Ipinaskil ni: diwa81 | Nobyembre 18, 2009

Dukot: Isang Rebyu


17 Nobyembre 09

Para sa hindi nakakaalam, gaya ng kakilala ko, hindi ho bastos ang pelikula. Hindi ko naman masisisi kung isipin ito, dahil halos puro gastos ang tema ngayon ng mga pelikula, lalo sa mga sinasabing art film.
Tungkol ang pelikula sa isang napapanahong usaping panlipunan ngayon, ang pagdukot sa maraming aktibista na mas kilala noong panahon ng Batas Militar bilang desaparasidos.
Sa panlasa ko, ang maibibigay kong grado para dito, mula 1 – 10, ay 8.0 Pero malaking bahagi nito ay dahil sa tema ng pelikula.
Sa aspetong estetika ng pelikula, 5.0 lang ang maibibigay ko.
Una sa lahat, kalahati ng mga artista ang hindi magaling ang pag-arte. Hindi natural ang paggampan ng halos lahat ng sekundaryong karakter. Kahit sa lalaking bida (Allen Dizon) hindi ganoon kataas ang kalidad. Totoo na hindi talaga aktor ang mga supporting roles, pero dito pumapasok ang papel ng direktor. Sabi nga sa akin ng prop ko noon sa Humanidades, gagaling ang pag-arte ng artista hindi dahil magaling siya, kundi dahil magaling ang direktor. Pero kung hindi inayos ng direktor, hindi gagaling ang artista. Ito ang pinagtataka ko. Isa naman si Joel Lamangan sa magagaling na direktor ngayon. Pero hindi niya nakontrol ang pag-arte ng ilan sa karakter niya.
Halimbawa na lang ang dalawang aktibista na unang nilapitan ng Aling Sonia (Gina Alajar), ang nanay ni Maricel (Iza Calzado). Biruan nga namin ng kaibigan ko, parang play lang sa eskwula. Dagdag ko pa, parang play ng high school. Iyong mga katutubong nagsasalaysay ng buhay ni Junix (Allen Dizon) sa kanilang lugar, may ilang bahagi na parang binabasa ang linya. Panghuli, ang mga sundalong tumotortyur sa dalawang biktima ng pagdukot. Sa eksenang nilulublob si Junix sa dram ng tubig, mapapansin na parang takot siyang hawakan o masaktan ng sundalong humahawak sa kanya. Walang kadiin-diin ang paghawak sa balikat. Pati ang paglublob ng ulo, parang kusang inilulublob ni Junix ang ulo niya at hindi dahil pinepwersa siya.
Nanghihinayang lang ako dahil Joel Lamangan pa naman ang direktor. Ang inaasahan ko sana, magkakaroon ng pagkakahawig sa pagkakagawa nito at ng Orapronobis ni Lino Brocka kung saan kasama rin si Joel Lamangan. At napakahusay ng paggampan niya dito. O kahit sa Dekada ’70 man lang sana.
Pero hindi naman matatawaran ang paggampan ng iba pang karakter, na mga batikang artista na. Tulad nga ni Gina Alajar. Dito hindi ko rin maiwasang makita ang karakter niya sa Dukot doon sa karakter niya sa Orapronobis. Ang kaibahan nga lang ngayon, siya na ang ina ng nadukot, dati siya mismo ang dinukot. At ang iba pang may suportang karakter, tulad nina Robert Arevalo at Snooky Serna, at iba pa.
Sunod, ang skrip. Hindi sa kawalang respeto sa nagsulat na si Boni Ilagan na isa sa mga respetadong pangalan sa literatura. Pero may ilang bahagi ng skrip ang hindi normal na maririnig sa pag-uusap, kahit sa mundo ng mga aktibista. Nakadagdag tuloy ito sa pakiramdam na parang play ng high school ang pinapanood. Hindi na nga natural ang pag-arte ng ilang karakter, hindi pa natural ang linya nila. Pero aaminin ko, ilang bahagi lang naman ito. Sa kabuuan, maganda ang pagkakasulat. Kung matatandaan ko nga, may dalawang beses akong napatawa dahil sa husay ng dialogo sa ilang eksena. Halimbawa ang unang paghaharap ni Aling Sonia at dalawang aktibista na kakilala ng anak niya kung saan hindi niya maintindihan ang mga termino ng dalawang kausap.
Sa bahagi ng nilalaman, ito ang pinakamalaking kredito ng pelikula. Gaya ng nasabi ko na, napapanahon ang isyu. At sa kasalukuyang temang mas pinipili ngayong gawin ay kadalasang umiinog lang sa pag-ibig. Sa napapansin ko, sa mga mas pangmatanda ang tema, umiinog naman ito, noon, sa buhay ng mga prosti, ngayon, sa buhay ng mga bakla. Ang hinala ko, marami sa mga indie film ang ganito para madaling ipasok ang mga sexy scenes. Ito napakalaking pagkakaiba ng pelikulang ito. Hindi lamang siya lumayo sa palasak na mga tema, kundi pumili pa siya ng temang pulitikal. At hindi lang basta-basta isyung pampulitika, kundi isa pang kontrobesryal at sensitibong usapin.
