Ipinaskil ni: diwa81 | Hulyo 4, 2010

“Independence” Day


Maligayang “Araw ng Kalayaan”!
Naniniwala akong hindi pa tayo tunay na malaya mula sa US. Marami ang hindi sasang-ayon. Pero ang ipinagtataka ko ay kung bakit hindi isulong ng mga naniniwalang malaya tayo na ipagdiwang ang araw ng “kalayaang” ito sa totoong petsa nito, Hulyo 4, at hindi Hunyo 12.
PAGPASOK NG US
Ang Hunyo 12 na ipinagdiriwang ay pumapatungkol sa araw kung kailan ipinahayag ni Aguinaldo ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa Espanya. Hindi pa talaga ganap na tapos ang gera noon, may ilang bahagi pa na nagpapatuloy ang labanan, pero bahagi ito ng habkbangin sa pulitika para mas mapabilis ang pagkilala ng ibang bansa sa soberanya ng gubyernong itinayo nina Aguinaldo at mayayamang negosyante. Kaya sa esensya, bahagi na ito ng paglaya.
Pero ang lahat ng ito ay nawalan ng saysay sa pagpasok ng US sa Pilipinas, simula nang binili tayo ng US mula sa Espanya sa halagang $20 milyon, sa pamamagitan ng Tratado ng Paris. Nagkaroon pa ng kontrobersya ang tratadong ito sa Kongreso ng US. Maraming pasipistang mambabatas ang ayaw sa tratado dahil labag umano ito sa prinsipyo ng mga Amerikano ng demokrasya. Sa esensya kasi, sinasakop nila ang Pilipinas. Sa kakatwang pagkakataon, noong mismong araw ng huling botohan para pagtibayin ang tratado kung saan kulang na lang ng ilang boto ang pabor, “pinaputukan” umano ng mga sundalong Pilipino ang mga sundalong Amerikano sa kabila ng tulay ng Pinaglabanan sa Sta. Mesa. At para tuldukan ang Digmaang Pilipino-Amerikano, may 450,000 katao ang pinatay ng mga sundalong Amerikano. Ipinagbawal ang pagpapahayag ng makabayang damdamin, maging ang paglalayag ng bandila ng Pilipinas. Ang mga lumaban ay sinalubong sa huli ng marahas na pagtatapos ng kanilang buhay. Ang iba, mas pinili na lang na magpaalipin sa bagong mga mananakop at naging kasangkapan din ng panunupil ng imperyalismong US laban sa sarili nitong mga kadugo. Halimbawa na dito ang mga Makabebe na pinagsimulan ng AFP ngayon.
IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG
Umalis ang mga Amerikano dito noong pagsisimula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig hindi dahil nagapi sila ng mga mapagpalayang Pilipino o nang panibagong mananakop na nagbabalak maglatag ng kapangyarihan sa Pilipinas at sa buong Asya, kundi dahil may mas mahalaga silang digmaang kailangang harapin sa Europa. Sa proseso, ginamit na pananggalang ang mga sundalong Pilipino at mga gerilya laban sa Hapon para sa pag-atras ng mga pwersang Amerikano at mga alipores nilang Pilipino. Ang tanging naibigay nila ay ang pangakong magbabalik sila. Nagwakas ang pangyayaring ito sa Death March mula Bataan hanggang Capas, Tarlac, kung saan naghihintay para sa mga nakaligtas sa mala-impyernong paglalakbay ang mas matinding paghihirap sa mga konsentrasyong kampo ng Japan.
Magiting na lumaban ang mga pwersang gerilya na nagpasyang labanan ang bagong mananakop na Japan sa kabila ng matinding kahirapan dulot ng gera at kalupitan ng mga Hapones. Isa sa pinakamalaki sa mga grupong ito ay ang HUKBALAHAP o Hukbong Bayan Laban sa Hapon. Sa kabila ng disbentahe sa bilang at mga kagamitan, nanaig ang mga Pilipino hanggang sa masukol sa Maynila ang pangunahing pwersang Hapones.
Sa kasamaang-palad, nawalan ulit ng saysay ang pagpupunyaging ito sa muling panghihimasok ng US. Bagamat napakalinaw ng mga indikasyon ng kanilang pagbabalik, hindi napaghandaan ng mga mapagpalayang Pilipino ang mga Amerikano at nagtuon lamang sa mga mananakop na Hapones. Sa katunayan, tiningnan pa nga ng iba ang US bilang kapangyarihan na magpapalaya sa Pilipinas kahit abot-kamay na nila noon ang tagumpay laban sa Japan.
ANG KONTEKSTO NG “KALAYAAN”
Bago pa man ang WWII, unti-unti nang pumipihit ang US mula sa direktang pananakop tungo sa neo-kolonyalismo. Batay sa itinatakbo ng kasaysayan noon, hindi na uubra ang lumang estilo ng pananakop. Nagbubunga ito ng matinding kontradiksyon sa pagitan ng mga naghahari at pinaghaharian na dumudulo sa marahas na labanan. At kahit gaano man kahaba ang itagal ng labanan, laging pumapabor sa mga pinaghaharian ang mga salik. Kaya hindi magiging maganda para sa interes ng US ang mag-aklas ang kanilang mga kolonya, kabilang na ang Pilipinas. Marami sa mga ito ang dating kolonya ng Espanya na daan-daan taon nang naghahangad ng kalayaan.
Hindi lang dahil magwawakas ito sa paglaya ng mga kolonya, kundi sa proseso ng labanan, hindi gaanong mapapakinabangan ng US ang mga kolonyang ito para imperyalistang layunin nila: mapagkukunan ng hilaw na materyales at murang lakas-paggawa at tambakan ng sobrang kalakal.
Mas titingkad pa ang tunguhing ito sa pagtatapos ng WWII. Hindi lamang basta-basta lumaya ang mga bansa mula sa kolonyalismo, nasa pamumuno pa ito ng mga Partido Komunista na may malinaw na anti-imperyalistang katangian. Lumaya ang Tsina sa pamumuno nina Mao Zedong mula sa ilang siglong paghahati-hati dito ng mga kolonyalista. Sumunod dito ang Korea; napigil lamang ito dahil sa panghihimasok ng US kung kaya nahati sa dalawa ang bansa. Ang Europa ay nahati sa silangan at kanluran, kung saan namayani ang mga sosyalistang rehimen sa nauna.
Dito ginamit ng US at iba pang imepryalista ang histeryang kontra-komunismo. Naging internasyunal na patakaran nila ang paglaban sa sosyalistang bloke na bumubuo na noon sa sangkatlo ng daigdig. Noon pa mang matapos ang WWI, pinapalibutan na nila ang Unyong Sobyet. Mas tumindi pa ito nang sumaklaw na umano ang pulang kapangyarihang ito sa Silangang Europa. Nanghimasok ang US sa Korea at Byetnam para pigilan ang “domino effect” o pagdaluyong ng mga komunista palabas ng Tsina tungo sa iba pang bahagi ng Asya. Binuo ang iba’t ibang grupong militar para magamit ang iba pang bansa sa mundo laban sa sosyalistang bloke.
Sa larangan ng ekonomya, ginamit ng US ang mga bansa sa palibot ng bloke para magsilbing modelo ng kapitalismo laban sa sosyalismo. Sa Asya, binigyan nila ng ayuda at puwang ang Sout Korea, Japan, Taiwan at Thailand para gamiting propaganda laban sa North Korea, Tsina at Byetnam.
Dito pumapasok ang estratehikong papel ng Pilipinas sa internasyunal na patakaran ng US sa Silangang Asya bilang pasukan, lunsaran at pangalawang linya ng depensa.
ANG HUWAD NA KALAYAAN
Para magawa ito, kailangang maging ganap ang kontrol ng US sa Pilipinas. Mula’t sapul, inihanda na ng US ang isipan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng sistema ng edukasyon nila. Nag-alaga sila ng mga lokal na sirkulo ng papet para maging daluyan ng kanilang mga patakaran. Ilan sa mga ito ang mga pamilyang Quezon at Osmeña na pangunahing naglalabanan para sa pusisyon ng punong-papet ng mga imperyalista.
Dahil sa internasyunal na patakaran at para kontrahin ang mga pag-aaklas ng Pilipino, binalangkas ang gubyernong Komonwelt bilang transisyon umano sa mapayapang paggagawad ng kalayaan sa mga Pilipino imbes na idaan ito sa isang marahas na komprontasyon.
Bitbit ang Hare-Hawes-Cutting Law, nakapostura na noon si Osmeña para maging pangulo ng bubuuing gubyernong transisyon. Hindi papatalo sa kanyang karibal, sumugod si Quezon sa US para limusin ang Tydings-McDuffie Law. At nabuo ang Gubyernong Komonwelt ni Quezon noong 1935 na magtatapos sana noong 1945. Naputol lamang ito dahil sa pagpasok ng Japan noong 1941.
1945, pagkatapos ng digmaan, iginawad ng US ang “kalayaan” ng Pilipinas. Pero bago ito, inilatag muna ng US ang mga kundisyon para pumabor sa kanila ang kalagayan. O mas tamang sabihin, pinatag muna nila ang Maynila at ang buong ekonomya ng Pilipinas. Itinali nila ang kamay ng bagong republika sa bayad-pinsalang ipinangako nila kasama ang samu’t saring dikta sa mga batas at patakarang panlabas ng gubyerno. Nariyan ang Parity Rights, Mutual Bases Agreement, Mutual Defence Treaty, Bell Trade Act, at iba pa. Mas titindi pa ang kontrol na ito sa pagsusulong ng US sa neo-liberal na patakaran nito noong dekada 1970. Naging mas marahas ang pag-atake ng imperyalismo laban sa mga manggagawa sa buong mundo at sa mga neo-kolonya nito.
Sa esensya, bagamat hindi na tuwirang sakop, mahigpit pa rin ang hawak ng mga imperyalistang Amerikano sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga lokal alipores ng mga ito sa gubyerno, ng patakarang pang-ekonomya at militar, at bulok na kultura at edukasyong ipinalaganap sa bansa. Sa madaling sabi, hawak nila ang isipan ng mga mamamayan at ang bulsa ng mga trapo.

Kabalintunaan ang ipagdiwang ang Hunyo 12 bilang araw ng kalayaan. Marahas na itong dinurog ng US noon pang pagpasok ng ika-20 siglo. Ang “kalayaang” tinatamasa natin ngayon, ang malayang pagtanggap ng kakarampot na sahod, malayang pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa, malayang pagbabayad ng mataas na presyo sa pangunahing mga bilihin, malayang paglahok sa mga digmaang inilulunsad ng US sa ibang bansa, at malayang pagkahumaling sa kulturang Amerikano, ay iginawad ng US noong Hulyo 4, 1946. Oo, itinaon ito sa araw ng kalayaan ng US para palabasing pati mga nasasakupan nila ay nakikipagdiwang sa kanila. Pero ito pa rin ang araw na iginawad sa atin ng US ang ating “kalayaan.” Kaya hindi ba dapat ngayon natin ipinagdidiwang ito?

About these ads

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: