ibang tao, para hindi ka masulot ng kabilang grupo. Dito natitiyak din ang balanse sa loob. Mapayapang napaghahatian ng mga grupo ang mga taong dumarating. Salitan sa pagsalo sa mga bago para pantay ang pagdami ng mga myembro.
Sa pagtulog, may kanya-kanyang lugar ang mga grupo. Kung maluwag pa ang selda, maswerte ka at pwede kang magkaroon kaagad ng sarili mong tarima. Pero kung masikip na, magtiis ka muna sa sahig o dalawa kayo sa iisang tarima. Sa pinakamalalang sitwasyon, sa sobrang puno ng selda, salitan kayo sa pagtulog. Para kayong sardinas na nakahilera nang maayos sa sahig para magkasya habang nakaupo o nakatayo muna ang iba.
Sa pagkain, may sari-sariling lalagyan ang bawat grupo para hindi magulo ang pagkuha. Isa o dalawa lang ang kukuha sa inyo ng pagkain para sa grupo. Dadalhin ng mga trustee (mga preso din pero binibigyan ng pribilehiyong makalabas ng selda kapalit ang pagtatrabaho tulad ng pagluluto) ang pagkain, ang mga mahinarya ang mag-aayos sa may tarangkahan, at iaabot sa bawat grupo. Ang isang tiyak, hindi galing sa restawran ang pagkain. Maliit lang ang badyet para sa pagkain ng mga preso. Habang mas lumiliit ang kulungan, mas lumalala rin ang sitwasyon. Kung tarantado pa ang mga gwardya, pinagkakakitaan pa nila ang kakarampot na pondong iyon. Kaya ang natitira para sa mga preso, halos parang pakain na sa baboy ang itsura ng kinakain. Sa umaga, nilugaw na kanin at malabnaw na kape. Para magkaroon ng sustansya, nilalagyan naman ng isang itlog, pero walang kalasa-lasa. Mas maganda pa kung instant noodles ang nilalahok, hindi kasing sustansya ng itlog, pero mas malasa naman. Dahil sa kaunti lang ang kinakain sa umaga, pagpatak pa lang ng alas-10 o alas-11, gutom na naman kayo. Pinakamatindi pagdating ng Linggo. Ang almusal ay isang tasang salabat lang at tatlong pirasong pandesal na kasing laki ng piso!
Pagkatapos kumain nang lahat, pagsasama-samahin ang lahat ng pinggan at pinagkainan. Ang nakatalagang mga cleaner ang maghuhugas. Ito ang papel ng mga bagong dating. Kailangan tipid sa tubig ang paghuhugas, kasi limitado lang ang tubig.
Paggising sa umaga, binubuksan na ang gripo sa labas. Sa maliliit na kulungan, minsan walang gripo, meron lang nag-iigib ng tubig. Inilalagay sa isang dram na nasa gitna ng selda. Doon, sabay-sabay na maliligo ang lahat, maglalaba, tapos lilinisan na rin ang selda. Sa malalaking kulungan, meron namang banyo sa likuran kung saan pwedeng maligo. Laging mauuna ang mga opisyales hanggang pababa.
Kapag naglilinis ng selda, karaniwan, lahat kayo. Pero syempre, pwedeng hindi tumulong ang mga mayor. Binubuhusan ng tubig ang sahig para malinis hanggang sa ilalim ng mga tarimaan. Pagkatapos, winawalis ang tubig palabas ng selda. Ang ibang preso, winawalis naman ang tubig palabas ng pasilyo. Tapos, kanya-kanyang kuha ng basahan. Ilalapag sa sahig ang damit, tapos iyon ang ipangtutulak sa tubig para lumabas. Dahil sa buryong ng mga preso, kadalasan ginagawa itong parang laro. Lilinya ang ilang preso, tapos sabay-sabay na mabilis na tatakbo papunta sa tarangkahan na magpapadulas pa sa dulo. Paulit-ulit na gagawin ito hanggang sa bumaba na ang tubig sa selda.
Sa panahon ng tag-araw, parang pugon ang buong selda. Kawawa ang mga nasa pinakataas na tarima. Halos lahat sa sahig na nahihiga. Pagdating naman ng panahong malamig, para kayong nasa freezer. Sa sobrang siksikan, marami kang makukuhang sakit sa balat. Kapag may nagsimulang magkaroon ng kati-kati sa balat, lahat na kayo damay. Ang mga surot, kahit anong gawin, habambuhay nang meron noon sa mga higaan niyo.
Kung titingnan, hindi naman ganoon kasaklap ang buhay sa loob ng selda. May mga araw din nagkakasiyahan sa loob. Minsan, ang mga gwardya mismo ang nagpapainom sa mga kadikit nilang preso. Sa mga ispesyal na araw, tulad ng Pasko, nagkakaroon din ng kaunting salo-salo.
Pagsapit ng Linggo, o Sabado at iba pang araw para sa ibang relihiyon, medyo masaya ang atmospera. Dumarating kasi ang mga taong-simbahan para magmisa. Minsan, may dala rin silang kaunting regalo para sa mga preso: kaunting pagkain, damit, kumot at banig. Marami sa mga preso, talagang relihiyoso kahit noong nasa labas pa. Pero para sa iba, nagiging pagkakataon lamang ito para mabago ang rutina na nagpapabagot sa kanila sa araw-araw. Nakakatulong ito para mas makatagal sa loob.
Sa pagdaan ng panahon (at sa loob ng kulungan, marami ka nito), makakaangkop ka na sa bagong kapaligiran. Mas makikilala mo na rin ang mga tao. Kahit pa mga preso, mga tao pa rin sila. Ang mga taong kasalamuha mo, minsan mas totoong tao pa kaysa mga makakasalamuha mo sa labas. Meron din namang hindi gaanong mapagkakatiwalaan, pero basta mahusay kang makitungo, wala kang magiging problema sa kanila. Totoo, may mga kriminal — holdaper, isnatser, nakapatay, at iba pa – pero meron ding mga biktima lang ng hustisya sa bansa – mga maliliit na magsasaka na nakainitan ng asyendero o nasangkot sa kung anong gulo. Ang isang mahalagang tandaan, huwag kang basta-basta maniwala sa lahat ng sinasabi sa iyo. Ganoon ang laro sa loob para makatagal. Pwede kang bola-bolahin para lang makakuha ng pabor sa iyo.
Hindi totoo ang napapanood sa pelikula tungkol sa mga tatoo. Hindi porke puno ng tatoo ang katawan, siya na ang pinakasiga. Sa kabaliktaran, ang mga taong punung-puno ng tatoo sa katawan, kadalasan kasi pinagtripan at ginawang blackboard ang katawan. Huwag kang matakot sa mga taong maraming kwento sa katapangan, karamihan doon yabang lang. Mas matakot ka sa mga taong hindi palaimik, hindi na nagsasalita iyon, ginagawa na lang nang basta.
Sa loob ng selda, hindi mahalaga kung ano ang kaso mo. Ang mahalaga sa inyo kung paano palilipasin ang bawat araw nang matiwasay. Ang isang tiyak, kahit sinong tanungin mo doon, lahat kayo inosente. Totoo naman, dahil hanggat hindi pa nahahatulan sa korte, inosente pa kayo. Ang kaso lang, sa tagal ng hustisya sa bansa natin, hindi pa man nahahatulan, para ka na ring pinarurusahan sa loob ng kulungan. Ang iba nga, mas matagal na sa loob ng kulungan kaysa maaaring ibigay sa kanilang parusa kung mahatulan silang may-sala. Pero ang pinakamasaklap, merong mas pinipili pa ang mamalagi sa kulungan dahil mas maganda pa ang lagay nila. Hindi nga sila nakakalabas kung gusto nila, pero araw-araw naman, tiyak nilang may makakain sila.
Sa loob ng kulungan, umiiral din sa loob ang parehong pamantayan ng lipunan sa pagtrato sa mga tao. Totoo, sa unang pagdating, nagsisimula kayo sa pinakababa. Pero iba pa rin ang buhay ng mayaman at mahirap sa loob ng selda. Kung mayaman ka, marami kang pwedeng makuhang pribilehiyo, sa tamang presyo. Madali kang makakaangat sa pusisyon. Hindi ka rin basta-basta gagalawin kahit bago ka, lalo na kung madalas kang utangan. Kahit ang mga gwardya, iba ang trato sa iyo. Hindi katulad sa mahihirap, sila ang karaniwang nasa baba. Inuutus-utusan lang. Umaangat lamang ang katayuan nila kung matagal na sila sa loob. Pero sino ba naman ang gustong tumagal sa loob?
Ang lahat ng ito, totoo para sa halos lahat ng kulungan sa buong bansa. Nagkakaroon lamang ng paritkularidad sa bawat lugar, pero halos ganoon rin ang karanasan ng mga preso. Iyon ay, maliban lamang kung ang apelyido mo ay Ampatuan…

Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 3, 2010

20 – O – 10

Goodbye 20 – O – 9!

Welcome 20 – O – 10!

HAPPY NEW YEAR!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!

Ipinaskil ni: diwa81 | Enero 3, 2010

“The President has never been distracted. She’s single-minded in her job. She wasn’t distracted in the last nine years; she won’t be distracted in her last six months.”

Gary Olivar

« Mas Bagong Mga Paskil - Mas Lumang mga Paskil »

Mga Kategoriya

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.