Tunay ngang napakakontrobersyal pa ng usapin ngayon. Halos 1,000 na ang biktima ng extra-judicial killings mula 2001, o simula ng termino ni Gloria na kasalukuyan pang nakaupo. Ito ang nakakadagdag sa pagkakontrobersyal ng pelikula at nagpapakita sa katapangan ng direktor na si Joel Lamangan para gawin ito habang nasa kapanyarihan pa si Gloria. Hindi naman kaila na si Gloria at ang administrasyon niya ang itinuturo bilang pangunahing may pakana sa mga pamamaslang at pagdukot na nangyayari sa mga aktibista. Hindi pa napapatunayan ang kaugnayan mismo ni Gloria, pero hindi dahil walang ebidensya, sa kabaliktaran nag-uumapaw na nga, kundi dahil pilit iniiwasan ang pananagutan sa pagtatago sa trono ng pagkapangulo.
Ang naging kompromiso lang dito ni Lamangan, binago ang ilang eksena na direktang nagpapakita sa larawan ni Gloria habang nagsasalita ang tagapagsalita ng AFP. Sa esensya, mas ang AFP lang ang pinatamaan, at hindi na direkta si Gloria. Kung tutuusin, maganda na rin. Dahil noong una, gusto ng sensura ng gubyerno na ipatanggal na ang buong eksena mismo.
Sa tingin ko, nabigyan naman ni Lamangan ng hustisya ang tema ng pelikula. Ako nga, dahil may personal na kakilalang isa sa mga nawawala pa hanggang ngayon, medyo napapaluha rin sa ilang eksena, tulad ng talumpati ng tatay ni Junix, o kapag nakikita ko ang litrato ng kaibigan ko. Isang bahagi siguro nito, dahil nga sensitibo ang isyu. Lalo na sa mga pamilya mismo ng mga biktima. Pero isang bahagi rin naman dito ang pagdala ni Lamangan sa kwento.
Kalunus-lunos ang kalagayan ng karapatang-tao dito sa Pilipinas ngayon. Halos 1,000 na ang biktima ng extra-judicial killings at daan-daan pa ang nawawala. Dagdag na insulto sa pinsala ay ang patuloy na pagwawalang bahala ng gubyerno at walang hiyang pagtatakip ng AFP sa usapin. Nananatiling itinatanggi ng AFP ang mga pamamaslang at pagdukot, sa halip, pilit nilang ibinibintang ang mga krimen sa NPA. Isang bagay na walang gustong maniwala, sa loob at labas ng bansa. Ang AFP, imbes na humanap ng ebidensya sa paratang nila, pinagbibintangan lang na komunista rin ang mga taong ayaw maniwala sa salita nila.
Pero ang mas kalunus-lunos sigurong bagay, ay dahil parang walang pakialam ang ibang tao sa usapin. Dito makikita ang kabuluhan ng Dukot. Sa tingin ko, hindi ito nakatuon para sa AFP o sa gubyerno para mapilitang kumilos. Malinaw naman na sa lahat ang tindig ng gubyernong ito. Sa tingin ko mas nakatuon ito sa sambayanang Pilipino, sa karaniwang mamamayan, hindi lang sa mga aktibista at pamilya nila. Dahil ang isyu dito ay hindi ang pagdukot sa mga aktibista kundi ang pag-atake sa karapatang-tao mismo. Sa pagkakait ng karapatan ng mga biktima, napagkakaitan na rin ng karapatan ang lahat. Dahil malinaw ang mensahe: sinumang tututol sa gubyerno, kahit na ano pa ang gawin nitong katiwalian at krimen sa bayan, ay makakatanggap ng pinakamalupit na pagpapahirap. Sa realisasyon nga ng karakter ni Aling Sonia, hindi niya iniisip ang mga bagay na iyon noon, saka lamang bumuhos sa kanya ang lahat nang maging biktima na ang anak niya mismo. Tayo, hihintayin pa ba muna natin na ang anak natin ang mawala bago natin madama ang bigat ng usapin at saka na lamang kikilos?

***********

Basahin din ang paghimay ni Teo Marasigan sa Dukot.

About these ads

Responses

  1. [...] Sarah Raymundo ng pelikulang Capitalism: A Love Story ni Michael Moore. Heto naman ang rebyu ni Diwa Dimagiba sa [...]


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: