Ipinaskil ni: diwa81 | Hulyo 27, 2010

SONA ni Noynoy: So Noynoy!


Isa ang kapansin-pansin, di hamak na mas magaling magtalumpati si Noynoy kaysa kay Gloria. Pero ang mahigitan ang isa sa pinakamasahol na naging pangulo ng Pilipinas ay hindi maituturing na kahanga-hangang bagay. At ang nakakalungkot, hanggang dito na lang ang positibong nakamit ng kauna-unahang SONA ni Noynoy.
Ang maganda lang sa naging pahayag ni Noynoy, hindi binabasa at maikli lang ang pahayag na hindi na pinuputol ng palakpakan kada linyang bibigkasin, tulad ng mga SONA ni Gloria noong nakaraan. Kaya hindi nakakabagot at nakakahilo makinig. Ang problema, kulang-kulang pa rin ang nilalaman nito, lalo na sa mga usaping pambansa na mas kinakailangang pagtuunan ng pansin ni Noynoy.
Maganda na sana ang unang tirada ni Noynoy sa paglalantad sa mga nahalungkat nila umanong mga anomalya na iniwan ng sinundang rehimen, partikular sa DPWH, MWSS, NFA, pondong pangkagipitan, at mga utang. Ang tanong ko lang ay bakit ito lang ang mga nabanggit. Halimbawa sa kaso ng MWSS na napakataas ng sweldo at mga benepisyo ng mga opisyal habang hindi naibibigay ang benepisyo ng mga ordinaryong kawani. Ganito rin naman ang nangyayari sa GSIS at iba pang korporasyong pag-aari ng gubyerno. At kung pag-uusapan lang rin naman ang kurapsyon, walang nabanggit kaugnay ng pork barrel ng mga mambabatas.
Ilang araw sa administrasyon ni Noynoy, lumabas ang balita na balak umanong tanggalin o tapyasan ang pork barrel ng mga mambabatas para makatipid umano ang gubyerno. Pero mabilis din itong binawi dahil kasalukuyan pang pinaglalabanan ang Speakership sa Kamara at Senate Presidency sa Senado. Hindi na nga naitago ni Belmonte ang galit nang biglang matanong sa DZRH kaugnay nito dahil biglang nalagay sa alanganin ang kandidatura niya para maging Speaker ng Kamara.
Hindi dapat maging lingid kay Noynoy na isa sa pinakamalaking sanhi ng kurapsyon sa gubyerno ang pork barrel dahil galing na siya sa Kamara at Senado na kapwa nakakatanggap ng naturang pondo. Akala ko ba sa “tuwid na daan” niya tayo dadalhin? Bakit nawala na ang balak na tanggalin ang pork barrel?
Dapat lang na ilantad ni Noynoy ang mga kurapsyon ng mga nakaraang administrasyon. Ang dapat nga, maging malawakan at malaliman ang gawin niyang aksyon at hindi lang pakitang-tao. Ang dapat lang bantayan ng sambayanan ay ang magiging kurapsyon ng rehimen mismo ni Noynoy na hindi malayong mangyari dahil sa mga taong hinirang niya sa kanyang gabinete na dating kaklase, tagasuporta at financier noong eleksyon, at iba pang malalapit sa kanya, sa madaling sabi, mga padrino.
Kung sa pinakasentro ng kampanya niya noong eleksyon, hindi na kasiya-siya ang mga aksyon ni Noynoy, mas malubha pa ang kalagayan sa mas malalaking usapin ng bansa. Tulad ng puna ng marami, kulang ang inilatag ni Noynoy: tinukoy niya lang ang ilang problema pero walang inihaing solusyon.
Hindi na kataka-taka na wala siyang binanggit kaugnay ng repormang agraryo. Walang pinag-iba sa programa ni Arroyo ang mga binanggit ni Noynoy: iba’t ibang proyektong impraistruktura, patubig, kalsada. Pero ang pinakaesensya ng usaping agraryo, ang reporma sa lupa? Oo, problema ng mga magsasaka ang kawalan ng kalsada pababa sa bayan para mas madali nilang madala ang kanilang mga produkto. Oo, problema ng mga magsasaka ang kawalan o kakulangan ng sistemang patubig. Oo, problema ng mga magsasaka ang kawalan ng gamit sa pag-ani ng produkto, pagbungkal sa lupa, patuyuan ng palay, at iba pa. Pero sa bawat araw na paggising ng karamihan sa ating mga magsasaka, ang kauna-unahang bagay na pinoproblema nila, na ugat din ng mga problema sa itaas, ay ang kawalan nila ng lupa. Kung tinanong lang sana niya ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita, malalaman sana niya ito.
Ang sahod ng mga manggagawa? Madami siyang nabanggit na mga plano para mas maakit ang mga mamumuhunan (na dati na ring pinagkakaabalahan ni Gloria). Nagngingit-ngit pa siya dahil sa mga “rebeldeng nangongotong” kaya hindi makaarangkada ang mga dayuhang mamumuhunan. Pero paano naman ang ordinaryong mga manggagawa?
Sa tinukoy na niya noong paglebel sa larangan ng kompetisyon sa pagnenegosyo, nabanggit niya ang pagpapadali sa proseso ng pagrerehistro. Magandang bagay sana para mapasigla ang negosyo ng maliliit at panggitnang negosyante. Pero hindi ito sapat para makasabay ang maliliit sa mga nagdadambuhalang dayuhang negosyante at lokal na komprador. Sa kabila rin nito, papatayin naman nila ang maliliit na negosyante at mahihirap na mamamayan, tulad ng mga traysikel drayber at maliliit na tindahan, dahil sa planong paghingi ng resibo sa mga ito sa lahat ng transaksyon sa trabaho. Hindi ko maisip sa pagsakay ko sa padyak, pagbayad ko ay bibigyan ako ng resibo.
Kaugnay ng mga pampulitikang pamamaslang, nakulangan ako sa simpleng pagbanggit ni Noynoy na natukoy na ang mga salarin sa pagpaslang kina Francisco Baldomero at iba pang napaslang sa ilalim ng kanyang rehimen. Sino ang mga ito? At paano ang libu-libong pang biktima noong nakaraang rehimen? Ano na ang ginawa nila para mahanap sina Jonas Burgos, Karen Empeño, She Cadapan, James Balao, at daan-daang iba pa? Paano na ang Morong 43?
Kaugnay ng kapayapaan at kaayusan, napakababaw din ng pagtalakay at mga hakbangin ng rehimeng Aquino. Mas pinagtutuunan lang nila ng pansin ang problema sa Mindanao. Una, dahil nandito ang kalakhan ng interes ng US sa ngayon. Karamihan ng pamumuhunan ng US ay nasa rehiyong ito, laluna sa Basilan. Pangalawa, mas madali nilang napapapayag ang MILF sa mga patibong nitong “kapayapaan.” Pero kaugnay ng iba pang grupo, partikular sa CPP-NPA, hindi na itinago ni Noynoy ang galit niya. Hindi ko lang alam kung dahil ba sa personal na galit niya ito, o dahil pagsunod lang sa dikta ng US na paigtingin ng Gubyerno ng Pilipinas ang kontra-insurhensya.
Hindi na ako magtataka sa mababaw na pagtingin ni Noynoy kaugnay ng CPP-NPA dahil sa napakababaw din naman niyang pagkakaunawa sa problemang agraryo sa bansa. Para sa kanya, ang nakikita lang niya ay ang ilang taong may hawak na armas at “nangongotong.” Ang hindi niya nakikita, ang mga magsasakang nag-aarmas para bawiin ang kanilang lupa. Hindi solusyon ang simpleng tigil-putukan para sa isang problemang nagsimula pa noong panahon ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas at nagpatuloy hanggang sa pagpasok ng US at Japan at muling pagbabalik ng US dito sa bansa. Ang gustong mangyari ni Noynoy ay pasipikasyon o pananahimik na lang ng mga “rebeldeng nangongotong.” Maaari niyang mapatahimik ang mga baril, pero hindi niya mapapatahimik ang kalam ng sikmura.
Ito na ba ang pagbabagong sinasabi niya noong eleksyon? Kung susuriin lang nang mabuti, wala namang pinag-iba ang mga ito sa mga sinasabi ni Gloria noon. Ito ang resulta ng hangal na ilusyong dadalhin niya tayo sa “tuwid na daan.” Maganda lang pakinggan ang kanyang retorika. Pero tama na ang pangangarap nang gising, dapat nang harapin ang malabangungot na realidad ng lipunang Pilipino.


Mga Tugon

  1. galeng kulit! ^^

    kung ako tatanungin, isa lang ang gusto kong mangyari na gawin sana ng ating pangulo…

    TANGGALIN ANG PORK BARREL!

    • problema lang, wala pang pangulo ang naglakas loob na tanggalin ito. hindi lang nila ito nagagamit para hawakan sa bulsa ang mga mambabatas, maaari rin itong maging nitsa ng pagbagsak nila sa pulitika. sa madaling sabi, hindi talaga gustong sugpuin ang kurapsyon sa gubyerno.
      salamat pala sa komento.

  2. ang galing ni P-Noy

  3. kung ako tatanungin lahat ng wang wang ikulong na pra madala

  4. kung tutuusin, tama nga nmn n npuna mo n nwla ung dpat n pgtnggal s pork barrel.pero look on it on the other side.kung ttanggalin ni pnoy ang pork barrel ng gnoong kabilis xempre nmn mghihimgck ang mga korap n opisyales at ilalantad ang mga kung ano anong kontrobersya sa knya pra mbutsan xa at maalis s kniang pwesto.at kung hindi nmn nia ttnggalin iyon…ttgal pa xa s kniang pwesto at bka skaling mkhnap ng praan s pgbwas o pgtnggal s pork barrel.gnian lan nmn yan ee..plakasan..pro would you rather have a short term or long term ?un lang un.

    • ang sa akin lang, bakit isasakripisyo mo ang kapakanan ng bayan para lang tumagal sa pwesto. hindi naman kaila na isang malaking sanhi ng kurapsyon sa kongreso ang pork barrel. kaya kung totoo si noynoy sa kanyang krusada laban sa kurapsyon, bakit hindi niya pinapansin man lang ang pork barrel? maganda nga sana kung mulat na iniiwasan lang nina Noynoy ang isyu para makahanap ng mas epektibong solusyon. pero ang mas malinaw na nakikita ko, talagang iniwasan na nila ang usapin para hindi makaapekto sa Speakership sa Kamara. isang tama sa sinabi, political suicide ito kung tatanggalin kaagad. pero ang tanong lang naman ay kung tama ba o mali. sekundaryo na lamang ang iba pang sangang tanong

      • sekundaryo na lamang ang iba pang sangang tanong– ano ?di ko ngets.senxa n.e2 so point mo you want it now n tanggalin.? actually di nmn nia iniiwasan un.kung iniiwasan nia un edi sana di nia nbnggit ang pgbwas s pork barrel o pgtanggal s pork barrel.e2 nmn tnong ko.anong gus2 mo, isakripisyo mo n ngyon ang srili mo pra s bayan o humanap k muna ng butas na mas mainam para msalba ang bayan? ano b ginwa ni jose rizal ?dba he waited for the right time nmn before gumwa xa ng move.di lahat ng bgay kailangan ngyon n kgad solusyunan.kelangan munang pgaralan ang mga bgay bgay bgo kumilos.kung puro sugod lan at di ngiicp.kelan k mananalo ?mnuod k muna ng kung fu panda and you’ll know.

      • ang ibig sabihin, ang unang dapat tanungin at sagutin, tama ba o mali ang pork barrel.

        ngayon sa point mo na hindi naman iniiwasan, merong ka na ba uling narinig sa kampo nina Noynoy tungkol dito? sabi ko nga, maganda nga sana kung ganun ang plano, humanap muna ng butas saka solusyunan. pero anong patunay mo na ganito nga ang balak?

        hindi mo ma gets ang paghalimbawa mo kay rizal. oo, nagsulat siya ng dalawang nobela na sumindi sa mitsa ng rebolusyon. pero noong nililitis na siya, itinakwil niya ang anumang kaugnayan dito, sa madaling sabi, itinakwil niya ang katipunan at ang paghahangad ng mamamayan na makalaya.

        maganda nga ang kung fu panda, natuwa rin ako dun. pero hindi ko makita ang kalagayan ng Pilipinas sa pelikulang iyon.

        iyan ang mali sa marami. nakatingin lang tayo sa iisang tao para isalba ang buong bayan. naghihintay tayo ng iisang tagapagligtas. bakit hindi pwedeng marami ang tagapagligtas? bakit hindi sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos?

  5. nbfsd

  6. oo nga

  7. hndi pala

  8. ang babaw


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: